Chapter 16 - Chapter 14

Hinawakan niya ang kaibigan sa siko at hinila patungong outdoor museum. Nauubos na talaga ang pasensiya niya dito. "Listen, Jimarah. Alam mo ba kung gaano kalaking gulo ang idinala mo sa akin dahil lang di mo matanggap na may ibang gusto 'yung crush mo? Di ka lang basta nanakit ng tao. Idinamay mo pa ako."

"Friends are supposed to help each other. And I am very grateful for that. Hindi mo ako iniwan sa oras na kailangan mo ako."

"Wrong. Nadamay lang ako. At ang totoong kaibigan, dapat hindi gagawa ng ikapapahamak ng iba. Ni hindi ka nagsisisi na idinamay mo ako sa gulo na ito."

"Fine. Babawi ako sa iyo pagbalik natin sa Baguio. Do you want a Gucci bag? I will ask mom to buy you one."

"What I want is for you to stop buying people around you. Hindi lahat umiikot sa pera. Gusto kong makabawi at maipasa ang project natin. Gusto kong may matutunan dito. And I suggest you do the same. Kung hindi mo kayang magseryoso sa project na ito, stop dragging me into your troubles."

"I thought we are friends through thick and thin. I just want to make your life easier."

"Hindi ko gusto ng madaling buhay. Gusto kong gawin ang tama. I am asking you not to mess with my second chance. Kung talagang kaibigan mo ako, pwede bang huwag kang gumawa ng gulo para sa akin? Please."

Mataman siyang tinitigan ng kaibigan. Nakita ang pagrerebelde sa mga mata nito. Pero sa huli ay marahang tumango. "Fine. Susubukan kong gawin ang project na ito para sa iyo. Hindi ako magrereklamo sa mga pagkain na ise-serve nila sa akin. I won't even try to bribe them to do my project for me. I will try to be a good girl."

"Good," aniya at ngumiti.

"E-Except one."

Napanganga siya. "What?" Kailangan bang may exemption?

"I... I can't be one hundred percent nice with that Rjan. That guy gets into my nerves. I am not a saint."

"You can try."

"I will try," sabi naman nito.

Niyakap niya ang kaibigan. "It is for the best. I am sure something good will come out of it."

"Tapos na ba kayo?" tanong ni Jeyrick nang lapitan sila.

"Uhmmm.. thirty minutes more?" sagot naman ni Paloma. Sapat na siguro iyon para makuha nila ang kailangan sa museum at makapaglista ng notes si Jimarah.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Jeyrick. "Baka kailangan na nating umalis. Baka mawalan tayo ng masasakyan sa jeep."

"We'll hire our own private jeepney or car," walang gatol na sabi ni Jimarah.

Tumikhim si Rjan. "Kulang pa 'yung two thousand na padala ng magulang mo para pangrent ng jeep papuntang Kadaclan. Two thousand lang ang ibinigay nila para gastusin mo sa loob ng isang linggo."

Halos lumuwa ang mga mata ni Jimarah. "What? Two thousand? Barya lang iyon."

"At ang barya na iyon ang pagkakasyahin mo sa loob ng isang linggo."

"No!" usal ng kaibigan at napasandal sa dingding. "J-Just two thousand. Pinaparusahan din ako ng parents ko. T-They don't love me anymore."

"Di ka nila pinaparusahan. Siguro naman makaka-survive ka kung magiging matipid ka," sabi ni Paloma sa kaibigan. "Baka nga sobra-sobra pa iyon."

"Sa amin sa probinsiya, di ka magugutom dahil maraming tanim sa paligid," sabi ni Jeyrick. "Simple lang kasi ang buhay sa amin. Mabubuhay ka basta masipag ka. Nagtutulungan din ang mga tao."

"What if I want meat?" nakangising tanong ni Jimarah.

"Mang-hunting ka sa gubat," sabi ni Rjan dito "May sibat at pana ako katulad ng mga iyon. Tuturuan kita."

Inilabas ni Jimarah ang notebook at ballpen. "Never mind. I have granola bars. Bakit matatangos ang ilong ng mga Igorot at may matangkad? Nalahian ba kayo ng mga Spanish o ng mga Amerikano?"

"Di kami nasakop ng mga Kastila. Mababangis na mandirigma ang mga taga-Cordillera," anang si RJan at iginiya ang kaibigan sa bahagi ng museum kung saan ipinapaliwanag ang lahing pinagmulan ng mga Igorot at ang kasaysayan ang mga ito. "Ang mga Igorot ay galing sa Austronesian ethnic group. Wala pang mga dayuhang mananakop, ganyan na ang itsura ng mga ninuno namin. Hindi lang naman ang mga Amerikano at mga European ang matatangos ang ilong."

"Mukhang nagkakasundo na silang dalawa," puna ni Jeyrick na nakasunod sa kanya habang tinitingnan niya ang iba't ibang hinabing damit.

"Sana nga magkasundo na sila. Walang matatapos si Jimarah kung palagi lang silang mag-aaway."

"Pero kaya mo ba talagang mabuhay nang two thousand lang ang baon mo?"

Umangat ang gilid ng labi niya. "Susubukan ko."

"Sana nga kayanin mo," makahulugang sabi ni Jeyrick.

NAKANGANGA si Paloma habang nakatingala sa bubong ng jeep na sasakyan nila papuntang Kadaclan. "Seryoso ka? Sa bubong kami sasakay?" tanong niya kay Jeyrick.

"Doon na lang ang maluwag. Natagalan kasi tayo sa museum," anang binata.

Pagdating nila ay siksikan na ang loob ng jeepney. Isa lang pala ang bumibiyahe patungo ng Kadaclan sa bawat araw at wala na silang ibang masasakyan. Hindi pa naranasan ni Paloma na sumakay sa tuktok ng jeep. Mainit sa taas. Wala silang kahit anong kakapitan. Wala silang kahit anong proteksyon. Kakayanin ba niya sa taas?

"Can't I pay for a seat inside the jeepney? I am sure meron sa kanila na sanay nang sa tuktok ng jeep sumakay. I can pay for their fare," maarteng sabi ni Jimarah.

"Arah, we can't. Puro matatanda at mga bata na kasama ang magulang nila sa loob. Hindi natin sila pwedeng paakyatin sa bubong."

"Hindi ako sasakay sa bubong na iyan. What are we going to do?" nakapamaywang na tanong ng kaibigan.

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko rin alam."

"Nasaan ang sense of adventure ninyong dalawa?" tanong ni Professor Fe. "This is your immersion, right? Ibig sabihin kailangan ninyong maranasan kung ano ang dinadanas ng mga normal na tao sa pang-araw-araw nilang buhay. Either that or you walk from here like our ancestors do. Your choice."

"Sabi ko nga po sasakay na ako," nakangiting sabi ni Jimarah at itinulak ang balikat niya. "Pero mauna ka nang umakyat, Paloma. You can do it, friend."

Wala siyang magagawa kundi I-conquer ang takot niya para sa kaibigan. Di kasi ito susunod hangga't di siya nauuna. "Kaya mo ba?" tanong ni Jeyrick na nagsisimula nang umakyat ng hagdang bakal.

"Kakayanin ko. Ayokong maglakad dito at abutin ng gabi," sabi niya at sinundan ang bawat hakbang ng binata.

Walang kahirap-hirap dito na makarating sa bubong. Di man lang ito natakot na madulas o malaglag."Ilang araw siguro ang aabutin kung maglalakad ka mula dito papuntang Kadaclan. Naranasan ko iyon nang magka-landslide dito. Wala kasing sasakyang nakakabiyahe," kwento nito at inilahad ang kamay sa kanya.

Natigilan ang dalaga sa pagsampa. "Landslide? Meron ba ngayon?"

"Wala pa naman," anang binata at inabot ang kamay sa kanya. He was not smiling. Pero mahigpit ang kahit nito sa kamay niya.

Pagsampa sa ibabaw ng jeep ay di niya binitawan ang kamay ni Jeyrick. "Salamat. H-Huwag mo na lang akong bibitawan kasi baka malaglag ako."

"Hindi iyan. Akala mo lang nakakatakot dito pero mas masarap dito sa taas. Mas gusto nga dito ng mga turista. Mas maganda daw kasi ang view.

Hindi alam ni Paloma kung paanong maganda ang view sa taas o kung may tatagal ang biyahe doon. Kailangan nilang sumalampak sa mainit na bubong. Walang sandalan at di sila gaanong makakagalaw. May mga kahon at bag pa ng mga pasahero.

"Magpapaiwan na lang daw si Jimarah dito. Maglalakad na lang daw siya kasi mas safe sa bacteria," kantiyaw ni Rjan. Si Jimarah naman ay isang paa pa lang ang nakasampa habang ang isang kamay ay may hawak na sanitizing spray. Pinupusitsitan nito ang hawakan ng hagdan.