Chapter 13 - Chapter 11

"AYOKO nang gagawa ka pa ng gulo, Paloma. Patitigilin talaga kita sa pag-aaral. Ipinadala kita sa maganda at mamahaling eskuwelahan di para makipagbasag-ulo. Alam mo ba kung gaano kahirap para sa akin na humanap ng ibang investor sa bar, tumuloy agad ako sa trabaho tapos ngayon malalaman ko na isang linggo kang suspendido sa university at ipapadala sa tribo ngayon mismo? Ibang klase."

Mabigat ang loob ng dalaga habang nasa sala. Nasa paanan na niya ang backpack na dadalhin niya sa pagpunta sa Kadaclan. Katabi niya ang professor niya sa Humanities na siyang sasama sa kanila sa immersion.

"Tita, hindi ko naman po ako talaga nakikipag-away. Inawat ko lang po si Jimarah pero nadamay na po ako sa gulo. Wala po talaga akong kasalanan," depensa ng dalaga.

"Pero ganoon pa rin sa huli. Suspendido ka pa rin," angil ng tiyahin.

"Ma'am, huwag po kayong mag-alala. Hindi ito simpleng suspension dahil napagdesisyunan ng management ng university na maging extra curricular activity ito para sa mga bata. Magiging parte sila ng research team ko sa Kadaclan. Nagkataon naman na walang klase dahil sports week ng university. Lahat busy sa laro at pag-cheer sa kanya-kanyang college. At kung maganda po ang ipapasa nilang paper na aaprubahan ng governor at ang dean, mabibigyan pa sila ng mas mataas na grade. Pwede pa ngang mawala ang delinquent record nila. Hindi na po masama ang in-offer sa kanila dahil di lang sila matututo sa kultura ng Kadaclan kundi magiging," paliwanag ni Ma'am Fe na professor nila sa Humanities.

"Kadaclan. Ni hindi ko nga alam kung saang lupalop ng mundo ninyo dadalhin ang pamangkin ko. Wala kamong signal ng cellphone?" bulalas ng tiyahin niya.

"Meron naman po. Mahina ang signal pero pwede kayong tawagan sa mga piling lugar. Kung pipirmahan ninyo ang waiver, pwede na po kaming magbiyahe ni Paloma papunta sa Kadaclan." Inusod ni Professor Fe ang papel na di pa napipirmahan ng tiyahin. "Kung hindi po ninyo pipirmahan, aalis na po ako. May hinahabol din po kasi akong biyahe papuntang Kadaclan. Isa lang po kasi ang biyahe doon kada araw."

Her aunt snorted. "That is worse than a week of suspension. Sa isang lugar na malayo sa sibilisasyon."

"Kaysa naman po sampahan kami ng kaso, Tita. Please. Sana po payagan na ninyo ako na sumama sa Kadaclan." Nangilid ang luha ni Paloma. Sana naman ay hindi unahin ng tiyahin ang pagiging glamorosa nito kaysa sa pag-aaral niya. "Para po sa grades ko ito. Gusto ko po talagang makabawi. Hindi po lahat nabibigyan ng ganitong pagkakataon."

Para sa isang maimpluwensiyang tao gaya ng gobernador, baka sa presinto na sila natulog ni Jimarah. Mas gugustuhin niyang mag-research sa isang liblib na lugar bilang parusa at leksyon kaysa makulong.

Sa wakas ay dinampot ng tiyahin ang papel. Inabutan ito ng ballpen ng professor niya at pinirmahan din nito ang waiver. "Pwede ko bang makausap nang sarilinan ang pamangkin ko? May ibibilin lang ako sa kanya."

Nakakaunawang tumango ang professor. "Nasa labas lang po ako."

Inabutan siya ng tiyahin ng dalawang libong piso. "Here. Baka may kailanganin ka doon..."

"Hindi na daw po namin kailangang magdala ng pera. May pagkain na po doon."

"What? Talbos ng kamote at mga baging ang ipapakain sa inyo? No way. Baka hindi mo kayanin ang buhay mo doon. Bumili ka ng de lata or noodles kung kinakailangan. Just be nice to the locals. At huwag mong kalilimutang alalayan si Jimarah. She owes you big. Kasalanan niya kung bakit nadamay ka sa gulo na gawa niya. Baka makatulong iyon para matulungan din tayo ng magulang niya sa pag-finance sa bar..."

"Tita, hindi ko po gagamitin ang kasalanan sa akin ni Jimarah para sa pansarili kong interes."

Nakangising hinaplos ng tiyahin ang buhok niya. "Paloma, sa palagay mo ba bakit ako namili ng mga magiging kaibigan mo na mayayaman at may malakas na kapit? Dahil sila ang makakatulong sa atin na umangat. Kaya kung gusto mong magtagumpay sa mundong ito, kailangan mo ng tamang kaibigan. Naiintindihan mo ba?"

Napilitan siyang tumango. Hindi siya sang-ayon sa sinabi ng tiyahin. Kahit naman maangas, may kayabangan at iba pang negatibong ugali si Jimarah pero itinuring niya itong totoong kaibigan. Di siya sumasang-ayon sa ibang masamang ugali nito pero di yata niya maatim na gamitin ito. It didn't feel right.

"Mabuti pumayag din ang tiyahin mo na sumama ka. Akala ko talaga hindi ka papayagan," sabi ng professor niya habang nakasakay sila sa taxi na nirentahan nito.

"Pasensiya na po kayo, Ma'am. Di naman niya intensiyon na maka-offend. Ganoon lang po talaga magsalita ang tita ko," aniya at nakagat ang labi.

May katalasan ang dila ng tiyahin niya. Kaya naman di na bago sa kanya ang katarayan ni Jimarah dahil sanay na siya sa tiyahin niya. At para sa isang lugar na sensitibo ang pananaw sa kulturang kinalakihan, kailangan nilang maging mas blalo na't sila ang dayo. Na sila ang dapat na mag-adjust at hindi ang mga tao doon.

"I don't mind. Sanay na ako. Minsan kulang lang ng edukasyon ang ibang tao kaya mababa ang tingin nila o di maganda ang trato nila sa mga taong di pamilyar sa kanila. Akala nila porke't luma o nakatira sa malayo sa lungsod hindi na sibilisado o kaya dapat nang maliitin. At iyon ang dahilan kaya ako naging professor. Gusto kong ma-realize ng mga tao na pantay-pantay tayo. Na kung mauunawaan lang natin ang ibang tao, baka sakaling matututo tayo irespeto ang isa't isa."

"Aaminin ko po na laki ako sa Maynila. Iba nga po ang kultura doon. Pero susubukan ko po na makiayon sa lugar na pupuntahan natin."

Hindi lang dahil sa grades o para hindi siya magkaroon ng bad record. A part of her was yearning to learn more, to understand. Subalit kahit na kinakabahan siya sa madadatnan nila, excited din siya sa bagong adventure. Ngayon lang siya malalayo sa tiyahin niya at aalagaan ang sarili sa loob ng isang linggo. Ano kaya ang maari niyang matuklasan tungkol sa iba at sa sarili?