"Ariah, sundan mo si yaya papunta na siya sa kotse," si Mrs. Chavez habang inaayos ang nakababatang kapatid ni Ariah sa kaniyang baby basket. Kasalukuyan silang nasa Park at naghahanda na para umuwi. Isang yaya lamang ang kasama nila dahil linggo noon at naka-day off ang isa.
Mabilis namang tinulungan ng driver ang yaya nang makita itong maraming bitbit.
Nakipag-play date kasi sila kasama ang ilang kalaro ni Ariah at mga magulang ng mga ito. Nauna nang nagsipag-uwian ang mga ito kaya sila na lamang ang naiwan.
Tanaw lamang ni Mrs.Chavez ang kotse kaya kampante siyang utusan ang anak na sumunod na roon.
Habang naglalakad si Ariah ay isang babae ang lumapit dito, walang ano-ano ay binuhat nito ang bata saka tinakpan ang bibig nito ng panyo na mayroong pampatulog at mabilis na inilayo patago sa pagitan ng makakapal na halaman, hindi na naka galaw ang bata dahil malaki at malakas ang babae. Wala rin kahit anong bakas na naiwan at tila nawala na lamang na parang bula ang bata.
Dinala si Ariah sa isang kotse habang unti-unting nawalan ito ng malay.
Nagulat si Mrs.Chavez nang tanungin siya ni yaya Medy kung nasaan si Ariah.
"Pinasunod ko sa'yo dahil mukhang uulan na," nag-aalala nitong tugon na luminga linga sa paligid ngunit hindi nakita ang bata.
"Ariah!" tawag nito na halos maiiyak na.
Wala naman nang ibang tao maliban sa pailan-ilang nagdaraan at ilang sandali lamang ang lumipas mula nang utusan niyang pumunta na sa kotse. Napakalapit din lang ng kinaroroonanng kotse.
Nagsimula silang maghanap at magtanong. Maging mga guwardya na nakatalaga sa parke ay inalerto na rin nila.
"H-honey, si Ariah nawawala!" ani Mrs. Eloisa Chavez sa asawa nang tawagan ito. Kasalukuyang nasa police station noon na katabi lamang ng parke.
"What!? Where are you?" nag-aalalang sagot nito.
"Police station near the park, pina-uwi ko na si Liah kay Medy," aniyang tinutukoy ang bunsong anak habang nagsisimula nang humikbi.
"Magpapadala ako ng tauhan diyan, don't worry, mahahanap natin si Ariah," pang-aalo nito sa asawa na palakas na ng palakas ang hikbi.
"Hanapin mo ang anak natin!" aniyang tuluyan nang napabuladas ng iyak.
"I'll be there, don't worry. Tatapusin ko lang ang meeting ko. Honey don't worry," anito saka tuluyang ibinaba ang telepono. Hindi pa rin mapakali si Eloisa kahit pa tumulong na ang mga tauhan ng asawa sa paghahanap kay Ariah. Maya't maya ang paroo't parito niya sa loob ng maliit na police station.
"Misis, may natanggap kaming impormasyon mula sa kabilang istasyon tungkol sa nawawala ring magkapatid, baka may kinalaman ito sa pagka-wala ng inyong anak," mahabang paliwanag ng isang pulis sa kaniya na kanina pa naka bantay sa kaniya.
"Officer, gawin nyo ang lahat mahanap lang ang anak ko!" aniyang hindi pa rin mapigilan ang umiyak.
"Magbibigay kami ng kahit magkano mahanap lamang si Ariah," dagdag pa niya.
Nagpatuloy ang paghahanap kay Ariah at ilan pang batang nawawala pero tila pagong ang usad ng mga imbestigasyon tungkol sa mga ito. Katwiran ng mga nasa posisyon ay hindi lamang iisa ang kaso ng mga batang nawawala, talamak din ang nakawan at patayan kaya't hindi lamang iyon ang kanilang inaasikaso.
Gumawa ng sariling paghahanap at pag e-imbestiga ang grupo ni Arthur Chavez ngunit tila naglalahong parang bula ang sino mang mauugnay sa kaso.
Isang mayaman at makapangyarihang pamilya ngunit kahit anong gawin ay hindi mahanap ang nawawalang anak.
3 MONTHS LATER
Tila wala sa sariling magkakapit kamay ang tatlong paslit. Dalawang babaeng nasa anim na taong gulang at lalalaki na nasa siyam na taong gulang. Palipat lipat sa mga lansangan na naka lahad ang mga palad upang mamalimos para may ipanglaman sa kumakalam na sikmura.
Bihira ang palaboy sa malayong bayan ng San Juaquin kaya naman agaw atensyon ang mga ito. Maraming nagtatanong kung sino ang kanilang mga magulang at saan sila nanggaling. Dahil sa dungis ng suot at dumi ng kanilang katawan ay wala na sigurong makaka kilala sa kanila. Walang umiimik at tila takot na takot ang tatlo sa mga taong kumakausap sa kanila.
Kung saan-saan din sila nagpapalipas ng gabi.
Minsang napadpad sa simbahan ay tumawag ng pansin sa isang katiwala roon. Nilapitan at kinausap sila nito ngunit tulad ng dati ay mabilis silang lumalayo sa tuwing kakausapin sila. Pero dahil gutom na gutom na ay mabilis silang napahinudhod nito nang alukin sila ng pagkain. Dinala sila sa likod na bahagi ng simbahan, mayroong isang tila maliit na iskwelahan doon pero kaunti lamang ang mga bata. Isa iyong maliit na ampunan na pinopondohan ng simbahan para sa mga batang wala nang magulang at walang matirhan tulad nila.
Kahit paano ay nabawasan ang kanilang takot nang makita ang mga batang masayang naglalaro.
Nanatili sila sa lugar na iyon, binigyan din sila ng bagong pangalan dahil sa hindi malamang dahilan ay kapuwa balangko ang kanilang mga memorya nang tanungin ang tungkol dito.
Greene ang ibinigay na pangalan sa batang lalaki, Red at Violet naman sa dalawang babae.
Ilang buwan lamang ay tila walang nangyari sa tatlo, bumalik sa pagiging masigla at sutil na mga bata. Kahit na naroon ang mga pilat na mula sa kung anong mapait na karanasan.
Mabubuting tao ang kanilang nakakasama sa araw-araw kaya naman lumaking mabuti rin ang tatlo.
"Greene!" tawag ni Violet sa kanina pa hinahabol na kaibigan. Nagkunwari siyang natisod at nadapa sa damuhan.
"Violet! Nasaktan ka ba?" anitong tumigil sa pagtakbo at lumapit sa kaniya. Ngunit bigla niya itong hinawakan nang makalapit ito.
"Boo! taya!" malakas niyang halakhak saka mabilis na tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo.
"Eeeh, madaya ka Violet," sigaw naman nito habang humahabol sa kaniya.
"Tama na muna ang laro, oras na para sa chores," paalala ni Sister Julie sa kanila. Isa ito sa nangangasiwa sa ampunan.
"Opo," halos sabay nilang tugon at mabilis na tumalima.
Isang taon na sila noon sa ampunang iyon, walang naghanap at umangking kamag-anak sa kanila. Dalawang mag-asawang Italyano ang lumapit sa ampunan at gustong umampon ng dalawang bata. Napili nila si Greene at Red. Tumagal din ng isang taon ang proseso para tuluyang makuha ang dalawang bata.
Labis na ikinalungkot ni Violet ang pag-alis ng dalawang kaibigan lalo na nang mabalitaang dinala na ang dalawa sa bansang Italya.
Naging tahimik at malayo ang loob ni Violet sa karamihan.
Nahilig siya sa sports lalo na nang magsimulang mag-aral. Nasa ikatlong baitang siya nang mag-champion sa isang Taekwondo competition sa eskwelahan. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang hilig sa sports habang nag-aaral, suportado naman siya ng mga Madre sa ampunan lalo na ni Sister Julie dahil sa sports ay nagsimula siyang makisalamuha sa ibang tao at nagkaroon ng interest sa ibang bata.
Sa murang edad ay pinasok naman ni Violet ang Kickboxing nang siya ay nasa ikatlong taon sa sekondarya. Dito ay medyo pinagsabihan na siya ni Sister Julie kahit na nalilibre ang kaniyang tuition sa paaralan. Makakatanggap kasi ng scholarship ang sino mang kasali sa ano mang sports team sa iskuwelahan.
"Violet, hindi ba't panlalaki ang sports na 'yan?" minsan ay paalala nito sa kaniya.
"Kaya ko naman po Sister at saka mayroon naman pong pambababae at marami rin po akong kasamang babae sa team," magalang naman niyang tugon. Ito talaga ang hilig niya at isa pa, wala naman siyang ibang pagtutuunan ng oras kung hindi ito.
Minsan pa nga ay naiisip niyang tumakas na lamang at gumawa ng sariling buhay sa labas ng ampunan pero masyadong mabait ang mga ito para gawin niya iyon. Lalo na si Sister Julie na halos para na niyang ina.
Ito ang karamay niya sa mga gabing nagbabalik ang kaniyang bangungot. Naging sandalan din niya ito nang umalis ang kaniyang mga kaibigan.
"Huwag po kayong mag-alala dahil mag-iingat po ako lagi," sabi na lamang niya. Hinalikan niya ito sa pisngi bago tuluyang pumasok sa eskwelahan. Graduating na siya sa high school at parang bata pa rin siya kung alagaan nito.
"One, Two! One Two!" malakas na bilang ng coach ni Violet habang binabantayan siya nito sa kaniyang routine nang araw na iyon.
Malapit na ang kaniyang laban at kailangan niya ng puspusang ensayo kahit pa kumpiyansa ang coach niya na kaya niyang manalo.
"Good job!" maya maya ay inabutan siya nito ng towel para sa kaniyang pawis.
16 lamang siya ngunit bakas ang matitigas at maumbok niyang muscles sa katawan, maalaga siya kalusugan dahil ito iminulat sa kaniya ng mga Sisters sa ampunan.
"Violet, huwag mong piliting lumaban kung hindi mo kaya, be safe," pakiusap na bilin ni Sister Julie sa kaniya nang umagang iyon. Ito kasi ang araw ng kaniyang laban.
"Opo," sabi na lamang niya. Alam niyang nag-aalala ito para sa kaniya.
"Dios ko, baka anong mangyari say'ong bata ka mag-iingat ka," pahabol pa nito.
Ginanap ang kompetisyon sa kabilang bayan, nakuha ni Violet ang gold medal sa ilang division ng Kickboxing at naka sungkit ng isang panalo sa Taekwondo. Panalo siya ngunit umuwi siyang maraming pasa at may bitak sa sulok ng kaniyang labi. Alalang-alala si Sister Julie habang ginagamot ang kaniyang mga pasa at sugat.
"Naku bata ka, dapat pala hindi ka na lamang pinayagan noong unang mahilig ka sa ganiyang sports," sabi nito bakas ang labis na pag-aalala sa tinig.
"Dapat gumaling ka agad, baka naman sabihin ng mga sponsor nitong ampunan eh pinapabayaan namin kayong makipag bugbugan," dagdag pa nito. Bibisita kasi ang isang matagal nang sponsor ng ampunan, naka-ugalian na ng mga Madre at bata rito na maghanda ng maikising programa bilang pasasalamat sa mga ito.
Nang sumunod na Linggo ay dumating si Mr. Max, ang baklang negosyante na sponsor ng ampunan. Marami na itong natulungang mga bata sa ampunan, marami siyang napagtapos na at kasalukuyang pinag-aaral na mga bata mula sa iba't ibang ampunan sa bansa. Kilala ito sa kaniyang mga charity works. May-ari ito ng isang sikat na clothing line sa bansa.
Nagulat si Violet nang may biglang magsalita sa kaniyang likuran. Naghahanda siya noon para sa kaniyang ipapakitang gilas sa harap ng mga bisita. Kasisimula pa lamang ng programa at kinakantahan ng mga bata ang ilang sponsor ng ampunan na dumating din nang araw na iyon. Tuwang tuwa ang mga ito, maging ang mga Madreng nangangalaga sa mga bata ay aliw na aliw. Mula nang dumating siya sa ampunan ay maraming bata na ang dumagdag. Kaya kinailangan na ng ampunan ng mga sponsor at charity na susuporta dito.
"Violet," tawag ni Mr. Max sa kaniya. Nagulat man ay mabilis na kinalma ang sarili.
"Mr. Max," aniyang ngumiti habang abala sa pagsusuot ng kaniyang Dobok o damit para sa Taekwondo players.
"M-may kailangan ho ba kayo?" tanong niya rito.
"Violet, saan ka mag-aaral pagkatapos mo ng high school?"diretsang tanong nito sa kaniya.
"Naku, eh wala pa ho. Baka magtatrabaho na lang po muna ako at mag-iipon," nahihiya niyang sagot. Ang totoo ay wala pa talagang buong plano para sa kaniyang kolehiyo.
Ayaw naman niyang i-asa pa sa ampunan. Balak niyang magtrabaho muna.
"Gusto mo bang maging sundalo? Naghahanap kasi ang kaibigan ko ng ipapasok niya para mag-training sa pagiging sundalo, nakita kong may potensyal ka," mahabang tinuran nito.
"Huwag kang mag-alala, habang nasa training kayo ay mayroon ka nang suweldo, hindi ka nag-iisa marami kayo," sabi pa nito nang makitang napa-isip siya sa unang sinabi nito.
Pangarap talaga niya ang maka-alis ng ampunan at magkaroon din ng sariling buhay sa labas tulad ng mga nakikita niya.
"Singkuwenta mil kada buwan ang magiging suweldo ninyo, hindi pa kasali riyan ang allowance n'yo habang nasa training," muli ay pangungumbinsi nito sa kaniya.
Hindi na siya nag-isip pa. Mabilis siyang pumayag sa alok nito.
Pagkatapos ng kaniyang graduation sa high school ay nagpaalam siya sa pamunuan ng ampunan. Pinayagan naman siya ng mga ito dahil naroon din si Mr. Max na nagkunwaring siya ang mag-papaaral dito kapalit ng pagtatrabaho ni Violet sa kumpanya.
Makalipas lamang ng isang Linggo ay sinundo ni Mr. Max si Violet at dinala sa Maynila. Doon niya nakilala ang kaniyang mga makakasama sa training. Labing dalawa sila, anim na lalaki at anim na babae.
Sakay ng pribadong eroplano na may pangalang ALPHA ay bumyahe sila ng halos isang oras at lumapag sa isang pribadong Isla sa pinaka dulong bahagi ng Pilipinas, sa Mindanao.
Pagdating doon ay saka pa lamang sila na-briefing tungkol sa kanilang training at ang magiging papel nila bilang private army ng ALPHA.