Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 18 - Chapter 16

Chapter 18 - Chapter 16

Madison

"Lola..."

Mabilis kong isinara ang laptop upang maitago ang tinitingnan ko doon.

Tumayo agad ako sa pagkakaupo at lumapit kay lola upang mahalikan ito sa pisngi.

"Hindi niyo sinabi na uuwi na po kayo. Hindi ko po tuloy kayo napagluto ng gusto niyo."

Inalis ko saglit ang aking tingin kay lola at ibinaling ang tingin kay Shiela. "Shiela, pakibalik muna itong mga gamit ko sa silid ko,"utos ko rito.

Si Shiela ay isa sa mga katiwala ni lolo at lola rito. Halos kaedad ko lang siya at masasabi kong isa siya sa pinagkakatiwalaan dito.

"Sige po ma'am." Mabilis na kumilos si Shiela at sinimpan ang lahat ng gamit ko na nakalatag sa dining table. Matapos nun ay tahimik siyang umalis.

"Kamusta ang naging vacation mo, 'la? Nag-enjoy po ba kayo?" Magiliw na tanong ko rito.

Inismidan lang ako ni lola at humigit ng bangko at tahimik na nagsandok ng pagkain.

Napabuga ako ng hangin. Alam ko. Galit siya sa akin.

Tumungo ako sa likod ni lola at niyakap ito. Ipinatong ko ang aking baba sa balikat niya. "Lola, sorry na po. Hindi ko alam kung anong ikinatatampo niyo sa akin, pero sorry po," malambing kong wika rito at hinalik-halikan ang pisngi nito.

May katandaan na si lola Amanda kaya natural lang na maging matampuhin siya. Minsan, nagagalit siya sa akin ng hindi ko nalalaman. Pero, napakalambing ng lola kong ito at ramdam na ramdam ko na mahal na mahal nila ako ni lolo.

"Hindi ako magagalit sa'yo apo kung walang sapat na dahilan." Inais nito ang pagkakayap ko sa kanya.

Napatuwid ako nang tayo at tiningnan ito. Mukhang galit talaga si lola.

"Umupo ka sa tapat ko, Madison."

Napakamot ako sa batok at mabibigat ang hakbang na sumunod sa nais ni lola. "Bakit po?"

"Huwag mo akong simangutan nang ganyan. Manang-mana ka talaga sa ina mo."

Agad akong napaseryoso nang marinig ko ang salitang ina sa mismong labi ni lola. Alam nila na mabigat ang loob ko kay mama at malaki ang tampo ko dito dahil sa mga dinanas ko sa kamay niya. Kaya hindi ko maalis sa sarili ko na malungkot at makaramdam ng inis kapag inihahalintulad ako kay mama. Siguro kung yung iba yun ay matuwa pa. Pero, ako matutuwa? Hindi. Sinong matutuwa na ihalintulad sa isang taong walang ibang ginawa kundi saktan lamang ako? Wala. Walang matutuwa.

Binitiwan ni lola ang kubyertos na gamit at itinabi ang pinggan na pinagkakainan. Tuwid na tuwid na nakaupo ito kahit pa ni ang likod ay hindi lumalapat sa sandalan ng upuan. Mahinhin din ang kilos niya at halatang gamay na gamay. Sa pamamalagi ko rito, doon ko napansin na ako lamang ang garapal kumilos sa mala palasyong bahay na ito.

"Kinausap ko si, Eric," simula nito at pinakatitigan ako.

Agad akong kinabahan nang marinig ang pangalan ng lalaki. Napakapit ako sa laylayan ng t-shirt na suot ko.

"Oh, si Eric po. Ano pong sabi niya?" Pinilit kong maging pormal ang boses ko kahit pa sa loob-loob ko ay sobra na akong kinakabahan.

"Huwag mo akong lokohin, Madison. Ano ang iniuutos mo sa kanya?" Daretsang tanong nito na siyang ikinalunok ko ng sariling laway.

Mukhang kumanta ang tauhan ko. Hay, ano nga ba ang inaasahan ko? Mas matagal ng nagseserbisyo si Eric kay lola at lolo kaysa sa akin kaya natural lang na magkuwento ito.

"S-Sorry po," hingi kong paumanhin at napayuko sa pagkakapahiyang nalaman ni lola na sinusuway ko siya.

"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Huwag mong iyuko iyang ulo mo kapag kinakausap pa kita."

Bahagya akong natakot sa tono nang pananalita ni lola. Ito ang unang pagkakataon na nagalit siya sa akin. Madalas pinagpapasensiyahan niya ako. Pero ngayon, parang napuno ko ata siya.

Iniangat ko ang ulo ko at pilit na ipinanatili na salubungin ang tingin ni lola. "P-Palihim ko pong tinutulungan sila mama Fely," pag-amin ko. Umalis man ako sa puder nila pero hindi naputol ang pagtulong ko sa kanila, lalo na pagdating sa pera. Hindi nila alam na ako ang nagpapadala ng pera sa kanila linggo-linggo na ipinaabot ko sa tulong ni Eric. Pinagpanggap ko siya na tulong iyon mula sa isang proyekto ng barangay nila.

"Tinutulungan mo parin sila?! Madison, naman oh. Nalimutan mo na ba na halos patayin ka niya nung nakulong ang babaeng iyon."

"Lulong siya sa droga nun, lola kaya wala po siya sa sarili."

Napasigok ako nang manuot na naman ang lungkot sa akin. "At pamilya ko parin po sila. Sila po ang nasilungan ko noong panahon na wala akong matutuluyan," pagtatanggol ko.

Napahilot sa sintido si lola. "Lahat ng iyon ay binayaran mo, Madison. Buong buhay mo, pinagsilbihan mo ang mga bruhang iyon."

"Pero, may kapatid po ako dun na kailangan kong tulungan."

"Kapatid?! Ikaw lang ang nagturing sa kanila nun, Madison. Maging ang sarili mong ama ay hindi ka matanggap."

Parang bombang sumabog sa mismong harapan ko ang mga salitang iyon. Nablangko ako sa sinabi ni lola. Tinamaan ako at sinapol ang puso ko. "T-Tanggap niya po ako. Sadyang maaga lang po siyang nawala, lola."

"Walang amang papayag na alilain at saktan ang anak niya, Madison. Kahit anak pa niya iyon sa ibang babae."

Tumayo si lola sa pagkakaupo habang ako ay naiwan na nakatingin sa kanya.

"Huli na ito, Madison. Ayoko nang malalaman na inuubos mo lang ang perang pinaghihirapan mo para sa mga taong kung ituring ka ay parang hayop. Sa susunod na malaman ko iyon ay baka mapilitan akong papiliin ka kung sila o kami. Kung patuloy mong gagawin iyan ay ibabalik na lamang kita sa kanila."

Naiwan akong mabigat ang dibdib. Ayokong dumating sa puntong papipiliin ako. Hindi ko kaya. Ayokong mawala sila lola sa buhay ko pero ayoko rin na tumigil ako sa pagtulong kala mama Fely. Malala ang kondisyon niya at natatakot ako na baka lalong mapariwara ang buhay ng bunso kong kapatid.

"Apo, ayos ka lang?"

Malungkot akong tumango kay lolo na kakarating lang. May labit-labit pa itong pamiwas.

Tumayo ako sa kinauupuan ko at sinalubong ito. Mabilis akong nagmano rito at kukuhanin ko sana ang pamiwas na dala niya pero naunahan niya akong iabot iyon sa isang kasambahay na naro-roon.

"Mukhang hindi ka maayos apo. Si lola mo ba?"

Hindi ako tumango o sumagot sa tanong ni lolo pero alam ko na alam niya ang dahilan.

"Halika nga rito," pagtawag nito sa akin at ibinuka ang dalawang braso upang yakapin ako.

Mahigpit ko itong niyakap at umiyak sa balikat ni lolo. "Sorry po, lolo. Pasaway po akong apo."

Natatawang hinagod ni lolo ang likuran ko. "Hindi ka pasaway apo ko. Ang lola mo ang siyang pasaway. Palibhasa kasi tumatanda na kaya ganun na ang ugali." Tumawa ito na siyang ikinatawa ko rin. Parang nahigop ng mata ko ang mga luha ko nang mabilis iyong mahupa.

Ilang minuto ang lumipas na tahimik lang ako na nakayakap kay lolo. Walang nagsasalita sa amin pero si lolo ang bumasag nang katahimikan.

"Pero apo, tama ang lola mo. Hindi mo na kargo ang pamilya ni Fernan. Bayad kana sa kanila. Sapat na ang paghihirap mo sa kanila."

"Alam niyo po?" Nagtatakang tanong ko at kumalas ng yakap rito.

"Hindi kami naglilihim sa isa't isa, apo. Iyan ang naipangako namin ng lola mo bago kami pumasok sa isang relasyon."

Napatango ako. "Pero lolo, sapat na po ba iyon? Bayad na po ako sa kanila?"

Tumango ito. "Hindi kana isang Ocampo, Madison. Hindi na. Isa ka ng Madrigal. Madrigal na tinitingala ng nasasakupan niya at hindi inaapi."

Lumapat ang kanang kamay ni lolo Reynaldo sa pisngi ko at hinaplos iyon. "Apo, umalis kana sa nakaraan. Simula nang tumuntong ka rito ay wala na ang Madison na iyon. Wala na ang Madison na sinasaktan nila. At habang nabubuhay si lolo mo at si lola mo, hindi kami papayag na bumalik ka ulit sa dati mong buhay."

Nginitian ko si lolo at tumango sa sinabi nito.

Siguro nga bayad na ako. Ako na si Madison Madrigal ngayon kaya dapat umakto ako sa nararapat kong katayuan.