Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 21 - Chapter 19

Chapter 21 - Chapter 19

Madison

"Sandali."

Pinatigil ko sa paglalakad si Shiela nang mapansin kong parang kanina pa kami paikot-ikot at lumalakad na parang walang patutunguhan.

Tumingin ito sa akin habang nangangamot ng ulo. "M-Ma'am…"

Nilagay ko ang dalawa kong kamay sa baywang at tinaasan ng kilay si Shiela. Nagsisimula na akong mainis, kanina pa kami. Baka kung napano na si lola. Hindi ko naman magawang iwan si Shiela dahil ayaw niyang sabihin ang kinalalagyan ni lola at bukod pa roon baka hindi ko rin alam ang lugar.

"Nasaan ba talaga si lola, Shiela? Ayoko na sumama ang loob mo sa akin pero sasabihin ko sayo, ha, naiinis na ako," pag-amin ko rito.

Napalunok si Shiela at parang may pandikit sa bibig nang hirap na hirap nitong ibuka iyon para magsalita. "Ma'am kasi po ano eh…"

"Ano, Shiela? Mahirap bang banggitin ang lugar na kinaroroonan ni lola o hindi mo rin alam?" Pagtataray ko rito. Mamaya pala nasa bingit na nang kamatayan si lola ay hindi ko pa alam.

"Ma'am, sumunod nalang po kayo sa akin. Pasensiya po."

Umiling ako at inilahad ang aking kanang kamay sa harap nito. "Pahiram ako ng cellphone mo." Hindi iyon pakiusap kundi isang utos. "Pahiram," may kataasan ang boses na pag-uulit ko sa sinabi ko nang mapansin ko na hindi kumikilos si Shiela para ibigay sa akin ang kanyang cellphone. Kung dala-dala ko lang sana ang cellphone ko, hindi na sana ako hihiram sa kanya ngayon dahil pakiramdam ko ayaw niya iyong ipahiram sa akin.

Nag-aalangan na kinuha ni Shiela ang cellphone sa bulsa ng suot-suot nitong pang ibaba. Binuksan muna nito ang cellphone at may tiningnan doon.

Nangunot ang aking noo nang ngumiti ito habang nakatitig sa screen ng cellphone at may pinindot. Lumapit ako sa kanya at nakasilip rin, pero tanging nakita ko lang ay oras at screen wallpaper niyang isang artista marahil dahil na rin sa itsura nung lalaking nasa wallpaper niya. Guwapo ang lalaki. Naalala ko tuloy si Angel. Ganun na ganun ang itsura ng mga lalaking nasa poster na nakadikit sa silid niya.

"Ito na po yung cellphone ko, ma'am. Huwag po kayong makikibasa ng message, ha?"

Tinanggap ko ang cellphone na iniabot nito. Agad akong pumunta sa phone book at hinanap ang pangalan ni lola doon. Nakita ko naman agad ang pangalan na ma'am Amanda. Agad ko iyong tinawagan pero tanging ring lang ang aking narinig. Walang sumasagot sa kabilang linya hanggang sa matapos ang tunog na ring at napalitan ng boses ng isang babaeng madalas kong naririnig kapag busy ang line o hindi sinasagot ang tawag.

"May sumagot na po, ma'am?" tanong ni Shiela at idinikit ang tainga sa likod na speaker ng cellphone.

Umiling ako at iniabot ang cellphone sa kanya. "Mabuti pa, umuwi na muna tayo. Baka sakaling nandoon na si mang Bert, sa kanya na lang ako magpapahatid."

Hindi ko na inantay pa ang pagsang-ayon ni Shiela, nauna na akong lumakad pabalik sa dinaanan namin. Narinig ko naman ang mabibilis na yabag nito papasunod sa akin. Nang maramdaman ko na nasa likod kona ito ay saka may isang kamay na kumapit sa braso ko upang maging dahilan nang pagtigil ko at paglingon sa taong iyon.

"Bakit?"

"Nag-text po sa akin ang Don, alam ko na po kung nasaan ang lola niyo."

Para akong binunutan ng tinik sa lalamunan nang mawala ang pakiramdam na parang may tumutusok doon dahil sa pag-aalala ko kay lola.

"Halika na, Shiela. Huwag na tayong magsayang pa ng oras."

Kumapit ako sa kamay ni Shiela at hinayaan kong higitin ako nito sa kung saan.

"Ma'am nasakay po ba kayo ng jeep?" tanong sa akin ni Shiela habang lumalakad kami o takbo na nga ata dahil sa bilis niyon.

"Oo naman. Kahit pa sa kabayo o kalabaw mapapasakay mo ako," pagmamalaki ko rito na ikinatawa ni Shiela.

Ilang eskinita rin ang nalampasan namin bago kami makarating sa paradahan ng mga jeep. Hanay-hanap ang iba't ibang kulay ng jeep sa paradahan na ito, nangingintab pa ang iba na marahil ay bagong bili lamang. May sampung jeep ata ang nakahanay doon.

"Tara na po, ma'am."

Naunang sumakay sa jeep si Shiela at naglahad ng kamay sa akin na tinanggihan ko. "Kaya ko na, salamat."

Sa bahaging dulo kami umupo. Nung una, kami palang ni Shiela ang sakay ng jeep pero ilang minuto lang ang lumipas, dinaig pa naming mga pasahero ang isang sardinas na nakalagay sa lata dahil sa kalagayan ng puwesto namin ngayon. Nakayuko lang ako sa buong biyahe, nagawa ko lang mag-angat ng tingin nang marinig ko ang pagpapahinto ni Shiela sa sasakyan.

"Tara na po, ma'am."

Nakatakip sa aking mukha ang makapal na bahagi ng aking buhok nang ako ay bumaba sa jeep. Nakasunod naman sa akin si Shiela. Agad ding pinaharurot ng driver ang jeep nang makababa kami.

"Nasaan tayo?" nagtatakang tanong ko kay Shiela nang mapansin ko na hindi kami sa isang ospital o pagamutan bumaba.

"Basta, ito po yung address na nakalagay sa text ng lolo niyo, ma'am."

"Ayos lang ba si lola? Mukha kasing hindi naman malala ang lagay niya dahil hindi siya dinala sa pagamutan," tanong ko at sinimulan na namin ni Shiela na lumakad patungo sa entrance ng malaking building na ito.

"Ayos lang daw po, ma'am. Baka ang gusto lang po ng lola niyo ay ikaw ang gumamot sa kanya," pagsagot ni Shiela habang hinahayaan na apain ng babaeng guard ang katawan niya. Hindi naman katawan ni Shiela talaga, baka tinitingnan lang kung may patalim o kung ano kaming dala na maaaring maghatid nang panganib sa building na ito.

"Pero wala akong alam sa medisina," pag-amin ko at hinayaan ang guard.

Nagkatapat kami ng puwesto ni Shiela nang tuluyan na kaming makapasok sa loob.

"Hayaan niyo na lamang po ang lola ninyo, ma'am. Baka, naglalambing lang po."

Tumango ako at hindi na muli nagtanong pa.

Pumasok kami sa elevator. Hinayaan ko na si Shiela ang pumindot sa button doon dahil bukod sa hindi ko alam ang bilang ng floor nang pupuntahan namin ay nangangapa parin ako sa bagay na ito. Pakiramdam ko masisira ko iyon kapag ako ang pumindot.

"Nandito na po tayo, ma'am."

Tumunog ng ting ang elevator at dahan-dahan bumukas ang pinto. Naunang lumabas si Shiela na sinundan ko. Marami kaming silid na dinaanan na kapuwa nakasarado ang pinto. Makinis at malinis ang bawat dingding na nakikita ko. Kung hindi painting, ay litrato ng mga taong hindi ko kilala ang nakasabit sa dinding. May palamuti rin na natitiyak kong mamahalin ang lahat ng iyon.

"Nandito na po tayo, ma'am."

Tumigil sa tapat ng isang silid si Shiela na kulay kayumanggi ang kulay ng pinto. Pinihit niya ang doorknob at tinulak iyon para magbukas. Sinalubong kami ng isang madilim at malamig na loob ng silid na ito. Hindi ko mapigilan ang aking sarili para maghinala kay Shiela. Wala sa mukha niya ang gagawa nang anumalya pero kanina ko pa siyang nahahalata na parang iniiwas ako sa kung saan o sa kung kanino.

"Sandali, Shiela." Hinawakan ko ang kanang braso nito para mapatigil.

Nakangiting lumingon ito sa akin at humarap na kinadahilan kung bakit natanggal ko ang pagkakahawak ko sa kanya. "Bakit po, ma'am?"

"Sigurado ka bang nandito sila lola?"

Lumawak ang ngiti nito. "Oo naman po, ma'am. Bakit, takot po ba kayo sa dilim?"

Kitang-kita ko ang panunusot sa mukha ni Shiela nang sabihin iyon. Taas noo ko siyang nilampasan at ako pa mismo ang naunang pumasok sa silid. Halos tayuan ako ng balahibo nang haplusin ako ng lamig ng klima sa silid na ito.

Weird pero, pakiramdam ko may iba kaming kasama ni Shiela sa loob nito. Hindi isa o dalawa, marami.

"Shiela, tulungan mo akong hanapin ang switch ng ilaw. Baka, lumabas sila lola."

Wala akong nakuhang tugon mula sa kasama ko pero nagsimula na akong mangapa sa dilim. Madilim ang paligid pero sa tingin ko napakalawak ng silid na ito.

Ipinagpatuloy ko ang paghahanap ng ilaw, pero agad akong napatigil ng may mahawakan akong isang bagay? Ewan, hindi ko alam kung bagay ba.

Habang lumalandas ang kamay ko doon ko napagtanto na hindi ito isang bagay. Lalo na nang maramdaman ko ang mainit nitong hininga.

Umatras ako pero nahawakan nito ang baywang ko. "S-Shiela…" Naisigaw ko nalang sa takot at nanlaban sa taong ito. Pero natagpuan ko nalang ang sarili na kumakalma ng maamoy ko ang pamilyar na pabango nito.

Tumigil ako sa panlalaban at inapa ang mukha nito. Natagpuan ko iyon at walang paalam na pinalandas ang palad ko. Mula sa buhok, mata, labi, ilong at pisngi.

"Fran-"

Naputol ang tangka kong pagbanggit ng taong nasa isip ko ngayon nang may magbukas ng ilaw. Kumalat ang liwanag sa paligid at may nasilayan ako na siyang ikinaluha ko sa tuwa.