Madison
Hindi ako makapaniwala sa nasasaksihan ko ngayon. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapaluha sa sobrang tuwa.
"A-Ano 'to?" garalgal ang boses na tanong ko sa lalaking laging laman ng puso't isipan ko.
"Surpresa ko sa'yo," maaliwalas ang mukha na sagot nito. Lalo nito akong hinapit na halos magdikit na ang aming mga dibdib.
"Pero, sabi ni Shiela, may nangyari daw na masama kay-"
Idinikit ni Francis ang hintuturo niya sa labi ko para mapatigil ako sa pagsasalita.
"Igala mo ang paningin mo, love," utos nito.
Sinunod ko ang sinabi niya habang siya ay sa akin lamang nakamasid. Iginala ko ang aking panigin at halos mawarak na ang aking labi sa lawak nang pagkakangiti ko.
"Lo-Lola…" gulat na wika ko nang makita ko sa isang tabi si lola at lolo na masayang nakamasid sa amin ni Francis. May hawak na isang pirasong rosas ang dalawang matanda. Katulad ng mga katiwala namin sa bahay, at iyong iba ay tiyak na kakilala ni Francis.
"Ano nga ito, Francis?" may pananabik na tanong ko. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na matuwa. Kumakabog ang aking dibdib ng sobrang lakas at maging ang puso ko'y nananabik sa mangyayari.
Binitiwan ako ni Francis. May isinenyas siya at sumunod agad dun ang isang pamilyar na kanta na pinapatugtog gamit ang violin. Masarap sa pandinig ang tugtugin na ikapipikit mo. Walang umaawit ngunit sa tingin ko ang lyrics ng kanta ay naiipahayag nang maayos.
"Puwede ba kitang isayaw, mahal ko?" Nilahad ni Francis ang palad niya sa harapan ko.
Wala sa sariling tinanggap ko iyon. Ni hindi nga pumasok sa isip ko na hindi nga pala ako marunong sumayaw.
"I love you," bulong ni Francis bago ako hapitin papalapit sa kanya.
Ipinatong ko ang aking dalawang kamay sa balikat niya pero parang naging pagyapos iyon sa batok niya nang hapitin pa ako ni Francis. Halos pamulahan ako ng mukha sa sobrang lapit namin. Maling galaw at magdidikit na ang aming mga labi.
Naging malakas anh hiyawan sa loob ng silid. Maging ang tili ng mga kasambahay namin ay nangingibabaw. Pakiramdam ko, isa akong prinsesa ngayong gabi.
"B-Bakit mo ginagawa ito?" Hindi ko mapigilan ang aking sarili na magtanong ulit. Lubha akong nasisiyahan sa pangyayaring ito. Pakiramdam ko, napakaganda kong babae sa araw na ito.
"Bakit hindi? Mahal kita, Madison. Alam mo naman na una palang ay mahal na kita, 'di ba?"
Napahigpit ang yakap ko sa batok nito nang marinig ko iyon.
"P-Pero sinabi ko naman sa'yo na si lola at lolo muna." Pagtutol ko sa sinabi nito. Hindi ko maiwasan na mag-alala at baka isipin nila lola na tinatalikuran ko na sila.
"Hindi mo ba kita kung gaano sila kasaya para sa'yo? Para sa atin." Nakangiting wika ni Francis at isinabay ang aking katawan sa pagsasayaw niya.
"Sorry, alam mo naman na ngayon ko lang sila nakasama kaya nag-aalala ako sa iisipin nila." Paliwanag ko.
"Don't worry, mahal ko. Ang lola mo pa mismo ang nagplano nito."
"Talaga? Si lola talaga?" Manghang tanong ko.
Nakangiting tumango si Francis. "Totoo dahil alam ng lola at lolo mo na hinding-hindi kita sasaktan."
Napunta ang aking paningin sa gawi nila lola at lolo. Mababakas mo ang kasiyahan sa kanilang mukha. Kapit ni lolo ang baywang ni lola, habang si lola naman ay magkasakop ang dalawang palad na pinapanood kami.
Nang tumigil ang tutog, humarap kami ni Francis sa mga taong nanonood sa amin. Hudyat ata iyon dahil nagsimula na silang lumapit sa akin at iniabot ang bulaklak na mga hawak.
Mababakas ko ang ngiti sa mga labi nila habang sinasabihan ako na ang suwerte ko raw. Sa tingin ko tama sila, dahil napakaswerte ko talaga sa lalaking kalapit ko ngayon. Napakaperpekto niya. Napakabait, matulungin at bukod sa lahat siya ang dahilan kung bakit maganda na ang buhay ko ngayon.
"Subukan mong saktan ang apo ko at ipangpapain kita sa isda." Napahagikhik ako sa pagbabanta ni lolo kay Francis. Napalunok naman ang mahal ko.
Kinuha ko ang isang kamay ni Francis at nginitian ito nang tumingin sa akin. "Niloloko ka lang ni lolo."
"Oo binibiro lang kita, Fran... Pero tatandaan mo na kapag sinaktan mo ang apo ko, ako ang makakaharap mo." Tinapik nito sa balikat si Francis bago tumalikod.
Lumapit din sa amin si lola at hinawakan ang kamay namin ni Francis na magkasakop. "Hindi ko alam kung tama ba ang desisiyon ko na hayaan kayong dalawa. Pero may tiwala ako sa inyo." Tumingin sa akin si lola at nginitian ako. "Lalo na sa'yo apo. Nararapat lang na si Francis ang makatuluyan mo dahil darating ang araw na maiiwan ka namin. At nakakatiyak ako na kaya kang protektahan at mahalin ni Francis."
Pakiramdam ko tuloy para akong ikakasal. Sa mga sinasabi nila ay parang message na nila sa kasal ko.
Tumango ako kay lola at kumalas nang pagkakahawak kay Francis para mahagkan ito. "Mahaba pa ang buhay niyo lola. Makikita niyo pa ang magiging pamilya ko at marami pa tayong oras para sa isa't isa. Huwag naman sanang mawala agad kayo sa akin." Sumikip ang aking lalamunan nang maisip ko ang araw na iyon. Alam ko darating ang araw na maghihiwalay kami pero hindi ko alam kung matatanggap ko. Ayoko ulit mag-isa at mawalan ng mahal sa buhay.
"Sana nga apo."
Nag iwan pa ito nang isang ngiti bago kami talikuran. Hindi ko magawang tugunin ang ngiti ni lola dahil naiisip ko ang sinabi niya.
"Hey, smile ka naman."
Bahagya akong nagulat nang walang pasabing ipinaling ni Francis ang mukha ko sa gawi niya at pinangiti ako gamit ang daliri niya.
Napangiti nalang ako dahil sa ginawa niya. "Salamat nang marami, Francis. Kung hindi kita nakilala, baka hanggang ngayon ay nasa puder pa ako nila mama o nasa kulungan na ako at naghihimas ng rehas."
Inilagay ni Francis ang kanang kamay niya sa tuktok ng buhok ko at ginulo iyon. Napangiti nalang ako, imbes na mainis.
"Basta ikaw. Malakas ka sa akin eh. Pati nga sa puso ko."
Nahampas ko ito sa braso dahil sa kilig. Nalimutan ko na nga na may hawak ako na mga bulaklak. Nalagas tuloy ang iba.
Nawala ang panghihinayang ko sa bulaklak nang magawi ang tingin ko kay Francis. Madilim ang mukha ng lalaki at hindi ko manlang mabakas ang maamong mukha nito. Parang ibang Francis ang nasa harap ko ngayon. Mukhang napalakas ata iyon dahil sinapo niya ang braso niya at hindi niya ako titingnan ng masama kung hindi.
Napaatras ako dahil sa takot. Akala ko magtatagal ang matalim na tingin ni Francis pero nang mapansin ata nitong natakot ako ay agad na lumamlam ang mga mata nito at nginitian ako.
"Natakot ba kita?" Nag-aalalang tanong nito at hinimas ang kanang braso ko.
Umiling ako. Natakot man ako pero alam ko naman na lahat naman ng tao ay nasasaktan din. Tao lang din si Francis kaya hindi malayo na nagagalit din siya.
"Tara na, kain na tayo."
Ako na ang kumuha sa kamay nito para hawakan ko. Para maramdaman niya na ayos lang ang nangyari. Gumanti rin naman nang pagsalikop ng palad ito at hinigit na ako papunta sa mahabang mesa kung saan nakalatag ang iba't ibang putahe ng pagkain na halos ikatubig ng bibig ko sa sobrang pagkatam sa mga pagkain na ito.
Suminghot ako sa hangin na halos ikatuwa ng diwa ko nang manuot sa pang-amoy ko ang amoy ng mga pagkain na naghalo-halo sa hangin. Lahat iyon ay nag-uumusok pa at halatang niluto ng taong hari ng kusina.
"Para naman tayong ikinasal sa dami ng handang ito, Francis," puna ko at nagsimulang sumandok ng pagkain.
"Nanliligaw pa lang ako sa'yo, Madison," pagtatama nito at nilagyan ako ng puro gulay sa pinggan. Balak ko sanang ibalik iyon at palitan ng karne pero nahihiya lang ako.
"Kapag kinasal na tayo, mas higit pa diyan ang mararanasan mo."
Hinawakan ni Francis ang siko ko at hinigit na ako paupo sa bangkong na-assemble lang nung tapos na kami magsayaw. May puting telang bumabalot doon at pati ang bilog na mesa habang nasa ibabaw ang magandang paso na may buhay na bulaklak.
Sinulyapan ko pa ang mesa ng pagkain. Gustong-gusto ko pang kumuha roon pero itong si Francis ay hinigit naman ako nang hinigit.
Nang mailapag namin ang pinggan sa lamesa, halos lumubog ako sa bangko dahil sa hiya. Parang sa pusa lang ang pagkain ni Francis tapo sa akin sa baboy.
"Kapag kinasal na tayo, magagawa mo ang lahat ng gusto mo sa kasal natin, Madison. Minsan ka lang naman gumastos ng milyones para sa kasal natin."
Halos maputol sa ere ang tangkang pagsubo ko nang marinig ko ang sinabi ni Francis. Napakurap-kurap ako. Inilapag ko ang kutsara sa tabi ng pinggan at tiningnan si Francis. "Milyones para sa kasal?" paninigurado ko. Baka nabingi lang ako. Hindi ko ata kayang gumastos ng ganung kalaking pera. Baka mamulubi sila lola kapag nagkataon.
"Oo, tiyak naman na papayag ang lola mo na gumastos ka nang ganun. Tutal sa'yo naman ang lahat ng iyon kapag pumanaw na sila." Walang prenong wika nito.
"Francis," gulat na bulalas ko nang marinig ko ang sinabi nito. Malinaw na malinaw 'yon kaya agad nagpantig ang tainga ko sa sinabi niya.
Napansin siguro nito ang inis ko dahil sa sinabi niya. Hinawakan nito ang kamay ko na nasa ibabaw ng mesa at pinisil iyon. "Sorry, hindi ko sinasadya na maoffend ka mahal. Ibig sabihin ko eh, ikaw ang magmamana lahat ng ipinundar ng lolo at lola mo."
Tinanggal ko ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa na ikinabawi rin ni Francis ng kamay niya.
Walang salitang lumabas sa bibig ko. Hindi ko ginalaw ang pagkain at basta na lamang tumayo. Hindi ko nagugustuhan ang lumalabas sa bibig niya. Nabibigla man o hindi, nasasaktan pa rin akong isipina parang ang dahilan ko lang sa buhay nila lolo at lola ay maging tagapag mana nila. Never pumasok sa isip ko ang tungkol doon. Alam ko naman na bigating tao ang magulang ni mama pero hindi pera nila ang kailangan ko.
"Pupuntahan ko lang sila lola," paalam ko at hindi na pinansin pa ang tangkang pagtutol nito.
Hindi ako galit kay Francis, sadyang kailangan ko lang makahinga.