Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 25 - Chapter 23

Chapter 25 - Chapter 23

Madison

Agad kong inipon ang aking buhok nang umihip ang hangin. Upang hindi kumalat iyon dahil sa hangin agad akong naghagilap ng puyod at ang tali sa lupa ang nakita ko. Mabilis kong iniikot ang aking buhok upang hindi ito umalpas bago ginamit ang taling aking nakita.

Napabuntong-hininga ako nang matahimik ulit ang paligid. Isinandal ko ang aking likod sa upuang gawa sa kahoy at malungkot na tiningnan ang cellphone na kanina ko pa pinapatay-buhay.

"Wala manlang paramdam..."

Napabuga nalang ako nang magsimula na naman akong malungkot. Namimiss ko na siya.

Hinayaan ko na mag off nang kusa ang cellphone pero hindi ako nakatiis at binuhay ulit ito.

Tumayo ako sa pagkakaupo at inayos ang sarili ko para humiga sa upuan na pangtatluhang tao.

Hindi naman ako nahirapan, lalo na ang suot ko ay isang simpleng jogging pants at t-shirt na maluwang.

Pagkahiga agad kong pinindot ang gallery ng cellphone at doon nanawang tiningnan ko ang mga litrato namin ni Francis na limang piraso lamang. Hindi kasi siya mahilig sa pagpapakuha ng picture gaya ko, gusto ko lang talaga na lagi kong nakikita ang litrato niya kaya pinilit ko ito na magpakuha na magkasama kami.

"Sorry ha. Kung nagkukulang na ako sa'yo." Malungkot na usap ko sa litrato nito at nakapikit na idinikit ko iyon sa labi ko.

"Ehem."

Napamulat ako nang marinig ko ang pagtikhim. Bago ko palang aangatin ang aking ulo para makita ang tumikhim ay naunahan na nitong hampasin ang hita ko. Mahina lang naman iyon pero sapat na para mapatayo ako at mapaayos nang upo.

"'La..." Pagbati ko rito at umusog para makaupo din siya.

Sinilip nito ang tinitingnan sa cellphone ko at kumunot ang noo.

"Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa nako-contact ang lalaking iyan?" May pagtataka at paninigurado na tanong nito.

"O-Opo. Busy lang po siguro siya o walang signal sa pinuntahan niya," paliwanag ko at ibinalik ang cellphone sa bulsa ng jogging pants. Hinayaan kong nakabukas iyon.

Inalis ni Lola ang tingin sa akin at itinutok ang mata sa mga bulaklak na sibol na sibol.

"Napakaganda talaga ng bahaging ito ng bahay." Nakangiting wika nito at parang may masayang ala-alang binalikan.

"Alam mo ba, Madison, ito ang paboritong lugar ni Alicia."

Tinikom ko ang aking bibig nang marinig ko ang pangalan na iyon.

Naramdaman siguro ni lola na wala akong balak na magkomento kaya tumingin ito sa akin at kinuha ang isang kamay ko. Pinisil iyon ni lola at may pag-aalala sa mukha na tiningnan ako.

"Alam ko, malaki ang tampo mo sa ina mo, Madison pero mahal na mahal ka niya. H-Hindi niya nais na mapalayo ka sa piling niya kaya sana unawain mo siya kung napabayaan ka niya."

Ang kaninang lungkot sa aking mata ay napalitan nang pagtataka. "Po? Napalayo? Simula pagkabata ay si mama po ang kasama ko."

Gumuhit ang pagtataka sa mukha ni lola. "Hindi ba ay iyon ang nangyari sa inyo?"

Umiling ako sa sinabi ni lola at binawi ang kamay ko. "H-Hindi po. Nakasama ko nang matagal si mama. Pero napalayo po ako sa kanya nung hinanap ko si papa."

Kunot-noong nakatingin sa akin si lola. "Ngunit ang sabi ni Francis ay hiwalay ka sa iyong ina at si Fernan ang nagpalaki sa'yo."

"Si papa nga po pero si mama ang siyang nakamulatan ko noong ako'y sanggol pa lamang."

Hindi nawala ang pagtataka sa mukha ni lola. Bigla itong tumayo na madilim ang mukha at walang paalam na iniwan ako.

Ipinagsawalang-bahala ko nalang iyon at humiga sa upuan hanggang sa hatakin ako nang antok.

***

"May problema kaba, Amanda?"

Ibinaba ni Reynaldo ang hawak-hawak na sombrero na gawa sa buli at nilapitan ang asawa.

Kagagaling niya lang sa pamimingwit at napagpasyahan na umuwi nang maaga para maipahinga ang katawan.

Napapagod man sa bagong kinalilibangan ay ipinagsasawalang-bahala na lamang iyon. Mas gugustuhin niya pang mapagod sa bukid kaysa ang humilata lang maghapon sa kanilang pamamahay.

Aminado na siyang tumatanda na siya kaya habang buhay pa at malakas pa ay ginagawa na niya ang mga gawain noon na hindi na niya naranasan dahil sa hirap nang buhay. Oras na siguro para maglibang siya, tutal hindi na naman magugutom ang pamilya niya.

Hindi naman napansin ni Amanda ang pagdating ng asawa dahil sa lalim nang iniisip nito. Magkasalubong ang kanyang dalawang kilay at may gitli sa gitna ng noo. Malalim ang kanyang paghinga sa mga iniisip.

"Amanda..."

Napukaw ni Reynaldo ang atensiyon ng asawa nang tapikin niya ito sa braso. Sa wakas nakuha niya rin ang atensiyon nito.

Panandaliang gumuhit ang pagkabigla sa mukha ng ginang pero nang masilayan ang pinakamamahal na asawa agad itong tumayo sa pinagkakaupuan at humalik sa pisngi ng asawa bago nakangiting hinarap ito.

"Kanina kapa ba nakauwi?" Tanong nito at pinagpag ang suot na damit ng asawa nang makitang may dumi doon.

"Mukhang napagod, a? Sabi ko naman sa'yo, huwag kang magpapagod." Sita nito sa asawa nang mapansin na namumula ang buong mukha at ang balat na nakalitaw. Buhat iyon marahil nang pagbibilad sa araw. Wala kasing kulimlim sa pinamingwitan nito.

"Hindi naman ako napagod. Ikaw ang mukhang napagod, Amanda. Anong nangyari? At parang kay lalim nang iniisip mo kanina." Pag-uusisa ni Reynaldo at inaya ang asawa na maupo.

Naghanda muna si Amanda nang kakainin ng asawa bago lapitan ito. Umupo siya sa katapat nito at humigop muna ng tsaa bago sabihin ang kanina pa niyang iniisip.

"Si Madison..." Panimula ni Amanda.

Naputol ang tangkang paghigop ni Reynaldo sa kape nang marinig ang pangalan ng nag-iisang apo.

"Anong mayroon sa mahal kong apo?" Nag-aalalang tanong niya.

Dahil sa pagkaabala sa bagong gawain ay nalimutan na niyang kamustahin ang apo. Bihira narin naman niya itong makasabay sa hapag kaya wala na siyang balita rito.

"Nababahala ako, Reynaldo."

"Saan naman?" Nagtatakang tanong ni Reynaldo at minabuti na munang ibaba ang iniinom. Baka masamid siya kapag nagkataon.

"Si Madison. Hindi kaya, hindi natin siya apo."

Nagimbal si Reynaldo sa sinabi ng asawa. Kung ganun nga ay hindi niya kayang tanggapin. Mahal na mahal niya ang apo at ramdam na ramdam niya na ito'y anak nga ni Alicia.

Upang kahit papaano ay mabawasan ang pag-aalala ng asawa. Pinilit niya ang sarili na iwaglit sa isipan ang mga negatibong bagay.

"Magtiwala kalang, Amanda. Ramdam ko na ang dumadaloy na dugo kay Madison ay ang dugong Madrigal. Saka tingnan mo siya at maraming kilos na galing sa ina niya na namana niya."

"Sana nga, Reynaldo. Ayoko naman na mangyari ulit ang dati na tayo ay nililinlang na naman. Napamahal na sa akin si Madison." Nalulungkot na wika ni Amanda.

Hinawakan ni Reynaldo ang kamay ng asawa na nasa ibabaw ng lamesa at pinisil iyon. "Mabuti pa ay paulit natin ang dna test kay Francis. Para naman mawala ang pag-aalala natin."

Umiling si Amanda sa nais ng asawa. "Hindi na. Ako nang bahala."

Hindi na nagkomento si Reynaldo sa sinabi ng asawa at piniling sumimsim nalang ng kape. May tiwala naman siya rito, hindi naman ito gagawa ng isang bagay na ikakapahamak nila.

'Sa ngayon, mabuti ng ako ang kumilos dahil hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan kopa ang lalaking iyon.' usap ni Amanda sa sarili at nginitian ang asawa na nakamasid sa kanya.