Madison
Hapong-hapo na napamulat ako. Para akong nakipagkarerahan ng halos kapusin ako nang paghinga. Sinuntok-suntok ko ang dibdib ko na siyang ikinaubo ko.
"Idiot. Here drink this."
Hindi na ako nagdalawang-isip na tinungga ang iniabot ng kung sino sa akin na isang can ng softdrinks. Nanginginig na binuksan ko ito. Doon ko lang napagtanto na mahirap palang magbukas ng easy open can kapag naghahabol ka na ng hininga.
Nakahinga ako nang maluwag ng maubos ko ang inumin. Ibinaba ko ang walang laman na lata sa hita ko at tulalang napatingin sa taong kalapit ko. Saka lang nagsink-in sa akin ang nangyari. Nanlalaki ang mga mata na inapa ko ang dibdib ko kung saan nakatapat ang aking puso at pulsuhan ko. Mabilis na tumitibok ang aking puso. "B-Buhay pa ako? Buhay pa tayo!" Natutuwang saad ko.
Seryoso lang akong tiningnan ng lalaki. Nagtagal ang tingin nito sa mukha ko. Bigla tuloy akong nahiya. Tiyak na magang-maga na ang mukha ko na dumagdag lang lalo sa kasagwaan ng aking mukha.
Nayapos ko ang aking sarili nang bumaba ang tingin ng lalaki sa nakalantad kong dibdib. May suot pa akong bra pero pakiramdam ko tumatagos ang tingin niya dun. "H-Hoy bakit ka nakatingin?! Manyak ka no." Pilit kong tinatakpan ang dalawa kong bundok upang hindi niya ito masilayan ng ayos. Puti pa mandin ang kulay ng panloob ko. Tapos basa na ako ng pawis.
"A-Ano... Anong ginagawa mo?!"
Natatarantang sumandal ako sa kinauupuan ko nang maghubad ng damit ang lalaki. Inihanda ko rin ang kamao ko. Kahit pa puro sugat na ako at bugbog sarado, lalabanan ko parin siya.
"Subukan mo lang. Tatama sa'yo ang-AYY!"
Napasigaw ako nang sapol na sapol na tumama sa mukha ko ang t-shirt niya. Matalim ko siyang tiningnan pero napalunok ako nang dumilim ang mukha niya. Iniiwas ko ang tingin. Napalunok muna ako bago ko siya tanungin.
"Anong gagawin ko sa damit mo?"
"Kainin mo kung makakain mo. Tse, isuot mo natural." Masungit na asik nito at binuhay ang makina ng sasakyan.
Nagdadabog na sinuot ko ang damit niya. May kalamigan 'yun. Siguro dahil may ilang parte nang nabasa ng pawis. Pero infairness, mabango ang damit niya. Ano kayang pabango niya?
"Bakit ang bango mo?" Natutop ko ang aking bibig nang mabigla ako sa sinabi ko. Nanginginit ang aking pisngi na sinilip ko siya. Buti naman at wala siyang pakialam sa sinabi ko. Seryoso lang siyang nagdadrive habang nakahubad.
Hindi ko mapigilan ang aking sarili na pamulahan habang pinagmamasdan ko ang katawan niyang hubad-baro. Bakit ganun? Bakit ganun ang epekto sa akin ng lalaking ito? Samantalang ilang beses na akong nakakita ng mga lalaking walang pang-itaas na damit, lalo na si Francis pero hindi manlang ako nakaramdam ng pagkailang at pamulahan. Maganda ang katawan ni Francis pero parang binabawi ko na dahil higit na mas makisig ang katawan ng ginoong kasama ko ngayon.
"Hindi ko puwedeng ipasuot ang jacket ko sa'yo dahil may mantsa na ng dugo mo. Hindi rin naman puwedeng iuwi kita ng walang damit. Baka patayin ako ng mama ko. Plus, puro sugat kapa." Naiiling na wika nito. "Baka pagkamalan pa niyang ako ang gumawa ng lahat ng iyan."
Gulat akong humarap sa gawi niya. Nilingon ako nito saglit at bumalik ulit ang tingin sa unahan. "I-Iuuwi? Sasama ako sa'yo?"
"Bakit anong gusto mo ang mamatay? Sabihin mo lang, handa akong ihatid ka sa mga halimaw na lalaking 'yun." Mainit ang ulo na wika nito.
Umayos ako nang upo at hindi na nagtanong pa. Pero nang maalala ko at mapansin ko na wala ng sumu-sunod sa amin ay lumingon ulit ako sa kanya. "Nasaan na 'yung mga humahabol sa atin?" Naalala ko na nawalan pala ako nang malay habang mabilis na nagdadrive siya. Akala ko nga hindi na ako magigising pang-muli dahil pakiramdam ko humiwalay ang kaluluwa ko kanina habang nakikipaglaro kami ng kamatayan sa mga lalaking 'yun.
"Nilibing ko na nang buhay." Maikling sagot nito.
Nalungkot ako. Kahit naman nawala na ang pagmamahal ko kay Francis at natakpan na nang galit ay hindi ko parin maiwasan na isipin siya. Minahal ko siya nang totoo at hindi ko malilimutan 'yon.
"Buhay pa sila. Suwerteng nakatakas tayo."
Nakahinga ako nang maluwag ng marinig ko 'yon. Gusto kong pagbayaran nila Francis ang ginawa nila sa akin pero gusto ko buhay sila habang pinagbabayaran ang kataksilang ginawa. Gusto ko silang mabulok sa kulungan.
Sinandal ko ang likod ko sa upuan at madiin na ipinikit ang mga mata. Napaluha nalang ako nang kumirot ang sugat ko. Pero mas masakit parin ang sakit sa puso ko na nararamdaman ko kaysa sa mga malalalim na sugat na ito.
Masakit na isipin na pinagkaisahan nila ako. Masakit na masaksak ng isang taong minahal ko nang sobra. Minsan gusto ko nalang sumuko tutal ako lang naman ang nagmamahal sa sarili ko. Sila lola, bago ako sumama kay Francis at mapunta sa ganitong sitwasyon ay hindi kami ayos. Ramdam ko naman na iniiwasan nila ako. Hindi ko tuloy maiwasan na isipin na baka maging sila ay kasabwat din dito. Kahit sila ay hindi ko na mapagkakatiwalaan. Kaya ngayon mas pipiliin ko nalang munang magtiwala sa estrangherong ito kaysa sa kanila na hindi ako sigurado kung totoo ba ang ipinakikita sa akin.
"Sa tingin mo maipaghihiganti ka ng iyak mong 'yan."
Iminulat ko ang aking mata at pinahid ko ang luha kong tumutulo na pala. Hindi ko sinagot ang sinabi niya. Baka masinghalan ko lang siya.
"Masakit maloko at mapagkaisahan ng taong mahal mo no." Nang-uuyam na wika nito.
Naikuyom ko ang kamao ko. Sinasadya niya bang inisin ako? Hindi ba siya marunong makiramdam na nasasaktan ako?
"Tama ako, 'di ba?. Kung ako sa'yo hindi ko sila iiyakan dahil hindi inaaksaya ang luha sa mga katulad nilang walang puso. Ang dapat sa kanila sinusunog nang buhay." Humalakhak ito na siyang ikinatayo ng mga balahibo ko. Kinikilabutan ako sa mga pinagsasasabi niya. Dapat na ba akong umurong?
"Ikaw? Hindi mo ba naiisip na ang pagsunog sa kanila ay gawain ng mga taong walang puso. Katulad ka narin nila kung ganun." Lakas-loob na sita ko rito.
"At ano ang gusto mong mangyari? Ang makulong sila. Hoy, babae sa mundong ito kung hindi ka kikilos walang hustisya na darating. Mamamatay ka nalang lahat ay hindi mo pa nagagantihan ang mga may sala sa'yo."
Tinigil nito ang sasakyan at pabalyang sinipa ang pintuan ng sasakyan tapos bumaba. Sa inis ko ay ginaya ko rin siya. Wala siyang karapatan na pagdabugan ako dahil nasaling ko siya sa katotohanan na sinabi ko. Ako nga itong babae tapos siyang lalaki ay dinaig pa ako sa pagdadabog dahil nasagot ko nang pabalang. Aba'y isip-bata ata itong nasamahan ko.
"Sumunod ka sa'kin." Utos nito at humakbang na pero nang mapansin ata na hindi ako sumunod ay magkasalubong ang kilay na hinarap ako nito.
"Nasaan tayo?" Tanong ko at ipinagsawalang-bahala ang naiinis niyang itsura.
"Nasa probinsya."
"Saang probinsiya?" Iginala ko ang aking paningin. Putol na kalsada ang pinagtigilan namin. Mapuno sa paligid at may iilan akong natatanawan na hayop pang bukid.
"Kahit sabihin ko, hindi mo rin naman alam." Tinalikuran ako nito at malalaki ang hakbang na lumakad.
"Sungit." Bulong ko at sumunod na sa kanya. Halos tumakbo ako para makapantay ko siya sa paglalakad.
Habol ang hininga nang matagumpay ko siyang nasabayan. "Wala bang aswang o halimaw rito? Papagabi na pala baka makasalubong tayo nun." Kinilabutan ako sa sarili kong itinuran. Bali-balita kasi dati sa lugar namin na may aswang daw o kung anong elemento sa mga probinsiya. Baka mamaya niyan makita ko nalang ang sarili kong tangay-tangay ng aswang.
Tumigil sa paglalakad ang lalaking ito. Magkasalubong na naman ang kilay nitong humarap sa akin. Lagi ba siyang masungit?
"Sa unang pagkakataon, magkakaroon na ng halimaw sa tahimik na lugar na ito at dahil 'yon sa'yo."
Nabigla ako sa sinabi nito. Nagtatanong lang naman ako, a. Bakit lagi siyang galit? "Masama ba na magtanong?"
"Nabugbog kaba talaga o hindi? Sa daldal mong iyan, mukhang kulang pa ang tama ng baril at saksak sa'yo."
Nagtaka rin ako. Parang pakiramdam ko nga ayos na ako. Medyo nanghihina pa ako pero kaya ko nang lumakad, paika-ika nga lang. Tapos siguro daplis lang ang tama ng baril sa akin at ang saksak ay puro hiwa lang. Masuwerte parin ako at buhay pa ako. "Hindi naman. Masuwerte lang talaga ako at hindi lahat ng sugat na natamo ko ay sobrang lalim." Kabaliwan. Anong hindi malalaim? Bawat sugat ko ay malalim. Hindi ko lang iniinda at siguro manhid na ang katawan ko sa kapal ng pasa at mga bukol.
Nabigla ako nang parang naka-squat ang lalaking ito nang pumunta sa harapan ko habang nakatalikod sa akin.
"Anong ginagawa mo?" Nagtatakang tanong ko.
"Sumakay ka sa likod ko. Marami ng dugo ang nawala sa'yo."
Agad akong sumakay sa likod niya. Nakaramdam ako nang hiya nung una pero natagpuan ko nalang ang sarili ko na parang unggoy kung makayapos sa leeg niya. Enjoy na enjoy ako habang pinagmamasdan ang bawat madaanan namin. Malalayo ang agwat ng bawat bahay. Wala akong makitang pakalat-kalat na mga tao. Baka maaga silang natutulog na hindi gaya sa lugar namin na malalim na ang gabi ay may nagkakasiyahan pa. Puro puno sa paligid. Iba't ibang klase ng mga pananim at palayanan din ang nakita ko.
Tumagal ng ilang minuto ang naging paglalakad namin. Hanggang sa tumigil kami sa tapat ng isang maliit na bahay. Wala itong pangalawang palapag, ang dingding ay pinagtagpi-tagping tabla at ang bubong ay may kalumaan na.
Napakapit ako nang mahigpit sa lalaki ng binuksan nito ang pinto. Wala nang sumasalo sa pang-upo ko kaya puwedeng mahulog ako. Mabilis niyang nabuksan ang pinto dahil hindi naman pala iyon naka-lock. Buti na lamang at hindi siya nawawalan ng kagamitan.
Ibinaba niya ako sa pahabang kahoy na upuan at saglit na umalis tapos pagkabalik niya may suot-suot na siyang damit.
"Nasaan ang mama mo?" Pagtatanong ko nang maalala ko ang sinabi niya.
"Tulog na. Hinaan mo lang ang boses mo. Aalis lang ako saglit at ikukuha kita ng ipanggagamot ko sa sugat mo."
Tumango lang ako sa sinabi niya at tahimik na nag-antay sa kanya. Pansin ko lang na wala manlang silang ibang kagamitan sa bahay na ito kundi ang mga pangunahing pangangailangan lamang. Hindi katulad sa bahay nila lola na maraming dekorasyon at kahit papaano sa bahay nila mama Fely na may paso naman.
Agad naman siyang nakabalik. May labit-labit siyang mga dahon na hindi ko alam kung saan niya gagamitin. Inilapag niya 'yon sa kalapit ko. Tapos kumuha siya ng maliit na batya at gasa.
"Pagtiyagaan mo nalang ang halamang gamot na'to. Walang alcohol o betadine sa lugar nila."
Nilinis niya ang sugat ko sa buong katawan. Nagtagal siya sa mga braso ko. Pansin ko ang pag-iling niya habang nililinis ang nadaplisan ng bala ng baril.
"Napakasuwerte mo at daplis lang. Kung nagkataon na napalalim ito at lumubog ang bala ay tiyak na nilalangaw kana ngayon."
Dinikdik niya ang mga dahon na dala niya kanina at tinapal sa lahat ng sugat ko. "Hindi nito maaalis ang sakit pero mapapahilom nito ang sugat mo. Mas okay na'to kaysa dalahin kita sa ospital." Binalutan niya ng gasa ang malalalim kong sugat maging ang aking palad na nahiwa dahil sa pagkakakapit ko sa talim.
"Sino 'yang kasama mo anak?"
Parehas kaming napalingon sa nagsalita. Lumabas sa isang silid ang babaeng sa tingin ko ay nasa 30 pataas na ang edad. May katangkaran siya at ang katawan ay may angking gandang hubog ng katawan. Hindi naging hadlang ang suot niyang lumang damit para hindi umangat ang ganda niya. Napakasimple ng mukha niya pero natitiyak ko na maraming nabihag na puso ng mga lalaki ang mukhang iyon.
"Si Madison po, mama. Isang kaibigan na napagtripan ng mga sira-ulo." Balewalang sagot nito.
Hindi ko pinansin ang pagsisinungaling nito pero ang ipinagtataka ko ay kung papaano niya nalaman ang pangalan ko. Samantalang tanda ko ay hindi manlang ako nagkaroon nang pagkakataon na makapagpakilala sa kanya.
"Totoo ba, ineng?" Nag-aalalang tanong ng babae at nilapitan ako. Hinawakan nito ang mukha ko. Dumampi sa balat ko ang mainit niyang palad na nagpakalma sa akin. "Buti nalang at natagpuan ka ni Maddox. Baka kung hindi, ay naku po! Dalawin sana sila ng mga konsensiya nila."
Napangiti nalang ako sa pag-aalala ng babae para sa akin. Naramdaman ko ang pag-aalala ng isang ina dahil sa kanya. Napaka-palad ni Maddox at mayroon siyang isang ina na mapagmahal.