Madison
"Nabanggit sa akin ni Maddox na nag-iisa kana lang daw sa buhay Madison." Pag-uusisa sa akin ng mama ni Maddox.
Inilayo ko ang tingin sa kanya. Kumuha ako ng hinihimay niyang gulay at dahan-dahan na pinutol iyon. Tinotoo nga ng lalaking iyon ang sinabi niya sa akin kagabi. Naghabi na siya ng kuwento na tungkol sa buhay ko. Iyon nga lang puno ng kasinungalingan.
Tandang-tanda ko pa at nakatatak sa memorya ko ang napag-usapan namin kagabi. Tahimik akong nagpapahinga nun sa silid ni Maddox nang walang pasabing hinawi niya ang kurtinang nagsisilbing harang sa silid at pumasok. Seryoso siyang nakatayo at daretso sa mata ko ang tingin.
''Habang nandito ka sa puder ko gusto kong malaman mo na hindi na ikaw ang dating Madison. Magpapakilala ka kay mama bilang si Madison na nag-iisa nalang sa buhay.''
''At bakit naman?'' kunot-noong tanong ko sa kanya.
''Niligtas na kita. Nadamay na ako sa problema mo pero hindi ko hahayaan na pati si mama Alicia ay madamay pa rito.''
Nang oras na iyon may naramdaman akong kakaiba nang marinig ko ang pangalang Alicia. Weird dahil dati kapag naririnig ko ang pangalan na 'yon ay binabalot ako nang kalungkutan. Pero ngayon hindi. Para pa akong nanabik na lalo kong makilala ang mama ni Maddox.
''Sige.'' Pagpayag ko at babalik na sana ulit sa pagpapahinga pero may isa pa siyang ibinilin.
''And one more thing, huwag mong tatangkain na mabanggit-banggit ang apilyido mo sa harapan ni mama.''
Hindi ako pinatulog ng huli niyang mga salita. Maraming katanungan ang naglalaro sa isipan ko ng gabing iyon. Hindi ko mahanap ang sagot kung bakit ayaw na ayaw niyang ipabatid sa mama niya na isa akong Madrigal. Kung maaari ko lang sanang tanungin ang mama niya.
"Madison, anak. Ayos kalang ba?"
Napabalik ako sa huwisyo nang marinig ko ang nag-aalalang tanong ni mama Alicia. Mama na ang tawag ko sa kanya. Tuwang-tuwa nga ang kalooban ko na siya pa mismo ang nag-utos sa'kin nun.
"O-Opo, ayos lang po ako."
"Sorry, mukhang nawala kapa sa sarili dahil sa tanong ko."
Umiling ako at nginitian siya. "Hindi po... M-Mama. Ayos lang po." Lubos-lubos ang aking saya nang mabanggit ko 'yon. Huwag sanang magalit si Maddox sa pang-aagaw ko sa atensiyon ng ina niya.
"Kung ganun, ulilang lubos kana nga." Siguradong-sigurado na wika nito.
"O-Opo."
Patawarin sana ako ng Panginoon sa pagsisinungaling ko. Kung wala lang talaga akong utang na loob sa lalaking 'yon ay susuwayin ko siya. Naaawa ako sa mama niya na pinaniniwalaan ang kasinungalingan.
Hindi na siya nagtanong pa at inipon ang mga kalat sa kanyang paghihimay.
Nahihiyang tinapos ko na ang hinihimay kong isang piraso lamang.
"Alam mo, Madison nakikita ko sa'yo ang anak ko."
Nasamid ako sa sinabi ni mama Alicia. Ako makita niya bilang si Maddox.
"Bakit ganiyan ang mukha mo anak?" Nag-aalalang tanong nito nang mapansin ata ang pagkaasiwa ng mukha ko.
Hindi ko maitago ang pagtutol ko sa sinabi niya. Natatawang tinuro ko ang sarili ko. "Naku po, mama. Si Maddox, magkaibang-magkaiba po kami. Masungit po siya at pilosopo po. Kung hindi lang po siya guwapo pagkakamalan kung binabae siya dahil napaka-arte niya po."
Natakpan ko ang bibig ko nang walang prenong nasabi ko ang mga salitang pang-iinsulto ko kay Maddox. Parang gusto ko nalang na lumubog sa lupa dahil sa hiya.
'Ano ka ba naman, Madison? Nanay niya ang kaharap mo. Baka isipin ni mama na pakialamera ka at mapanghusga,'
"Sorry po," nahihiyang paghingi ko nang paumanhin at iniyuko ko ang ulo ko.
"Okay lang 'yon. Hindi ikaw ang unang nagsabi sa kanya niyan, Madison. Halos lahat ata ng babaeng nagkakagusto sa kanya ay iyan ang sinasabi."
"Po? Hindi ko po siya gusto." Matibay ang pag-iling na ginawa ko. Hindi ko gusto si Maddox no. Ngayon ko lang siya nakilala at malabo ko siyang magustuhan dahil sa ugali niya. Oo, iniligtas niya ako pero hindi ibig sabihin nun na mahuhulog na ang loob ko sa kanya.
"Nakakatawa kang bata ka. Wala akong sinabi na gusto mo siya. At..." Tumawa si mama Alicia. Pero maging ang pagtawa niya ay may kahinhinan. Hindi katulad ko na kapag tumawa ay kita na ang lahat. Para siyang dalaga nung sinaunang panahon.
"Nasabi ko lang naman na nakikita ko si Maddox sa'yo dahil parehas kayo nang pinagdaraanan."
Naging interesado ako sa nabanggit ni mama. Dinukwang ko ang mukha ko sa mesa. Bale katapatan ko kasi siya. "Ano pong pinagdaraanan niya?"
"Si Maddox ay..."
"Nandito na ako."
Naputol ang sasabihin sana ni mama ng biglang sumulpot si Maddox. Tumingin siya sa gawi ko na ikinaayos ko nang upo. Paano ba naman kung makatingin siya ay parang may ginawa akong kasalanan.
Tumayo agad si mama. Lumapit ito kay Maddox at kinuha ang bitbit nitong bayong. "Naku, bata kang talaga. Sabi ko naman sa'yo ako na ang mamimili. Amoy hindi kana tuloy maintindihan. Tapos wala ka pang sapin sa likod. Naku, kapag ika'y nagkasakit."
Inamoy ni mama Alicia ang damit ni Maddox na ikinatawa ko. Pero natutop ko nalang ang bibig ko nang tingnan ako ni Maddox ng matalim.
"Sungit." Sinabi ko rito nang tanging buka lang ng bibig.
Inirapan ko muna siya bago ako umiwas nang tingin sa kanya.
Ngayon lang talaga ako pumatol sa kagaya niya. Dati naman ang mga taong may ugaling katulad ni Maddox ay pinagpapasensiyahan ko. Pero ngayon, naku po. Wala atang oras na lumalampas na hindi kumukulo ang dugo ko sa lalaking ito.
"Hindi na pala kami sasabay ni Madison sa tanghalian."
Napalingon ako sa gawi ni Maddox nang marinig ko ang sariling pangalan. Kunot ang noo na tiningnan ko ito.
"Bakit saan ang punta niyo?" Pagtatanong ni mama Alicia at nilingon ako.
"Kailangan niyang madala sa pagamutan." Maikling wika ni Maddox at nilampasan ang mama niya bago hinigit ako papatayo. Halos gusto ko siyang suntukin nang gumuhit ang kirot sa braso ko na hinawakan niya.
Pumaslag ako sa hawak niya na ikinabitaw niya sa braso ko. Naka-krus ang dalawang braso na bumalik ako sa pagkaka-upo.
"Hindi ako sasama. Magaling na ako." Matigas kong wika.
Ayoko ngang sumama sa kanya. May kutob akong ilalayo niya lang ako sa mama niya. Siya na mismo ang nagsabi nung una na hindi niya ako dadalahin sa pagamutan dahil baka mapadpad dun ang mga humahabol sa akin. Tapos ngayon, bigla niya akong dadalahin. Nakakapagtaka naman.
Madilim ang mukha na lumapit siya sa akin. Hinaklit niya ang braso ko. Dahil dun hindi ko napigilan ang pagsigaw. Nataranta na hinampas ni mama Alicia ang kamay ni Maddox na nakakapit sa akin.
"Ano ka bang bata ka? Dahan-dahan naman sa pagtatayo kay, Madison. Alam mo naman na may sugat siya." Sermon nito kay Maddox.
Nag-aalalang tiningnan nito ang braso ko. "Pasensiya kana ha. Mainitin lang talaga ang ulo niya."
Kung hindi masakit ang braso ko ay baka dinilaan ko pa si Maddox upang susotin. Ako ang kinampihan ng mama niya at hindi siya.
"Walang aalis. Ako ang maggagamot kay Madison. Buti pa ang halamang gamot at walang ibang dulot. Baka kung mapaano lang siya sa pagamutan." Pinal na wika ni mama Alicia at inalalayan akong makaupo sa mas maayos na upuan. "Konting hilot at tapal lang, anak gagaling ka rin." Nakangiting wika nito sa akin at hinaplos ang pisngi ko na siyang ikinapikit ko.
Pakiramdam ko, para siya ang nanay ko na gandang-ganda sa anyo ko kahit kabaligtaran ng katotohanan. Puno din nang pagmamahal ang haplos niyang iyon. Hindi lang siya nagpapakalma sa puso ko, maging ang hinahanap kong kalinga ng isang ina ay napupunan ng isang simpleng haplos niya.
"Kargo natin siya kapag namatay siya dahil hindi siya nabigyan nang sapat na lunas, mama."
Lihim nalang akong napairap sa sinabi ni Maddox. Akala mo naman talaga ay takot na mamatay ako. Nagawa nga niyang haklitin ang walang kalaban-laban na braso ko.
"Ayusin mo ang pananalita mo, Maddox. Kilabutan ka nga sa sinasabi mong mamamatay. Naniniwala akong malakas ang puso at katawan ni Madison."
Inutusan ako ni mama na mahiga. Inuunat ko ang aking dalawang binti habang siya ay nakaalalay sa ulo at likod ko.
"Iwasan mo na muna ang kumilos, anak. Baka mabinat ka o kaya ay baka bumuka ang mga tahi mo. Kung hindi ko lang alam na nabugbog kalang ay iisipin ko na sinaksak at binaril ka talaga dahil sa lalim ng 'yong mga sugat." Kunot-noo na wika ni mama. Inayos nito ang inuunanan ko.
"Aalis ako saglit upang humingi at humanap nang igagamot sa'yo."
Tumuwid na nang tayo si mama at masungit na tumingin kay Maddox na kanina pa palang nakatingin lang sa ginagawang pag-aasikaso sa akin ng mama niya. "At ikaw, lalaki. Magluto ka. Kapag bumalik na ako at nakita kong hindi pa nakasalang ang ulam ay kukurutin kita."
"Pero ma. Alam mo naman na-"
Pinutol ni mama ang sasabihin nito. "Hindi puwede ang hindi marunong, Maddox. Sa akin kana nakatira ngayon kaya dapat matuto kana."
Bumulong si Maddox na hindi umabot sa pandinig ko. Napagod din naman itong makipagtalo sa mama niya at napilitan na magluto kahit labag sa loob.
Imbes na magpahinga, natagpuan ko nalang ang sarili ko na tuwang-tuwa na pinanonood si Maddox na hindi magkandaugaga sa pagluluto.
"Magaling akong magluto. Alam na alam ko kung papaano 'yan." Pagmamayabang ko at nginisian si Maddox na tiningnan lang ako nang matalim.
"I don't fucking care."
Napatawa nalang ako sa pagsasabi nito ng bad words.
"Pake ko din."
Gigil na gigil na naggisa siya sa kawali. Imbes na mabangong amoy ng sibuyas at bawang ang maamoy ko ay amoy na sunog na kawali ang nanuot sa pang-amoy ko.
"Sunog na 'yan," sita ko rito at inginuso ang kawali.
"Magpahinga ka nalang puwede. Dapat pala, pinabayaan nalang kita."
"Tse..." Asik ko. Bumalik ako sa pagkakahiga. Pero ilang minuto palang ang lumilipas natagpuan ko na ang sarili ko na humahakbang papalapit kay Maddox. Ang sala at lutuan kasi nila ay magkasama na kaya malayang-malaya kong nakikita ang damuhong ito.
"Yay! Uling ata ang ginisa mo, dong." Natatawang susot ko rito.
Ang dapat na pagluluto ni Maddox ay nauwi sa kapalpakan. Wala akong ibang ginawa ng oras na 'yon kundi pagtawanan siya.