Madison
"Manong parang mali po ata ang napuntahan natin?" Nagtatakang tanong ko sa tricycle driver na nasakyan ko.
Dinungaw ko ang aking ulo para makita ko si manong. Ibinaba din nito ang tingin at nangangamot ang ulo na nginiwian ako. "Ay neng, ito 'yung lugar na nakalagay sa ibinigay mo na papel eh."
"Sige po."
Iniabot ko ang bayad at inintay ang sukli bago bumaba. Agad din naman na umalis ang tricycle.
Wala sa sarili na humakbang ako papalapit sa tapat ng gate ng malaking bahay na ito. Hindi ko inaasahan na dito ako mapapadpad. Tadhana na nga siguro ang gumagawa ng paraan para makita ko silang muli.
Napahigpit nalang ang aking hawak sa tangkay ng sling bag nang mapagtanto ko na bahay ito nila lola. Ang bahay na minsan ay tinuring ko rin na akin.
Nag-alangan pa ako nung una kung tutuloy ba ako sa binabalak ko. Pero sa huli nanaig ang naisin ko na makamit ang hustisya.
Natagpuan ko nalang ang aking sarili na pinipindot ang door bell.
Napalayo ako nang bahagya ng bumukas ang maliit na gate nito. Napatagis nalang ang aking bagang nang sumungaw ang pamilyar na mukha sa akin.
"Sino po sila?" Magalang na tanong ni manang Nerma sa akin. Walang bahid ng pagkagulat sa kanyang mga mata. Tanging pagtatanong kung sino ba ko ang kanyang tanging sinambit.
Ibang-iba na talaga ako. Hindi na ako si Madison na dati ay isa rin nilang pinagsisilbihan.
Marami akong gustong itanong kay manang. Gusto kong itanong, kung bakit? Bakit hindi manlang ako hinanap nila lola? Ganun na ba ang tampo niya sa akin at pinabayaan lang nila ako? Bakit hinayaan nila akong mapasakamay nila Francis? Bakit hinayaan nilang humantong sa ganito ang lahat?
"Ineng ayos ka lang ba?"
Pasimple kong pinahid ang aking luha na namuo dahil sa inis. "O-Opo. Ako po si Ana." Pakilala ko at hindi na alam kung anong idudugtong pa sa aking bagong katauhan.
"Ikaw siguro 'yong probinsiyanang bagong kasam-bahay? Halika! Tuloy ka."
Niluwagan ni manang Nerma ang pagkakabukas ng gate. Inintay muna nitong makapasok ako bago niya isara ulit.
Inunahan niya akong maglakad habang ako ay nakasunod lamang.
Habang tinatahak ko ang papasok sa bahay na 'to ay bumibigat din ang pakiramdam ko. Bawat sulok na madaanan ko ay naghahatid ng bigat sa aking dibdib. Lalo na ang sinasabi ni lola nun na paborito ni Mama Alicia na hardin. Ngayon ay wala ng mga bulaklak at halaman. Isa na lamang siyang patag na lupa na may iilang damo.
"Si lola parin ba ang nakatira rito?" Naitanong ko sa aking sarili. Pero mukhang napalakas ata 'yon dahil kunot-noong nilingon ako ni manang Nerma.
"Ano ineng? Lola kamo?"
Umiling ako. Nabuhay ang kaba sa aking dibdib. Lalo na nang tingnan ako ni manang mula ulo hanggang paa.
Natikom ko ang aking bibig. Baka makilala niya ako o kaya makahalata. Bakit kasi hindi ako nag-iingat?
"Pasensya kana neng, nabingi na naman ako."
Nakahinga ako nang maluwag. Nagpatuloy kami ni manang na maglakad. Paminsan-minsan ay itinuturo niya sa akin ang bawat silid na kailangan kong malaman. Katulad ng kung saan naroroon ang kusina, sala, library at iba pa. Na hindi manlang pumasok sa kokote ko. Alam ko na naman ng lahat ng iyon kaya hindi na ako nag-abala pa na maging pamilyar sa sinasabi niya.
"Maiwan na muna kita. Tatawagin ko lang si sir."
Dinalaw ulit ako ng kaba sa dibdib. Hindi ko napaghandaan ang muli naming pagkikita ni lolo. Paano kung umamin ako? Paano kung umiyak ako sa harapan niya at sumbatan sila na kung bakit hindi nila ako hinanap?
Umiling ako. Hindi ko puwedeng aksayahin ang paghihirap ni Maddox para lang maitago ako sa nagtatangka sa buhay ko. Kapag ayos na ang lahat ay saka na ako aamin sa kanila. Ipagtatapat ko ang lahat sa kanila. Maibigay ko lamang ang impormasyon na hinahanap ni Maddox at lalayo na ako. Gusto ko na nag tahimik na buhay. Iyong kahit wala akong pera basta alam kong tahimik lang akong mabubuhay. Hindi katulad nung nahanap ako nila lola, mapera nga ako, nasa marangyang tahanan, mamahaling gamit at mayroong masasarap na pagkain na nakahain sa hapag pero nagtatago naman para mapahaba pa ang buhay.
Mabilis na tinungo ni manang ang hagdanan upang tumungo sa pangalawang palapag ng bahay.
Imbes na umupo sa sofa ay tumayo ako at tinungo ang isang drawer na kasing taas ng baywang ko. Gaya ng dati, sa flat na ibabaw nun ay may mga frame na nakalagay. Hindi pamilyar ang frame sa akin kaya agad ko 'yong hinawakan at titingnan sana ang mukha ng taong naroroon.
"Ikaw ba 'yong bagong maid?"
Kusang ibinaba ng kamay ko ang frame na hawak ko. Parang bumagal ang oras nang lingunin ko ang nagmamay-ari ng boses na 'yon.
Gusto kong magwala, maglupasay at umatungal ng iyak sa harapan niya. Hanggang ngayon hindi ko maisip na ganito ang gagawin niya sa akin.
Hindi ko inaasahan na magkikita kami agad. Akala ko si lolo ang masisilayan ko. Pero nagkamali pala ako. Ang maaliwalas na mukha ng nobyo ko ang nakita ko. Ang pamilyar niyang mga ngiti na pati mata ay sumisingkit dahil tunay ang kanyang pagngiti. Pero iba na ngayon, kung dati nasisilaw pa ako sa ngiti niya. Ngayon ay hindi na. Dahil alam kong lahat ng 'yon ay hindi totoo.
"Ayos kalang ba?" Nag-aalalang tanong nito at lumapit sa kinatatayuan ko.
Para akong sinasakal kahit pa sabihin na isang hakbang pa ang layo niya sa akin.
Nanginginig ang aking labi na sinagot siya. "O-Opo."
"Okay, Ana. Nice meeting you. Sana ay maging mabuti ka sa akin at magiging mabuti rin ako sa'yo bilang amo mo."
Naglahad ito ng kamay na tinanggap ko agad. Parang napapaso na tinaggal ko kaagad ang pagkakadikit ng palad ko sa kanya. Hindi ko kaya. Hindi ko kaya na matagalan ang paglapit sa kanya.
"Are you okay? Namumutla ka at nanlalamig?"
Hinawakan nito ang braso ko na ikinapiksi ko. Napansin naman ata nito ang pagkailang ko kaya humingi agad siya nang paumanhin.
"Sorry nabigla ata kita. Ayoko lang kasi na magkasakit ang mga trabahador ko."
Ibinuka ko ang aking labi at pilit na tinitigan siya sa mata. Kailangan kong maging normal sa harapan niya. Kapag hahayaan ko na sumabog ang nararamdaman ko ay matatalo ako. Masasayang lang ang lahat.
"Surry po sir. Napagod lang po ata ako sa biyahe, eh. Malayo-layo po kasi ang probinsiya ko sa lugar niyo."
Maging ang pagbabago sa way nang pagsasalita ay iniba ko. Nagkaroon ako ng punto kahit hindi ako gasinong sanay at nangangapa pa.
Nawala ang gitli sa noo ni Francis at nginitian ako. "Magpahinga kana at sa susunod na araw ay puwede ka ng magsimula sa pagtatrabaho. Tungkol sa suweldo mo ay si Nerma na ang bahalang magpaliwanag sa'yo."
"Sige po. Salamat po." Yumuko ako at nginitian siya.
Nagpaalam agad si Francis nang tumunog ang cellphone nito. Agad niya 'yong sinagot at hindi tumakas sa pandinig ko ang sinabi niya.
Hindi ko alam kung dapat ko nga bang pakinggan iyon dahil sa tingin ko ako mismo ang gumagawa ng dahilan para masaktan ako.
"Yes, babe, susunduin kita. I love you."