Napabahing si Jack nang sumambulat sa mismong mukha niya ang alikabok na ilang taon na atang namamahay sa kahon na kinalalagyan ng mga kumang gamit ng isang matalik na kaibigan.
Buong lakas niyang binuhat ang kahon at ipinatong 'yon sa malapit na mesa sa kanya.
Tinakpan niya ng panyo ang ilong at bibig bago pinagpag ng sariling palad ang ibabaw at ilan pang parte ng kahon.
Nang buksan niya 'yon, sumambulat sa harapan niya ang mga lumang litrato. Hinalukay niya ang loob nito, hanggang sa matanawan niya ang pinaka-huling laman ng kahon.
"My Diary." Basa niya sa naka-print na salita sa mismong harapan na pabalat ng notebook o journal ata ito dahil sa iba't ibang disenyo at iilan na guhit kamay na mga cartoon network.
Nagtatalo ang kanyang loob kung bubuksan ba ito at babasahin ang nakasulat sa bawat pahina. Sa huli, nakita nalang niya ang sarili na nililipat ang bawat pahina nito.
May kakupasan na ang tinta ng ballpen na ginamit pero nababasa pa naman niya.
"Huwag ka sana, Ana magalit sa pangingialam ko sa gamit mo."
Huminga muna siya nang malalim. Bago lumamyak sa sahig at sinimulan na basahin ang bawat pangyayari sa dalaga.
Unang pahina ay patungkol lamang sa buhay ni Ana. Bawat kasiyahan na nagaganap sa buhay niya ay kanyang inilalahad sa diary na ito. Hanggang sa mangalahati ang pahina at doon na nagsimula na magbago ang emosyon na nakasulat. Bawat kalungkutan na nararanasan ng dalaga ay malinaw na malinaw na naihayag. Bawat dalangin niya, bawat kasakitan at bawat paghihinagpis niya ay nakasulat.
"Hindi ko alam na ganito pala ang naranasan mo."
Mabigat ang dibdib ni Jack nang matapos na basahin ang diary ng kababata. Hindi niya akalain na nakaranas ito nang kalupitan sa kamay ng mga Madrigal pero sa huli walang sinisisi ang dalaga.
'Kung hindi siguro nagawa ni Papa na magnakaw sa inyo ay hindi niyo tatanggihan si lolo at namatay. Nagalit ako nung una sa mga Madrigal pero naisip ko. Tama lang naman 'di ba? Tama lang na tanggihan nila ako dahil nasira na ni Papa ang tiwala nila. Sana dumating ang araw na makita ko at makausap manlang ang Don at ang Señora upang makahingi nang tawad. Iyon nga lang kung may hininga pa ako.'
Iyon ang huling mga salita na nakasulat sa diary ni Ana. Kung hindi siya nagkakamali, ilang araw lang ang lumipas ayon sa petsang nakasulat sa diary ng babae ay nagawa nitong kitilin ang sariling buhay. Nung una ay hindi maintindihan ni Jack, kung bakit? Bakit nagawa ni Ana na magpakamatay? Bakit sila nagawang iwan nito? Pero ngayon alam na niya. Ngayon niya nalaman na sa bawat ngiti pala nito noong nabubuhay pa ay may itinatagong kalungkutan.
"Patawarin mo ako, Ana. Patawad at ngayon ko lang nalaman."
Kusang tumulo ang namumuo niyang luha sa mga mata. Idinikit niya sa dibdib ang notebook at niyakap 'yon nang mahigpit.
"Alam ko lahat ng ito ay may dahilan. Huwag kang mag-alala, Ana sasabihin ko lahat kay Maddox na hindi ka galit sa mga Madrigal ng mapalayo siya sa kapahamakan."
***
Nagawang ipangharang ni Maddox ang isang kamay nang saktong tumama ang sinag ng araw sa mismong mata niya. Papalubog na ang araw pero mainit parin para sa kanyang balat ang sinag ng araw.
Lumingon muna siya sa paligid. Nang makitang nag-iisa agad siyang humakbang papaunahan hanggang sa matapat siya sa doorbell ng bahay.
Inalis niya muna ang bumabara sa lalamunan bago tangka niyang pipindutin ang doorbell ng.
Ring!
Bagot na bagot niyang kinuha ang cellphone sa bulsa ng suot na pantalon at sinagot ang tawag bago makita ang pangalan ng caller.
"Pasensya na Jack. Kung tungkol ito sa pagtatalo natin nung nakaraang araw ay pasensya nalang ulit." Mabilis niyang salita at hinanda na ang hinlalaki sa pagpindot sa end button.
"Wait-"
Hindi na niya inantay pa ang sasabihin ni Jack at mabilis na pinatay ang tawag. Itinabi niya ulit ang cellphone at nagawa na niyang pindutin ang doorbell.
Bumukas ang maliit na pinto ng gate. Sumungaw ang ulo ng babae roon. Nakangiti ang labi na salubong sa kanya nito pero nang mapagtanto ata kung sino siya ay parang umurong ang dila nito.
Napangisi siya. Na surpresa ata ang babae sa ginawa niyang biglaang pagbisita rito?
"Hi." Ikinaway niya pa ang kanang palad bilang pagbati.
Tarantang lumabas si Madison sa gate at mabilis iyon na isinara.
"Anong ginagawa mo rito? Hindi ba at usapan natin na tatawagan nalang kita?" Kabadong-kabadong na humarap ang dalaga sa kanya.
"Usapan? Ikaw ang unang sumuway sa usapan natin, Madison." Lumapit siya sa puwesto nito at hinawi ito nang bahagya. "Paraanin mo ako."
Agad na humarang si Madison sa harapan niya. Ibinuka nito nang pagkalaki-laki ang dalawang braso upang maharangan siya. "H-Hindi. Hindi ka puwedeng dumaan! Ano nalang ang sasabihin nila kapag nagpakilala ka? Magagalit sa akin si Francis. Naiintindihan mo ba 'yon?!"
Napakuyom siya ng kamao. Sinubukan niya munang kalmahin ang sarili pero hindi niya nagawa. Malakas niyang hinampas ang dalawang braso ni Madison na ikinababa nito.
"Ah!" Daing nito. Nanlilisik ang mga mata na tiningnan siya habang hinahaplos ang namumulang balat sa parteng hinampas niya.
"Masasaktan ka talaga kapag pinigilan mo pa ako. Kung ako sa'yo lumayas-layas kana dito bago mo pa makita ang taong dahilan kung bakit ka naghihirap ngayon." Banta niya rito.
Hilaw ang ngiti na tiningnan siya ni Madison. "Hindi ba at nasa harapan ko na ang taong iyon? Kung balak mo rin naman palang sabihin ang lahat kay Francis ay uunahan na kita."
"Sige! Sabihin mo! Nang maaga kang malagutan ng hininga." Paghahamon niya rito.
Umangat ang kamay ni Madison. Nakakatiyak siyang handa nang sumugod ang dalaga sa kanya pero naputol iyon ng may dumating na isang sasakyan.
Nagbusina ang itim na sasakyan. Segundo lang at dumungaw sa binta ng driver seat ang mukha ng taong kinaiinisan niya.
"Ana, pakibuksan naman ako nung gate." Nakangiting utos nito.
Kating-kati ang kamay ni Maddox na lamugin ang mukha nito gamit ang sarili niyang kamao.
'Ang kapal! Ang kapal ng mukha! Akala mo kung sinong anghel pero iyon pala halang din ang kaluluwa.'
Mabilis na binuksan ni Madison ang malaking gate at agad na dumaan ang sasakyan dun.
Naiwan silang dalawa ni Madison. Nagngingitngit parin sa galit si Maddox. Makita niya lang ang lalaki ay agad na kumukulo ang dugo niya.
"Umuwi kana. Nakikiusap ako Maddox." Nagsusumamo na wika ng dalaga sa kanya.
Matigas siyang umiling. "Ayoko. Simula ngayon dito na rin ako magtatrabaho."
"Ano?!" Gulat na wika nito at tinitigan siya sa mata. Pero bumaba ang tingin nito at lumipat nang lumipat sa iba't ibang parte ng mukha niya. "Anong nangyari diyan? Bakit puro peklat ka?" Lumapit ito sa kanya. Tinangkang hawakan ni Madison ang mukha niya pero mabilis niya na sinalo iyon.
"Hiniwa ko ang sarili ko."
"Pero bakit? Bakit mo ginawa 'yon?" Naguguluhang tanong nito.
"Dahil gusto ko. Maganda ba?" Nakangising tanong niya.
Mabilis na binawi ni Madison ang kamay na salu-salo ni Maddox at malakas na tinampal ang kaliwang braso nito. "Baliw kana."
"Lalo pa kitang babaliwin."