Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 40 - Chapter 38

Chapter 40 - Chapter 38

Madison

Hindi ako mapakali sa aking kinatatayuan. Kating-kati na ang aking mga paa na puntahan si Maddox at higitin papalabas kung na saan mang silid siya naroroon ngayon. Nakakatiyak ako na sinasabi na niya kay Francis ang lahat. Kapag nagkataon, imbes na magkaayos kami ni Francis ay masisira pa dahil sa kanya.

"Argg... Nakakainis!" Nasabunutan ko ang aking sarili dahil sa inis.

"Huy, problema mo?" Tinanggal ni Steph ang kamay ko na sumasabunot sa aking buhok. Nang tangkang ibabalik ko 'yon ay agad niya akong nasampal sa pisngi. "Baliw lang 'te?" Nakataas ang kilay na tanong nito.

"Sorry Steph pero wala akong oras para kausapin ka." Hinawi ko ito nang bahagya pero nagawa ako nitong pigilan at harangan.

"Ano bang problema? Puwede mo akong sabihan?"

Litong-lito na marahil ako nang oras na 'yon. Nagawa kong higitin si Steph patungo sa silid namin at natagpuan ko nalang ang aking sarili na kinukuwento ko ang totoong ako. Mula sa simula hanggang sa kasalukuyan.

Dapat hindi ko ginawa na ipagkatiwala sa kanya ang sikreto ko pero hindi ko alam. Litong-lito na ako at marahil ay naghahanap lang ako nang masasandalan.

"Ikaw talaga 'to?! Paano nangyari te?! At si sir talaga, binalak kang patayin?!" Naghehesterikal na tanong nito.

Idinikit ko ang aking palad sa labi ni Steph. "Huwag kang maingay."

Tumango-tango ito na naging hudyat kaya tinanggal ko ang pagkakatakip ko sa bibig niya.

"Pero, gurl. Bakit mo naman sa akin sinabi? Hindi ba at mas mabuti na umalis ka nalang dito? Tutal iba na ang look mo ngayon."

Napakamot ako sa bumbunan ko. "Eh kasi..."

"Mahal mo pa si sir." Siguradong wika ni Steph. Tumango ako.

"Naku, letseng pag-ibig talaga 'yan! Halos patayin ka na nung tao, hindi mo pa isuplong sa pulis. 'Yang kagagahan mo ang papatay sa'yo, Madi--este Ana."

Kinuha ko ang litrato na ipinakita ko kay Steph at ibinalik iyon sa maliit na kahon. Matapos nun, maagap ko naman na kinuha ang kamay ni Steph at pinisil. Nagsusumamo na tiningnan ko ito. "Kailangan kita. Hindi ako matitigil hanggat hindi ko napapatunayan na hindi ako ang pumatay sa nanay ni Francis. Biktima lang ako dito Stephanie! Biktima."

Malungkot ang mata at bagsak ang balikat na tiningnan ako ni Steph. "Pero Ana kasi, eh... Paano kung madamay ako? Paano naman ang pamilya ko? Paano kung patayin ako ni sir? Wala pa akong nagiging jowa te!"

Hindi ko alam kung maiiyak nalang ako sa takot o matatampal ko nalang ang kausap ko dahil nasa bingit na nga siya nang kamatayan ay nagawa pa niyang isipin ang pagno-nobya.

Huminga ako nang malalim. Kung hindi ko makukumbinse si Steph. Mabuti pang kahit papaano ay makakuha ako sa kanya ng impormasiyon.

"Makinig ka sa akin Stephanie. Alam ko kalabisan at kakapalan na ng mukha 'to. Pero puwede bang kumuha ka ng impormasiyon kung nasaan ang lolo at lola ko. Please, kahit iyon lang." Halos lumuhod na ako sa mismong harap niya, mapakiusapan ko lang siya. "Kahit, numero lang nila o address para mapuntahan ko."

"Ayokong mangako pero susubukan ko."

Sa salitang 'yon ni Stephanie ako kumapit. Kahit malabo, nagkaroon naman ako nang pag-asa para makausap ulit sila lola. Oo, galit ako sa kanila. May tampo, pero hindi ko maiitanggi na sila ang higit na mas makakatulong sa akin ngayon.

***

Napangisi si Maddox habang kalmadong tinitingnan ang babaeng kung kanina ay parang linta kung makakapit kay Francis pero ngayon ay para na itong isang maamong tupa nang makilala siya.

"Sa totoo lang, hindi ako tumatanggap ng lalaking trabahador." Tumikhim si Francis at pinagsalikop ang dalawang kamay. "Pakiramdam ko, sasaksakin nila ako kapag nakatalikod ako."

'Hindi ba at iyon ang ginawa mo.' Nais niyang idagdag sa sinabi ni Francis. Tama nga naman ang kasabihan, takot ang kapuwa sa kapuwa nila magnanakaw.

Bahagya siyang yumukod para makaiwasan ng tingin sa lalaki. Baka mapansin nito ang nag-aalab niyang tingin. "Hindi po, boss. Pinapangako ko po ang buo kong katapatan."

'Liar' Katapatan? Kung nasa lugar niya lang ang lalaki ay baka tinarakan na niya ng punyal sa dibdib ang gagong ito. Tangna! Wala pa siyang isang oras sa bahay na 'to ay daig pa niya ang sinisilaban sa sobrang init ng nararamdaman niya dahil sa galit.

"Anong masasabi mo babe?"

Iniangat ni Maddox ang tingin. Salubong ang kilay niya nang mapansin na nanginginig ang labi ng kausap nitong babae.

"M-Marami na tayong tauhan, babe." Iwas ang tingin ng babaeng ito.

'Nahihiya kaba, honey? Nahihiya kaba at nalaman ko ang sekreto mo?'

"Kaya kong gawin ang lahat sir. Kahit saan niyo po ako idestino." Subukan lang ng babaeng ito na kontrahin pa ang pagpapakitang gilas niya ay baka sumabog nalang siya bigla at mapatay ang dalawang ito sa mismong kinauupuan nila.

"Tanggap kana."

"But Fran-" Pagtutol ng babae. Napatayo pa ito sa kinauupuan sa gulat sa naging pasya ng nobyo.

"Kailangan din natin siya Laylanie. Ilang linggo lang at uuwi na si mama. Ayaw mo naman na magalit siya, right?"

Hindi man pumayag ang babae ay wala itong nagawa. Tahimik nalang itong bumalik sa kinauupuan habang dala-dala sa dibdib ang namumuong takot.

May isang minuto na nilamon sila ng katahimikan pero naputol lamang 'yon nang tumunog ang cellphone ni Francis at nagmamabilis na umalis.

"Huwag mo akong iwan dito, Fran--" Habol ng babae dito.

Mabilis na tumayo si Maddox. Naging tulong sa kanya ang fitted na suot na dress ng babae kaya nahirapan ito sa pagtayo at paglakad.

Agad niyang nahigit ito at nahawakan nang mahigpit ang braso nito. Napangisi siya nang mapansin ang pamumula ng hinawakan niya.

"Bitawan mo ako!" galit na utos nito at pilit na tinatanggal ang pagkakakapit niya. Pero dahil lalaki siya, wala itong nagawa nang isalya niya sa sofa.

Mabuti na lang at sa isang silid sila nag-usap.

"Ano ba, Maddox?! Hindi kaba natatakot na makita ni Francis ang ginagawa mo?! Puwede ka niyang patayin!"

Ngumisi siya. Idinikit niya ang dibdib sa dibdib nito. Wala siyang pakialam kahit pa mapitpit ang babaeng ito. Tutal, iba't ibang bigat na ng lalaki ang nakaya nito.

"Bakit ako matatakot? Una palang ay akin kana."

Malakas siya nitong sinampalan na ikinapaling ng mukha niya. Tangna! Mas masakit pa ata ang masampal ng isang babaeng alaga ng manikurista ang kuko kaysa sa masuntok.

"Hindi mo ako pagmamay-ari! Oo, kasal tayo pero hindi kita mahal. Baliw ka at nagsisisi ako na dinadala ko ang apilyido mong hayop ka!"

Nilukob siya nang galit. Mabilis na umigkas ang palad niya at malakas na sinapak ito. Lintik 'tong babaeng ito! Halos dugo't pawis niya ang pinuhunan niya para lang maibigay ang lahat ng luho nito pero nagawa parin siyang iputan sa ulo. Nasaan ang hustisya?! Nasaan?! Siya na halos mamatay-matay para lang makaahon sa hirap tapos naubos lang ng bigla ng dahil sa babaeng ito. Tapos ngayon, ngayong putik na naman siya ay basta-basta na lamang siyang iiwan.

"Papatayin kitang hayop ka! Tutal, hindi karin naman magiging akin 'di ba?! Mabuti pang mamatay ka nalang."

Walang nagawa ang kawawang babae nang mabilis niya itong sinakal. Dinaig pa nito ang isang isda na tinanggal sa sariling tahanan. Sisigok-sigok habang pilit na humihigop ng hangin.

"Ma--Ackk... Pakawalan mo na ako." Naluluhang pakiusap nito.

Pakakawalan niya lang ito kung wala na itong buhay.