"Patawarin mo ako, Maddox. Hindi ko ginusto na iwan ka. Pero nabulag ako eh."
Inis na hinampas ni Maddox ang palad sa babasaging mesa. "Tanginang nabulag 'yan Laylanie! Saan ka nabulag sa maamong mukha ng lalaking 'yon o sa pera niya ha?!"
Umiling-iling ang dalaga. Dinaig pa ang bukal na umagos ang luha nito sa dalawang mata. "H-Hindi. Hindi. Sa kanya ko nahanap ang pagmamahal na hinahanap ko."
"At sakin ano?! Anong nahanap mo?! Tingin mo ba sa akin, huthutan mo lang ng pera mo ha?! Tapos nung said na said na ako, iniwan mo nalang ako nang basta at sumama sa gagong 'yon."
Halos lumuhod na si Laylanie mahingi lang ang kapatawaran ng lalaki. Laking luwag niya sa dibdib nang hindi siya tuluyang patayin nito. Ramdam na ramdam niya ang galit nito habang sakal-sakal siya kanina.
"Hindi, Maddox. Napagod lang ako na maging asawa mo lang sa papel. Oo, asawa mo ako pero hindi ko maramdaman. Nawala ang spark eh. Nawala."
Napatawa nalang nang pagak si Maddox. Spark? Tangna, uso pa pala 'yon. "Spark lang pala ang hinahanap mo, eh di sana nagpakuryente ka nalang." Umismid siya. "Huwag mo akong gaguhin babae. Hindi lang si Navarro ang nakarelasyon mo."
Nanlalaki ang mata na tiningnan siya nito. "P-Paano mo nalaman?"
Umangat ang sulok ng labi ni Maddox. Nahuli niya rin sa sariling bibig ang isda. "Akala mo purkit mukhang sakitin ako nun ay wala na akong alam. Habang nakatalikod ako, alam ko na may nilalandi kang iba. Pinalampas kong lahat 'yon Laylanie. Pero ang sumama ka sa isa sa kanila ay hindi ko matanggap." Huminga siya nang malalim dahil sa inis. "Akala ko, dahil bata pa tayo at magbabago kapa. Pero hindi pala. Nagkamali pala ako." Iniiwas niya ang tingin. Ayaw niyang makita ng babaeng ito na malambot siya. Ayaw niyang umiyak mismo sa harapan nito. Mahal na mahal niya si Laylanie. Pero ang pagmamahal na 'yon ay nawala. Dala na rin ng sakit na idinulot sa kanya ng asawa.
"S-Sorry, hindi ko alam Maddox. Kaya ba binago mo ang itsura mo? Kaya ba sinugatan mo ang mukha mo dahil sa akin?"
Umiling siya. Oo, nung una naisip niya na baguhin ang sarili para balikan siya ng mahal na asawa niya. Pero ngayong nasa harapan na niya ito ay parang biglang nabura ang rason na 'yon.
"Hindi dahil sa'yo. Nandito ako para kunin ang isang kaibigan."
Tama, si Madison. Gusto na niyang itama ang gusot. Iaalis na niya ang dalaga sa gulong ginawa niya. Hindi na niya maaatim na may iba pang madamay dahil sa kagaguhan niya.
"Si Ana?"
Hindi siya tumango sa tanong nito pero nagpatuloy ito.
"Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ito, Maddox pero mas mabuti kung umalis na kayo ni Ana rito."
Nakuha ng sinabi ni Laylanie ang atensiyon niya. Mabilis niya itong nilapitan at hinawakan sa magkabilang balikat. "Bakit anong alam mo?"
"Si Ana. Hindi ako sure pero alam ko siya at si Madison ay iisa. Alam na ni Francis ang tungkol sa kanya. Hanggang maaga pa ay itakas mo na siya Maddox."
"Pero papaano niya nalaman?" Naguguluhan na tanong niya.
"Toso si Francis, Maddox. Kinagat ni Madison ang pain na inilatag sa kanya ni Francis. Alam niya na isang araw ay babalik ang dalaga sa bahay na ito. Hanggang sa dumating nga ang araw na 'yon."
Halos gustong iumpog ni Maddox ang sariling ulo sa sementong dingding. Napakatanga niya! Siya pa mismo ang naghulog sa dalaga sa patibong. Bakit ba hindi niya naisip na kahit palitan ang mukha nito ay makikilala at makikilala parin ito ng lalaking matagal na nitong nakasama.
"Minahal kita, Maddox kaya sinasabi ko ang lahat ng ito. Gusto kong iligtas mo ang kawawang bata na 'yon na nadamay dahil sa kasakiman namin ni Francis."
Mabilis na sinakop ni Maddox ang labi ng asawa. Nagsalo sila sa isang simpleng halik. Halik nang pamamaalam.
"Mag-iingat ka."
Tanging paghatid nalang ng tingin ni Laylanie ang nagawa para sa lalaki.
Sana, kahit sobra ang ginawa niyang kasalanan ay mapatawad pa siya. Umaasa siya na maitama kahit papaano ang ginawa niyang pagsasabi ng totoo kay Maddox.
***
Madison
Hindi makapaniwala si manang Nerma nang umamin ako sa kanya. Luhaan ang kanyang mata at hindi mapatid ang pagyakap sa akin.
"Husmiyong bata ka! Inatake ang lolo mo dahil sa sulat na ipinadala mo."
Nangunot ang aking noo. Mabilis akong kumawala nang yakap kay manang. "Sulat? Wala po akong ipinadadala na sulat."
"Teka lang. Alam ko, nakaipit iyon sa pitaka ko."
Mabilis na hinalungkat ni mamang ang pitaka niya. Nakuha niya ang isang papel na mukhang nagkulay kayumanggi na at may iilan ng gusot na bahagi. "Ito, ineng. Ito iyon."
Mabilis kong tinanggap ang papel at binasa. Nangunot ang aking noo nang mapansin na halos parehas nga kami ng sulat kamay ng taong may gawa nito. Kuhang-kuha niya maging ang aking pirma sa dulo. Nakalagay dito na mas pinili ko ang magpakalayo-layo kala lola dahil sawang-sawa na ako sa ugali nila at hindi ko sila mahal. Na pera lang ang habol ko sa kanila. At hindi ang pagmamahal nila.
"Matapos niyan ineng, halos malugi ang lahat ng negosyo ng lolo at lola mo. Malaking pera ang nawala dahil sa'yo."
Matigas akong umiling sa maling paratang ni manang. Inis na kinuyumos ko ang papel pero kinuha iyon ni manang at pilit tinutuwid. "Hindi ako magnanakaw manang! Kahit mamatay man ako sa mismong kinatatayuan ko ngayon ay wala akong ninanakaw. Kung sino man ang may gawa nito ay hindi ko mapapatawad."
"Easy 'te, ang puso natin."
Hindi ko pinansin ang sinabi ni Steph. Kay manang ako bumaling. "Gusto ko pong makausap sila lola. Gusto kong sabihin sa kanila ang lahat ng nalalaman ko. Ayoko nang ganito na nagdurusa ako sa hindi ko naman gina--"
"Hindi na kailangan, mahal."
Mahal? Kumabog ang puso ko. Ang galit ko sa dibdib ay napalitan nang pangungulila. Ang boses na 'yon. Ang pagtawag na 'yon.
Iniikot ko ang aking katawan upang makaharap ang tumawag sa akin ng mahal. "F-Francis..."
"Ako nga Madison. Bakit hindi mo sinabi agad na ikaw pala iyan?"
Nanginit ang mata ko nang ngitian ako nito. "K-Kasi baka galit kapa sa akin." Suminghot ako at pilit na pinipigilan ang pagluha pero nabigo ako. Tumulo pa rin iyon.
"Nagalit ako nung una. Pero ang makita kang nahihirapan sa hindi mo ginawa ay nasasaktan ako."
Nanlaki ang mata ko sa saya. Alam na niya ang totoo. Alam na niyang hindi ako ang pumatay sa mama niya. "Natutuwa ako at alam mo ng hindi ako ang pumatay sa mama mo, Francis."
"Actually, dahil sa katuwaan ko na nakabalik kana ay sinundo ko ang lolo at lola mo. Hindi ba at matagal mo na silang hinahanap?" Naglahad ito ng kamay na tinanggap ko nang walang pagdadalawang-isip.
"Huwag kang sumama sa kanya Ana." Rinig kong bulong ni Steph sa likuran ko pero hindi ko iyon pinakinggan. Tanging nasa isip ko lamang ay ang makita sila lola at ang makipag-ayos kay Francis.
At saka nakatuwa na malaman na naniniwala na siya sa akin at sinundo niya pa si lola para sa akin. May hustisya pa talaga. Lalabas at lalabas talaga ang katotohanan.
"Tiyak na matutuwa ka sa surpresa nila." Bulong sa akin ni Francis at hinapit ako sa baywang bago kami lumakad.
Rinig na rinig ko ang pagtutol ni manang at ni Stephanie pero hindi ko alam kung anong ginawa ni Francis at nang lingunin niya lang ang dalawa ay tumahimik na sila.
Tama ba na sumama ako sa kanya? Pero siya ang nakakaalam kung nasaan si lola? Susugal ba ulit ako? Sa tingin ko, oo.
Hindi ko alam pero ang kaninang pananabik ko na makita sila lola ay bilang napalitan nang pangangamba.