Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 44 - Chapter 42

Chapter 44 - Chapter 42

Ten years later...

Masayang nagtatakbuhan ang dalawang paslit sa malawak na hardin ng mansiyon. Walang kapaguran ang dalawang bata. Dinaig pa nila lagi ang full charge sa taas ng energy nila tuwing naglalaro. Bata nga naman. Walang iniisip kundi paglalaro.

Hapong-hapo na napahawak sa tuhod ang kaawa-awang itsura ng tagapag-alaga ng mga bata. Nasa kalendaryo pa ang edad ng babae pero dinaig niya pa ang nirarayuma sa pag-aalaga sa makukulit niyang alaga.

"Naku po! Hinay-hinay sa paglalaro kids, hindi kerry ng pretty yaya niyo." Napahawak sa sintido ang kasambahay nang makaramdam ng bahagyang kirot dun. Itong mga batang ito ata ang uutas ng buhay niya.

"Mateo, Michael! Jusko po... Para kayong mga turumpo."

Agad na umalalay ang yaya sa isa sa kambal ng wala itong tigil na nagpaikot-ikot at hihilo-hilong lumakad.

Nuknukan ng sutil ang dalawang batang ito. Parehas guwapito at halatang malaking bulas. Kay talino rin. Iyon nga lang, palapatol sa mga bata. Madalas napapatawag ang mommy at daddy ng dalawang paslit sa principal office dahil lang sa isang dahilan. Nagpaiyak ng guro o ng kaklase.

"Tama na 'yan kids. Baka dumating na ang mommy niyo." Inawat ng yaya ang dalawang batang ngayon naman ay naglulupasay sa lupa. Ito ang gusto nilang ugali sa mga batang ito, lumaking mayaman at sunod sa luho ngunit hindi maarte. Para rin silang mga yagit sa lansangan.

"Puwede ka naman maglaro rin ate Stephanie. Momma will not mad at you." Hinila ng bata ang laylayan ng damit niya. Napangiti si Steph sa ka-cute-tan ni Mateo. Mayroon itong matatabang pisngi at namumula na dahil sa pagod sa kakalaro.

"Medyo oldy na kasi ang pretty yaya niyo mga beh. Pangit naman tingnan na lumupasay pa ako sa lupa 'diba?" Tinuro ni Steph ang lupang kinagugulungan ni Michael. Sitting pretty ang bata dun. Hindi alintana ang kulay puting damit na ngayon ay kulay lupa na.

"Ang sabihin mo ate Teph, natatakot ka na makita ni tito Jack. Crush mo siya eh."

Nanlaki ang mata ni Stephanie sa sinabi ni Michael. Nilapitan niya ang bata at nahihiyang kinausap ito. "B-Baby, secret lang natin ha. Nakakahiya kay tito mo, hehehe."

Tumango ang bata. Tinapik nang mahina ni Stephanie ang ulo nito. "Very good baby. Halikana, wash na kayo ng hands tas liligo na ha."

Kumapit ang dalawang bata sa kamay ni Stephanie. Tatalon-talon ang dalawa habang lumalakad sila papasok sa bahay.

Habang pinaliliguan niya ang dalawa ay lumapit sa kanya si Michael at bumulong. Balot na balot ng bula ang katawan nito. Habang si Mateo naman ay nakababad sa bathtub.

"Alam na po ni tito Jack na crush mo siya. Momma tell it to him." Bulong nito sa kanya.

Nanginit ang pisngi ng babae sa hiya. Naku po! Paano niya haharapin ang lalaki? Lagi pa naman nitong binibisita ang mga pamangkin.

"Ayos kalang ate?"

"Balik na ulit kayo sa pagligo, bili. Parating na mommy niyo." Sinampuhan niya ang buhok ng dalawang bata. Sila na ang nagsabon sa sariling katawan nila. Big boy na daw sila. Mga nahihiya nang magpasabon sa malliit nilang bird.

"Is Santa coming too, yaya?"

Tumango nalang siya. Hindi niya naman puwedeng sabihin sa dalawa na peke si Santa. Baka sabunutan siya ng ina ng mga ito. Saka isa rin siya sa umasa rito nung bata pa siya. Akala niya dati, nababahuan lang si Santa sa sinasabit niyang medyas pero 'yon pala wala talagang Santa.

Paasa si Santa, tse... Katulad ng crush niya.

***

Napangiti si Amanda nang salubungin siya ng dalawang apo. Walang tigil sa kadadaldal ang dalawang bata. Nasa bukana palang ang mag-asawang Madrigal pero wala nang tigil sa paghunta ang dalawa. Akala nilang mag-asawa pasalubong ang uunahin ng dalawa pero hindi.

"Kids, pagod pa ang lolo at lola niyo."

Pinigilan ni Amanda ang yaya ng dalawang bata nang tangkang ilayo ito sa kanya.

"Lola, alam mo ba we bake cookies for Santa. Sabi ni ate Teph, bababa daw si Santa sa chimney tapos kakainin niya 'yong cookies at iinumin 'yong gatas." Pinalubo ng apong si Michael ang pisngi nito. Mahinang pinisil iyon ni Amanda. Nakakatuwang lumalaki ang mga batang ito na masigla at malusog.

Napabaling naman ang tingin ni Amanda sa isang apo nang ang lolo naman nito ang kinulit.

"Lolo, 'di ba fat si Santa. Paano po siya nagkakasya sa chimney?"

"Baka nag diet na siya ngayon, apo." Napatawa ang mag-asawa sa naging sagot ni Reynaldo.

"Woah! Baka si Mr. Muscle na siya lolo!" Manghang wika ng dalawang bata.

Napuno nang tawanan ang loob ng bahay. Binuhat ng mag-asawa ang dalawang bata at binaba sa sofa. Ipinaubaya nalang nila ang mga dalang bagahe sa mga kasambahay. Hirap man at aminadong sumasakit na ang likod ng mag-asawa kapag buhat-buhat ang mga apo ay hinayaan nalang nila. Darating ang panahon na lalaki ang kambal at sa araw na 'yon baka wala na sila.

"Lola, lolo! Nandito na po pala kayo."

Napangiti si Amanda nang salubungin siya nang mahigpit na yakap ng isa sa kayamanan niya.

"Oo, apo. Hindi naman puwedeng palipasin namin ang pasko na wala kami rito." Napatigil siya sa pagsasalita nang magmano ang asawa ng apo niya.

"Kaawaan ka ng Diyos, Maddox."

Tumango lang ang lalaki sa kanya. Tumungo sa asawa ni Amanda at nagmano rin bago nakipaglaro sa dalawang anak.

Noong una tutol siya sa relasyon ni Maddox at ng apo niya lalo na at nalaman niya na isa ito sa dahilan kung bakit naranasan ni Madison ang lupit ng buhay. Pero kapag puso nga naman ang nagdikta, wala silang magagawa. Masaya siya para sa apo na si Madison. Nalampasan nito ang pait ng buhay. Nagkaroon ito ng pamilya at ngayon ay masaya sa kung anong tinatamasa niya.

***

Madison

Masaya ako na pinagmamasdan ang mag-aama ko. Kompleto kami na nagsasalo sa maunting handaan para sa pasko. Maingay na umaawit ang tugtuging pamasko at salit-salitan ang pag-indap ng christmas light na nakapa-ikot sa seven feet na christmas tree. Amoy pine tree din ang paligid. Pasko na talaga.

Kung hindi dumating ang mga pulis nang araw na nasa bingit ng kamatayan ang buhay ko ay tiyak na wala akong dalawang anghel ngayon. Salamat at natunton nila ang kinalalagyan ko sa tulong ni Maddox. Si Ashira pala ang binaril nila. Duguan siyang bumagsak sa ibabaw ko nun. Akala ko talaga, katapusan ko na. Pero may awa ang Diyos. Kahit hindi ako kasing sobrang bait ng ibang tao, iniligtas niya parin ako. May awa talaga ang Diyos.

Limang taon. Limang taon bago namin napagpasyahan ni Maddox na ibaon at kalimutan ang nakaraan. Hindi siya umalis sa tabi ko kahit pa ang laki nang galit ko sa kanya nun gawang naglihim siya sa akin. Noong una ako ang balak niya talagang patayin dahil sa poot niya sa mga Madrigal. Hindi niya daw alam kung anong pumasok sa isip niya at niligtas niya ako sa kamay ni Ophelia. Sa kanya ko rin nalaman na matagal na niya akong kilala. At tadhana nga naman, ang mama Alicia niya pala ang tunay kong ina.

Napangiti ako nang pagmasdan ko si mama Alicia na walang tigil sa pag-aasikaso sa apo niya at kay lolo at lola.

Nasiraan daw ng bait si mama nun nang nakawin ako sa kanya kaya nagpalaboy-laboy siya. Sinumbatan ko siya nung una pero nang makita kong lumuha siya sa harapan ko ay hindi ko kinaya. Para akong sinakal lalo na nang humingi siya nang tawad sa akin at lumuhod. Sinisi niya ang sarili dahil iba ang naging itsura ko. Hindi daw siya sigurado kung bakit ganoon ang naging itsura ko. Pero tanda niya daw nun na natutuwa daw siya sa isang manika. Weird nga daw at ang manika ay kamukha ng mga manika na ginagamit sa pangkukulam.

Nang halos mabaliw na siya, nakilala niya si Maddox. Ito ang nagpunan sa pangungulila niya sa akin. Si Maddox ang inayusan niya para maging isang babae. Tinuring niyang isang tunay na anak ito. Iyon nga lang nagawa rin siyang iwan ng asawa ko nang magpakasal ito kay Laylanie. Away-bati ang dalawa. Walang araw na hindi sinusumbatan ni Laylanie si Maddox dahil dukha ito. Dahil sa pressure, nagsikap ang mahal kong asawa at nakamit ang naisin. Iyon nga lang, nagloko parin si Laylanie. Nilustay ang pera niya at masaklap pa peke ang kasal nila.

Kung nasaan si Laylanie? Hindi namin alam. Bigla nalang siyang nawala. May balita sa amin ang private investigator na kinuha ni Maddox na nasa ibang bansa na si Laylanie at may sarili ng pamilya.

"Kain kalang anak." Nginitian ko si Mateo, isa sa kambal ko nang nag-aalalang tiningnan ako. Siguro nagtataka siya kung bakit pinagmamasdan ko lang sila.

At ngayon, sampung taon na ang lumipas. Hindi naging madali ang pagsungkit ko sa puso ni Maddox. Malalim talaga ang pagmamahal niya kay Laylanie. Pero isang araw nagulat nalang ako nang bigla niya akong halikan. Kinikilig ako kapag naaalala ko ang araw na 'yon.

Hindi siya mahirap mahalin. Aminado siya sa sarili na hindi siya mahilig sa mabubulaklak na salita. Hindi niya rin ako sinasabihan ng I love you dahil sabi niya kapag sinabi niya na sa akin 'yon, ibig sabihin nun limot na niya at burado na sa puso niya si Laylanie.

Noong una. Napa-isip rin ako. Kaibigan lang din ang tingin ko sa kanya. Hindi pumasok sa isip ko na magpapakasal ako sa kumag na lalaking kagaya ni Maddox. Pero nagpakasal ako. Sinecure ko ang future ko sa kanya. At ngayon may anak na kami, sigurado akong mahal ko siya. Mahal na mahal.

***

"Sa tingin mo Maddox, lalaki ang kambal na isang mabuting tao?"

Napangiti si Maddox sa tanong ng asawa. Niyakap niya ito nang mahigpit at hinayaan na sumiksik ito sa leeg niya. Kapuwa sila hindi makatulog at hinahayaan lang na kusang sumara ang talukap ng mga mata.

"Oo naman. Didisiplinahin natin nang maayos ang anak natin. Lalaki silang may takot sa Diyos."

Tiningala siya ni Madison. Napangiti siya nang halikan nito ang baba niya.

Tumahimik ito kaya napatahimik din siya. Bigla itong kumalas sa yakap niya at naupo sa kama. Mukhang may bumabagabag na naman sa isipan ng asawa niya?

"Mahal mo ba ako, Maddox?"

Natigilan siya sa tanong nito. Kumabog ang dibdib niya at nagsimula siyang kabahan. Pero bakit? Bakit siya kakabahan? Natatakot ba siya dahil baka iwan siya ni Madison? Natatakot ba siya at baka may iba na itong napupusuan?

"Madison..." Nag-aalalang tawag niya rito.

Iniiwas ni Madison ang tingin sa kanya. Alam niyang lumuluha ito. "May anak na tayo pero kahit kailan hindi ko manlang narinig sa'yo na mahal mo ako."

Hinigit niya ang asawa papaharap sa kanya. "Ayoko na umiiyak ka." Pinahid niya ang luha nito. Si Madison nalang at ang anak nila ang mayroon siya. Hindi niya hahayaan na matulad ang pagsasama nila sa naging kasawian nila ni Laylanie.

"Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung karapat-dapat ba ako sa pagmamahal mo?"

"Pero ma-"

Dinikit niya ang hintuturo sa labi ni Madison para tumahimik ito. "Mahal kita Madison, mahal na mahal. Natatakot lang ako na baka magbago ka sa akin kaya pinipigilan ko ang aking sarili na mahalin ka nang sobrang lalim. Sinusubukan ko kung magbabago kaba sa akin."

Ibinaba ni Madison ang hintuturo niya. Hinawakan nito ang pisngi niya at hinaplos. Napapikit si Maddox sa init na hatid nun.

"Hindi ako magbabago, Maddox. Simula nang ibigay ko ang sarili ko sayo ay nangako ako na sa huling hininga ko na ikaw lang ang magiging lalaki sa buhay ko."

Iminulat ni Maddox ang mata. Tinitigan niya ang mata ng asawa. May mukha man ito ng ibang tao pero sa mata nito malinaw niyang nakikita si Madison. Ang Madison na minahal niya. Ang Madison na laging lumuluha dahil sa kasawian. Ang Madison na minahal siya kahit pa sobrang daming kagaguhang nagawa niya rito.

"Mahal na mahal kita Madison de Leon. Hanggang sa malagutan ako nang hininga ay ikaw lang ang mamahalin ko."

Nakangiting sinakop ni Madison ang labi ng asawa. Sa wakas narinig niya rin ang katagang nais niyang marinig sa mismong labi nito.

Mahal na mahal din kita, Maddox.