Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 20 - Chapter 18

Chapter 20 - Chapter 18

Madison

"Ma'am, tulungan ko na po kayo."

Inilayo ko kay manang Nerma ang mga sangkap na aking gagayatin nang magtangka itong kumuha roon. "Ako na po manang, kaya ko po ito. Noon nga po ay all around pa ako eh," pagbibiro ko rito at tinawanan ang sariling iwinika.

Kinuha ko ang gayatan na gawa sa makapal na bubog at sinimulang maghiwa ng sibuyas roon at bawang, matapos nun ay sinunod ko ang karne. Sabi ni lolo mahilig daw si lola sa home made na kaldereta. Lalambot daw agad ang puso ni lola kapag iyon ang niluto ko, pang peace offering daw kumbaga. Saka balak ko rin siyang ipag-bake ng isang simpleng cake na ini-steam. Mas gusto daw ni lola ang pinakuluan kaysa sa inoven. Buti na nga lang at madadali lang ang mga paborito ni lola, hindi ako mahihirapan dahil yakang-yaka ko yun. Ikaw ba naman, maging all around sa 17 years ng buhay ko.

"Ma'am?"

Tinigil ko ang paglalagay ng mga hiniwang sangkap sa flat na pinggan at tiningnan si manang, "Madison nalang po." Mas matanda naman sa akin si manang kaya ayos lang. Hindi rin pati ako sanay sa tawag nila sa akin.

Nag-aalangan pa si manang nung una pero sinunod din naman ang sinabi ko. "M-Madison, kung hindi mo mamasamain. Maari ko bang itanong kung saan ka galing? Nagulat nalang kasi kami isang araw na nandito kana at pinakilala kang apo ni Don Reynaldo at ni Madam Amanda."

Tinitigan ako ni manang Nerma. Tinitingnan siguro kung anong magiging reaksiyon ko sa sinabi niya. "Nag-aalala kasi ako sa mga amo ko, may katandaan na sila at mabilis nang maloko sa ganung edad."

Tumango ako at nginitian si manang para mawala naman ang kaba niya sa dibdib. Pansin ko kasi ang panaka-nakang paglalaro niya sa mga daliri niya, na madalas ay ginagawa lamang ng isang tao kapag kabado o nahihiya. "Nakakatuwa naman pong malaman na malaki ang pagmamahal niyo kila lolo at lola. Huwag po kayong mag-alala, naiintindihan ko po kayo."

Tinalikuran ko muna si manang at sinimulan munang igisa ang mga sangkap. "Isasalang ko lang po ito manang," paalam ko at sinimulan nang magluto.

Nang ayos na at puwede nang iwan ang niluluto ko ay agad kong hinarap si manang na kanina pa ata pinapanood ang ginagawa ko. "Upo po tayo." Humigit ako ng dalawang silya at naupo kami ni manang doon.

Ramdam na ramdam ko na nais niya talagang malaman kung saan ako nagmula. Ngumiti muna ako rito bago mag-umpisa. "Sa totoo lang po, hindi ko po alam ang buong pagkatao ko. Basta namulat nalang ako sa mundo na puro kasakitan lang ang naranasan ko. Naranasan kong pagmalupitan ng taong siyang nagluwal sa akin, naranasan kong matulog nang walang laman ang tiyan at naranasan ko ang sumiksik sa isang gilid para lamang maparamdam ko sa sarili ko na ligtas ako. Nabuhay akong naghahanap nang kalinga at pagmamahal ng isang magulang. Naranasan kong magsakripisyo para sa mga mahal ko pero wala akong natanggap, manang." Hindi ko alam pero habang isinasalaysay ko ang aking naranasan ay hindi na ako lumuluha, tanging bigat nalang sa aking dibdib ang nararamdaman ko.

Kita ko ang lungkot sa mata ni manang. Bumuka ang bibig nito pero wala siyang salitang binigkas.

Ipinagpatuloy ko ang aking sinasabi. "Hinanap ko ang ama ko, umaasa ako na kapag nakita ko siya ay mabubuo ang pamilyang hinahangad ko. Pero, mali ako dahil doon ko napagtanto na sa una palang pala ay nakikihati na kami. A-Alam niyo yung pakiramdam na kasama niya yung mga tunay niyang anak sa hapag-kainan habang ako nakatingin lang sa kanila sa malayo. Ni hindi ko manlang siya mayakap o makausap nang matagal." Akala ko kaya ko na. Mali parin pala ako. Habang sinasabi ko yun ay nagunahan din ang aking mga luha. Para akong sinasakal habang binabalikan ang ala-alang iyon. Iyong panahon na gustong-gusto kong mayakap si papa at marinig ang salitang anak sa bibig niya habang nakatingin sa akin. Pero wala, buong buhay kong pagsisilbi sa kanila ay wala akong narinig na salitang anak sa labi niya na para lamang sa akin.

"Patawad, napaluha pa kita."

Nginitian ko lang si manang at nagsalita ulit. Ilang taon ko itong kinimkim sa aking dibdib. Ilang taon. "Hindi ko alam kung anong naging kasalanan ko sa mundo para maranasan ko ang mga masasalimuot na pangyayaring iyon. Pero nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil ibinigay niya sa akin si lolo at lola. Hindi ko man alam kung paano pero nanamnamin ko na lamang ang mga oras at araw na kasama sila."

Nilamon kami nang katahimikan. Nakatingin lamang sa akin si manang at walang balak na magbigay nang komento.

Tumayo ako sa kinauupuan ko nang marinig kong kumukulo na ang aking niluluto. Tiningnan ko si manang at nginitian ito. "Sana po kahit papaano ay nasagot ko ang tanong niyo. Salamat po sa pakikinig." Sinulyapan ko pa ito saglit bago tinungo ang aking niluluto.

Tinapos ko muna iyon bago simulang maghanda para sa susunod na lulutuin ko.

***

Napangiti ako nang matagumpay kong naayos ang mga simpleng palamuti para sa lamesang kinalalagyan ng pagkaing niluto ko para kay lola. Puting-puti ang telang nakabalot sa buong pabilog na hugis ng mesa. Sa ibabaw ay may tatlong pirasong pulang rosas. Pinatupi ko rin ng may disenyo ang telang gagamitin ni lola sa pagpunas ng bibig niya mamaya kapag nagsimula na siyang kumain. Nangingibabaw ang usok ng pagkaing nakahanda sa mesa. Ang cake na aking niluto ay nakalagay pa sa kahon na sadya para sa mga cake na pinabili ko kay mang Bert. Hindi ko masasabing magaling ako sa gantong bagay pero masasabi kong ginawa ko ito nang may pagmamahal at hindi napipilitan.

Binuklat ko ang card na hawak ko at binasa ang mensahe doon na mismong kamay ko ang nagsulat. Napangiti ako sa nakasulat doon. Ang sarap pala sa pakiramdam na gawin ang mga bagay na katulad nito para sa mga taong mahahalaga sa iyo. Ito ang unang beses na masasabi kong nag effort ako.

"Ma'am, nandito lang po pala kayo."

Nangunot ang aking noo nang makita kong halos habulin ni Shiela ang hininga niya. Daig pa niya ang nakipag habulan sa kabayo. "Bakit humahangos ka?" Takang tanong ko at inilapag ang card sa mesa.

"Ang lola niyo po."

"Anong meron kay lola?"Takang tanong ko nang mapansin ko na parang hirap na hirap ito sa sasabihin.

"May nangyari pong hindi maganda sa lola ninyo."

"Ano?! Anong nangyari kay lola?" Lumapit ako kay Shiela at halos ug-ugin na ito upang makuha ko ang sagot.

"Hindi ko po alam. Tumawag lang po si Don at pinasasabing sumunod kayo sa akin."

Hindi na ako nagtanong pa kay Shiela. Agad ko itong hinigit at inutusang ituro sa akin ang lugar. Pansin ko naman ang pagiging aligaga nito. Maging ako rin naman, kinakabahan ako at nag-aalala para kay lola.