Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Cheese and Sweets (BL)

🇵🇭She_Losa
34
Completed
--
NOT RATINGS
93.1k
Views
Synopsis
Dating kalaro at kapitbahay. Katrabaho. Taga-advice minsan. Nakikitulog sa kanila pero wala na kinabukasan. Ganoon ang papel ni Theo sa buhay ni Soto. Pero nang malaman nitong brokenhearted siya ay sa ibang klaseng pamamaraan siya nito tinulungang makalimot kasabay ng pagtatapat nitong, "I like you ever since." Ano ngayon ang gagawin niya? Ito ang kuwentong umiikot sa mga taong gustong makalimot. Kasama ng mga taong handa silang i-comfort.
VIEW MORE

Chapter 1 - 1

BUMANGON siya sa kama. Nagsindi ng yosi. Ikinakalat ng ceiling fan ang usok na nagmumula roon. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang buong silid na dose oras niyang nirentahan. Nilinga rin niya ang telebisyon, ang remote control na nasa gilid niyon katabi ng libreng sabon. Natawa siya nang mahina at muling humithit. 

"Out na ba tayo, Soto?" mula sa inaantok pang boses ng kasama niyang magpalipas ng gabi.

"O! Maligo lang ako pagkatapos sabay na tayong papasok sa trabaho," aniyang kinuha sa paanan nito ang tuwalyang hindi na maayos ang pagkakatupi. Ikinangiti pa niya nang maalala ang eksena. Itinali niya iyon sa kamay ng kasintahan para malaya niyang masipsip ang dapat sipsipin.

"Sige, gisingin mo na lang ako pag tapos ka na." 

Saglit siyang napahinto sa iniisip. Nakangiti niyang tinapunan ng tingin ang katipan na nagbabalot naman ng sarili sa kumot. Gusto sana niya itong halikan ay mas minabuting magpigil na lang. Siguradong matatagalan lang sila dahil pareho silang mabilis mag-init. Isa iyon sa dahilan kaya mas pinipili nila ang promo na panggabi. Isa pa, budget na budget din ang pera niya. Wala nang pang-extend. 

Napalis na ang ngiting inabot ang sabon sa gilid ng tv at nakahubong tinungo ang sariling banyo ng silid na iyon. Mabilis lang ang ginawa niyang pagligo. Paglabas niya ay saktong nakabihis na ang kasama.

"Kinakatok na tayo, e. Sa work na lang ako maliligo," abiso nitong hindi siya nililingon. Abala na kasi ito sa paglalagay ng kolorete sa mukha kaya hindi na niya ginulo pa. Naghalungkat na lang siya ng damit sa bag niya. Nagdadala talaga siya ng extra lalo na sa ganitong pagkakataon at kay Clare niya natutunan ang mga iyon. Kada monthsary noong una. Nang lumaon ay naging kinsenas-katapusan na.

Sinipat niya ang sarili sa salaming naroon. Inayos ang gusot sa t-shirt niya. Matapos mag-spray ng pabango ay patapos na rin ang isa sa seremonyas nito.

Iniwan nila sa counter ang remote control at parehong nagmamadaling makalabas ng motel na iyon. Mga ilang minuto silang maglalakad bago marating ang sakayan ng tren. Hindi sila nag-uusap at parang hindi magkakilala. Hiwalay rin sila nang pinasukang pinto pero magte-text naman sila sa isa't isa.

Miss agad kta.

Ang halos sabay pa nilang send. Pagkababa ng parehong istasyon ganoon pa rin magkatext sila. Sasakay ng magkaibang traysikel pero sa iisang gusali lang hihinto ang mga iyon--- ang condominium kung saan sa Housekeeping siya at Admin Assistant naman ang kasintahan.

"Good morning, Miss Clare!" bati ng ilang empleyadong nabungaran sa lobby.

Paglagpas nito ay siya naman ang binati ng mga ito. "Good morning, Soto."

Tumango lang siya at hahakbang na sana kaso may dinugtong ang isa sa mga katrabaho. "On time ha," ang receptionist nilang si Alena. 

"Pansin ko nga rin. Parang nag-usap sila," segunda naman ng isang diyanitres. Abala man sa pagpupunas ng flower vase ay halatang laging handang makitsismis. "Noong nakaraan din. Hindi kaya..." may pabiting sabi pa.

Natigilan siya saglit. Napamura sa isipan at nagpatuloy na sa paghakbang. Dapat talaga may palugit siya ng kahit ilang minuto. Mauuna ito sa kanya. Pero nitong mga nakaraan ay nawawala sa isipan niya. Lihim ang relasyon nila ni Clare dahil iyon sa patakaran ng pumalit nilang Property Manager tatlong taon na nakakaraan. No intimate relationship between colleagues. Mahirap sa kanyang pigilin ang emosyon. Siya pa naman ang tipo ng lalaking gusto ang public display affection lalo pa't kauna-unahan niya itong karelasyon. Itinatangi niya ito, kumbaga sa ibang salita, gusto niya itong ipagmalaki.

Kaso hindi naman puwede.

Sumakay siya ng elevator para marating ang ikawalong palapag. May locker room doon na pinag-iiwanan nila ng mga gamit bago simulan ang trabaho. Doon din sila nagkakilala ni Clare.

"Excuse me, saan itong 338?"

Naglalagay siya ng bag sa locker nang marinig ang malambing na tinig na iyon. Paglinga niya ay muntik pa siyang mawala sa balanse nang makita ang seksi nitong pigura. Diyosa! Kahinaan niya iyon mula nang magbinata at sumibol ang kalibugan sa kanya. Tangina, sa isip-isip niya. Sa komiks lang siya at diyaryo madalas makakita ng ganoon.Bibihira pa sa telebisyon dahil tungkol sa hayop ang pinapanood ng ate niya mula nang magkaroon sila niyon. Ngayon, nasa harap na niya ang mga kagaya ng pantasiya niya.

"Hey, So-ri-to?" basa nito sa name tag niya. "Parang doritos, tunog choriso. Pero puwede rin ba kitang tawaging Soto? The simpliest, the better!" Humagikhik ito at doon lang niya naiwasto ang sarili.

"Kasunod 'yan ng locker ko," aniyang itinuro ang numerong naroon.

"Oh, thank you! Dito kasi ako na-assign mag-ojt. Dapat sana sa kabila ako," pagkasabi ay agad itong lumapit sa tabi niya. Alam niya ang tinutukoy nitong kabila dahil galing siya roon. Isang condominium rin. Iba lang ang pangalan pero iisa ang may-ari. 

"By the way, my real name is Clare Matthew. Nice meeting you, Bro!" Naglahad pa ito ng kamay habang siya naman ay napaawang. Lalaki ba ito? Parang nag-iba yata ang boses nito. Naguluhan tuloy siya. Paano nangyari? Mahubog ito. Maganda. Bagay na bagay ang mahaba nitong buhok. 

"Nagulat ka ba? Oo, ipinanganak akong lalaki pero pusong babae," nakangiti nitong pag-amin at pagkatapos inabot nito ang kamay niya upang makipagkamay na. "Huwag mong ipagsabi ha," anitong kumindat pa. Malambing na ulit ang boses nito. Parang babae talaga. Tama. Lalo tuloy siyang na-curious.

"Wala akong planong ipagsabi pero ngayon pa lang sinasabi ko na. Type kita," subok niya.

Napahagalpak ito ng tawa. "Ang bilis mo ha. Pero sorry, hindi tayo puwede."

"Wala ka pang gagawin?"

Napabalik siya sa kasalukuyan nang marinig ang boses ng kanina lang ay laman ng isip niya. Si Clare. Bagong ligo na at nakasuot na rin ng pang-opisina. Pambabaeng uniporme siyempre. Palda at blusa na bumagay sa makorte nitong katawan. Alam na niya ang sikreto nito sa bahaging iyon. Ni walang magdududa. Kahit nga siya, ni ayaw niyang paniwalaang pareho sila ng kasarian.

"Mag-uumpisa na rin. Dito na ako maglilinis mula ngayon kaya baka mamayang tanghali na ako makababa ulit," aniyang tinungo ang katabi roong utility room at naglabas ng lampaso.

"Ako naman walang masyadong gagawin sa office. Weekend ngayon kaya magaan na lang ang trabaho," sagot nito sumandal sa locker. Ang tinutukoy nitong office ay nasa ikapitong palapag. May isang taon na rin mula nang ma-promote ito sa trabaho. Nag-umpisa lang ito sa pagiging trainee. Pagka-graduate ng two year course na sa pagkakaalam niya ay Computer Secretarial, kinuha naman itong secretary at kalaunan ay naging Admin Assistant. Saksi siya sa mga iyon. Siya naman ay dalawang taon nang regular sa trabaho. Hindi siya tapos ng hayskul pero plano niyang mag-aral ulit. Makaipon lang talaga siya, ang laging pangako sa sarili. Heto inabot na nga niya ang edad na beinte tres pero sapat lang lagi. Ayos lang nakabingwit naman siya ng maganda na seksi pa.

"Gusto mo bang bigyan kita ng gagawin," pilyong suhestiyon niya dahilan para pamulahan ang kaharap.

"Ikaw talaga! Babalik na nga lang ako roon baka bigla kitang pagbigyan, e!" natatawa nitong sabi at saka naglakad na, pakendeng-kendeng na parang modelo.

"Ingat ka sa pagbaba!" pahabol niya  na alam niya makakarating sa pandinig nito.

"Nililigawan mo ba si Miss Clare?" ang biglang sulpot ng isa sa mga katrabaho niyang si Theo.

Mabilis ang pag-iling niya kahit gusto na niyang sabihing, 'hindi na kailangan'.  Laging tikom ang bibig niya. Malinaw naman kasi sa kanya na hindi puwedeng ipagsabi ang tungkol doon. Sa tuwing may pagtitipon ay ngumingiti lang si Clare kapag tinatanong tungkol sa buhay pag-ibig. Kung katabi man niya sa upuan ay palihim silang naghahawak-kamay. Wala pa silang sinabi kaninuman. Laging hiling ay wala sanang makahalata.

"Oo na, hindi na ako magtatanong nang walang kakuwenta-kuwenta. Ang inaalala ko lang kasi , baka gawan kayo ng isyu kahit wala naman talaga."

Alam niya iyon. Ilan na bang empleyado ang pinatalsik sa lugar na iyon dahil nalaman na magkarelasyon.

"Pero seryoso, wala talagang kayo?"

"Malabong magkagusto sa akin si Mat--- este Miss Clare," aniya sa tawag na madalas niyang marinig. Miss Clare kahit na lalaki talaga ito. Inakala pa nga niya noon na imposible sila dahil binara na agad siya nang minsan siyang magtapat. Isa pa, hindi siya katangkaran. Hindi rin macho. Payat siya sa madaling salita pero ewan niya at isang araw ay nadatnan na lang niya ang sariling nasa kama na silang pareho. Pinaiibabawan niya ito. Nakikipagpaligsahan siya at pareho nilang marating ang rurok.

"Grabe ka naman sa sarili mo! Nahuhuli ko nga siya minsang nakatingin sa 'yo. Kagaya kanina, iba ang mga titig niya." Nakahalukipkip pa itong sumandal sa locker. "Akala ko nga kayo na, e!" dugtong pa.

Napahinto siya sa pagsawsaw ng mop sa tubig na hinanda niya sa timba dahil sa sinabi ni Theo. Teka lang, kailan pa ito naging usisero? Alam din kaya nitong hindi talaga babae ang pinag-uusapan nila?

"Sigurado akong may gusto siya sa 'yo. Teka nga, hindi mo ba talaga type ang mga kagaya niya?"

Mga kagaya niya? Anong ibig nitong sabihin? Sa halip na ang katanungang iyon ang lumabas sa bibig ay iba ang nasabi niya. "Interesado ka ba sa kanya?"

"Nope."