MAGANDA ang gising ni Soto. Kahit walang pasok ay sa nakasanayang oras pa rin ang bangon niya. Alas siete. Tinapunan niya muna ng tingin ang nahihimbing pa ring si Theo bago pumanaog.
Nakita niya agad ang susi at pera sa gilid ng lababo. Alam na niya kung para saan iyon kaya matapos maghilamos ay lumarga na siya.
Sumalubong sa kanya ang maingay na kalsada at ilang pasaherong nag-aabang ng masasakyan. Pakanta-kanta niyang tinungo ang pinakamalapit na panaderya.
"Beinteng pandesal at tatlong egg pie nga, Miss Madonna," aniya sa tinderang bakante at walang inaasikasong iba.
"Oy, Toto! Ikaw pala 'yan. Wala pang egg pie. Sayang marami sana kahapon, wala ka naman," bati at pagbabalita na rin nito sa kanya.
Medyo nalungkot siya pero may isa pa naman siyang choice kapag wala ang paborito niya.
"Ensaymada na lang..." aniyang parang naririnig pa niya ang boses ni Theo.
"Iyong maraming cheese sa ibabaw."
"Meron ba nun? Hindi ba margarine at asukal lang 'yon?"
"Tange ka talaga! Espesyal iyong akin. Mas masarap." Sinundan pa nito ng ungol ang sinabi.
Huminto lang sila sa bangayan nang sawayin sila ng tindera. "Magsilayas kayo dahil wala niyon dito!"
"May cheese o wala?"
Napabalik siya sa kasalukuyan dahil sa tanong ni Miss Madonna. Hindi niya sigurado kung dahil ba sa pagtatalo nila noon ni Theo sa tapat mismo ng panaderyang ito. Basta isang araw ay nagkaroon na ng dalawang klaseng ensaymada rito.
"Sige, dalawang may cheese at isang wala."
Habang naglalakad, kinakain na niya ang isa sa mga iyon. Malalaki rin ang ginagawa niyang pagkagat at siguradong bago pa man siya makarating sa tinitirhan ay ubos na iyon. Pero nahinto siya nang sa di kalayuan ay matanaw ang pagsakay ni Theo sa isang magarang sasakyan. Napatakbo siya papunta roon pero alikabok na lang ang naabutan niya.
"Paano? Ako na lang ang kakain sa 'yo," hinihingal pa niyang pagkausap sa supot na hawak-hawak.
Inilapag na niya ang tinapay sa mesa. Sakto namang lumabas na ng kuwarto ang bagong gising na ate niya.
"Si Papa?" agad nitong tanong nang masulyapan ang banig at unan na nakasalansan na sa upuan.
"Baka umuwi na sa asawa niya o kaya namasada na," aniya. Tricycle driver ang tatay nila.
"E, si Theodore?" tanong pa bago binalingan ang pusang nagsusumiksik sa legs nito. "Magandang umaga sa 'yo, Catmon!" saka iyon kinarga at tumungo na sa mesa.
"Hindi ko naabutan. Nagkasalisihan yata kami." Hindi na niya sinabi ang totoo. Baka maghisterikal pa ang kapatid niya. Wala naman talaga siyang gaanong alam sa background ni Theo. Dati nila itong kapitbahay. Apat na taon at pagkatapos lumipat na sila. Hindi rin naman niya naitanong kung naroon pa ito sa dating bahay nito. Isa lang ang sigurado siya, isang gabi lang ulit itong pumirmi sa kanila.
"Kapag nagkita kayo sa trabaho, sabihin mong welcome siya rito at tanggap ko siya na maging bago nating kapatid," ang ate niya habang kinakalkal ang supot na tinapay na para bang marami itong pagpipilian.
Napahalukipkip siya hanggang sa lumipat ang kamay nito sa nakahiwalay na plastic.
"Oh, ensaymada? Ito ba 'yong paborito niya?"
"Huwag mo ngang galawin 'yan!" inagaw pa niya iyon at pagkatapos niyakap para protektahan.
"Gusto mo rin siyang maging kapatid natin, ano?" panunukso nito sa kanya kaya tumakbo na lang siyang sariling silid. Dinig na dinig pa niya ang halakhak ng Ate Suzette niya. Napaisip din naman siya sa sinabi nito at saka napatingin sa yakap pa niyang supot.
KINABUKASAN. Ganoon pa rin. Sa locker room siya maglilinis tapos kapag sinipag idadamay na rin niya ang pambabae at ang panlalaking restroom. Maglakad-lakad. Papanoorin ang mga batang naghahabulan sa maliit na playground, may naliligo sa pool. Kapag may nagkalat na tubig sa sahig, lalampasuhin niya agad. Mas enjoy siya roon. Dati kasi sa parking space lang siya. Maghihintay pa siyang magsialisan ang mga sasakyan bago niya magagawang maglampaso. Ngayon, mas gusto na niya ito. At least, hindi siya masasabihang unfair.
"Soto!" Si Theo iyon. Maliban sa iba na tinatawag siyang Toto o kaya sa buong pangalan niyang Sorito, ito talaga ang unang nagbigay sa kanya ng palayaw na ginaya rin ni Clare at ng iba pang katrabaho.
"Bakit?"
"Birthday ng manager ngayon," lumapit ito sa kanya at inagaw ang mop niya.
"O, tapos?" aniyang hinayaan itong gawin ang dapat na siya ang gumagawa. Nasa gilid sila nang swimming pool. Nag-uumpisa nang gumayak ang mga nagsipaglangoy. Magiging tahimik na naman doon.
"Magpapakain daw, e! Ewan ko, sabi lang din ng isa sa mga admin," anitong lumipat na ng ibang puwesto. Sa tapat ng fitness gym na malapit lang din doon.
"Ako na diyan! Balik ka na kung saan ka man naka-assign," lapit niya rito pero tiningnan lang siya at muli na namang lumipat.
"Alcanza!" may babala sa tinig niya pero tinawanan lang siya ng mokong.
Sa inis iniwan na niya ito. Naghanap na lang siya ng ibang puwedeng gawin. Tinungo niya ang utility room para kumuha ng walis-tambo at dust pan. Sa playground niya gagamitin ang mga iyon.
Nang matapos siya sa pagwawalis, tamang-tamang lunch time na. Puwede na siyang bumaba. Pero bago iyon sinilip muna niya ang pool area. Nakita niyang may kausap na babae si Theo. Katrabaho rin nila iyon base sa uniporme. Kumaway pa ang mga ito sa kanya. Kinawayan naman niya pabalik. Ilang saglit pa nakalapit na ang dalawa sa kinatatayuan niya.
"Sa Admin Office daw ang kainan sabi nitong si Desiree," balita sa kanya ni Theo.
Pagkapasok nila sa elevator at nang pindutin ni Desiree ang siete ay parang gusto niyang pagpawisan. Si Clare ang unang pumasok sa isip niya. Ang Admin office na tinutukoy ay hindi pa niya nasilip ni minsan sa takot niyang magkamali siya ng kilos kapag nakita ang nobyong nag-iisa roon. Iba pa naman ang fetish na mayroon siya.
Hindi siya natuloy sa pagpasok sa loob dahil sa glass door pa lang ay kitang-kita na niyang akbay ni Sir Tim ang kasintahan niyang nagsasandok ng kung ano. Napakatamis ng mga ngitian ng mga ito.
Napakuyom siya ng kamao. Iyon lang naman ang tanging magagawa niya. Karelasyon niya si Clare pero hindi ng mga sandaling iyon. Hindi sa trabaho. Bigla ay parang gusto niyang mapagod sa sitwasyon nila. Siya dapat ang umaakbay rito. Siya dapat ang nginitian nito ng ganoon.
"Sinong tinatanaw mo diyan?" sulpot ni Theo na may dala-dala ng pagkain na nasa paper plate.
Titignan niya sana ito nang masama kaso inilapit nito ang plato sa mukha niya. Naamoy niya ang pinagsamang kalamansi, toyo at paminta. Saglit niyang nalimutan ang galit niya. Bigla iyong napalitan ng gutom.
"Pansit-bihon, gusto mo?"
"Kung ibibigay mo sa 'kin."
Tumango ito. "Sige ba! Kukuha na lang ako ng akin tapos sabay na tayong kumain," paalam nitong tinulak papasok pinto.
Sa pag-ingay niyon ay saktong pag-angat ng tingin ng seksing akbay pa rin ng lalaking manager. Nagtama ang mga mata nila. Umiling siya para ipakita rito ang pagkadismaya. Noon lang nito hinawi ang kamay ng boss nila. Nang mapansin niyang humakbang ito. Tumalikod na siya.
"Hindi ka pa kumakain?" pagkarinig niya sa tinig na iyon ay napaharap siya.
"Anong ginagawa mo rito? Baka hanapin ka ng Tim na 'yon!"
"Oh, sige, mamaya na lang tayo mag-usap," iyon lang at tinalikuran na siya nito.