Chapter 5 - 5

SA oras na alas cuatro, out na siya sa trabaho. Inaabangan na lang niya ang paglabas ng kasintahan pero nasa kabilang bahagi siya ng kalsada. Hindi katapat. Hindi malayo. Iyong tipong matatanaw pa rin niya ang entrada ng condominium kahit na nasa gilid siya ng madalas kainang karinderya. Hanggang makita na niya itong papunta sa gawi niya.

"I'm sorry. May tinapos pa akong dokumento," pagkalapit ay sabi nito.

"Hindi ako naghintay para diyan, Matthew." Mariin ang pagkakasabi niya. Tama lang para mawalan ng kulay ang mukha ng kasintahan. Alam nitong galit siya kapag ganoon.

"Soto..." Hinawakan siya nito sa kamay. Iwinasiwas lang niya iyon.

"Ang paliwanag mo tungkol sa inyo ni Sir Tim ang gusto kong marinig." Iyon naman talaga ang dahilan ng paghintay niya. Dati-rati, mga simple lang ang tampuhan nila pero ngayon dama niya na insecurities ang nangingibabaw.

"Kailangan kong makisama, intindihin mo sana." Luminga muna ito sa paligid bago siya nito hinila sa isang tabi na walang nagdaraan. 

"Intindihin? Oo naman kaso noong unang beses na tinanong kita itinanggi mo. Kailangan ko ba talagang maaktuhan bago ka magsasalita?" Naggagalaiti siya. Halu-halo na ang emosyon. Galit at pagkasuklam. Pagod at pagdududa. Pero hindi niya inaasahang may mas lalala pa pala nang muling magsalita ang nobya.

"Soto, mag-break na lang muna kaya tayo."

Parang may naghihiwa ng sibuyas ng mga sandaling iyon kaya napatingala siya. Hindi iyon ang gusto niyang marinig. Ayaw niya ng ganoon.

"B-bakit? Gusto mo na ba siya?" Kailangan niyang malaman. Baka sakaling madali niyang matanggap ang pakikipagkalas nito.

"Alam na niya ang tungkol sa atin."

Napang-usisang tingin ang ibinigay niya rito. "Sinabi mo? Itinanggi mo sana." 

"Kinulit niya ako. Pinaamin. Nakita niya tayong sabay na lumabas ng motel. Sa tingin mo, paano ko lulusutan kung ang mga larawan natin ay nasa mga kamay niya?"

Saglit siyang nagulat at matapos ay napamura. "Tangina niya!"

"Soto! Trabaho ko ang nakasalalay rito. Isang taon pa lang ako sa puwesto. Hindi ako puwedeng magkaroon ng isyu! Paano ang mga kapatid kong umaasa sa padala ko?" Alam niya. Isa kasi ito sa inaasahan sa kanila kaya may punto naman.

"Bakit pa ba kasi kita nakilala?" Pinaghahampas pa siya nito na hindi naman niya inawat. Wala siyang lakas para roon.

"Pumapayag na ako." Napapikit pa siya nang mariin. A, naiiyak na talaga siya.

"Salamat, Soto..." tila nabuhayan nitong sabi.

Nagmulat siya. Sinundan ng pag-iling. "Huwag kang magpasalamat. Pakiusap."

Napatingala ito sa kanya kaya pilit siyang ngumiti. Hinaplos pa niya ang buhok nito. Sinisikap na maging masaya sa kinalabasan ng pag-uusap nila. Kahit ang totoo unti-unti siyang nadudurog. Galit lang naman kasi siya kanina pero hindi niya inakalang mauuwi sila sa hiwalayan.

"O, paano? Mauuna na ako. mag-iingat ka sa pag-uwi," paalam niyang tuluyan nang bumitiw. Tumalikod. Humakbang ng isa, dalawa, tatlo hanggang maging apat.

"Hindi ba tayo magsasabay?" Narinig niyang tanong nito pero nagbingi-bingihan siya. Mahirap na. Baka magbago pa ang isip niya at biglang magmakaawa. Mas lalong gugulo. Mabuti na ang ganito. Makakalimot naman siguro siya. Sana. 

Naglakad siya. Naglakad nang naglakad habang lumuluha. May ibang pinagtitinginan siya. Pero ano bang alam ng mga ito sa pinagdadaan niya? Hanggang sa ilang sasakyan na ang lumagpas sa kanya. Hindi na rin niya namalayang lagpas na siya sa istasyon ng tren kung saan lagi ay kasabay si Clare.

"Huwag!" hila sa kanya ng kung sino at nasisiguro niyang tatamaan ito.

"Putang---" Natigil siya pag-amba ng suntok nang makilala ang isturbo sa pagsesenti niya. Mabilis din ang pagpunas niya ng luha bago muling nagsalita.

"Theo? Anong ginagawa mo rito?"

"Iyan din sana ang itatanong ko sa 'yo," sabi nitong agad inalis ang pagkakahawak sa kanya.

"Ha? Malamang pauwi." Kumunot pa ang noo niya.

"Tangina, Soto! Anong reaksiyon 'yan? Pauwi ba ang sasampa ng tulay o magpapakamatay?"

Sa nag-aagaw na dilim at liwanag ay nasiguro niyang nasa gilid nga sila ng tulay. Wala siyang napansing nagdaraang sasakyan sa bahaging iyon. Malayo roon ang street lights. Walang magliligtas sa kanya kung sakali man. Nangilabot siya sa isipin at umusog kay Theo. Ganoon pala kagrabe ang epekto ng pakikipagkalas ni Clare. Hindi nga siya naglasing pero nawawala naman siya sa sarili.

"Paano ako nakarating dito?" Natawa pa siya sa sariling tanong. Hindi nga lang umabot sa tainga dahil bigla na lang siya humagulgol. Ang sumunod na nangyari ay nakayakap na siya kay Theo.

"Pagkatapos nito kakain tayo nang masarap."

Tumango-tango lang siya at lalo pang yumakap.

"ISANG order pa nga po."

Nasa lugawan sila. Ilang hakbang mula sa tulay kung saan siya natagpuan ni Theo. Pailing-iling lang ngayon ang kasama tapos tatawa-tawa. Wala naman itong magagawa. Naubos ang lakas niya sa kakalakad. Talagang lamon ang ginagawa niya ngayon habang ito ay hindi pa nangangalahati ang isang order sa bagal kumain.

"Ilang beses na akong nanalo sa eating contest, sinasabi ko sa 'yo," biro niya bago hinarap ang panibagong mangkok ng lugaw.

"Sige lang. Basta pagkatapos nito samahan mo akong mag-grocery."

Iyon na nga ang nangyari. Matapos siya nitong pagbigyan ay ito naman ang sinamahan niya. May listahan si Theo sa pamimili. Sa prutasan sila unang pumunta. Naka-repack na tatlong mansanas ang kinuha nito, naka-slice na mangga, pakwan, melon, isang piling ng saging at iba pang hindi na niya matandaan sa sunud-sunod nitong kuha. Basta tulak lang siya nang tulak ng cart at sunod nang sunod dito. Palihim pa niyang chini-check ang presyo tapos kinukuwenta ang mga iyon sa isipan.

"Isang libo na 'to, a!" Nagkakamot siya sa ulong sinilip ang laman ng pitaka. Pagkakitang limang daan na lang ang laman niyon ay mabilis niyang sinara. Tumingin sa paligid. Sapo pa ang dibdib bilang pasasalamat na walang nakakita sa kanya.

Snack section. Kung hindi mga biskuwit, tsitsirya naman ang naroon pero sa lugar lang na iyon nakita niyang ngumiti si Theo. Ang weird sa isip-isip niya. Pero mayamaya ay nanlaki ang mata niya nang makitang halos hakutin nito ang mga naka-display roon. Dala ng kuryusidad, iabot niya ang isa at tinignan. Baka sakaling mahanap niya ang sagot.

"Ano namang espesyal dito?"

"Cheese!" Narinig pa niyang tugon nito.

Nagkakamot na lang siya sa ulo dahil sa na-realize niyang hilig nga pala nito ang keso. At sa wakas ang sumunod nilang pagliko ay sa counter na ito huminto. May kung ano pa itong sinenyas sa kahera bago nag-punch ng mga iyon.

Napakahaba ng resibo. Sa hula niya ay kulang-kulang dalawang libo. Hindi cash ang ipinambayad ni Theo. Credit card? Atm card? Membership card? Hindi siya sigurado. Basta card ang inabot nito. Walang nilabas na pera pero nakaalis silang bitbit ang apat na naglalakihang plastic bag.

"Nagtataka ka na siguro..." 

Huminto ito sa paglalakad kaya ganoon din siya.

"Hindi ako mapera ha. Ano lang. A, paano ba?" Humarap ito sa kanya na tila nangungumbinsi.

"Bakit ka nagpapaliwanag?" pambabara niya para pagtakpan ang kasabikang marinig ang mga sasabihin nito.

"E, kasi nakita ko kung paano magulat 'yang mukha mo kanina. Ganito, may nagpahiram sa akin nito," anitong ipinakita sa kanya ang plastic card. "Bilhin ko raw ang gusto ko pero ibabalik ko rin sa kanya---" ang salitang hindi na natapos kasabay kasi niyon ay may humintong kotse sa harap nila.

Napakurap-kurap pa siya. Pamilyar ang sasakyan. Parang nakita na niya ito kung saan. Bumaba ang bintana niyon at isang kagalang-galang na lalaki ang makikita roon. Nasa mid 30's, 40's? Hindi siya sigurado.

"Theodore! What did you buy?" Ngumiti pa ang inglesero.

"Wala masyado. Pagkain lang."

Lumapit doon si Theo. Tahimik lang siyang nakamasid. Nakita niyang ibinigay na nito sa lalaki ang card na pinag-uusapan lang nila kanina. Ibig sabihin lang ito ang tinutukoy nitong may-ari.

Nagbulungan pa ang dalawa bago ito nagsara ng bintana. Segundo lang matapos niyon, umalis na ang sasakyan. Saka lang siya nilingon ni Theo.

"Uwi na tayo."

"Ha?"

"Uwi na tayo sa inyo kasi gabi na."