Chapter 9 - 9

PAINAT-INAT na lumabas ng silid si Suzette. Ang ngiyaw ng alagang pusa ang sumalubong sa kanya. Nasa upuan ang mga ito kaya kinailangan pa niyang yumukod upang himasin ang dalawa. Nang makuntento ay saka lang siya tumuloy sa lababo upang doon magmumog. Nangunot saglit ang noo nang mahagip ng mata ang iniwan niyang pera at susi sa ibabaw ng dish rack.

"Hindi pa ba sila gising?"

Nagpasya siyang sumilip sa kuwarto ng kapatid. Hindi niya iyon madalas ginagawa kaya naman naging maingat siya sa pagpihit ng seradura. Si Theo na nakaunan sa dibdib ni Soto ang bumungad sa kanya. Sa nakikita ay naintindihan niya agad ang closeness ng dalawa. Muli, ay marahan ang ginawa niyang kilos sa pagsara ng pinto. Hahayaan niya munang humirit ng tulog ang mga ito.

Nakangiti niyang kinuha ang pera at susi. Siya na lang ang bibili ng almusal.

"Suzette?"

Nalingunan niya ang seksing babae. Nakangiti ito sa kanya. Sandali rin siyang natigilan bago nakapag-compose ng mga salita.

"Doktora?"

Nakangiti pa rin itong kumamot sa batok. "Nakakapanibago naman. Sa trabaho lang ako madalas tawagin ng ganyan."

Naninibago rin naman siya. Hindi kasi ganoon makitungo ang amo niya. Hindi ito palangiti at seryoso lagi. Tahimik. Inakala pa nga niya noon na mute ito. Kapag may iuutos kasi ay mag-aabot lang ito ng kapirasong papel. Kung anong nakasulat doon ay siya namang susundin. Sa kabila niyon wala naman siyang naging masamang impression. Maayos itong magpasahod na malaking tulong para sa kagaya niyang nangungupahan lamang. Mabait ito. Kahit kasi napapalpak siya minsan ay hindi naman niya ito narinig magalit. Puro lang, 'next time mag-iingat ka na ha' ang note nito at pagkatapos balik na ito sa ginagawa.

"Su, namumula ka. May sakit ka ba?"

Dinadama na nito ang noo niya. Sobrang lapit nito sa kanya. Hindi siya makahinga. Dahil sa nerbiyos o kung ano man ay hindi niya alam.

Hinawi niya nang marahan ang kamay nito. "O-okay lang ako, Doc." Oh my God! Bakit ba siya nauutal? Pero mabilis niya namang nakumbinsi ang sarili na marahil iyon ang unang beses na nangyari ang pagkakalapit nila kaya grabe ang kaba niya.

"Sige, sabi mo 'yan ha? Pasaan ka ba niyan?" Inayos nito ang pagkakatali sa buhok nitong hanggang balikat ang haba. Umumbok nang husto ang hinaharap nito. Napalunok siya ng laway. Bakit ganoon? Parang gusto niyang maging lalaki siya sa mga kilos nitong iyon.

"Natatakot ka ba sa akin?"

Nagulat siya sa tanong na iyon. Pero saglit lang dahil narinig niya ang mahihina nitong tawa. Ang sarap niyon sa tainga! This is the very first time.

"Kalilipat ko lang kahapon diyan sa kabila. Sa katabi ng inuupahan mo. Ang galing nga, e. Walking distance lang. At ngayon, naiintindihan ko na kung bakit hindi ka nale-late simula nang tanggapin kita sa clinic. Minsan naman nauuna ka pa sa 'kin."

Wala siyang nahanap na salita. Noon lang kasi ito naging madaldal.

"Bibili ako ngayon ng pandesal. Doon ka papunta di ba? Sabay na tayo." Iyon dapat ang sasabihin niya pero naunahan na siya.

"S-sige, Doc."

Tumawa ito. "Sige na nga, ikaw ang bahala. Pero kung sa first name mo ako tatawagin mas mabuti."

"A-Amara?" Napatakip siya sa mukha. Daig pa niya ang highschooler kung kiligin. Bakit ba kasi ganito bumanat ang babaeng ito?

Graduate siya ng high school kaya naman sinubukan niya ang angkop lamang sa natapos niya. Tindera, dyanitres, kahera sa mall pero sa lahat ng mga iyon ay lagi siyang bokya. Kung hindi siya siniraan ng mga katrabaho may nakakaaway naman kaya ang siste aalis na lang siya kaysa lumala pa.

Napakamalas! Iyon ang lagi niyang naiisip sa tuwing mauuwi sa ganoon ang lahat. Pero hindi niya inaasahang magbabago ang paniniwalang iyon nang matagpuan niya ang animal clinic--- ang lugar na siyang bumura ng anumang negatibo sa kanya. Tinanggap kasi siya ng vet na unang araw ng pag-apply niya. Nakilala niya ito sa pangalangang Dra. Amara Paguirigan. Mula rin noon ay napagtanto niyang mahilig siya sa hayop lalo na sa mga pusa.

"Ang sarap makalaya, alam mo?"

Napaawang  siya saglit dahil hindi niya nakuha kung para saan ang sinasabi nito.

"Huwag mo na lang pansinin ang sinabi ko. Tara!" hila nito sa kanya palabas ng gate.

NAALIMPUNGATAN si Theo nang marinig ang pagbukas at pagsara ng gate. Nagkusot muna siya ng kabilang mata. Nagtataka pa siya nang maramdaman ang matigas na kinahihigaan niya. At noon nanlaki ang mata niya nang mapagtanto ang posisyon nila ni Soto. Kagat ang pang-ibabang labi, marahan siyang nag-angat ng ulo. Para siyang napaso nang makitang gising na ang na rin ito.

"Morning..."

Mabilis na nag-init ang pisngi niya at ganoon din siya kabilis nakabangon. Patakbong lumabas. Sa banyo dumiretso. Naghilamos agad siya. Ano bang nangyayari sa kanya? Tinapik-tapik niya ang magkabilang pisngi. Inalala ang nangyari ng nagdaang gabi. Ni wala sa hinagap niya na magigising sa ganoong ayos. Ang plano niya ay i-comfort ito. Hindi ganito. Mariin siyang napapikit. Nagmulat. Pero bigla siyang napangiti. Nagpa-cute sa harap ng salamin.

"Matagal ka pa ba? Naiihi na ako."

Narinig niya ang hirap sa boses ni Soto. Huminga siya nang malalim at pinagbuksan na ito. "Sorry, sige pasok ka na," aniyang sinikap na hindi itong sulyapan. Nagkunwari siyang abala. Sinabon pa niya ang mukha.

"Kung kailangan mo ng paglalagyan ng mga damit may tatlong drawer pa akong bakante."

Pagkarinig niyon, nagbanlaw agad siya. Para kasing biglang naging masikip ang banyong iyon. Kailangan niyang dumistansiya roon. Pero bago man siya makahakbang ay nagsalita na naman ito.

"Ang cute ng reaksiyon mo kanina. Para kang estrangherong natauhan matapos makipag-one-night-stand."

Gusto niyang matawa sa narinig pero nasabi lang niya, "Gago!"

"Ano ulit?" tanong nitong walang tugon mula sa kanya dahil lumabas na siya roon. Narinig pa niya ang tunog pag- ihi nito bago siya makalayo.

"Nauna yatang magising si Ate."

"Alam ko." Iyon lang nasabi niya at humakbang na patungo sa sala. Nang makita ang natutulog na pusang si Adorable ay hinamas-himas niya iyon.

"Napulot mo raw 'yan?" Nakalapit na si Soto sa kanya. Nakihimas din ito sa pusa. Nang magtagpo ang mga kamay nila ay napasinghap siya. Nagtama rin ang kanilang paningin pero mabilis na napaiwas nang marinig ang pagdating ni Suzette.

"Boys? O, gising na pala kayo."

Tarantang kinarga ni Theo si Adorable at si Soto ay mabilis lumapit sa kapatid.

"Tulungan na kita, Ate. Gusto mo bang ipagtimpla ng kape?"

"Sige, sige. May condensed milk din akong binili, iyon ang ihalo mo ha."

Nailapag ni Theo ang pusa dahil sa narinig. "T-Talaga, ate may condensed milk?" Napalakas ang pagkakasabi niya dahilan para mapatingin sa kanya ang magkapatid.

"Oo, meron. Puwede rin iyon pampalaman sa tinapay. Sa katunayan, paborito iyan ni Toto." Inginuso pa nito ang kapatid na noon naman ay nahinto sa pagsasalin ng mainit na tubig sa tasa.

"A-ako rin ate, paborito ko rin ang condensed milk kaso hindi ko mahanap noong namili kami ni Soto."

"Hayaan mo sa susunod, ako naman ang sasama sa 'yo. Sure iyon na mahahanap natin ang kailangang hanapin." Si Suzette naman na pumitik pa ng daliri.