OKAY lang kaya ang isang 'yon? Ang nasa isip niya nang magsara ang elevator. Kalalabas lang doon ni Soto. Maghahatid ito ng lunch sa Admin office at dahil doon hindi niya maiwasang mag-alala. Susundan niya ito. Mahirap na baka kung anong mangyari rito tapos wala siya roon. Napasabunot siya sa ulo. Muling bumukas ang elevator, 8th floor. Nagmadali siyang lumabas doon. Maghahagdan na lang siya pababa.
Shock. Sa ganoong salita puwedeng ilarawan ang gulat niyang mukha. Kitang-kita niya ang naghahalikang sina Soto at Clare. Sapat na para mapagtantong hindi na siya kailangan doon. Wala na siyang dapat ipag-alala, di ba? Pero bakit parang may kirot siyang nararamdaman? Kakaiba iyon para sa kanya. Lihim pa niyang pinagalitan ang sarili nang mag-uulap ang mata niya. Tumingala siya saglit at nagpasiya nang humakbang paalis. Nagitla pa siya nang pagharap ay naroon si Desiree.
"Bakit hindi ka pumasok--- oh, nasa loob si Soto--- t-teka.... Ha? Sila?" ang paputol-putol nitong sabi kaya wala siyang naisip gawin kundi hilahin ito palayo roon.
Hinihingal silang huminto sa tapat na iyon ng elavator. Bumitiw na rin siya sa pagkakahawak sa braso nito.
"Grabe! Hindi ko kinaya. Nagulat ka rin ba?" usisa pa ni Desiree.
"Nahahalata ko na dati pa kaso nga lang wala naman silang inaamin." Totoo iyon, matagal na niyang alam at hindi lang iyon.
"Sabagay, tama ka," anitong pinindot na ang button na pababang arrow. "Nga pala, nasa baba si Sir Monet." Kilala niya ang tinutukoy nito. Ang building manager sa kabilang condominium.
"Manghihiram na naman ba siya ng tao?"
"Mmm, kaya nga ako umakyat kasi tatanungin ko sana kung sino sa inyo ni Soto ang puwede."
Bumukas na ang elevator. "Ngayon na ba?" pagkapasok nilang pareho ay tanong na naman niya.
"Oo pero daan ka muna sa locker room. Ako kasi ready na, nasa baba na ang gamit ko." Ngumiti pa ang dalaga.
Silang dalawa nga ang isinama ni Sir Monet. Sumakay sila ng dyip papuntang South Filinvest--- ang condominium kung saan niya nakitang muli ang dating kalarong si Soto.
Nag-time in pa rin sila pagkarating doon. Iyon ay sa pamamagitan ng pag-fill up ng form na inabot sa kanila ng magandang receptionist. Si Karina, na alam niyang dating crush ni Soto. Kung hindi lang nito nakilala si Miss Clare ay malamang ang dalagang receptionist ang nabingwit nito.
Noon siya napangiti nang maalala kung paano sila nagkilala ni Soto.
"Theodore, 'nak, sa labas ka muna, mag-spray ako pesticides."
Sunud-sunuran naman siya sa tiyuhing si Tesoro. Lumabas talaga siya ng bahay. Saktong bumukas naman ang pinto ng kapitbahay nila. Noon lang niya nakita ang iritableng lalaki na sa hula niya sampung taong gulang din kagaya niya. Babatiin niya sana ito kaso inunahan na siya.
"Anong tinitingin-tingin mo?" Lumapit pa ito sa kanya na tila nanghahamon ng suntukan.
"Toto! Ano ka ba?" awat ng isang babaeng mas matangkad nang kaunti rito. "Si Theodore 'yan, bago nating kapitbahay," pagpapatuloy nito.
"Alam ko."
Napatitig siya sa lalaki. Dati-rati naririnig lang niya ang boses ng mga ito lalo na ang tinatawag na Toto. Kahit magkalapit ang tinitirhan niya sa mga ito, iyon pa lang ang unang beses niyang makaengkuwentro ang dalawa. Bibihira siyang lumabas. Mula kasi sa umpisa ng pasukan, online class na ang pinili ng tiyuhin para hindi na raw mamasahe. Online teacher din naman kasi ang trabaho at kalaunan ay naintindihan din niya ang pinili nitong karera.
"Oy pasensiya na sa kapatid ko ha. Tawagin mo akong Ate Su." Palakaibigan itong nakipagkamay sa kanya.
"Hoy, bakit iba ang kulay mo sa amin?"
Tinakpan naman ng nagpakilalang Ate Su ang bibig ng kapatid. Walang tugon siyang napakamot na lang sa ulo. Mas mapusyaw kasi siya kumpara sa kayumangging balat ng mga ito. Hindi na lang niya sinabi ang dahilan.
Mula nang araw na iyon. Tuwing may pagkakataon ay sinasamantala niya. Kumakatok siya sa pintuan ng magkapatid. Nakikilaro siya kahit saglit lang. Video games, board games at kung anu-ano pang maisipan nila. Pero kung kailan nasanay na siya sa ganoong set up ay bigla na lang niya nalamang lumipat ng tirahan ang mga ito. Saan niya hahanapin? Hindi niya alam. Sinubsob niya ang sarili noon sa pag-aaral hanggang makapagtapos ng Senior High. Maraming nangyari. Nakapag-asawa ng haponesa ang tiyuhin. At siya naman dahil ayaw maging pabigat naghanap na siya ng trabaho. Swerte namang natanggap siya sa bagong tayong condo. Housekeeper. Ni wala sa hinagap niyang doon pala magkukrus ang landas nila ni Soto.
"Sino si Sorito? Dumating na ba siya?" pagkapasok niya ay naulinigan sa receptionist na kausap ang lady guard.
"Ma'am! Sorry, sorry late ako," ang halos kasunuran lang niyang lalaki. Napalinga pa siya rito at muntik na siyang mawala sa balanse.
"Toto?" Mahina lang iyon kaya imposibleng marinig siya.
"Oy, bago ka rin di ba? Sabay na kayo nitong si Sorito," agaw-pansin sa kanya ng receptionist. "Sa 8th floor ha." Iyon lang at sumakay na nga silang elevator.
"May nickname ka na ba?" Parang gusto niyang pagalitan ang sarili sa nabitiwang salita. Ang dami niyang gustong sabihin pero iyon pa talaga ang lumabas sa bibig.
"Wala pa," kaswal nitong sabi.
"E, kung Soto na lang kaya. Okay ba sa 'yo?"
"Ikaw ang bahala." Parang wala itong ganang makipag-usap kaya hindi na siya nangulit. Minsan pa niya itong tinapunan ng tingin. Tumangkad lang ito nang ilang inches pero walang ipinagbago ang itsura.
"Oy, Theo. Theodore, hello. Knock, knock!"
Napabalik siya sa kasalukuyan. "Ha? May sinasabi ka?"
"Sa swimming pool daw tayo maglilinis. Doon walang naka-assign."
"Oh!" Napatango siya at sumunod na rito. Mayamaya pa sakay na ulit sila ng elevator.
NAGING abala sila sa pagkuskos at pagsabon ng swimming pool. Pinalitan din nila iyon ng tubig, nilagyan ng chlorine at pagkatapos nilampaso ang palibot doon. Inabot din sila ng isa't kalahating ng oras. Nang matapos magkasama pa silang nag-report sa admin office.
"That's my favorite employee--- wait maalala ko lang, mula bukas dito na kayo ulit. Nag-usap na kami ni Tim at pumayag na siya."
Nagkatinginan sila ni Desiree at pareho pang napangiti. "Salamat po." Sabay pa sila.
"Sige na, puwede na kayong maunang umuwi."
Masaya pa silang nagkuwentuhan hanggang makalabas ng building.
"O, paano mauna ako. Sa Fairview pa ako, e. Ikaw ba?"
"Sa North."
Kumaway na sila sa isa't isa. Si Desiree ay dumaan ng footbridge, siya naman ay tumawid sa kabilang bahagi kung saan ay sakayan ng dyip. Habang naghihintay doon ay natanaw niya ang bumaba naman ng dyip na si Clare. Napaawang pa ang bibig niya nang makilala ang kasunuran nitong si Sir Tim. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagtatawanan ng dalawa. Naikuyom niya ang kamao sa sumunod na eksena. Naghalikan ang mga ito.
"Tangina! Respesto naman. Ilang halikan ba ang makikita ko ngayong araw?" Naiinis na siya. At teka nga, two-timer ba itong si Clare?
Nakamasid lang siya roon hanggang sa nagpaalam na ang mga ito sa isa't isa. Ito na ang chance niya. Magtatanong siya, nasisiguro niya. Sa huli, kay Clare siya sumabay sa paglalakad.
"Miss Clare!"
Nilingon siya nito kaya naman nagpatuloy siya. "Wala akong pakialam kung anong relasyon ninyo ni Sir Tim. Ang hindi ko lang kayang sikmurain ay 'yong walang kamalay-malay si Soto sa ginagawa mo. Mahal na mahal ka niya kaya huwag mo siyang lokohin, please lang."
Natawa ito. "Oh, that guy is really something. Alam kaya niyang mayroong siyang ikaw na concern na concern?"
Hindi siya agad nakapagsalita. Halata ba siyang masyado? Pero totoo naman ang sinabi nito. Concern siya. Sino ba namang hindi kung saksi siya sa pinagdadaanan ni Soto?
"Sa totoo lang break na kami at wala na akong balak makipagbalikan sa kanya."
Tila nagliwanag sa kanya ang lahat. Lihim din siyang nagdiriwang. Ibig lang bang sabihin nito, walang meaning ang nakita niya kanina?
"Alam ko na ang gagawin, Miss Clare. Salamat." Mula ngayon ako nang bahala sa kanya, ang salitang gusto niya mang idugtong ay minabuting sarilinin na lang.
"Oh, my guess is right." Tumawa pa si Clare.
"A-Alin?"
"Basta, balitaan mo ako kapag kayo na."
"Ha?"
Muli itong tumawa. "You're too obvious."
Hindi na siya nagsalita. Alam naman na niya kung anong tinutukoy roon. At masaya siya sa pakiramdam na iyon. He wants to protect someone.
Nang may humintong dyip ay sumakay na siya. Hindi na niya nakitang nawala ang ngiti ng lalaking kanina ay kausap niya.
Ginabi na siya ng uwi. Si Soto ang nagbukas sa kanya pero si Suzette lang ang binati niya. Balak niya itong huwag pansinin ang kaso lang ipinaghanda siya nito nang makakain.
"Congrats ha."
"Ha? Para saan?"
Sa pagiging single mo, iyon sana ang gusto niyang idugtong pero heto na naman iba ang lumabas sa bibig. "Sorry, sinundan pa rin kita kanina. Nag-alala kasi ako na baka umiyak ka na naman pero sa nasaksihan ko... basta congrats."
"Ha? Anong sinasabi mo diyan?"
"Ide-date ko na si Desiree." Parang gusto niyang sapukin ang sarili. Hindi talaga iyon ang gusto niyang sabihin kaso wala na hindi na niya nabawi.
"Nice one, bro."
Kumirot ang puso niya sa narinig pero ang nasabi niya pa rin ay, "Thanks." Nag-umpisa na siyang kumain. "Mula bukas sa kabila na kaming pareho." Hindi na niya alam ang sinasabi niya.
"S-saglit, ikaw pala dapat ang sinasabihan ng congrats kasi maluwag ang building manager doon. Siya pa ang matchmaker."
"Hindi mo ba ako ma-mimis?" Napalagok siya ng tubig. Paglinga niya nakatulog na si Soto.
"Ako kasi oo," aniyang may ngiti sa labi.