Chereads / Cheese and Sweets (BL) / Chapter 19 - 19

Chapter 19 - 19

MAARAW na kinabukasan. Wala na naman siyang katabi nang magising. Ang kaibahan lang may note na itong iniwan. Napapatungan iyon ng selpon niya kaya talagang madali lang makikita.

Have a sweet day, ang nakasulat kasama ng phone number nito kasunod ng text me later, na imbes sa tuldok magtatapos ay drawing iyon na puso. Kay-aga-aga at heto siya humahagalpak ng tawa. Sinundan din iyong ng iling-iling bago tinungo ang drawer. Naghanap siya ng ballpen at sinulatan din ng kung ano ang papel pagkatapos iniwan iyon sa sumunod ng hanay--- ang kinalalagyan ng mga damit ni Theo. Matapos niyon, hinanda naman niya ang susuotin. Ilang sandali pa palabas na siya ng bahay. Patungo na ng sakayan. Balik-trabaho na naman.

"Sa wakas, suweldo day ngayon."

"Oo nga, inuman na naman mamaya."

Pagkapasok ng tren ay naulinigan niyang biruan ng kasabayang pasahero. Tama. Katapusan na ng buwan. Araw na ng sahod. Naalala na naman niya si Clare pero ipinilig niya ang ulo. Hindi na dapat siya nagpapaapekto. Lalo pa't may bago na siyang binigyan ng chance. Ayaw niyang maging unfair.

Naging maayos naman ang maghapon niya. Nagawa niya maayos ang trabaho. Pagkauwi niya, sinalubong siya ng naging paborito na niyang senaryo--- ang ate niyang naghahanda ng hapunan. Napangiti siya. Nilapitan ito at inabutan ng puting sobre.

"Ate, share mo. Pambayad ilaw at tubig."

Saglit pa itong nahinto sa ginagawa para silipin ang laman doon. "Bakit parang ang galante mo yata ngayon? May tinira ka naman ba para sa sarili mo?"

"Oo naman. Pasiguro kaya 'to." Natawa siya.

"Sure 'yan ha. Sige, sige, itatabi ko na lang kapag may sobra." At nagpatuloy na ito sa paghahanda sa mesa. Siya naman tinungo na ang kuwarto.

Nagitla pa siya nang pagkabukas ng ilaw ay naroon ang nakahigang si Theo. Katabi nito ang hinihimas na kulay kahel na pusa. "Anong ginagawa mo sa dilim?"

"Wala. Ini-imagine lang ang itsura mo, habang binabasa 'to." Iwinagayway nito ang hawak na papel. Nalaglag naman ang panga niya sa pagkamangha.

"Nagustuhan mo ba?" Bumangon ito. Bago pa man niya ma-lock ang pinto ay mabilis nitong hinakbang ang patungo sa kinatatayuan niya.

"N-na-save ko na ang number mo. Ikaw ba?" Napalunok siya ng laway sa tanong niya. Natataranta siya. Kaunti na lang ang pagitan nila pero hindi naman niya matanggal ang tingin sa binata. Sunod-sunod na ang paglunok niya ng laway. Ang isang kamay niya ay pilit inaabot ang seradurang nasa likuran lang. Nakita niya kung paano napangiti si Theo sa ginagawa niyang iyon.

"Kapag ni-lock mo 'yan, ibig sabihin ba niyan puwede kitang halikan?"

Nahinto siya saglit. Oo nga naman, mas malaki ang tsansang mangyari iyon. Nawala na ang kaba niya napalitan na ng kakaibang ngiti. Naabot na niya kasi. Isang pindot lang, naka-lock na.

"Sige nga," hamon niya.

Noon naman namutla si Theo. Ito na naman ang kinakabahan panigurado. "A-alam mo, ikaw... ikaw..." Hindi nito matapos-tapos ang sinasabi. Nasapo pa nito ang sariling mukha.

Lumawak ang pagkakangiti niya. Pakiramdam niya tuloy panalo siya. Pero mayamaya sinakop nito ng dalawang kamay ang mukha niya. "Pagbibigyan kita," pagkasabi niyon ay saka siya nito tila sabik na sabik na hinagkan. Nabigla man ay tinugon niya pa rin. Pinantayan. Hindi. Hinigitan niya. Naglambitin siya sa batok nito. Nakipagpaligsahan siya. Sumipsip ito. Ginaya naman niya. Kumakalkal doon. Ganoon din siya.

"I love you," sa pagitan ng mga halik ay wika nito. Umungol siya para iparating dito na alam niya. Hindi lang niya kayang tugunin ang mga iyon sa ngayon. Hindi pa. Gusto niya munang makasiguro.

"Wala akong pasok bukas," pagbibigay-alam niya rito at muling nakipagtagisan ng halik. Naramdaman pa niyang ngumiti si Theo.

"Ako rin, so tuloy na ba ang date natin?"

Hinihingal na ito. Maging siya ay kinakapos na rin ng hangin. Idinikit na niya ang tungki ng ilong niya sa ilong nito.

"Oo. Tuloy na tuloy na." Tumango-tango pa siya. Doon na siya nito kinarga.

"Yes! May date kami ng boyfriend ko---umm!" Tinakpan niya ang bibig nito. Sumenyas na huwag maingay. Luminga pa siya sa pinto. Nakiramdam. Naiwala lang doon ang atensiyon nang maramdaman niyang hinahalik-halikan nito ang palad niya.

"Theo!" saway niyang mabilis niya inilayo ang kamay sa kasintahan.

"Ibaba mo na ako. Baka tawagin na tayo ni Ate. Hindi pa ako nakapagpalit ng pambahay."

Marahan naman itong umupo sa papag. Hindi pa rin siya binibitiwan. Hindi naman niya magawang magpumiglas sa takot na baka malaglag siya.

"Theo nga!" may kahinaan ngunit mariin niyang banta.

"Sandali lang. Pakalmahin ko muna 'to." Yumakap ito sa kanya. Napasinghap siya nang matukoy ang ibig nitong sabihin . Matigas ang bahagi roon na minsan na niyang nahawakan. Sumubsob ang lalaki sa leeg niya. Ganoon din ang ginawa niya. Tumagal sila nang ilang minuto sa ganoong ayos bago humupa ang kaninang naghuhumindig na sandata. Sakto ring tinatawag na sila ni Suzette. Nagkangitian na lang sila. Umalis na siya sa kandungan nito.

"Mauna na ako," ani Theo na humalik pa sa pisngi niya bago ito nagpasyang iwan siya roon.

Ilang saglit lang, nakapagpalit na siyang damit. Humimas muna siya kay Adorable bago nagpasiyang dumulog na rin sa hapag.

"Ate Su, nga pala, magbibigay rin ako."

"Ha? Ikaw rin? Next month ka na lang kung okay lang sa 'yo."

"E, kasi mayroon akong pusang inampon." Luminga pa ito sa kanya na tila ba nagpapatulong. "At isa pa, Ate Su..."

"Ate, pagbigyan mo na 'yan," salo naman niya at nagsandok na siya ng kanin.

"O, siya. Kayong bahala," pagsuko naman ni Suzette. Ipinagsalin pa sila nito ng tubig sa baso saka ito naupo at hinarap na ang sariling plato.

Nasa kasarapan na sila ng pagkain nang makarinig ng mga katok. Si Suzette ang mabilis na tumayo.

"Saglit lang, silipin ko kung sino."

Pagkaalis lang doon ng kapatid ay siya naman naramdamang may pumipisil sa hita niya. Nanlaki ang mata napalinga sa katabi.

"Theo!"

"Ano?" inosente nitong sabi. Nasa pagbabalat ng saging ang tingin nito. Saglit pa siyang napaawang sa paraan nito ng pagkagat doon. Paunti-unti. Tila ba iniinggit siya.

Loko talaga! Ang hiyaw sa isipin niya. Napainom na lang siya ng tubig.

"Salamat dito, Doktora," boses iyon ng ate niya bago niya narinig ang pagsara nito ng pinto. Pagbalik nito sa hapag may dala-dala ng buko salad. Nasa clear na lalagyan iyon kaya mabilis niyang nahulaan.

"Kanino galing?" agad niyang usisa.

"Diyan, sa boss ko." Ngumiti pa ito. Masaya ang kapatid niya. Ang kinang sa mga mata nito na hindi man niya pangalanan ay alam niya kung para saan.