Chereads / Cheese and Sweets (BL) / Chapter 18 - 18

Chapter 18 - 18

WALA namang gagawin. Tapos na rin siyang kumain. Si Theo ay hinayaan muna niya sa sala. Iniwan niya itong abala sa selpon. Heto siya sa may bintana. Pinapanood ang wala pa ring patid na buhos ng ulan. Ilang saglit pa nakaisip na siya ng gagawin. Kinuha niya ang bag na madalas dalhin sa trabaho. Inilapag iyon sa higaan. Binuksan iyon at inilabas ang ilang komiks, magazines. Nagbuklat-buklat siya. Nagbasa-basa na rin. Nag-ikot-ikot lang ang pusa sa paanan kaya naman napunta roon ang atensiyon. Ang kulay kahel iyon na pinangalanan nilang Adorable.

"Nagugutom ka ba? Nasaan si Catmon, hmm?" Ngumiyaw lang naman ang kuting. Inilapag pa niya sa hita. Hinimas-himas niya.

Nasa ganoon siyang ayos nang pumasok si Theo. Heto na naman. Nariyan na naman ang pangangasim ng tiyan niya.

"Gusto mo?" alok nito sa kanya ng pinapapak nitong sitsirya. Naririnig pa niya ang crunchy sound ng pagnguya nito pero umiling siya. Lumabas ito saglit at pagbalik may dala-dala ng mansanas. "Catch!"

Sinalo naman niya iyon ng libreng kamay.

"Thanks." Marahan niyang inilapag ang nakatulog ng pusa. Naglakad siya patungong bintana. Binuksan iyon at sa tulong ng buhos ng ulan, nagawa niyang hugasan ang hawak na prutas.

"Gusto mong manood ng balita?" Napalinga pa siya rito at sinagot ito ng iling.

"Ang dami pala nito? Saan mo nabili?"

Alam na niya agad ang tinutukoy ni Theo base sa pagbuklat-buklat nito ng librong naroon.

"Ah, iyan ba? Galing 'yan sa pinsan kong nagtatrabaho sa Japan. English version pa nga ang karamihan. Mahilig kasi mangolekta, hindi naman nagbabasa." Kinabig na niya pasara ang bintana.

"Saan sa Japan?"

"Sa Shinigawa yata. Basta, cook siya ng isa mga kainan doon." Kumagat na siya sa apple at umupo sa tabi ni Theo.

"Oh, that reminds me. May restaurant doon ang asawa ng Uncle ko."

"Talaga?"

Tumango-tango si Theo. Nakikagat pa ito sa kinakain niya. Natigilan tuloy siya sa pagnguya. Nagtama pa ang paningin nila pero agad siyang nag-iwas. Ganoon din naman ito.

"Nasa dati pa rin ba nakatira ang tiyuhin mo?" tanong niya upang mawala ang tensiyon sa pagitan nila.

"Hindi, lumipat na siya ng Japan. Umuwi man siya, iyon ay para dalawin lang si Lola kasama na ang pang-uusisa sa buhay ko."

Natawa siya nang maramdaman ang pagkainis nito sa huling sinabi. Kahit din kasi siya naiinis din minsan kapag inuusisa ng sariling ama tungkol sa kung anu-ano lalo na ang pag-aasawa.

"Ihahanap nga raw ako ng partner. Sabi ko naman may matagal na akong natitipuhan."

Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang ngumiti ang binata. Tumambol nang husto ang puso niya dahil doon.

"Kailan ka nagsimulang magkagusto sa taong iyon?" Kinakabahan man ay naisip niyang itanong.

"Curiousity. Ganoon sa umpisa. Paano ba naman kasi naririnig ko lang noon ang boses mo. Hindi ako palalabas ng bahay kaya wala akong ideya sa itsura mo. Tapos isang araw nasa harap na kita."

"Oh, kaya pala ang putla noon ng kulay mo."

Natawa ito at pagkuwa'y nagsalita na naman. "Kayo ba? Saan kayo lumipat noon? Bigla ko na lang kasi nabalitaang umalis na kayo."

Heto na. Mukhang dumating na sa kanya ang oras na kailangan niyang magkuwento. "Sorry. Biglaan talaga kasi natanggal noon si Papa sa construction site. Si Ate naman napaaway sa trabaho at nagkusa na lang mag-resign. Kinailangan tuloy namin lumipat dahil wala na kaming pambayad ng upa," paliwanag niya. "Nakitira muna kami noon sa bahay ng isa mga kapatid ni Papa. Nagkataong may traysikel noong available ang tiyahin ko. Ginamit iyon ni Papa sa pamamasada. Hindi nga lang sapat ang kinikita kaya pati ako natuto na ring nagbanat ng buto." Kumagat siya ng mansanas bago nagpatuloy. "Ilang buwan lang ang lumipas, nakaipon na kami na ibinili naman niya ng pampasadang traysikel. May sapat na ring pera para mangupahan ulit. " Napangiti siya sa alaala pero naging mahina ang tinig niya sa sumunod na sinabi. "Kaya lang isang araw nagtapat sa amin si Papa. Nakatagpo na raw siya ng bagong makakasama at gusto niya itong pakasalan."

Naramdaman niya ang pagpisil ni Theo sa palad niya na para bang nagbigay iyon ng lakas para magpatuloy siya.

"Siyempre pa nagulat ako. Gusto kong magwala noon. Pinigil lang ako ni Ate. Mula nang malaman kong wala na si Mama ang miyembro na lang ng pamilyang itinatak ko sa isipan ay si Papa, ako at si Ate. Kaya talagang mahirap sa akin tanggapin ang bagong sitwasyon." Sumulyap siya rito.

"Pareho pala tayo." Tumingin din ito sa kanya at muling pumisil sa palad niya. "Ganyan din ang naramdaman ko nang ipinagtapat ni Uncle na nakilala na niya ang babaeng pakakasalan niya. Kagaya mo, nagulat din ako. Insecure na insecure pa nga ako. Pero nawala rin lalo na't alam ko namang ginawa niya ang best niya bilang guardian ko. Kinupkop niya ako at pinag-aral. Time naman niya para lumigaya. At heto ang napala ko, check pa rin siya nang check sa buhay ko."

"Parang si Papa. Kahit na kinasal pa siya sa bago niya, dinadalaw-dalaw pa rin kami. Nakikikape, nakikipagbiruan sa amin ni Ate. Nakakawala ng tampo kapag ganoon, di ba?" Ngumiti siya. Nahawa naman si Theo.

"I love you."

Napaawang siya. Naisingit pa rin kasi nito ang mga salitang iyon sa pagitan ng kuwentuhan nila. Ano ngayon ang isasagot niya? Hindi. Dapat may gawin siya. Ayaw niyang maging unfair kay Theo.

"May mga gusto kang puntahan di ba?" Sunud-sunod itong tumango. "Kapag umaraw na at pareho tayong walang pasok, puntahan natin ang isa sa mga 'yon ha," aniya. Noon ito nilukot ang plastic ng sitsirya at nakangiting sumandal sa kanya.

"Thank you."

Siya naman inubos na niya ang huling kagat sa apple at pagkatapos gamit ang isang kamay hinaplos-haplos niya ang buhok ni Theo.

"Iuulam ba ulit natin mamaya iyong adobo o magluluto tayo ng panibago?" Buhat sa tanong niyang iyon ay napaayos ito nang upo.

"Oh, shit! Baka kulangin na 'yon. Wait, itatanong ko pala kay Uncle kung ano pang alam niyang recipe." Tumayo na ito at kinuha ang selpon. Ilang minuto pa may kausap na ito roon.

"Opo, nagustuhan niya 'yong kanina." Sumulyap muna ito sa kanya bago muling nagsalita. "Kiampong? Ewan ko lang kung gusto niya." Muli na naman itong sumulyap kaya tinanguan naman niya. Naeengganyo siya sa ikinikilos nito.

"Okay raw, Uncle." Lumabas ito. Sumunod siya rito. Nakita niyang binuksan nito ang ref at sumilip doon. "Yes. Mukhang kumpleto pa naman kami ng ingredients. Paano po ba? Sige, sige, isusulat ko lang, wait."

Minsan pa itong sumulyap sa kanya. Inabutan naman niya ng ballpen at papel. Umupo ito sa hapag. Seryosong-seryoso sa pagsusulat. Pagkababa nito ng ballpen tapos na rin ang tawag. Noon na niya ito nilapitan saka ito hinagkan. This guy deserve the love.