Chereads / Cheese and Sweets (BL) / Chapter 16 - 16

Chapter 16 - 16

NANG matapos siyang kumain kumalma na rin siya. Nakapaghugas siya ng plato na hindi naman sumasagi sa kanya ang nangyari. Nagsepilyo siya. Okay na. Sure na siya. Puwede na siyang matulog. Pero nang nasa pintuan na siya at naabutan itong naglalatag ng kutson ay muli na namang naisturbo ang puso niya. Naalala na naman niya ang pag-amin nito. Hindi niya malaman kung anong pakikitungo ang ipapakita niya. Iiwas ba siya? Paano? Sa huli, nagpasiya siyang tumambay muna sa sala. Kung kailangang doon siya matulog ay gagawin niya.

"Bakit ka hindi tumuloy? Hindi ka pa ba matutulog?" Nagitla pa siya sa tanong ng kapatid. Akala niya abala ito sa panonood ng palabas dahil dito naman ito nakatingin.

"May ginagawa pa siya, e. Mamaya na lang." Humila siya ng mauupuan. Makikinood muna siya.

"Baka dito ka abutin ng antok ha. Hindi ka pa naman kayang buhatin ng isang 'yon."

"Ha? Ate?"

Tumawa si Suzette. "Wala. Minsan ko kasi 'yang nahuli kaso hindi ka naman mabuhat-buhat. Kung makita mo lang ang itsura niya, matatawa ka."

Parang gusto niyang matunaw sa kinauupuan. Kumakalabog nang husto ang puso niya. Ano pa kaya ang mga ginagawa ni Theo na hindi niya alam?

I like you ever since.

Sa naalalang sinabi nito ay parang gustong bumigay ng tuhod niya. Matagal na siya nitong gusto. Paano nito iyon naitago? Noong nalaman nitong sila ni Clare, ano kayang nararamdaman nito? Umiiyak din ba ito sa katotohanang iyon? Matagal na ba itong naghihintay sa kanya. Ginugulo ng maraming katanungan ang isip niya. Hindi niya alam ang gagawin.

"Ate? Nagmahal ka na ba nang labis?"

"Hindi pa pero kung sakali man siyempre ikaw ang unang makakaalam."

Kung anu-ano pa ang pinag-usapan nila. Hindi na niya naintindihan ang pinapanood. Namalayan na lang niya tapos na iyon.

"O, alas diyes na pala! Mauuna na akong matulog ha. Night, Toto." Tumayo na ang ate niya. Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat saka nito kinarga ang dalawang pusa.

Pagkasara ng pinto ng silid ng kapatid , siya naman ang tumayo. Naghihikab na rin kasi siya. Nakabukas pa ang ilaw pagkapasok niya pero si Theo natutulog na. Itutulak pa nga sana niya pabukas ang bintana ang kaso malakas pa rin ang ulan sa labas. No choice siya kundi buksan ang bentilador. In-off na niya ang ilaw at nahiga na.

"Soto, nilalamig ako."

Sa narinig ay bumangon siya. Pinatay ang electric fan. Tapos bumalik din siya ng higa. Doon naman niya naramdaman ang pag-usog ni Theo. "Bakit? Nilalamig ka pa rin ba?"

Hindi naman ito sumagot kaya pumikit na siya. Pero mayamaya nakayakap na ito sa kanya. Napatakip siya ng mukha para pigilin ang mapasinghap. Ang init ng katawan nito. Hindi man iyon ang una nilang pagtatabi pero napapaso siya ng mga sandaling iyon. Hanggang sa napawi ang anumang nasa isip nang mapansing hindi talaga normal ang temperatura nito.

Para makasiguro dinama niya ang noo ni Theo ay doon na siya napabalikwas ng bangon. Binuksan niya ang ilaw. Natataranta siya sa kung ano ang una niyang gagawin. Naghalungkat pa siya ng drawer. May hinahanap siya roon at natagpuan nga ang ear thermometer.

38.7 ang lumabas doon at muli na naman siyang nataranta.

"Paano 'to?" Bibihira naman kasi siyang lagnatin. Itulog lang niya okay na agad siya kinabukasan. A, bahala na. Ginawa na lang niya ang ibang natatandaan niyang ginagawa noon ng nanay niya. Ibinalot niya sa kumot si Theo at nang pagpawisan ay pinunas iyon. Minsan naiidlip siya pero nagigising din.

Nang masigurong bumaba na ang lagnat ay saka niya inalis ang nakabalot na kumot. Itinagilid pa niya ito para punasan naman ang likod. At kung anu-ano pa bago siya tuluyang ginapi ng antok.

Nagising siyang malakas pa rin ang ulan sa labas. Kinapa niya ang higaan. Wala na roon si Theo. Naisip niyang baka naliligo na ito. Teka lang, hindi niya ito papayagan. Kagagaling lang nito sa sakit. Pagagalitan niya talaga ito kapag nagkataon.

Lumabas siya ng kuwarto at hinanap agad ito. Walang tao sa banyo. Bukas na ang kuwarto ng ate niya. Napasulyap tuloy siya sa orasan. Alas nueve na roon. Late na siya sa trabaho. Nang tumunog ang tiyan niya saka lang niya naisip maghanap ng makakain. May tira pang cake sa ref. Uminom muna siya ng maligamgam na tubig bago iyon sinimulang kainin.

Nagitla pa siya nang bumukas ang main door. Paglinga niya roon ay nakita ang kanina lang ay hanap niya.

"Saan ka galing? Alam mo bang may lagnat ka kagabi?"

Nagtanggal muna ito ng kapote. "Saglit lang, maghuhugas muna ako ng paa. Baha diyan sa labas. Lumubog 'yong bota ko. Ewan ko nga kung paano nakadaan si Ate Su." May nilapag itong supot sa mesa at pagkatapos dumiretso na ito ng banyo. Hinayaan lang muna niya. Paglabas nito ay wala na tuloy siyang masabi.

"Inalagaan mo ba ako kagabi?"

Tumango lang siya. Parang may bumara sa lalamunan niya. Samahan pa ng nakakauhaw na kinakain niya.

Lumapit ito sa mesa. Binuksan ang supot at may inilabas doong ensaymada. "Na-text ko na kay Sir Monet na hindi ako makakapasok. Tamang-tama wala rin daw biyahe ang tren ngayon kaya binigyan ako ng konsiderasyon. Ikaw ba?" Umupo na ito.

"Kagigising ko lang---"

Dinampian siya nito ng halik sa pisngi. "Reward mo. Salamat sa pag-aalaga."

"Wala iyon." Hinawakan pa niya ang bahagi kung saan dumapi ang labi nito at saka para siyang napaso sa sobrang pag-iinit ng pisngi. Umiwas siya ng tingin at mabilis lumagok ng tubig.

"That kind of face. Nakita na kaya 'yan ni Miss Clare?"

Muntik na niyang maibuga ang iniinom. Pero sa totoo lang curious siya kung anong reaksiyon ng mukha niya ang nakikita nito. Pagsulyap niya pa ay ito naman ang umiwas ng tingin. Uminom din ng tubig. Ginagalaw pa nito ang suot na t-shirt na para bang naiinitan. Napakalamig naman ng panahon.

Hindi na sila nag-imikan matapos niyon hanggang makaisip siya ng itatanong. "Anong gusto mong lunch?" Halos sabay pa sila kaya pareho silang nagulat.

"Ikaw." Sabay rin sila at nauwi iyon sa iwasan ng tingin.

Pagtayo niya, tumayo rin si Theo. Lumapit ito sa kanya. Wala naman siyang maatrasan kaya nanatili lang siya sa kinatatayuan. Hinawakan siya nito sa kamay. Inilapit nito iyon sa bibig at pagkatapos dinilaan. Napaawang pa ang labi niya bago nakapag-react.

"T-Theo!"

Tumawa ito. "Bakit napabilis ko ba ang tibok ng puso mo?" Itinuro nito ang kaliwang bahagi ng dibdib niya at totoong sa mga sandaling iyon ay tila may naghahabulan doon.

Pero ano at nakaisip agad siya ng plano. Babawi siya. Ito lang ba ang puwedeng makipaglaro? Hinuli na nga niya hintuturo nitong ginamit kanina. Dumila siya roon. Matamis. Marahil sa kinain nitong ensaymada. Nang hindi makuntento isinubo pa niya habang hindi inaalis ang tingin sa mukha nitong namumula na.

"Soto, ikaw--- anong..."

Ngumisi lang siya. Talo ka ngayon, sa isip-isip pero hindi pala magtatapos doon nang kabigin siya nito at hagkan sa labi. Nanlaki ang mata niya. Hindi. Hindi iyon ang inaasahan niya.