Chereads / Cheese and Sweets (BL) / Chapter 14 - 14

Chapter 14 - 14

NAALIMPUNGATAN siyang nangangalay ang panga. Masakit din ang leeg. Nag-inat siyang ikinalat ang paningin. Alas sais pa lang sa orasang nasa dingding. Anak ng tokwa at sa hapag-kainan siya inabot ng umaga! Nasagot niya kaya ang katanungan ni Theo kagabi? Hindi niya maalala. Naiiling tuloy siyang tumayo. Noon naman nalaglag ang telang malambot mula sa balikat niya. Ang ate kaya niya ang may gawa niyon? Tumingin pa siya sa nakabukas ng kuwarto nito. Naririnig din niya ang lagaslas ng tubig sa nag-iisa nilang banyo kaya nakumbinsi siyang ito marahil ang naliligo.

Tumuloy siya sa kuwarto dahil ugali niyang maghanda ng damit bago maligo. Nahiwagaan pa siya nang mapansing tila hindi nagalaw ang papag doon. Pero iwinaglit niya iyon sa isipan. Baka nauna na sa kanyang magising ang lalaki, may binibili lang sa labas o baka ito ang nasa banyo.

Paglabas niya ng kuwarto ay noon din lumabas ng banyo si Suzette. "O, gising ka na pala," bati nitong nagpupunas na ng buhok. "Nakaalis na si Theodore kaya kung bibili ka ng agahan, iyong kasya lang sa ating dalawa."

Napasulyap siya sa ibabaw ng dishrack kung saan madalas iwan ang pera at susi. Humakbang siya sa gawi roon upang kunin iyon.

"Hindi na raw kayo sabay. Sa Southbound na siya. Kawawang Theo, mapupuruhan sa pamasahe."

Nag-hang ang kamay niya sa ere. Tama kasi ang kapatid. Isa iyon sa dahilan kung bakit sila palipat-lipat ng bahay. Ang Southbound na tinutukoy ay tatlong sakay mula sa tinutuluyan nila. Isang traysikel, ganoon din sa tren at pagkababa sasakay na naman ulit--- taxi kapag wala nang pagpipilian. Mahirap pa naman minsang sumakay kapag rush hour.

"Panis lang 'yon sa kanya. Makakasama naman niya palagi ang gf niya," aniyang sarili lang ang kinakausap.

"Ha? May nobya si Theodore?" Nagulat pa ang ate niya.

"Sabi niya." Papalabas na siya ng pinto. Bibili na ako, Ate. Pandesal pa rin ba o tasty bread?"

"Bahala ka na. Basta dagdagan mo ng pansit guisado."

"Okay."

Napahimas-himas siya sa braso nang sumalubong sa kanya ang malamig na simoy ng hangin. Taglamig na naman yata parang buhay pag-ibig niya. Napailing siya sa naiisip at diniretso ang patungong panaderya.

Pagtapat niya roon ay agad siyang binati ng tindera. "Oy, Toto! Tamang-tama. Bagong hango lang itong pandesal. Ilan?"

"Mga halagang beinte ho."

Mabilis naman iyong naihanda. Inabot na rin ang bayad niya. "Teka pala, may iniwan dito para sa 'yo." Nangingiti pa nitong binuksan ang ref at naglabas ng kung anong nasa transparent na lalagyan.

Sponge cake, hula niya sa isipan.

Nang ilapit iyon sa kanya ay saka niya nakita ang 'Have a sweet day!' message sa loob ng dekorasyong hugis-pusa. Naguguluhan tuloy siyang nagtanong. "Sigurado ho kayong para sa akin 'to?"

Tumango ang tindera. "Hindi ko masyadong namukhaan pero ang sabi niya sabihin ko lang ang salitang "kambal" alam mo na raw 'yon."

Biglang nangasim ang sikmura niya nang iisang tao lang ang maisip niya. Hindi niya alam kung para saan iyon. Naninibago siya. Kaya bago pa man magulo nang tuluyan ang sistema niya ay nagpasiya na siyang umuwi. Bitbit ang cake at pinamiling pandesal.

"Walang pansit guisado?" nadismayang ungot ni Suzette pagkadating niya. "Eh, ano 'yan?" Hindi pa man niya nailalapag ay kinuha na agad nito sa kanya ang box ng cake.

Panunudyo ang kasunod na sinabi nito nang mabasa ang salitang nasa ibabaw niyon. "May admirer ka pala ha? Kanino raw galing? Pa-mysterious."

Doon lang siya natauhan. Tama ang ate niya. Kahit sino naman iyon ang iisipin Pero galing iyon kay Theo. Tama pa rin kayang bigyan niya ng kahulugan ang simpleng cake lang? Siyempre hindi.

"Halika, Toto! Tikman mo at siguradong magiging sweet talaga ang buong maghapon mo," ang ate niyang ipinaghain siya ng isang slice.

Masarap naman lalo na ang icing. Sobra nga lang sa tamis. Kasing-tamis ng condensed milk, nalulusaw iyon sa dila na parang merengue. Natawa siya. Ano kayang naiisip ni Theo at iyon ang napiling bilhin? Aasarin niya talaga ito kapag may pagkakataon.

Maghapon niyang ipinokus ang atensiyon sa trabaho. With music from his earphone, nakalimutan niya ang oras. Namalayan niyang madilim na sa labas. Nag-check out na siya sa oras na ala sais. Bakante na ang receptionist desk. Iba na rin ang nakabantay na security guard. May pakalat-kalat mang tulad niyang housekeeper ay siguradong panggabi ang mga iyon. Hindi niya kakilala.

Umuulan paglabas niya pero hindi siya nagpaawat. Sa lakad-takbong ginawa, narating din niya ang estasyon. Saktong naroon na ang tren. Hindi na niya kailang maghintay pa. Nakauwi siyang safe pero kabababa lang niya ng bag talak mula kay Suzette ang sumalubong sa kanya.

"O, bakit basang-basa ka? Hindi ka na naman siguro nagdala ng payong. Alam mo namang pabago-bago ang panahon. Hala, maligo ka muna at baka sipunin ka." Ipinagtulakan siya nito sa banyo.

Bago siya tuluyang makapasok ay narinig pa niya ang pagbukas-sara ng main door. "Pati ikaw Theodore?" Naulinigan pa niyang sabi ng ate niya.

Maghuhubad na siya ng pang-itaas nang mapitlag siya sa pagsulpot ng kung sino man sa likuran niya. Paglingon niya ay nakita roon ang nilalamig na si Theo. Mas basa ito ng ulan kaysa sa kanya.

"Okay lang bang sumabay sa 'yo?"

"Ikaw ang bahala."

Doon lang ito dali-daling naghubad at nauna pang magbukas ng shower. Sumunod din naman siya. Naki-share sa tubig na umaagos mula roon. "Na-recieve mo ba 'yong cake?" tanong nito. Nilagyan pa siya ng shampoo sa buhok. Minasahe roon kaya napapikit siya.

"Mmm..."

"Masarap?"

"Oo..."

Tumawa si Theo. Pinatay na nito ang shower at ipinagpatuloy ang pagmasahe sa buhok niya. Nagbukas siya ng isang mata. Inabot niya ang buhok nito at minasahe-masahe rin.

"Para tayong magsyota," anitong pareho nilang ikinatawa.

"Sira! Hindi namin 'to ginawa ni Clare," pagkuwa'y tutol niya.

Nahinto si Theo sa ginagawa. "Talaga? Ako pa lang?" Parang bata itong binigyan ng paboritong laruan sa lawak ng pagkakangiti. "Naalala mo ba 'yong sinabi kong sensitive part ko ang ulo?"

"Oh, sorry." Hininto niya ang pagmasahe pero ibinalik lang iyon ni Theo.

"Ituloy mo, okay lang ako." Mukha namang nag-e-enjoy ito. Ganoon din naman kasi ang nararamdaman niya.

"Hindi pa ba kayo lalabas diyan? Lalamig na ang ulam," tawag sa kanila ni Suzette kaya naman nagmadali na silang magbanlaw.

Nakatapis sila ng tuwalya nang lumabas doon. Sa kuwarto na sila magbibihis.