"GRABE! Nabusog ako." Hinihimas-himas pa ni Theo ang tiyan.
Naglalakad na sila papuntang sakayan ng tren. Paminsan-minsan ang sulyap niya rito. Napakababaw ng kaligayahan ni Theo. Parang bata. Simpleng pandesal na may palaman na matamis na gatas ay tuwang-tuwang na ito. Marami rin ang nakain. Ito na nga halos ang nakaubos na hinayaan lang ng ate niya. Sa isipin ay bigla siyang natawa.
"Bakit?" Huminto ito sa paglalakad at humarap sa kanya.
Mabilis siyang umiling saka ito tinap sa ulo na agad naman nitong hinawi.
"That part is sensitive." Pagkasabi ay nagmartsa na ito paakyat ng hagdanan ng estasyong iyon.
Saglit siyang napatingin sa kamay nang may pagtataka. Binukas-sara pa niya at naiiling na sumunod dito.
"Anong sensitive doon? Ginagawa ko rin naman iyon kay Clare." Natigilan siya sa naiisip. Tama. Ginagawa niya rin iyon sa dating kasintahan pero hindi ito nagreklamo sa kanya. Bigla niya tuloy itong na-miss. Sayang nga lang wala na sila.
"Ang bagal mo yata ngayon. Mahuhuli na tayo," hila sa kanya ni Theo.
Ilang saglit pa, nasa loob na sila ng tren habang ang isip niya ay naglalakbay pa rin sa kung saan-saan.
"Oo na, sige na. Puwede mo na akong katukin sa ulo kahit kailan mo gusto."
Napalis ang mga iniisip niya sa sinabing iyon ni Theo. Hindi man siya humarap dito ay nakikita naman niya ang nakangiti nitong repleksiyon sa salamin sa harap doon--- ang dahilan kung bakit napangiiti na rin siya.
Pagkababa nila ay saka niya ginulo ang buhok nito.
"Soto!"
"Akala ko payag ka na," susog niya pero pinitik lang siya nito ng panyo. Napatakbo tuloy siya bilang pag-iwas.
Naunahan niya itong makababa pero mabilis itong nakahabol sa kanya. Nang masita ng lady guard ay pareho silang humingi ng pasensiya. Pagkalagpas lang ay saka nagtawanan at magkaakbay na tinungo ang sakayan ng traysikel.
"Sa Supreme Garden Heights po," halos sabay pa nilang sabi at doon lang umarangkada ang sasakyan.
Sumandal si Theo sa balikat niya at hinayaan na lang niya. Inakbayan lang niya ito at inusog pa sa kanya. Narinig niya ang mahihina nitong tawa kaya sinilip niya. Ang kaso dumiretso na ito nang upo kaya nagkasya na lang sa pagtingin sa unahan. Saktong huminto na rin ang sinasakyan. Bumaba na sila at halos sabay pang nag-abot ng bayad.
"Maraming pera sana ang dumating sa inyo," ang palakaibigang wika ng drayber matapos kunin ang bayad nila.
"Ho?" sabay na naman sila.
Umiling lang ang natatawang lalaki at nag-umpisa na ulit itong magmaneho.
"Alam mo ba ang sinasabi niya?" Si Theo habang nakatanaw sa papalayong traysikel.
Napakamot siya sa batok. "Kapag nagkakasabay raw kayo ng isang tao, "money for us" ang sasabihin mo o kaya kakatok ka ng tatlong beses sa kahoy tapos magkakatotoo iyon." Hindi siya sigurado sa sinasabi.
"Money for us, Soto." Umakbay na ito sa kanya. "Tara na sa loob," sabi pa kaya sabay na nga silang pumasok doon.
"Gusto mo niyan? Ito? Ganito?"
"S-Sir? Hindi..."
Papuntang locker room ay natigilan silang dalawa sa naulinigan. Nagkatinginan din at matapos magtanguan ay marahan ang ginawa nilang mga hakbang.
""Hindi halata sa 'yo ha. Desiree..."
Nagkatinginan ulit sila. Sumandal sila sa kabilang bahagi bago sumilip. Mula roon ay kita nila sina Desiree at si Sir Tim . Nakaupo ang mga ito at may tinitignang kung ano. Para alamin ay doon lang sila nagpasya lumabas sa pinagtataguan.
"Kanina pa kayo riyan?" Natatarantang tumayo si Desiree at nabitiwan nito ang hawak-hawak. Nang bumukas ang magazine ay malalaswang larawan ng mga babae ang naroon. Agad itong napatakip ng mukha at umiyak.
Mabilis naman niyang dinaluhan ang katrabaho. "Walang dapat ikahiya rito. Mahilig din kami sa ganito, " aniyang pinulot iyon at inabot sa nagulat namang si Theo.
"Mas marami nito sa locker ko," pagpapatuloy niya dahilan para matigil sa paghikbi ang dalaga.
"Talaga?"
Sinusian na nga niya ang locker para makumbinsi si Desiree. Naglaglagan pa ang mga iyon at buhat doon bumalik na ang saya sa mukha ng babae.
"Komiks!" Pumulot na ito ng isa at nagningning ang mga matang nagbuklat doon.
Tumikhim lang si Sir Tim kaya dito naman bumaling ang tingin nilang tatlo. "Mga walang respeto! Nasa trabaho tayo. Hindi dapat ito ang inuuna ninyo!" Tinapunan siya nito ng nagbabagang tingin at pagkatapos sa diyanitres. "Desiree, sa lobby ka maglampaso. Kayo namang dalawa sa admin office!"
"Opo!" Halos sabay-sabay pa sila.
Inagaw muna nito kay Theo ay hawak-hawak na magazine at saka ito nagmartsang umalis. Nahugot sila nang malalim na buntonghininga bago tumungo ng utility room. Paglabas doon, dala-dala na nila ang panglinis.
Habang naghihintay ng elevator siniko niya si Theo. Wala kasi itong imik. Pinaglilipat-lipat lang nito sa kamay ang walis-tambo at dustpan.
"Sorry, nadamay ka."
Nagpatuloy lang ito sa ginagawa. Huminto lang nang bumukas na ang isa sa apat na elevator. Nainis na siya kaya nang hahakbang na ito ay pinigil niya. Pinauna na niya si Desiree.
"Bakit ba?" angil nito kaya napabitiw siya sa pagkakahawak dito.
"Nag-sorry kasi ako pero hindi mo pinansin."
Sinulyapan lang siya nito saglit tapos isang elevator naman ang bumukas. "Sakay na tayo at para matapos na."
Mabibigat ang paang sumunod dito. Mabilis lang naman ang pananatili nila sa loob at narating na agad nila ang 7th floor.
Nakabukas ang admin office. Walang tao sa loob. Walang hassle sa kanilang gagawing paglilinis. Inumpisahan niya sa pagpunas-punas. Sisipatin ang basahan at pagkatapos punas ulit.
"Wala namang dumi." Bubulong pa siya bago tinanaw si Theo na nasa kabilang bahagi. Nagwawalis ito at kitang-kita niya na pati kasuluk-sulukan ay hindi nito pinalagpas.
Lumapit siya rito para usisain ang nalinis nito pero nang makitang halos walang laman ang dustpan nito ay natawa siya.
"Anong fetish mo, Soto?"
Napakurap-kurap siya sa tanong na iyon pero nang maintindihan ay bigla siyang ngumisi. "Gusto mong malaman?"
Pagkatango ni Theo ay mabilis niya itong itinulak pahiga sa mesang naroon. Paunti-unti niyang nilapit ang sarili rito at hindi nakaligtas sa kanya kung paano ito nagulat.
"S-Soto..."
Nag-panic si Theo. Nanginginig ito. Alam niya iyon kaya huminto siya. Inayos niya ang sarili at iniwan na ito sa ganoong ayos. Narinig niya pa ang malalalim nitong paghinga pero hindi na niya nilingon. Babalik na lang siya sa ginagawa. Pero hindi nangyari dahil pinigil siya nito.
"At saan ka pupunta?"
Nagkapalit na sila ngayon ng posisyon. Ito na ang nasa ibabaw. Hawak na siya nito sa magkabilang kamay. Iyon ang madalas niyang ginagawa noong sila pa ni Clare. Kontrolado niya kasi kapag ganoon.
"A-anong gagawin mo?" Siya naman ang kinakabahan. Ngayon lang niya naranasan ang ganito.
Kumagat-labi si Theo bilang tugon at pagkatapos sumubsob sa leeg siya. "Gustung-gusto ko talaga ang amoy mo."
Naninigas siya sa ginagawa nitong iyon. Sininghot-singhot siya nito. Parang nanayo lahat ng balahibo niya. Lagi silang magkadikit. Nakatulog na rin ito minsan sa dibdib niya pero iba ang nararamdaman niya ngayon. Nakikiliti siya.
"Theo, huwag diyan. S-saglit."
Namumungay ang mga mata nitong nag-angat ng ulo. "Nag-sorry ka kanina di ba? Pinapatawad na kita." Lumuwag na ang pagkakahawak nito sa kanya at pagkuwa'y umalis na sa ibabaw niya. Nag-iwas pa ng tingin.
Dito lang siya nagkaroon ng pagkakataong habulin ang hininga. Namamawis siya. Parang biglang uminit ang paligid na hindi niya mawari. Napahawak pa siya sa harapan at halos ayaw niyang paniwalaang pati iyon ay nagdiriwang. Mali ito. Pakiramdam niya ay pinagtataksilan niya ang sarili at si Clare.
"S-sa 8th floor na ako," aniya at bumangon na. Sakto lang para mahagip ng mata ang kakapasok lang na si Clare. Pansin niya ang gulat sa mukha nito pero wala itong sinabi. Diretso lang ito sa isang cubicle. Hindi na siya tinapunan ng tingin. Halos magdadalawang linggo na mula nang huli niya itong makita at ngayong pinagmamasdan ito ay napagtanto niyang naroon pa rin pala ang damdamin niya.
"Akala ko ba sa 8th floor ka na," untag ni Theo sa kanya.
Nag-uulap ang mga matang napalinga siya sa gawi nito.
"Theo..."
Iyon lang at nakakaunawang hinila na siya nito paalis doon.