Chereads / Cheese and Sweets (BL) / Chapter 12 - 12

Chapter 12 - 12

"PATAPOS na ba kayo?"

Parehong silang napaangat ng tingin at nakita ang nakangiting si Desiree.

"Pakidala naman ito sa Admin office, o. Kakain pa lang kasi kami ni Alena," inginuso pa nito ang receptionist nilang nakaupo sa kahilerang table. Kumaway ito sa kanila at nag-pretty please gesture.

"Sige, no problem." Si Theo iyon. Bago pa siya nakaangal ay binitbit na nito ang plastic bag na naroon.

"Oh my God! Thank you so much, Theodore. You're the best!" masayang sabi ni Desiree at hinawakan pa sa kamay si Theo na noon ay tumingin naman sa gawi niya na parang humihingi ng saklolo.

Tumikhim siya. Doon lang nagpasintabi si Desiree pero humahagikhik itong tumungo sa table ni Alena. Nakita pa niyang nag-apiran ang dalawa. Nailing na lang siya.

"May crush siguro sa 'yo 'yon," hinuha niya nang makalabas sila.

"Napansin mo rin pala."

Lihim siyang napangiti pero natigilan siya sa kasunod niyon.

"Ang kaso wala akong time sa mga ganyan. Sa 'yo pa nga lang hirap na ako, magdadagdag pa ba ako?"

Pero kahit nagulo man ang sistema niya sa mga katagang iyon, naiwasto naman agad niya ang sarili. "Ako na lang ang magdadala niyan sa taas."

"Paano kung nandoon siya?" Bigla itong nag-alala. Alam na niya kung para saan iyon.

"Hindi ka ba talaga magpapasama?" kulit pa nito nang makapasok na sila ng elevator.

Umiling siya. Makikita naman nito iyon sa repleksiyon ng kaliwa't kanang salamin ng elevator. Hindi na niya kinailangan pang magsalita. Inabot na nga nito sa kanya ang dala-dala. Pinindot nito ang number 7 at 8. Hindi na sila nagkibuan.

Nauna siyang lumabas doon. Wala pa rin siyang sinabi maging si Theo. Balik ulit sila sa pagiging estranghero sa isa't isa. Just like that.

Narating na niya ang Admin Office at nadatnan doon ang mag-isang si Clare. Fetish mood alert ang nangyari sa kanya habang abala nitong hinahawi ang mahabang buhok na tumatabing sa mukha. Nakapokus ang paningin nito sa harap ng computer kaya hindi siya napansing kaunti na lang ang pagitan nila. Marahan niyang inilapag ang dala upang pukawin ang atensiyon nito.

"Lunch mo."

Gulat itong nag-angat ng tingin sa kanya. "Oh, ikaw pala 'yan, Soto. Bakit ikaw ang nag-akyat nito? Kumain ka na ba?"

Hindi niya napigil ang sarili. Parang ang lambing kasi niyon sa pandinig niya. Ang sarap umasang mayroon pang sila. "Maganda ka talaga. Sinong mag-aakalang pareho tayong may sandata." Inamoy pa niya ang buhok nito. Namula naman ang pisngi nito. Kailan niya ba huling nakita iyon?

"Soto!" Sinasaway siya ni Clare pero iba ang dating niyon sa kanya kaya walang sabi-sabing hinagkan niya ang labi nito. Hindi nga lang niya inaasahang itutulak siya.

"Alam mo ba 'tong ginagawa mo? Wala na tayo, Soto. Hindi ka puwedeng basta na lang nanghahalik."

"Ah, ganon ba? 'Yong break lang muna, ibig sabihin wala na talaga?" parang tanga niyang tanong kahit alam naman niya ang sagot.

"Sorry kung hindi ko nilinaw agad. Hindi ka na rin naman kasi nag-message pa."

"Ikaw ang unang nakipagkalas kaya nirespeto ko pero kasi alam mo mahirap kang kalimutan."

Napailing si Clare. "Alam mo, hindi talaga kita kinakaya. Sige, kung gusto mo akong halikan ngayon, papayagan kita pero... pero ipangako mong matapos nito hindi ka na manggugulo---"

Hindi pa man ito natatapos sa pagsasalita ay nasakop na niya agad ang labi nito. Gumanti rin ito at tumagal iyon nang ilang minuto hanggang sa pareho silang sumuko.

"Salamat," sa pagitan ng pagsagap ng hangin ay sabi niya. "Pero hindi ko planong kalimutan ka," saka siya matamis na ngumiti.

Mabilis siyang itinulak ni Clare. "Pinaglalaruan mo ba ako?" Itinuro pa siya nito sa sobrang inis.

"E, anong magagawa ko, first love kita."

"Sorito! Sinasabi ko sa 'yo ha. Wala na tayo. Wala na! Huli na itong paglapit mo sa akin. Ide-delete ko na ang number mo. Hindi na tayo magkakilala."

Nagtaas siya ng kamay bilang pagsuko. "Okay, okay." And this time hindi na masama ang loob niya kahit ganoon pa ang binitiwang salita ni Clare. Wala na kung wala. Hindi na kung hindi. Puwede na siyang magsimula ulit. Hindi nga lang kakalimutang ito ang una niyang pag-ibig.

"Wala ka pang planong umalis? Oras na ng trabaho." Nag-uumpisa na itong kumain.

"O, nakalimutan ko. Sorry, Miss Clare," aniyang humakbang na palabas doon.

Natapos ang maghapon at uwian na naman niya. Noon lang niya naalala si Theo. Mula nang huli nilang pag-uusap sa elevator ay hindi na niya ito nakita. Pinuntahan pa niya ito sa 4th floor parking lot kung saan ito nakatoka minsan pero wala ito roon. Pagbaba niya ay wala rin doon.

"Si Theo?" tanong niya kay Alena na alam niyang naghahanda na ring umuwi.

"Hindi ko napansin, e. Pero sabi ni Des may lakad daw sila."

Ang ending walang Theo ang sumabay sa kanya sa pag-uwi.

"Wala palang time ha pero may lakad naman pala," himutok niya nang makasakay ng tren. Minsan talaga hindi niya maintindihan ang lalaki. Aalis kung kailan gusto tapos ganoon din kung sumulpot. Minsan pakiramdam niya close sila, minsan naman hindi. Naiiling na lang siya.

"O, ngayon alam mo na kung ano ang pakiramdam kapag hindi nagpaalam," sermon ng ate niyang naghahanda na ng hapunan. Inamin niya kasi rito na hindi niya alam kung nasaang lupalop si Theo at kung anong oras ito uuwi.

"Oo na, pagbalik niya, hihingiin ko na ang number niya para sa susunod makokontak ko siya," aniya. Hindi talaga siya mananalo sa pakikipagdebate sa kapatid.

Natapos nang kumain at maghahanda na lang sila sa pagtulog nang makarinig ng magkakasunod na katok. Siya ang nagpresintang silipin kung sino ang naroon.

"Theo?" Saka niya niluwangan ang pagkakabukas ng pinto.

"Sorry, ngayon lang ako, Ate Su," anitong nilagpasan lang siya.

"O, Theo, kumain ka na ba? Toto, ipag-init mo siya ng ulam. Mauuna akong matulog at maaga pa ako bukas."

Iniwan na nga sila roon ni Suzette. Siya naman ni-lock muna ang pinto bago tinungo ang ref. Naglabas siya ng itinabing ulam at kaning lamig. Pinagsabay na niya sa pag-steam ang mga iyon sa isang plato. At pagkatapos nang ilang minuto, hinain na niya sa hapag kung saan naroon ang naghihintay na si Theo.

"Thank you."

Tumango lang siya at naghanda ng humakbang pero hinaklit siya nito sa braso. Muntikan pa siyang mawala sa balanse. Mabuti at naitukod niya ang kamay sa mesa. Paglinga pa niya kay Theo ay para pa itong natatawa.

"Ayaw mo kasi akong tanungin kung saan ako galing, e."

"E, sa inaantok na ako," naiinis niyang sabi.

"Umupo ka muna kasi. Hindi masarap kumain nang walang kasama." Inalalayan pa siya nito bago nito hinaharap ang nakahain doon.

"O, ano ng atin?" Kunwari ay interesado siya pero talagang malalaglag na ang mata niya sa sobrang antok.

"Congrats ha."

"Ha? Para saan?" Nangalumbaba siya.

"Sorry, sinundan pa rin kita kanina. Nag-alala kasi ako na baka umiyak ka na naman pero sa nasaksihan ko... basta congrats."

Bumalik ang lahat ng senses niya. "Ha? Anong sinasabi mo diyan?" May misunderstanding ba sila rito? Hindi niya ito maintindihan.

"Ide-date ko na si Desiree."

Napamulagat siya pero ang nasabi lang niya, "Nice one, bro."

"Thanks." Sumubo ito ng isa. Ngumuya. Lumunok. Nagsalin ng tubig sa baso. "Mula bukas sa kabila na kaming pareho."

Napaawang ang bibig niya hanggang sa mag-sink in iyon sa utak niya. "S-saglit, ikaw pala dapat ang sinasabihan ng congrats kasi maluwag ang building manager doon. Siya pa ang matchmaker." Natawa pa siya sa sarili niyang sinabi pero hindi ang kasama niya.

"Hindi mo ba ako ma-mimis?"

Napaigtad siya sa tanong na iyon. Bakit parang nag-iba yata ang tono ni Theo?