KADARATING lang nila. Nangunot pa ang noo niya nang pagkatulak sa screen door ay ayaw mabukas. Naisip niyang hindi pa siguro nakakauwi ang ate niya, baka may dinaanan o nag-overtime sa trabaho.
"Pero maagang magsarado ang clinic, a!" Ibinaba niya muna ang dala-dalahan. Kinapkap ang pantalon at nang hindi makapa ang hinahanap ay bulsa ng backpack niya ang hinalungkat.
"Oo naman, Uncle. Nag-iingat ako siyempre."
Saglit niyang nilinga si Theo na noon ay may kausap na selpon at pagkatapos ipinasok na niya isa-isa ang apat na plastic bag.
"Hindi, a! Oo siya nga 'yon. Wala akong gf. Wala pa..." ang naulinigan niya pa nang tulayan nang makapasok ng bahay. Sinundan pa nga iyon ng mahihina nitong tawa. Na pati siya ay muntik nang mahawa. Pero nailing din nang muli itong magsalita.
"Tapos na. Kayo ang kumain na diyan. Ayos nga lang ako. Blind date? Uso pa ba 'yon? At isa pa may matagal na akong natitipuhan. Basta."
Hindi na niya pinakinggan pa ang sinasabi nito. Nakaramdam na kasi siya ng pagod. Naghihikab na siyang umupo. At bago gapiin ng antok ay minsan pa niyang narinig ang mga halakhak ni Theo.
Napakamot siya sa pisngi parang may mainit na hangin ang tumatama roon. May pumatak ding tubig na agad niyang pinahid. Nang wala pa ring tigil ay inis na siyang nagmulat. Handa nang magprotesta pero natigilan siya nang masilayan ang nakatalikod na bagong ligong si Theo. Mula sa suot nitong short at sando ay alam niyang kanya.
Pinagpagpag nito ang basang buhok at nahulaan na niyang iyon ang dahilan bakit siya nagising.
"Effective!" sabi nitong hindi niya alam kung para saan.
"Dumating na ba si Ate?"
"Mga isang oras na," kumpirma nito bago ipinagpatuloy ang pagpagpag sa buhok.
Hinayaan niya lang ito. Wala naman nang masyadong tumatamang tubig sa kanya. Tumayo na siya. Nag-inat saka tumingin sa pambisig na relo. Alas onse y media. Napalalim pala ang balak niyang idlip lang.
"Mabigat ka pala..."
Kumurap-kurap pa siya. Loading ang mga salitang iyon sa isipan niya habang naglalakad papuntang banyo. Naghilamos siya. Nagsepilyo. Saglit na mahihinto at kakamot sa ulo.
Anong mabigat doon? Para namang nabuhat na niya ako. Kunsabagay, mabigat din si Clare pero kinaya ko na siyang buhatin.
Naubo siya dahil sa pagpipigil ng tawa. Nakalunok pa nga yata niya ang toothpaste kaya naman dali-dali ang pagmumog niya ng tubig.
"Clare..." nasambit niya kasunod ng mga hikbi.
Wala na roon si Theo pagkalabas niya ng banyo. Nakaayos na sa mesita ang pinamili nilang prutas, ilang chips at iba pa. Nakatupi na ang mga plastic bag na pinaglagyan. Napangiti siya. Ang kapatid lang niya ang may kakayahang gawin ang mga iyon. Kahit pagod na o bago matulog isasaayos muna nito ang mga gamit. Ganoon ang Ate Suzette niya, nagmana ito sa pumanaw nilang ina.
Sumilip siya sa maliit nilang ref. Doon naman makikitang nakasalansan ang slice na mga prutas. Napangiti na naman siya.
"Pasado na ba?"
Sa gulat ay naumpog pa siya roon. "Araykup!" Himas-himas niya ang ulong kumuha ng ice pack sa chiller bago binalingan ang isturbo. Si Theo.
"Bakit gising ka pa?"
"Mainit sa loob at saka nandito ka pa." Humalukipkip ito.
Bumalik siya sa upuan kung saan siya nakatulog kanina. Panaka-naka ang dampi ng malamig na pakete roon.
"Baka makatulugan mo 'yan ha." Humila ito ng upuan at pumwesto paharap malapit sa kanya. Inalalayan pa siya nito sa ginagawa at hindi na siya kumontra. Ilang segundo lang kasi namimigat na ang talukap ng mata niya. Nagising lang ang diwa niya nang marinig ang paghikab ni Theo. Inagaw na niya rito ang ice pack at ibinalik iyon kung saan niya kinuha.
"Doon na tayo sa kuwarto."
Parang magic word na matapos niyang sabihin ay agad tumakbo papunta sa kanya si Theo. Tumatawang umakbay sa kanya.
"Worth the wait!"
Hindi na lang niya pinansin ang sinabi nito. Pagkapasok kasi tinungo niya ang bintanang salamin at tinulak iyon pabukas. Malamig na libreng hangin ang bumungad sa kanya roon. Hindi na niya kailangan magbukas ng bentilador. Mas sanay siya sa ganoon. Ilang segundo lang narinig na niya ang mga hilik ng kasama. Tawa-tawa tuloy siyang sumampa na rin sa papag.
Pagkagising niyang kinabukasan. Nakaaayos na ang bahaging hinigaan ni Theo. Napa-check tuloy siya ng oras. Alas siete y kinse na. Bumangon na siya. Diretso agad sa lababong hugasan ng mga plato para maghilamos. Wala siyang nakitang susi at pera sa gilid doon. Naisip niya baka nauna ang ate niyang magising kaya ito na ang bumili ng agahan.
"Magandang umaga, Uncle Toto!" Nagulat pa siya. Paglingon ang ate niyang nasa hapag ang naroon. Ikinakaway nito ang dalawang paa ng kuting na bago sa paningin niya.
"Saan galing 'yan?"
"Napulot ni Theodore."
Lumapit siya sa mesa para makita nang malapitan ang pusa. Ang kulay puti at itim ay alam niyang si Catmon pero ang isang purong kahel ay hindi pa niya alam kung binigyan na ng pangalan. Tinitigan niya iyon.
"Gusgusin ito kanina. Pinagtulungan lang naming linisan. May nakita nga kaming sugat sa bandang tiyan kaya dadalhin ko sa clinic upang masuri," pagpapatuloy ng ate niya.
"Nasaan siya ngayon?" Si Theo ang tinutukoy niya.
"Naliligo yata. Silipin mo nga sa banyo. Kanina pa siya riyan, e." Nagkaroon ito ng kakaibang ngiti at sa mga oras na iyon ay nakuha niya kung anong iniisip ng ate niya.
"Hindi naman siguro, Ate!"
"Bakit? Ano bang nasa isip mo? Ha?" Kinaltukan pa siya nito sa ulo at pairap na tumayo.
"Aalis ka na?" Nang ilapag nito si Catmon at ang isa pusa lang ang kinarga.
"Oo, para mabigyan na ng paunang lunas itong si Adorable." Kinuha na nito ang sling bag na nasa upuan at saka siya hinarap. "Babalikan ko na lang si Catmon. Half day lang ako ngayon."
Napatango-tango lang siya. Bago umalis ang nakakatandang kapatid ay nagbilin pa ito ng kung ano-ano. Kagaya ng iwanan si Catmon ng pagkain kung papasok na siya sa trabaho, ipasok sa ref kung may matitirang tinapay, huwag kalimutang i-lock ang pinto.
"Oo na."
At doon lang ito masayang umalis kasama ang kargang kuting.
Pagkalabas ni Theo ng banyo ay siya naman ang pumasok doon.
Mabilis siyang natapos maligo. Bumungad sa kanya ang nakakagutom na halimuyak ng bagong lutong pandesal. Ilang segundo pa ay kape naman. Sininghot-singhot niya iyon. Nahinto lang nang marinig nang mahihinang tawa nang walang iba kundi si Theo.
"Sabayan mo ako," nakangiting baling nito sa kanya. May hinahalo ito sa tasa at base sa amoy niyon ay alam na niya kung ano. Humigop muna ito na tila nang-iinggit bago umupo.
"Saan mo 'yan hinugot? Marami namang maayos na pambahay sa drawer, a!" puna niya mapansin ang suot nitong may butas-butas.
"Hayaan mo na. Puwede na 'to. Magpapalit din naman ako."
Hindi na siya nagkomento pa. Kumuha na lang siya ng sariling tasa at dumulog na rin sa hapag.
Nang abala na siya sa pagsasalin ng mainit na tubig ay muli itong magsalita.
"Kapag walang pasok, saan ka madalas, Soto?"
Si Clare ang unang pumasok sa isip niya. Kung hindi sila nasa galaan ay nasa motel naman, iyon sana ang nais niyang isatinig pero minabuting huwag na lang. Parang hinihiwa na naman kasi ang puso niya.