PUWEDE niyang hindi sagutin ang tanong. Huwag umimik. Magkulong ng kuwarto. Umiyak at mawalan ng ganang pumasok sa trabaho. Pero wala roon ang choice niya. Malinaw sa kanya ang dahilan ng break up nila ni Clare. Ang kailangan lang niya ay mag-move on. Kung saan mag-uumpisa ay hindi pa sigurado.
"Bakit? May alam ka bang lugar na puwedeng puntahan?"
Napatitig si Theo sa kanya. Humigop ng kape. "Marami sana ang kaso..." Binitin nito iyon bago muling humigop. Hindi nakaligtas sa kanya ang paglipad nito ng tingin sa ibang direksiyon. Nag-aalangan siguro sa mga sasabihin pero hinayaan lang niya. Naghintay siya.
"Hindi ko lang alam kung sasamahan mo ako." Pagkalapag ng tasa ay sabi nito saka binalingan ang tinapay. Binuka iyon nilagyan ng palaman. Kumagat.
"Sige."
Sandaling nanlaki ang mata nito. Sa marahang pagnguya naroon ang paminsan-minsang ngiti. Noon niya napagtantong madaling pasayahin si Theo. Sana ganoon din siya, ang piping hiling niya.
"O, ano, sabay na ba tayong papasok?" Tumayo na ang nakangiti na namang si Theo.
"May pagpipilian pa ba?"
At pareho na silang natawa.
Paakyat na sila ng train station nang huminto si Theo para abutan ng barya ang matandang namamalimos. Namangha pa siya nang itaktak nito sa lata ang buong laman ng pitaka.
"Heto ho, ibili ninyo ng makakain." Pagkatapos tanguan at pasalamatan ay saka lang ito sumunod sa kanya.
"Pagkain dapat ang binigay mo," suhestiyon niya.
"Kung hindi lang tayo papuntang trabaho ngayon hindi lang iyon ang ibibigay ko." Inakbayan na siya nito.
Hindi na siya nagtanong. Kung pamasahe pa ba ito o wala? Sinabayan na lang niya ang paghakbang nito sa bawat baitang ng hagdan. Bago pa man ma-check ng guwardiya ang gamit nila ay muli itong nagsalita.
"Kapag nalaman mong mayaman ka, anong una mong gagawin?"
Hindi siya nakasagot. Nakikitira lang siya sa apartment ng kapatid. Nag-aabot siya ng kaunti para sa renta pero minsan wala talaga. Ang alam niyang trabaho nito ay pag-aasiste sa isang maliit na animal clinic. Hindi rin sila nagtatanungan kung magkano ang kinikita nila. Basta pareho silang ayaw pang magsipag-asawa.
"Magpapatayo pa ako ng sariling bahay, 'no? Kung hindi mangyari ay huwag na lang din."
Iyon ang kataga nito nang minsang nanonood sila ng animal show. Nang tanungin naman siya nito ang sabi lang niya ay magnonobya lang siya pero walang kasal-kasal. Kinutusan pa nga siya nito sa ulo pero sinabi niya rin ang totoo niyang plano--- ang makaipon para makapag-aral. Noon siya inakbayan ng kapatid at hinalik-halikan sa ulo.
"Very good!"
Wala naging resulta ang huli nilang pag-uusap tungkol doon. Naengganyo na rin siya sa kakatrabaho at nalimutan na ang pag-iipon. Laging bahala na si Batman basta may Clare siyang maganda at seksi. Napangiti siya nang mapakla. Naiisip na naman niya ang dating kasintahan.
"Oy, kambal... Sineryoso mo naman yata ang tanong ko. Kanina ka pa walang imik."
Napabalik siya sa realidad. Nang maramdamang tinusok-tusok ni Theo ang tagiliran niya. Nasa loob na sila ng tren. Nakatayo. Katulad ng laging posisyon nasa likuran niya ito.
"Hindi ko alam, e." Mahihinang tawa pa ang kumawala sa kanya matapos niyang sabihin iyon. Naisip niyang maswerte na siya sa ganitong buhay. Nandiyan ang ama at ate niya tapos may isang tulad ni Theo.
Teka, tinawag siya nitong kambal? Masarap pala. Tama. Tulad ng ate niya, ituturing niya na rin ito bilang kapatid.
"Salamat, kambal," aniya.
Si Theo naman ang tumatawa ngayon. Ipinulupot pa nito ang isang kamay sa baywang niya. Hindi na niya kinontra. Aangal pa ba siya? May nasasandalan na tapos matigas pa. Siguro ganoon ang nararamdaman ni Clare sa tuwing siya naman ang nasa likuran nito.
Lumipas ang mga araw na hindi niya nakakasalubong pa ang ex-boyfriend. Malaki ang naitulong niyon para masanay siyang hindi na ito parte ng buhay niya. Binura na rin niya ang contact number nito at hindi na siya nagdadala ng ekstrang damit sa bag. Diretso uwi na siya pagkatapos ng trabaho at si Theo na ang lagi niyang nakakasabay.
"Oy, kambal! Samahan mo ako sa dati kong apartment."
Nasa locker room sila. Naghahanda na sa pag-uwi. "Bakit? Kukunin mo na mga gamit mo? Ayaw mo na ba sa butas-butas kong damit?" pabiro niya matapos susian ang sariling locker.
"Soto!"
Napalinga siya rito. "Ano?" Tumawa siya pero ibinato lang nito sa kanya susi nito na agad naman niyang nasalo.
"Wala akong choice kundi kunin na ang mga 'yon bago pa sunugin ni Aling Bebang."
"E, di tara na!"
Hayan na naman ang parang magic word dahil bigla na lang itong ngumiti at pagkatapos umakbay sa kanya.
"MABUTI naman at naisipan mo nang magpakita," ang bungad sa kanila ng nakapameywang na babae. Ito na siguro si Aling Bebang na nabanggit ni Theo.
Napakamot sa ulo ang kasama niya. Lumapit at nagmano. "Sorry po. Busy lang sa trabaho at saka nawala na sa isip ko---"
"Ku! Kung hindi ka lang talaga mabait. Sige, kunin mo na. Inimpake ko na kagaya ng hiling mo." Ngumiti na ang ginang.
Siya naman ngayon ang napakamot sa ulo habang pinagmamasdan ang dalawang nag-uusap. Hindi naman pala masungit ang landlady. Nasiguro niya sa nakikitang magiliw na pakikitungo nito kay Theo.
"At sino itong kasama mo? Hawig mo, a!" baling nito sa kanya at muling nagsalita. "Nobyo ka ba nitong si Theodore?"
Kung may iniinom siguro siya ay hindi malabong nasamid siya. Ito ang kauna-unahang napagkamalan siyang nobyo ni Theo at hindi bilang kakambal---na mga katrabaho nila ang nagpauso.
"H-hindi po..." Sumulyap pa siya kay Theo. Bigla itong sumimangot at bago pa siya makahanap ng mga salitang idudugtong tumakbo na ito sa hagdan ng paupahang iyon.
"Ay! Ang batang iyon! Sige na, hintayin mo na lang dito. Isang bag lang naman ang ibababa niyan."
Binigyan siya ni Aling Bebang ng meryenda. Hindi nga ito mapakali. Patingin-tingin sa hagdanan. Hindi naman niya magawang usisain ang matanda. Para kasing hindi pa siya nakakabawi sa naging reaksiyon ni Theo kanina.
"Galante iyan. May bad habit nga lang. Ibubuhos niya lahat. Kaya kapag nawalan, wala na talagang natitira. Pinapagalitan ko nga dahil mahilig manlibre lalo na kapag nanalo sa lotto. Three months advance kung magbayad. Ubos kung ubos."
Nakinig lang siya. Naiintindihan na niya kung bakit nito binili lahat ng gusto noong nag-grocery sila at kung bakit tinaktak lahat ng barya nang makakita ng pulubi.
"Nasisiguro kong importante ka sa kanya kaya ko ito ipinagtapat sa 'yo. Mabait si Theodore. Hindi ka magsisisi sa kanya."
Balak niya sanang kontrahin ang anumang nasa isip ng matanda kaya lang bumaba na ang mokong bitbit ang malaking bag. Nakangiti pa ito kahit halatang bigat na bigat. Hindi niya naman ito matiis. Nilapitan na niya upang tulungang magbitbit. Tamang-tama may hawakan talaga na pandalawahan. Hindi na ito mahihirapan.
"Aalis na ho kami."
Kumaway pa sila sa landlady bago umalis.