Chapter 8 - 8

HINIHINGAL silang inilapag ang dala-dala. Sa gilid iyon ng hagdanang paakyat ng train station. Iwinagwag pa nila ang kamay. Uminat-inat.

"Nauuhaw ka ba?" baling ni Theo sa kanya. Nagpupunas na ito ng pawis at ganoon din naman siya.

"Hindi pa naman."

"Ikaw bahala," pagkasabi niyon ay tinawid na ito ng kabilang kalsada. Huminto ito sa maliit na tindahan. Ilang saglit lang may hawak na itong botelya ng tubig. Pabalik na. At noon lang niya napansin na iisa lang ang binili nito.

Uminom na roon si Theo. Dinig na dinig niya ang bawat paglagok. Mayamaya napasulyap na siya. Awtomatiko ang paglaglag ng panga niya dahil paubos na iyon. Maging ang kahuli-hulihang patak ay hindi nito pinalagpas.

"Sakay tayo ng dyip," paglinga nito sa kanya ay sabi.

Napatikom siya ng bibig. Mabilis din ang pag-iwas ng tingin. Parang natuyuan siya ng lalamunan. Nagpawis din ang palad niya at kung para saan iyon ay hindi siya sigurado.

"Oy, sorry na kambal. Akala ko kasi hindi ka nauuhaw." Tinusuk-tusok ang pisngi niya. Makahanap lang talaga siya ng tiyempo, kakagatin niya 'yon. Bigla siyang napangiti sa naiisip. Napalis lang dahil huminto na si Theo sa pangungulit sa kanya. Nagpapara na pala ito ng masasakyan.

Ito na ang nagbuhat ng bag para maikarga sa loob. Sumunod lang siya. Wala pang halos nakaupo kaya sa kabila siya pumwesto. Malayo iyon kay Theo na siyang malapit sa likuran ng drayber. Ito ang naging taga-abot ng pinagpasa-pasahang pamasahe. Tawa-tawa lang siya sa iritableng itsura nito.  

Gusto mo 'yan e!

Nakasimangot itong sumulyap saglit sa kanya. Tila ba naroon ang kawalan ng pag-asa. Aabutin nito ang bayad, ibibigay sa drayber. Kung may sukli aabutin din nito tapos ipapasa naman sa iba.

Napahikab siya sa nakakaantok na hanging dumadampi sa likuran niya. Para siyang dinuduyan kaya umupo siya nang maayos at pumikit na.

"Soto..."

Parang naririnig niya ang boses ni Theo kaya nagmulat siya. Iginala niya ang tingin. Madilim na sa labas. Wala nang nakaupo sa kabilang bahagi. Iniwan ba siya nito? Nasaan na ba siya? Nagkusot siya ng mata. Parang maiiyak siya. At bago man mangyari iyon may kumabig na sa balikat niya.

Napaangat siya ng tingin. Nasa tabi lang niya pala ang lalaki. "Theo..." Hindi niya alam sa sarili kung bakit bigla siyang napasiksik dito. Akala niya talaga iniwan na siya nito.

"Huwag ka nang mapraning. Nasa tabi mo lang ako." Tinapik-tapik na siya nito sa braso.

Naging tahimik lang siya mula pagkarating nila ng apartment. Tahimik din naman ang ate niya sa pagprepara ng hapunan. Nang nasa hapag na sila ay wala ni isa man ang nagsalita. May kanya-kanyang laman ang isipan o kung ano ay sila ang nakakaalam.

Nang matapos silang kumain si Theo na ang nagkusang magligpit niyon. Ang ate niya, nagbukas na ng telebisyon. Tinabihan ito roon ng dalawang pusa. At siya, heto piniling dumiretso sa kuwarto at maghilata. Iniisip niya ang nangyari kanina. Kumamot siya sa ulo kahit hindi naman iyon nangangati. Bumuntonghininga. Tumagilid. Napayakap sa sarili kahit hindi naman nilalamig.

"MAY nangyari ba habang papauwi kayo?"

"Bakit mo naitanong, Ate?" Humila siya ng upuan para ipakitang gusto niya ng kausap. Katatapos lang niya maghugas ng pinggan. Bakante na rin naman siya.

"Alam kong may bumabagabag sa isang 'yon." Pinatay nito ang tv ang humarap sa kanya. "Hindi ko lang inuusisa kasi hindi naman 'yan basta-basta nagkukuwento."

Nagkaroon siya ng pagkakataong idetalye ang nangyari. Pati ang takot at panginginig ni Soto nang yumakap ito sa kanya ay hindi niya nilihim.

"Kasalanan ko..." Naging malungkot ang boses ni Suzette. "Limang taon lang siya nang mangyari iyon. Ako naman onse anyos. Iyon ang unang beses naming sumakay ng dyip. Papauwi kami noon galing eskuwela. Lagi naman siyang nakahawak sa akin kaya kampante ako pero... pero... nawala siya nang pababa na kami. Kung saan-saan namin siya hinanap. Nanawagan na kami sa radyo. Nagpatulong sa mga pulis. Nagpaskil ng larawan niya sa mga poste. Halos mabaliw noon ang mama namin. Sa huli nagkasakit siya. Binawian ng buhay." Umiiyak na ang babae. Hindi na nito kinaya ang pagbabalik-tanaw. "Pero alam mo? Ilang araw matapos niyon saka naman natagpuan ng mga pulis si Toto. Mapagbiro ang tadhana di ba?" Ngumiti ito nang may pait.

"Sorry ate, sa nangyari."

Nagpunas na ito ng luha. "Hindi. Ayos lang. Ngayon na naman lang ako umiyak. Matagal na rin naman iyon. Sana huwag mo itong babanggitin kay Toto. Ayaw kong mag-alala siya."

Napatayo siya nang maalala si Soto. Pakiramdam niya kailangan siya nito. "Ate, sisilipin ko siya."

Ngumiti si Suzette sa kanya bilang pagpayag. "Salamat, Theodore."

Nginitian niya rin ito pabalik bago tuluyang tinakbo ang silid nila ni Soto.

Mula sa liwanag na nagmumula sa labas ay naaninag niya ito. Nakabaluktot habang yakap-yakap ang unan. Sa ilang araw niyang pananatili sa apartment ng magkapatid ay ito pa lang ang kauna-unahang nakita niya kung paano matulog si Soto. Parati kasi siya ang nauuna.

Marahan, maingat ang ginawa niyang paghakbang. Tinungo niya ang bintana para buksan. Mabilis namang pumasok ang libreng hangin na alam niyang pabor kay Soto na lagi niyang nauulinigang nagbubukas niyon tuwing gabi.

Pagkatapos humakbang naman siya at inabot ang kumot sa paanan. Handa na niyang ibalot doon ang lalaki. Ang kaso namalayan pala iyon.

"Ayoko, mainit."

Napangiti siya. Pero at least, sa mga sandaling iyon ay alam na niyang hindi ito mahilig magkumot.

Pumuwesto na siya sa kabila at doon humiga. Tumagilid siya para pagmasdan ang nakatalikod nitong bulto. Nag-angat pa siya ng kamay para sana hawakan ito sa buhok pero nag-alangan siya. Sa huli, nagkasya na lang siya sa ganoon.

Tumihaya siya at ginawang unan ang braso. Pumikit ngunit ayaw siyang dalawin ng antok. Iniisip niya ang mga nalaman kay Suzette.

Mayamaya ay biglang nag-init ang mata niya. Hindi na niya kinaya. Napahikbi na siya. 

"Theo? Anong nangyayari sa 'yo? Okay ka lang ba?"

Tumagilid siya. Tumalikod dito. Nagpahid siya ng luha kaso ayaw paawat niyon.

"Dahil ba sa sinabi ni Ate?"

Nahinto siya sa pag-iyak. Sa tanong na iyon ay walang dudang narinig nito ang pinag-usapan nila ni Suzette. Naramdaman niya ang pag-usog nito papunta sa kanya. Noon na siya humarap at sumubsob dito ng yakap.

"I'm so sorry. Kung alam ko lang. I'm sorry, Soto."

"Ano ka ba. Wala 'yon. Natakot lang talaga ako kanina at hindi ko rin alam kung bakit. Wala nga akong maalala tungkol sa sinabi sa 'yo ni Ate, e."

"Pero ako pa rin ang may kasalanan kung bakit ka---" Hindi niya maituloy. Lalo lang siyang makokonsensiya.

"Okay na ako. Huwag ka nang mag-alala."

Sunud-sunod ang pagtango niya. Naramdaman pa niyang hinahaplos nito ang buhok niya. Nanayo ang balahibo niya sa ginagawa nito. Ang sensitive niya yata ngayon. Pero mas pinili niyang huwag na lang iyon pagtuunan ng pansin lalo na nang marinig niya ang mahihinang tawa ni Soto. Hindi na rin siya umiiyak. Napatahan na siya nito. Tumatawa na rin siya. Sinisinghot na niya ang amoy kalamansi nitong damit.

"Mabango ba?" Tumawa itong muli saka dumausdos ng higa.

Ngayon ay pantay na sila. Halos sabay ang bawat paghinga nito sa kanya. Napapikit siya nang hawakan siya nito sa mukha.

"Good night. Sweet dreams, Kambal."