"PUWEDENG magpa-ampon ulit sa inyo kahit isang gabi lang?"
Pumihit na siya para magkaharap sila ng kababata. Hindi nga siya nagkamali.
"Bakit? Wala ka na naman bang pambayad ng renta, Mr. Theodore Alcanza?" Iyon kasi ang unang dahilan nito nang minsan itong makitulog sa bago nilang inuupahan ng ate niya.
"Tatlong buwan ba naman akong hindi nakabayad. Hindi na kinaya nang puro pagpapa-cute lang. Hayun, pinapalayas na talaga ako ni Aling Bebang."
Natawa siya dahil may panguso-nguso pa ito. Isa sa natatandaan niyang ginagawa nito kapag humihingi ng pabor sa kanya na bibihira namang mangyari. Ito kaya ang tinutukoy nitong pagpapa-cute? Ipinilig niya ang ulo. Baka kung saan pa siya dalhin ng mga iyon. Iba ang kaharap niya ngayon kaysa sa katrabahong laging seryoso sa buhay.
"Pangako hindi na ako malikot matulog." Nagtaas pa ito ng kamay na parang bumibigkas ng Panatang Makabayan.
"Ewan ko sa 'yo, Theo! Bahala ka. Uuwi ang erpat ko kaya sa lapag ka matutulog!"
"Yes, boss!"
Nauna pa ito sa kanyang mag-swipe ng beep card. Ang kaso hindi gumagana kaya sinaklolohan niya naman agad.
"Akala ko tinuro ko na ito sa 'yo dati," kakamot sa ulo niyang sabi.
"Sorry, nakalimutan ko na. Nagpatulong lang ako sa ale kanina."
Kinuha niya ang card nito at sa abot nang makakaya itinuro na naman niya rito ang dati. "Kapag green ang kulay ng card ipapasok mo 'yon dito tapos puwede ka nang makadaan. Hindi na ilalabas iyon kasi kakainin na niyan."
"Wow!"
"Eh? Ano pang hinihintay mo? Itulak mo ang steel bar, iikot na 'yan tapos makakadaan ka na." Ipinagtulakan na niya ito nang inosenteng tumingin lang sa kanya.
Nakarinig siya nang tawanan kaya nagmadali na siyang mag-swipe ng blue beep card niya. Wala talaga siya niyon dati. Naimpluwensiyahan lang siya ni Clare. Swipe nga lang kasi ang gagawin tapos malalaman pa kung magkano na lang ang laman. Kapag naubos lo-load-an ulit. Cuarenta y ocho na lang laman niyon kaya nagpa-load na siya nang kakasya para sa dalawang linggo bago ang sahod.
"Tara na!" hila niya sa kasama na sumisipa-sipa sa isang tabi. Nainip siguro ito kaya naman parang magic na nagningning ang mata nito.
"Hay, salamat naman! Kumakalam na sikmura ko, e!" Hinimas pa nito ang tiyan bago nagpatianod.
Ilang kanto ang dinaanan nila bago narating ang inuupahang apartment. Nagmano siya agad sa ama na noon ay naabutang nagkakape kahit na nag-aagaw na ang dilim at liwanag.
"Iginawa ako ng kapeng bigas ng Ate Suzette mo. Mayroon pa sa thermos baka gusto ninyo," alok nito at sinundan ng matunog na paghigop niyon.
"Nakakainggit si Tatang, sige ho magkakape rin kami ni Soto," at nauna na itong pumasok sa loob. Napailing na lang siya. Feel at home talaga itong si Theo.
"Sige ho, Pa, susunod na ako roon." Tinapik niya ang balikat ng ama pero bago pa siya makaalis ay nagsalita ito.
"Ang tagal hindi dumalaw ng batang 'yan. Magpapainom na yata ngayon."
"Papa!"
Nang tumawa ang ama ay natawa na rin siya. Gusto niya nga sanang sabihin ditong hindi pa mahina ang memorya nito kaya lang bigla na narinig ang hiyaw ni Theo. Nag-alala siya bigla. Baka kung napano na ito.
"Pa, huwag kang magpaabot ng sobrang gabi sa labas ha. Mahamugan ka. Papasok na ho ako para tignan kung anong nangyayari sa loob," iyon lang at patakbong na siyang tinungo ang pinto.
Naabutan niyang may pinapahid ang ate niya sa kaliwang kamay ni Theo. Ang nagkalat na kape sa mesa at nakatumbang tasa ay sapat na para maunawaan niya ang nangyari.
"Asikasuhin mo kasi ang bisita mo, Toto! Tignan mo nang kapabayaan mo."
Hindi na niya pinansin ang sermon ng kapatid. Lumapit lang siya kay Theo na noon ay hindi maipinta ang mukha. Kulay puti ang nasa kamay nito. Nangangamoy toothpaste din. Hindi niya malaman kung anong sasabihin.
"Okay lang ako. Mild lang ito kaysa sa mga natamo ko dati." Nagawa na nitong ngumiti. Nangungumbinsing dahilan para tumayo na ang ate niya. Ang pagpunas sa mesa ang inatupag nito. Siya naman ay umupo sa tabi ni Theo.
Pinanood nilang dalawa si Suzette sa paghahain ng ulam at kanin sa hapag. Bago pa man itong magyayang kakain na ang amang kakapasok lang ng tarangkahan ang gumawa na niyon.
"Hindi pinaghihintay ang grasya. Maupo na kayo at sabay-sabay na tayong kumain."
Hindi na niya nasaway pa si Theo nang tinungo nito ang lababo. Narinig na lang niya ang lagaslas ng tubig at pagharap nito malinis na ang kamay nito.
"Kaya mo ba?"
"Oo, hindi naman nagtubig. Magaling ang ate mo, e!" Kumindat pa ito.
"Tama na ang daldalan, boys. Ubusan ko kayo ng ulam diyan, e."
"Suzette!"
"Sorry, Pa."
At tumatawa silang humila na ng upuan. Kahit may pagkataklesa ang ate ni Soto pag nagsalita naman ang ama ay tumatahimik ito.
"Ate Su, puwede ka nang magpatayo ng karinderya. Ang sarap mong magluto!" matapos nang ilang subo ay komento ni Theo.
"Sinabi mo rin 'yan noong unang punta mo, a!" susog naman ni Suzette.
Tumawa si Theo. "Totoo naman ate. Parang gusto ko tuloy tumira rito."
"Aba'y magandang ideya! Tatlo na rin ang anak kong bibigyan ako ng apo."
Natahimik ang hapag dahil doon. Pamilyar ang scenario sa magkapatid. Si Theo lang ang nagulat pero wala namang salitang uminom ng tubig.
NAGHAHANDA na sila sa pagtulog nang magbukas ng topic si Theo.
"Ayos lang ba sa 'yo kung dito na ako titira? I mean gusto ko ang pamilya mo. Noong unang punta ko rito maayos nila akong tinanggap at ngayon aampunin pa ako ni Tatang."
Sumilip muna siya sa salang sakop ang hapag-kainan. Nang makitang abala ang ama sa panonood ng basketball ay marahan niya nang isinara ang pinto ng silid niya.
"Kailangan mo siyang bigyan ng apo. Kung hindi maririndi ka sa tuwing nandito siya."
"Okay lang," anitong humilata na.
"Anong okay lang?" usisa niyang sumampa na sa katreng sininsin na kawayan. Ginaya ang pagkakahiga ni Theo.
"Alam mo, wala akong nakagisnang magulang. Si Uncle lang ang nagtiyaga sa akin pero nag-asawa rin." Humugot pa ito nang malalim na buntong-hininga. "Basta mahabang kuwento."
"Pero kung tatanggpin kita bilang kapatid, sino ang bunso sa ating dalawa?" pag-iiba niya ng topic. Dama niya kasi na nagiging mabigat ang atmospera. Ayaw muna niya sa malulungkot na usapan. Hindi siya open sa drama ngayon.
"Tange! Hindi ba dapat kung sino ang magiging kuya?" Tumawa na ito.
"Ayoko! Basta bunso ako sa bahay na 'to." Ayaw niyang magpatalo. Napadyak pa siya na parang bata.
"Toto, pareho tayo ng birthday di ba?" Tumagilid ito ng higa. Naniniguro.
"Oo nga, 'no!" Noong unang taon pa lang siya sa trabaho ay alam na niya iyon. Hindi na nga lang niya napagtuunan ng pansin dahil busy siya sa kakapantasya sa alindog ni Clare. Hinahandaan pa sila ng boss kapag dumarating ang araw na iyon. Sinasabihan pa silang swerte ang ganoon at ewan niya kung saan nanggaling ang ganoong paniniwala. May pagkakahawig din sila kaya napagkakamalan silang kambal minsan kahit noong mga bata pa.
"Alam ko na!" halos sabay pa sila at nagkatawanan na para bang tunay silang magkapatid. Hindi naman talaga siya close dati kay Theo. Ito nga lang ang lapit nang lapit sa kanya noon pa mang mga bata pa sila. Nasanay na lang siya sa presensiya nito lalo na ng mga sandaling iyon.