Chapter 2 - 2

"TOTO! Saan ka natulog kagabi ha? Ano, walang pakialam? Walang pangungumusta kung buhay pa ba ako o kumakain pa?"

Nailayo niya ang selpon sa tainga. Kumakain na siya ng tanghalian sa pinakamalapit na karinderya. Unang subo pa lang iyon nang sagutin ang tawag ng kapatid. Nagsisisi tuloy siyang pinuslit niya selpon para madala palabas ng building. Iyon lang pala ang bubungad sa kanya.

"Ano, ate... sa ano... sa kaibigan ko. Tatawagan naman talaga kita kaya lang naunahan mo ako," palusot niya.

"Umuwi ka rito dahil wala ka namang pasok bukas. Isa pa baka darating din si Papa mabuti nang kumpleto tayo." Naging malumanay ang tinig ng kapatid niya. Ito ang gusto niya rito mabilis lang umamo.

"Naloko na. Kukulitin ka na naman niyang mag-asawa tapos madadamay ako. Ewan ko ba kung bakit atat siyang magkaapo."

"Hayaan mo na. Isang araw lang siya rito. Pagbigyan na natin ang matanda. Kung may ipapakilala ka sa kanya ay mas maganda."

Ulila na sila sa ina. Ang papa naman nila ay nag-asawang muli. Hindi nga lang biniyayaan ng anak kaya sila ng ate niya ang kinukulit na magsipag-asawa na. 

"Sige ate, diyan ako uuwi mamaya. Maghanda ka ng masarap na ulam ha."

Pinatay na nito ang tawag. Siya naman nagpatuloy na sa kinakain.

"Hilig mo talaga sa longganisa," komento ng kung sinumang tumabi sa kanya.

Paglinga niya ay nakita niya ang nakangiting si Clare. Hindi na lang niya sinabing no choice siya. Kapag ganoon na ang pinili niyang ulam,  ibig sabihin butas na naman ang pitaka niya.

"Tita, isa nga ring longganisa saka kalahating kanin." Narinig pa niyang sabi nito bago umupo. 

"Softdrinks din ba?" usisa ng tindera.

"Opo! Dalawa."

Nagpatuloy siya sa pagsubo hanggang sa naramdaman niyang umusog ito nang kaunti sa kanya. Napasinghap siya. Mahabang bangko ang kinauupuan nila. Gustuhin man niya itong sawayin pero wala na siyang nasabi nang mapansing wala ng space. Inokupa na iyon ng ibang nanananghalian. 

"Sa nobyo mo ba itong isa?"

Nasamid siya sa tanong na iyon ng tindera. Tumawa lang naman si Clare at ito pa ang nag-abot sa kanya ng namamawis sa lamig na soda. Agad siyang lumagok doon pero naubo lang siya lalo.

"Dahan-dahan kasi." Hinimas pa siya nito sa likod. Nakukuryente siya sa ginagawa nito.

"Bakit? Anong nangyari sa kanya?" ang nag-aalalang tanong ng kadarating lang na si Theo.

Walang sumagot isa man sa kanila. Itinuon na nila ang pansin sa kinakain. Nang matapos ay nagpatiuna na siya. Gets na iyon ng kasintahan. Ilang hakbang lang niya ay nang makasalubong naman ang Property Manager na Sir Tim. Kaagad siyang nagbigay-galang sa pamamagitan ng pagbati.

"Good afternoon, Sir!"

Tango lang ang iginanti nito pagkatapos nilagpasan na siya. Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit niya ito sinundan ng tingin. Marahil curious siya. Bali-balita kasi na hiwalay na ito sa asawa at may pinopormahan daw na bago. Hindi pa kumpirmado kung sino. Kung sa building naman nila, imposible dahil kabawal-bawalan nito iyon. Sila lang ng kasintahan ang ayaw paawat.

Papunta itong karinderya nang malingunan niya. Kumalabog ang dibdib nang matanaw ang pag-akbay nito kay Clare. Shit! Napakuyom siya ng kamao.

"Tanggalin mo 'yan, Matthew! Huwag kang pumayag!" mahinang banta pa niya pero tinangay lang iyon ng hangin. Nakaakbay pa rin ang lalaki at kitang-kita niya kung paano nito pinisil ang balikat ni Clare.

Masama ang loob niyang tumalikod. Hindi naman siya puwedeng basta na lang susugod. Pareho silang mawawalan ng trabaho pag nagkataon. Magtitimpi siya ngayon pero ipinangako sa sariling tatanungin niya ito kapag sila na lang dalawa.

PAAKYAT na sila ng hagdan papuntang sakayan ng tren nang usisain niya si Clare tungkol doon pero hindi niya inaasahan ang magiging tugon nito.

"Ha? Kailan? Ikaw ha, gumagawa ka ng kuwento. Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa 'yo, Soto." Ginalaw-galaw pa nito ang hintuturo na sinasabayan ng iling.

Dismayado siya. Hindi niya alam na may ganoon itong talent. Ang magmaang-maangan kahit nahuli na. Palalagpasin niya ito ngayon. Pero ang tiwala niya ay alam niyang napingasan na.

"Siguro nga, guni-guni ko lang," pagsuko niya.

Matapos mag-swipe ng kanya-kanyang beep card ay naghiwalay na sila ng platform sa pag-aabang ng tren. Ito sa kanan, siya sa kaliwa. Napapadalas iyon bilang pag-iingat. Nagkataon din na sa nirerentahang apartment ang uwi niya at alam na ito ng isa. Na-itext na niya ito bago pa man ito magtanong.

Pagbukas at pagsara ng pinto ng tren ay pareho na silang nakasakay.

Ingat sa pag-uwi.

Iyon ang pareho nilang text. Madalas iyon. Bagay na ikinakatuwa niya. Kahit paano nagtutugma ang isip nila, hindi lang puro pagdating sa kama. Muntik na siyang mapahagalpak sa naiisip. Saglit na nawala sa kanya ang pagdududa.

Dumami na ang pasahero. Sa ikatlong istasyon na hinintuan naging siksikan na. Halos maipit na siyang nang may umusog pa. Gusto na niyang magreklamo kaso maunahan siya ng kung sino.

"Tangina naman! Naiipit itlog ko!"

Sobrang lapit niyon sa tainga niya at hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya itong nasa likuran niya. Kailan ba ang huli silang magkalapit ng ganito? Ilang taon na rin ang nakalilipas.

"Ano ba kasing ginagawa mo rito?" tanong niya. Hindi naman niya ito magawang lingunin.

Hanggang madagdagan pa ang pasahero. Wala siyang nakuhang tugon. Inisip na lang niyang baka napagkamalan lang niya. Pero nang makababa siya ay napatunayang hindi pala. May humihila kasi sa bag niya at sa tulong ng repleksiyon ng umaandar na tren ay nakilala kung sino iyon.

Ang katrabaho niya iyon. A, hindi. Ang kalaro at dating kapitbahay niya noon na si Theodore.