TUMANGO naman ang matanda at iniabot sa akin ang basong naglalaman ng tubig.
Kaya pala masyadong masakit ang aking katawan dahil dalawang araw na akong nakahiga sa kama.
"Pagpasensiyahan mo na lang si Heneral Falco. Pagod kasi rin ang batang iyon kaya sayo natapon lahat ang init ng kaniyang ulo pero mabait naman si Heneral ."
Nakangiting tugon ng matandang babae sa akin.
Pangalawang beses ko ng narinig na ang Heneral ay mabait na tao ngunit hindi pa rin ako kumbinsado at sumasang-ayon dahil iba ang pinapakita niya sa akin.
Hindi na lang ako umimik sa sinabi ng matanda at nagpatuloy sa pagkain.
Pagkatapos kong kumain ay kinuha ng matandang babae ang aking pinagkainan at nagpasalamat naman sa kaniya.
"Babalik ako mamaya iha para kunin ka dahil ihaharap ka sa mahal na Reyna."
Kanina ko pa naririnig ang salitang mahal na Reyna, kikitilin na ba ang buhay ko?
Gusto ko lang makita ang pamilya ko ngayon.
"UUNAHAN na kita ngayon pa lang, sabihin mo lahat sa mahal na Reyna kung ano ang totoong nangyari. Kung saan ka galing at bakit ka nandito. Wag kang magsisinungaling dahil pag oras na ginawa mo iyan ay mas lalo kitang paparusahan."
Napadaing ako sa pagkakahawak niya sa aking braso.
"Bitawan mo nga ako! At sino ka ba para utusan mo ako nang ganito?! Alam kong Heneral ka pero wala kang karapatan para saktan ako! Ni hindi mo pa nga nalalaman kung ano yung totoo!"
Ngumisi lang siya at nakatiim na nakatingin sa akin. Hindi naman siya sumagot sa mga sinabi ko bagkus lumakad na ito habang ako'y nakasunod sa kaniya.
Akala ko rin yung matandang babae ang susundo sa akin at nagulat na lang ako dahil yung Heneral ang nabungaran ko.
Pumasok kami sa isang pasilyo kung saan maraming kawal ang nakatayo at nakabantay.
Teka lang, ito yung pasilyo na napuntahan ko dati kung saan maraming estatwa ang nakatayo.
Nang tuluyang makapasok, lahat ng kawal ay yumuko sa kasama kong Heneral . Nakasunod lang ako dito hanggang huminto ito sa gitna at iniluhod ang isang paa na ipinagtataka ko naman.
Tumingin ako sa harapan at nakita ko ang isang babaeng nakatalikod at suot ang isang mamahalin na damit na nakakapagbigay ganda sa kaniyang hubog na katawan. May suot din ito korona.
Korona?!
Tiningnan ko saglit ang Heneral at laking gulat ko nang napakatalim ng tingin na ibinigay niya sa akin.
Doon ko napatanto na ito na yung Reyna na kaharap ko sa kasalukuyan. Kaya naman agad din akong lumuhod at yumuko.
Habang nakayuko ang aking ulo ay napapansin ko ang anino ng Reyna na papalapit sa amin. Kabadong-kabado rin ako, siyempre ikaw ba naman ang makakaharap sa isang Reyna na hindi ko lubos maisip na makakapagtagpo ng isang tunay!
Nang naramdaman kong huminto ito sa harapan namin ay agad akong tumayo at nagsalita sa kaniyang harapan.
"Wag niyo po akong ipapatay! Nagmamakaawa po ako! Inosente po ako!"
Sa ginawa ko ay nagalit ang Heneral na agad na tumayo at itinutok ang espada sa akin. Tinakpan niya ang mahal na Reyna kaya hindi ko makita ang reaksiyon nito.
"Hangal! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?! Binalaan na kita hindi ba?!"
Ito na yata ang pinakamatinding galit na ipinakita ng Heneral sa akin. Alam kong nanginginig na ako sa takot ngayon pero nanindigan pa rin ako. Wala akong dapat ikatakot dahil alam kong inosente ako.
Lumayo ang Reyna at bumalik sa kaniyang trono at nagsalita.
"Lahat ng tao dito sa loob ng pasilyo ay lumabas maliban kay Falco at sa babae."
Nag atubiling lumabas ang mga kawal at tagapagsilbi. Tanging kaming tatlo na lamang ang naiwan sa loob ng pasilyo. Walang nagsalita maski isa sa amin at ilang segundo lang ang nakalipas ay may nakita akong sapatos na lumipad patungo sa ulo ng Heneral.
Napahawak ako sa aking mga labi at nagulat kung bakit itinapon ng Reyna ang kaniyang sapatos patungo sa Heneral. Pinipigilan ko ang aking sarili na hindi matawa dahil baka mas magalit ang Heneral sa akin.
"Dahlia! Ano ba?!"
Sigaw ng Heneral sa Reyna na agad lumapit sa amin at tinadyakan ang Heneral. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari pero isa lang masasabi ko, ibang Reyna yata ang nakikita ko ngayon kumpara kanina.
"Tinatakot mo ang bisita natin! Ilang beses na kitang sinabihan na wag kang masyadong madahas sa isang inosente!"
Balik sagot ng Reyna sa Heneral. Para silang mga bata kung titingnan ngayon.
"Hindi ito inosente kundi isang banta sa atin! Kung inosente ang babaeng ito ay dapat noong umpisa pa lamang ay sumuko na siya! Bagkus tumakas pa at nag-iwan ng gulo."
"Falco!"
Balik sigaw ng Reyna sa Heneral at tumingin sa akin na para bang humihingi ng dispensa sa mga sinabi ng Heneral.
Ngayon naman ay pinagsusuntok ng Reyna ang Heneral na agad kong ikinatuwa sa aking isipan.
Sige pa, gulpuhin mo pa siya mahal na Reyna. Kulang pa yan sa kaniya!
Nagtaka ako kung bakit huminto ang Reyna, iyon pala ay dahil nagsisimula na akong humalaklahak.
Patay!
"Ano ang nakakatawa?!"
Umiling-iling ako sa Heneral at tumingin sa mahal na Reyna nagbabakasakaling matulungan niya ako.
"Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?"
Tanong ng mahal na Reyna at lumapit sa akin.
"A-aellia."
Sagot ko at yumuko.
Bigla siyang yumakap nang mahigpit sa akin, iyong yakap ng isang mabuting tao. Agad naman niyang hinawakan ang aking mukha at nagsimulang umiyak.
"Sa wakas at nandito na ang ating Propeta na siyang magliligtas sa atin."
Nanlalaki ang mga mata ko at mas lalo na ang Heneral na hindi makapaniwala sa kaniyang mga naririnig.
"HINDI ko naiintidihan ang iyong sinasabi mahal na Reyna."
Naguguluhan ako sa mga isiniwalat niya. Anong pinagsasabi niyang Propeta na siyang magliligtas sa kanila?
"Alam ko na nagtataka ka rin, Aellia. Hindi ko rin masagot kung bakit ikaw ang napiling Propeta pero isa lang ang masasabi ko, ito ang itinadhana para sa iyo."
Seryosong nakatingin ang Reyna sa akin. Maging ang Heneral ay hindi rin nakapagsalita.
"Paanong ako ang naging Propeta? Isang hamak na estudyante lamang ako na napadpad dito sa mundo niyo."
Ipinakita ng mahal na Reyna ang likod ng kaniyang kanang palad at nakita ng mga mata ko ang markang kasing katulad ng sa Heneral ngunit ang pinagkakaiba lang ay hugis taurus ang nasa kaniya at aries naman ang nasa Heneral.
Hindi ko talaga naiintindihan ang mga simbolong ito, paulit-ulit ko na lang itong nakikita. Noong una sa Principal's Office, pangalawa sa aking panaginip at kahit ngayon sa kasalukuyan.
"Naniniwala akong ikaw ang makakapagligtas sa mundong iyong ginagalawan ngayon. Hanggang dito na lang muna, Aellia."
Tumatak sa aking isipan ang mga hinabiling salita ng boses na iyon sa aking panaginip. Hindi kaya koneksiyon ito sa lahat ng nangyayari sa akin?
"Tingnan mo ang markang ito, Aellia. Ito ay umiilaw at nagpapahiwatig lamang na nakita na nito ang magiging Propeta."
Oo nga, ito ay umiilaw. Maging ang sa Heneral din.
Lumuhod kapagkuwan ang mahal na Reyna at nagsalita;
"Ikinagagalak kitang makita at makilala aming Propeta. Ako si Dahlia, ang kasalukuyang Reyna ng Ubekka at ang may hawak ng espirito ni Taurus, ang isa sa iyong labing-dalawang mandirigma."
Maging ang Heneral ay lumuhod din.
"Ako si Falco, ang Heneral ng Ubekka. Ang may hawak ng espirito ni Aries, isa din sa iyong mandirigma."
Hindi makatingin ng diretso ang Heneral sa akin. Alam ko ang kaniyang nararamdaman, maging ako'y nagulat at naguguluhan pa rin.
Ano ba talaga ang nangyayari? Bakit ako naging Propeta at magliligtas sa kanila?!