Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 7 - Chapter 7

Chapter 7 - Chapter 7

"ALAM kong hindi ka pa naniniwala sa ngayon, Aellia pero totoo ang mga sinasabi ko na ikaw ang napiling Propeta na siyang magliligtas sa aming mundo."

Tumawa ako ng sarkastiko sa harapan ng Reyna at Heneral.

"Pagpasensiyahan niyo na mahal na Reyna pero baka ibang tao ang tinutukoy niyo."

"Alam kong sa ngayon ay tinatanggi mo pa ito, Aellia pero isa lang ang masasabi ko, malakas ang aking loob na ikaw ang babaeng napili ng Bathala upang maging isang Propeta. Simula nang marinig ko sa palasyo ang balitang may nakapasok na babae na hindi pamilyar ang kasuotan ay dali-dali kong pinahanap ito at ipapunta sa aking harapan pero huli na ang lahat nang si Falco ang unang nakakita sayo. Malaki ang galit ko kay Falco sa ngayon dahil sa binigay niyang problema sa iyo. Kung hindi lamang siya naging madahas sa iyo ay baka hindi ka tatakas at mawawala sa bayan at lalo na't hindi ka makaka-engkwentro ng mga halimaw."

Gusto ko sanang itanong kung ano ang mga halimaw na iyon at kung bakit sila umaatake, pero baka aakalain ng Reyna na interesado ako sa pagiging isang Propeta kaya binalewala ko na lang.

"Gusto mong itanong kung anong klaseng mga halimaw sila, hindi ba?"

Nakangiting tanong Reyna sa akin na ikanagulat ko. Papaanong alam niya ang nasa isipan ko?

"Ang halimaw na umatake sa inyo ay isang chupakabra. Ito ay pamilya ng mga bampira na may sungay, matutulis na ngipin at hugis aso, hilig nitong sumipsip ng dugo ng kambing, baka at karnero pero ngayon ay sa tao na ito gustong sumipsip dahil na rin siguro sa nakakamanghang amoy ng dugo ng tao. Ngunit hindi lang mga chupakabra ang umaatake, marami pang klaseng mga halimaw ang nakapaligid."

Pagpapatuloy niyang sabi.

Ayoko nang makarinig ng ganitong istorya. Gusto ng pandinig ko ang magpahinga kaya lumabas ako nang hindi nagpapaalam sa kanilang dalawa pero bago pa man ako makalabas ay narinig kong tinawag ako ng Reyna.

"Aellia, bibigyan kita ng panahon para makapag-isip at kung kailangan mo ng tulong o makakausap ay handa akong paglingkuran ka. Maghihintay ako."

Nakangiting tugon ng Reyna sa akin.

Bago pa ako tuluyang makalabas ay narinig ko pang nagtatalo ang Reyna at Heneral.

"Ginagawa ko lang ang tungkulin ko, Dahlia. Hindi ko lubos maisip na ang isang maliit na babaeng iyon ang ating magiging propeta. Akala ko ay kalaban natin at nangahas na pumasok sa loob ng palasyo."

Ano raw? Maliit na babae?! Sarap suntukin talaga!

DINALA ako ng aking mga paa sa puno kung saan ako bumagsak. Ngayon ay nakaharap ako rito at parang tangang nakatitig lamang.

Paano ako makakabalik sa amin?

Agad na tanong ko nang mahimasmasan. Kahit hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang pumapasok sa aking isipan ang lahat ng nangyayari sa akin dito.

Ngayon ay nakahiga ako sa ilalim ng malaking punong ito. Napaka-sariwa ng hangin at ang gaan sa pakiramdam. Nakatitig ako sa malaking palasyo, papaanong napadpad ako dito?

Ako nga ba'y isang Propeta na siyang magliligtas sa mundong ito? Isa din kaya sa dahilan ang mga halimaw kung bakit may problemang hinaharap ang mundong ito?

Bumuntong hininga na lang ako at nagdesisyung matulog na lang muna.

"Tulungan mo kami, iha! Nagmamakaawa ako! Kahit itong anak ko na lang ang kunin mo. Umalis na kayo at siguraduhin mong ligtas ang anak ko."

Iniabot ng isang ginang ang anak niyang batang lalaki sa akin saka tinulak ako papalayo.

"T-teka lang lang po!"

Tawag ko sa ginang ngunit tumakbo na ito papalayo hanggang sa hindi ko na nakita masking anino nito.

Anong gagawin ko?

Ngayon ko lang napagtanto na ang mga bahay ay nasusunog. Ang mga tao ay nagsisitakbuhan at nagsisigawan.

"Anong nangyayari rito?!"

Tanong ko sa isang mamang lalaki na nagkakandarapa ring tumatakbo. Hindi niya ako pinansin kaya napilitan akong hablutin ang damit niya para masagot ang tanong ko.

"Inaatake na tayo ng mga halimaw! Kung ako sa iyo ay tumakbo ka na rin!"

Sigaw niya sa akin.

Pero anong mga halimaw ang pinagsasabi niya?

Binitawan ko naman siya kaagad nang nagsimulang umiyak ang karga kong bata.

"M-mama!"

Iyak ng iyak ang bata. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko pero kahit papaano ay napatahan ko ito, salamat sa Diyos!

"Wag kang mag-alala, hahanapin natin ang Mama mo."

Paninigurado ko sa bata at nagsimula na rin akong tumakbo dahil medyo naiinitan na kami dulot ng malakas na apoy.

"T-tulong!"

Habang tumatakbo ay may nakita akong bata rin na mukhang hindi makahinga. Umuubo ito dahil sa makakapal na usok, kaya naman huminto ako para kunin na rin siya. Pinasakay ko siya sa likod ko at nagsimulang tumakbo ulit.

"A-ate, s-si Papa tulungan niyo po. Nandoon siya sa loob ng bahay."

Ayoko sanang huminto sa pagtakbo ngunit umiiyak ang batang karga ko sa likod. Naawa ako kaya binalikan namin ang kanilang bahay kung saan nandoon ang kaniyang Tatay.

Nahihirapan akong buksan ang pinto sapagka't bumabaha na ang apoy sa paligid at hindi na ako makahinga ng mabuti. Pero kahit ganoon pa man ay tinulak ko ang pinto gamit ang aking isang paa at doon nakita ko ang isang lalake na nakahandusay at puno ng dugo ang kaniyang katawan.

Gusto kong sumuka sa aking nakita.

"P-papa! Tulungan niyo po ang Papa ko!"

Umiiyak na naman ang bata. Kung hindi ako nagkakamali ay ito ang kaniyang Ama pero mukhang wala na itong buhay. Lalapit na sana ako para tulungan ang kaniyang Ama pero may biglang tumalon na halimaw at pinagkakagat ang katawan nito.

Sa gulat ko at pangamba ay nabitawan ko ang dalawang bata at tinangay ito ng mga halimaw papalayo sa akin.

Nakita ng mga mata ko kung papaano sila sinakmal.

"W-wag! W-ag!"

Umiyak ako sa harapan ng dalawang bata habang ito ay pinagpye-pyestahan ng mga halimaw.

"Nangako ka hindi ba na ililigtas mo kami?"

Sabay sabi ng dalawang bata habang ako'y nakaupo at umiiyak.

"Ahhhhhh!!! Hindi!!!"

"Huminahon ka, iha. Gumising ka!"

Bumangon ako habang humihingal.

"Yung mga b-bata! Kailangan ko silang i-iligtas!"

Tumayo ako pero may pumigil sa akin.

"Nananaginip ka lang iha kaya huminahon ka muna."

Nang napagtanto kong nananaginip lang pala ako ay huminahon ako saglit. Pinaupo ako ng matandang babae na siyang gumising sa akin. Kung hindi ako nagkakamali siya yung nagsilbi sa akin noong nasa selda ako.

Hindi ko mapigilang umiyak nang maalala ko ang panaginip na iyon at para bang totoo ang lahat. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung sakaling maging totoo iyon.

"Pasensiya na ho kung umiiyak ako ngayon."

Pinahid naman ng matandang babae ang aking mga luha na nagdadaloy pa rin hanggang sa ngayon.

"Halika na iha sa loob ng palasyo. Hinihintay ka na ng mahal na Reyna sapagka't kayo ay maghahapunan na."

Sumunod naman ako sa kaniya habang tinitingnan ang paligid. Sa malayo ay nakita ko ang Heneral na nakatayo at naninigarilyo at mukhang malalim ang iniisip nito. Pero nagulat ako ng tumingin siya sa gawi ko at nagtagpo ang aming mga mata, pagkatapos ay ibinuga niya ang usok galing sa kaniyang bibig.

"Iha, nilalagnat ka ba? Namumula ang mukha mo."

"Ha?! W-wala po akong lagnat!"

Sagot ko naman habang hinahawakan ni Manang ang noo at leeg ko.

Nakakahiya!

ITO YUNG hapagkainan ng palasyo?!

Kulang pa yata ang salitang bongga para ilarawan ang hapagkainan dito. At saka isa pa, nararapat ba talaga na dito ako kakain? Nanliliit ako sa sarili ko!

"Maupo ka, Aellia."

Pang-iimbita sa akin ng mahal na Reyna.

Agad akong yumuko nang makita ko siyang nakapwesto sa dulo ng napakahabang gintong lamesa. Habang ako'y nakatayo pa rin ay di ko mapigiling pagmasdan ang mga kubyertos.

Gawa sa ginto yata ang mga ito!

May mga kasambahay din ang nakatayo malapit sa amin. Ang sarap siguro sa pakiramdam ang pinagsisilbihan ka bilang isang maharlika.

"Aellia? Dito ka maupo malapit sa akin."

Nakangiting tawag sa akin ng Reyna. Mukhang napansin yata niya na nahumaling ako sa kapaligiran.

"Ipagpaumanhin niyo po mahal na Reyna, nalula lang kasi ako sa mga kagamitan dito."

Napakamot ako sa aking ulo.

Dahil hindi pa rin ako nakakaupo, tumayo ang mahal na Reyna at pinaupo ako sa tabi niya.

"Simula ngayon, dito na ang pwesto mo sa tuwing kakain tayo."