Summer✧*.
Isang mainit na hapon— asul na asul ang kalangitan kasama ng mga puting ulap, maririnig mo ang bawat ingay na ginagawa ng mga cicada sa puno kasabay ng mainit na sikat ng araw.
Namumulaklak na rin ang mga sunflower na halos balutin ang buong lugar ng kulay dilaw. Tirik na tirik ang sikat ng araw ngunit malakas at presko naman ang simoy ng hangin na siyang pumapawi sa mainit na klima.
Sa paglalakad ko, sa wakas ay nakahanap ako ng masisilunga sa mainit na araw na kalaban ko.
Nakakita ako ng isang lumang waiting shed sa harap ng sunflower field, lumapit ako roon at napatigil sa paglalakad nang makita kita.
Tahimik na nakaupo, nakayuko habang may hawak na popsicle ice cream sa kanang kamay mo. Hindi mo napapansin na tumutulo na 'to at unti-unting natutunaw sa init, pero ang mas inaalala ko ay bakit pati mga luha mo tumutulo sa hindi ko alam na dahilan.
Nagdadalawang isip akong lapitan ka, kabado na baka makaistorbo ako sa 'yo. O baka dahil gusto lang kitang titigan habang hindi mo nararamdaman ang presensya ko?
Hindi ko tuloy maigalaw ang mga paa ko palapit sa 'yo, tinitiis ang mainit na sikat ng araw sa balat ko.
Hanggang sa nagtama ang mga tingin nating dalawa, napalingon ka sa direksyon ko at pareho tayong nagulat sa isa't isa.
Nakita ko kung gano kaganda ang namumula mong mga pisngi dahil sa init, ang pawisan mong buhok, ang maputi mong balikat at ang mga mata mong kumikinang dahil sa mga luhang natatamaan ng sikat ng araw.
Sa mga oras na 'yun, akala ko nasa loob ako ng isang pelikula kung saan tayong dalawa ang bida.
Sa mga oras na 'yun, sandaling tumigil ang pagpintig ng puso ko at muli lang bumalik sa pagtibok nang ngitian mo ko.
Ngiting rumihistro at hinding-hindi mabubura sa isip ko.
Chapter 1✧*.