DARREL
*✧♡*♡✧*
"Hindi ka pa ba tatayo d'yan? 'Di ka pa rin ba naniniwala na hindi ako bad spirit?" Pang ilang tanong niya na ba 'to simula kaninang tanghali? Medyo sumasakit na ang ulo ko.
Hapon na ngayon at malapit na lumubog ang araw pero hindi pa rin ako tumatayo sa harap ng computer at panay ang research tungkol sa mga multo o pano sila mapapaalis sa lugar kung saan sila nagmumulto.
Pero katulad ng mga sinabi niya kanina, ganoon din ang lumalabas sa internet at mas detalyado pa nga ang mga importation na nakukuha ko sa kaniya kesa sa mga nakasulat dito.
S'yempre, galing na kasi mismo sa multo.
"Pano ako makakasigurado na hindi lang ako nababaliw? O hindi mo ko sasaktan?" Tanong ko sa kaniya habang siya nakatayo sa gilid ng pintuan at ako naman ay nakaupo sa harap ng desktop computer na nasa loob ng kwarto ko.
"Hmm... pano ko nga ba mapapatunayan na hindi ka nababaliw, ang hirap naman ng bagay na 'yan," reklamo niya habang hawak ang baba niya. Mukha talaga siyang normal na tao, ang problema lang transparent siya sa paningin ko.
"Totoong multo naman kasi ako at hindi mo ko imagination so ano pa bang gagawin natin tungkol d'yan? About naman sa hindi kita sasaktan, hindi ko kayang humawak ng ano mang bagay ng sobrang tagal, kailangan ko ng super duper concentration para magawa ang bagay na 'yun which is hindi ko kaya okay? So pano kita mapapatay?" Pikon niyang tanong sa akin at napabuntong hininga naman ako.
Nasapo ko na lang ang noo ko. Ano ba kasi 'tong napasok kong sitwasyon? Hindi pa nga ako ganong nakaka-recover sa aksidente na nangyari sa akin tapos ito naman ang kasunod? Umiikot na ang isip ko at pakiramdam ko wala na kong oras para isipin ang sariling kalagayan ko ngayon.
"Osige, naniniwala na ko pero ipangako mo sa 'kin na hindi mo ko sasaniban," sagot ko sa kaniya at tumango naman siya.
Halatang-halata sa mukha niya na masaya siya sa pagpayag kong tulungan siya, para siyang batang binigyan ng candy.
"Dont worry hindi ako marunong ng bagay na 'yan saka isa pa, hindi kita pwede saktan no. Ikaw lang kaya ang taong nakakakita sa akin," sagot niya na pinagtaka ko naman.
Totoong ako lang ang nakakakita sa kaniya kaya palaisipan din sa akin kung bakit ganoon ang nangyari sa aming dalawa.
"Bakit nga ba ako lang ang nakakakita sa 'yo? May ginawa ka ba sa 'kin?" Sagot ko dahil nakakapagtaka naman talaga na ako lang ang nakakakita sa kaniya.
"Huy kapal mo, bakit ko naman gagawin sa 'yo 'yun? Baka naman na buksan 'yung third eye mo nung na aksidente ka? 'Di ba may mga ganoong case?" Tanong niya at agad naman akong napa-search sa internet at nabasa na totoo ang sinabi niya.
Napatakip ako sa bibig ko, kabadong tumingin sa kaniya na parang gulat na gulat.
"Ay ang OA ng reaction," sagot niya kaya kumunot ang noo ko sa pagkapikon.
"Pano kung hindi lang ikaw 'yung makita kong multo simula ngayon? Pano kung hindi kasing ganda mo 'yung multong magpakita sa 'kin!" Sagot ko sa kaniya at nakita ko ang dalawang kilay niya na tumaas sabay guhit ng mga pilyang ngiti sa kaniyang labi.
"Ay ikaw ah! Nagagandahan ka sa 'kin ah, heheh," pang-aasar niya at doon ko lang napagtanto ang mga pinagsasabi ko. Napayuko ako sabay iwas ng tingin sa kaniya dahil sa hiya.
Hindi ko naman kasi maitatanggi na maganda talaga siya, kung normal na babae siya ay paniguradong hindi ako matatakot sa kaniya dahil sa maamo niyang mukha at magandang mga mata.
"Tsk, hindi sa ganoon! Sinasabi ko lang na mukha kang normal kesa sa mga multong nakita ko sa internet!" Depense ko pero hindi ko rin alam bakit kailangan ko pa magpaliwanag sa kaniya ngayon.
"Okay-okay hahaha, sige tatanggapin ko ang palusot mo sa ngayon pero reminder lang ah, hindi ka pwede ma-inlove sa akin okay? Multo na ko eh," sagot niya.
Tingin niya ba magkakagusto ako sa kaniya? Gusto ko rin naman ng normal na buhay ng walang kasaling multo sa usapan. Isa pa, sino bang gaganahan mabuhay sa ganitong sitwasyon? Magmahal pa kaya?
"Tama na nga, medyo nasasanay na ko na may kausap na multo kaya sige na planuhin na natin ang kailangan planuhin para mawala ka na sa bahay na 'to," sagot ko sa kaniya dahil gusto ko na lang matulog o magpahinga.
"Kung ganun pwede na ba ko lumapit sa tabi mo? Super layo ko kasi eh," sagot niya at umiling ako.
"Hindi pwede, d'yan ka lang. Naririnig ko pa rin naman 'yung sinasabi mo eh," sagot ko sa kaniya sabay patay ng computer at bunot ng saksakan ninto.
"Tsk! Okay," maikli niyang sagot at tumingin na lang ako sa labas ng bintana, nakita kong tumigil na ang ulan at pwede kong lumabas o puntahan si ate Nhing para makatakas sa kaniya.
Pero kailangan ko munang isipin kung ano ang sunod na step para mapalayas na ang multong 'to sa bahay ko.
Tumingin ako sa kaniya sabay halukipkip sa kinauupuan ko, dumikwatro rin ako nang hindi inaalis ang tingin sa kaniya.
Parang kanina lang hindi ako makatingin nang diretsyo sa kaniya tapos tumitili ka pa sa takot. Tapos ngayon, tapang-tapangan ako sa harap niya?
Pero kailangan ko magmukhang matapang para hindi niya ko maliitin, kahit na alam kong huli na para sa image ko na magmukhang hindi natatakot matapos kong matititili kanina sa kusina.
Huminga na lang ako nang malalim sabay tanong sa kaniya. "Natatandaan mo pa ba 'yung pangalan mo?" Maikli kong tanong at tumango naman siya.
"Kristal," sagot niya at sinulat ko 'yun sa papel na nasa ibabaw ng table.
"Iyon lang? Walang last name? Para ma-search ko kung ano ang kinamatay mo o hindi naman kaya, anong background info tungkol sa 'yo," sagot ko sa kaniya at umiling naman siya
"Iyon lang ang natatandaan ko eh," tugon niya kaya mukhang mahihirapan kami sa sitwasyon na 'to. Tumango na lang ako saka binulugan ang pangalan niya sa papel.
"Kailan ka pa nakatira sa bahay na 'to? Nauna ka ba sa 'kin o sabay lang tayo?" Tanong ko sa kaniya dahil kung bumukas lang ang third eye ko dahil sa aksidente, edi maaaring matagal na siyang nasa bahay na 'to ng hindi ko lang siya nakikita.
"Hmmm... sa totoo lang hindi ko rin matandaan hahaha, basta nagising na lang ako sa bahay na 'to pero hindi ko alam kung anong araw o ilang buwan na kong nakatira rito," sagot niya at lalo akong napabuntong hininga.
Parang mas mahirap pa atang hanapin ang pagkatao niya kesa sa pagkatao ko. Wala siyang kahit anong alam sa sarili niya kung hindi 'yung maikling pangalan na mayroon siya.
Napasulyap ako sa kaniya sabay balik sa papel na hawak ko. Nakita ko 'yung inosente niyang mukha at halatang nawawala rin siya kagaya ko.
Alam ko 'yung feeling ng wala kang matandaan o wala kang mabalikan tungkol sa sarili mo, para ka lang naghahanap sa isang silid na wala namang laman.
"Saan ka unang nagising? May specific bang lugar sa bahay na 'to? Kunwari sa bakuran?" Tanong ko dahil baka roon siya inilibing, pero nung mapagtanto ko 'yung idea na 'yun bigla akong kinilabutan kaya napayakap ako sa mga braso ko.
"Hmm... pagkakatanda ko, nagising na lang ako na nakaupo sa sulok ng pangalawang kwarto sa dulo ng hallway," sagot niya.
Hindi ko pa nalilibot ang buong bahay at ang dalawang bakanteng kwarto rito sa second floor, hindi ko tuloy maiwasan kabahan at mapalunok sa takot. Ano na lang ang pwede kong mahanap sa mga kwarto na 'yun? Baka mamaya may nakatagong bangkay sa pader o 'di kaya sa kisame.
"Alam mo, halatang-halata sa mukha mo 'yung mga pinag-iisip mo. Natatakot ka na naman ba?" Napalingon ako sa kaniya na may takot sa mukha kaya agad kong tinago ang kaba ko at pilit na nagseryoso.
Tanggal 'yung angas ko sa mga pinagsasabi niya, pakiramdam ko tuloy hindi na ko makakatulog mamayang gabi.
"Hi-hindi, s'yempre ayoko lang madamay sa krimen o ano mang pagpatay. Baka lang naman nakalagay na 'yung katawan mo sa kisame ng bahay ko," sagot ko sa kaniya at nakita ko 'yung mukha niya na para bang natakot din sa sinabi ko.
Sira ulo ka Darrel! Bakit ko sinabi 'yun sa harap niya? Pano kung pinatay nga siya ng karumaldumal? Anong memorya na lang ang babalik sa kaniya pag nangyari 'yun.
"Ah, hindi ko sinasadya, huwag mo na lang isipin 'yung mga pinagsasabi ko." Napatayo ako sa kinauupuan ko at marahan na lumapit sa kaniya nang makita ko siyang mapayuko, mukhang binigyan ko siya ng negative na idea tungkol sa nakaraan niya.
"Pasensya na hindi ko iniisip ang mga sinasabi ko," dagdag ko at nais bawiin ang salitang sinabi ko kanina.
Gusto ko sanang tapikin ang balikat niya pero hindi ko naman alam kung pano ko siya hahawakan.
"Sorry, hindi ko sinasadyang magbigay ng ganoong opinyon," iyon na lang ang nasabi ko at napayuko.
"Pfft—"
Napa-angat ang tingin ko nang marinig ko ang pigil na tawa niya, agad na nagdikit ang kilay ko at inis na tumingin sa kaniya.
"Hahaha! Hindi ko alam kung mabait ka lang talaga o ano, kanina lang takot na takot ka lumapit sa 'kin tapos ngayon iko-comfort mo ko?" Pabiro niyang tanong kaya agad na namula ang mukha ko sa hiya at mabilis na lumabas ng pinto para iwan siya sa kwarto.
"Tsk, bahala ka nga d'yan! Nagsasayang lang ako ng oras sa 'yo," iritable kong sagot at daredaretsyong bumaba ng hagdan.
"Lah, para namang busy siya eh, wala ka namang trabaho." Tsk, alam ko.
"Bahala ka d'yan, basta ako pupunta ako sa kapit-bahay para magtanong-tanong tungkol sa 'yo, d'yan ka na nga," inis kong sagot at sinuot ang tyinelas ko saka lakad palabas ng bakuran.
"Huy! Wag mo kong iwan!" Rinig kong tawag niya sa 'kin pero hindi ko siya nilingon.
Ayoko rin na sagutin siya kasi baka may makakita sa akin at isipin pa nila kinakausap ko 'yung hangin.
Kaya naman dumaretsyo ako ng lakad sa katabing bahay, hindi kalayuan at isang bakanteng lote ang pagitan.
Buti na lang at wala ng ulan at maalinsangan na naman ang panahon, pero dahil maghahapon na ay makikita na rin ang pagbabago ng kulay ng ulap papunta sa lila.
Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko ang buong lugar, tinitignan kung gano kaganda at tahimik ito. Nagbabakasakali rin na baka may bumalik na ilang impormasyon o alaala sa utak ko.
Pero bigo ako.
Nakarating na ko sa harap ng bahay nila ate Nhing at nakita ko ang anak niyang si Kaylie na nakaupo sa terrace ng bahay nila habang naggugupit ng kaniyang kuko.
Nang magtama ang mga tingin namin, dali siyang lumingon sa pintuan ng bahay nila at tinawag si ate Nhing, "Ma! Andito 'yung anak nila kuya Denise!" Hiyaw niya at narinig ko naman ang namamadaling yapak ng kaniyang ina sabay bukas ng screen ng pintuan nila.
"Darrel! Naparito ka? Halika't pumasok ka dali!" Tawag niya sa 'kin sabay batok sa anak niya.
"Hindi mo man lang inaya ang kuya mo pumasok!" Sermon nito habang kakamot-kamot sa ulo si Kaylie.
"Ah, napadaan lang po. Gusto ko lang sana mag-ikot-ikot at magtanong tungkol sa bahay na tinitirahan ko," sagot ko sa kaniya habang nakalagay ang isang kamay ko sa jagging pants na suot ko.
"Anong tungkol sa bahay? Bakit may sira bang gamit o hindi gumagana ang linya ng tubig?" Usisa niya at pansin kong abala siya ngayon dahil hawak niya pa hanggang ngayon ang sandok sa kaniyang kamay.
"Ah, hindi naman po sa ganu'n, pero baka po nakakaistorbo ako sa inyo?" Tanong ko sa kaniya at mabilis naman siyang umiling saka ako inaya papasok ng bakuran nila.
"Naku hindi, nagluluto lang ako ng hapunan natin. Matatapos na rin ako," sagot niya at pumasok naman kami sa maliit na bahay nila saka ko nakita ang maraming painting na nakasabit sa pader.
Puro imahe 'to ng dagat at dalampasigan, ang ganda ng painting at ang sarap tignan.
"Painting 'yan ni Kaylie, mahilig ang batang iyan sa pagguhit at isa ka sa palaging nagbibigay sa kaniya ng painting materials tuwing birthday niya," kwento ni ate Nhing na hindi ko inaasahan.
Hindi ko alam na malapit pala ako kay Kaylie, kasi kung titignan ang pakikitungo sa 'kin ng batang 'yun, parang mailap siya at hindi ako gustong kausapin.
"Nag-iwan sa 'kin ang nanay mo ng lulutuin para sa hapunan, paborito mo raw ito kaya mabuti pa rito ka na rin kumain ng hapunan," sagot niya at tumango na lang ako.
Hindi ko alam, pakiramdma ko matagal na ko sa bahay na 'to at hindi ako naninibago sa paligid ko. Siguro nga ay totoong malapit ako kay ate Nhing simula pa lang ng bata ako.
"Ano nga pala ang itatanong mo?" Usisa niya sabay patay ng kalan at lapag ng sandok sa lababo.
"Ah, gusto ko lang po tanungin kung bago ko po nabili 'yung bahay na tinitirahan ko ngayon, ay may una nang nakatira roon?" Tanong ko dahil baka may alam si ate Nhing tungkol sa multong 'yun o baka kakilala pa niya 'to.
"Ah... hindi ko sigurado eh, bakit?" Sagot niya habang nakatalikod sa akin at nagliligpit ng mga ginamit sa pagluluto.
"May nakatira po ba roong isang babaeng maputi, 'yung buhok niya hanggang balikat tapos 'yung mga mata niya may kasingkitan at parang kumikinang?" Tanong ko kahit hindi ko alam bakit parang ang ganda ng description ko sa multong 'yun.
"Ah eh, hahaha bakit mo naman natanong?" Balik tanong niya sa akin at napaisip naman ako sa kung ano ang ipapalusot ko.
Pano ko nga ba sasabihin sa kaniya na 'yung babaeng tinutukoy ko ay multong nagpapakita sa 'kin ngayon?
"Ano po kasi... pano ko ba ipapaliwanag?" Tanong ko sa kaniya saka ko nakita 'yung picture na naka-display sa divider nila.
"Nakita ko po kasi 'yung picture niya sa isa sa mga kwarto sa second floor," palusot ko na lang at narinig kong pinihit niya 'yung gripo at pinunas ang mga kamay sa damit niya.
"Hindi ko alam anak, wala akong kakilalang ganoon, puro matatandaan na rin ang nakatira sa baryo natin at ang mga kaedaran niyo naman ay nakatira na sa syudad," paliwanag niya at tatawa-tawa sa harapan ko.
Tumango na lang ako at inisip na baka hindi siya kilala sa lugar na 'to o hindi naman kaya ay dayo.
"Ako, alam ko kuya Darrel," sabay kaming napalingon ni ate Nhing kay Kaylie na kakapasok lang sa kusina.
Nakita ko 'yung blangkong expression sa mukha niya na para bang tamad na tamad. Nakatingin lang siya sa 'kin nang diretsyo na para bang sinusuri akong maige.
Kinakabahan tuloy ako.
TO BE CONTINUED