Chereads / Kiss The Wind / Chapter 6 - CHAPTER 5

Chapter 6 - CHAPTER 5

DARREL

*✧♡*♡✧*

Andito na naman ako, sa lugar kung saan puno ng mga sunflower ang buong paligid, bughaw na bughaw ang kalangitan at sobrang presko ng hangin.

Umeeko ang tunog ng mga insekto sa tenga ko, humahalo sa mahinang sipol ng hangin sa paligid.

Napatingala ako, at bahagyang naningkit ang mga mata dahil sa sikat ng araw. Nilibot ko ang aking paningin sa lugar at muling nakita 'yung waiting shed. Andito na naman ako sa senaryo na 'to.

Paulit-ulit ko na 'tong napapaginipan simula nang maaksidente ako at miske nung mga panahon na nasa coma ako ay tandang-tanda kong andito ako palagi sa lugar na 'to. Halos araw-araw, pare-parehong senaryo ang lumalabas sa isipan ko tuwing mahuhulog ako sa panaginip na 'to.

Naglakad ako at nagbakasakaling konektado 'to sa memorya ko. Na baka sakaling may makilala ako o makitang imahe na pwedeng tumulong sa pagbalik ng alaala ko at kung sino ako.

Pero katulad ng ilang beses sa lugar na 'to, ganoon pa rin at walang pinagbago.

Tumigil ako sa harap ng waiting shed at nakakita ng isang tunaw na ice cream sa lupa, may nakapatong din na sumblero sa lumang upuan na gawa sa tabla.

Kinuha ko ang sumblero at tumingin sa iba't ibang direksyon, hinahanap kung sino ang may ari ng sumblero na 'to. Pero wala akong nakita kung hindi ang mga dilaw na bulaklak na sobrang namumukadkad sa paligid ko.

Napapagod na ko, gusto ko ng sumuko sa buhay na 'to. Gusto ko na lang makulong sa lugar na 'to at intayin kung sino man ang nagmamay-ari ng sumblero na 'to. Ayoko na bumalik sa buhay ko kung saan wala akong maalala, wala akong memorya at hindi ko alam kung sino ako.

Napayuko ako, hindi ko alam kung ano 'tong pakiramdam sa puso ko na para bang butas 'to at may kulang na piraso. Na para bang kahit buhay at humihinga ako ay wala na ring silbi ang buhay ko.

"Darrel!" Habang nilalamon ako ng kalungkutan, nakarinig ako ng boses sa hindi kalayuan.

"Darrel!" Muli niyang tawag kaya agad akong naglakad sa direksyon kung saan ko naririnig ang boses niya.

Nagbabaka sakaling mahanap ko siya at siya ang magpunan ng pagkukulang na nararamdaman ko ngayon.

"Darrel gising!"

Bigla kong minulat ang mga mata ko at nakita ko si Kristal na nasa harap ko, lumulutang at nakangiti sa akin.

Napatitig ako sa kaniya, ano nga ba 'yung panaginip ko?

"Good morning," bati niya kaya napabangon ako. Hindi ako sanay sa kaniya lalo na pagnakikita kong lumulutang ang katawan niya. Nakakapanibago pa rin naman ang bagay na 'to sa 'kin.

Kaya dali-dali akong lumayo sa kaniya at nagtanong. "Ang aga-aga pa, ba't ka ba nang gigising?" Tanong ko at tinuro niya naman ang labas ng kwarto.

"Andoon kasi si ate Nhing sa labas ng bahay, kanina ka pa niya tinatawag kasi mag-aabot siya ng umagahan sa 'yo saka kailangan mo kayang uminum ng gamot," paliwanag niya kaya napakamot na lang ako sa ulo at naglakad pababa ng hagdan.

"Alam mo daig mo pa nanay ko," iyon na lang nasabi ko sa kaniya at sinundan niya naman ako sa paglabas ng kwarto.

Agad kong pinagbuksan ng pinto si ate Nhing at nakita ngang may dala siyang supot ng pandesal at sopas na mainit-init pa.

"Good morning Darrel, nagising ba kita?" Tanong niya at inaya ko naman siya papasok ng bahay.

"Hindi naman po," maikli kong sagot dahil 'tong multo na buntot nang buntot sa 'kin ang nakasira ng umaga ko.

"Kumain ka na at pagtapos uminum ka ng gamot. Kung gusto mo naman mag-ikot-ikot sa lugar mamaya ay papasamahan kita kay Kaylie, mag-bike kayo sa dalampasigan presko ang hangin doon," sagot niya at tumango naman ako sabay bukas ng tubig sa gripo at nagmumog doon.

Pansin ko talaga na magaan ang loob ko kay ate Nhing, hindi ako nahihiya sa kaniya o nagdadalawang isip magtanong. Pareho sila ni Dillan na madaling malapitan at kausapin, o baka talagang sila ang malapit sa akin noon.

Kaso kahapon, hindi ko alam bakit nung magsasalita na ang anak niyang si Kaylie ay pinigilan niya ito at pinagsabihan na huwag akong biruin.

"Mauna na ko Darrel, aalis kasi ako ngayon at may check-up pa ko. Nakaluto na ko ng tanghalian at dumaan ka na lang sa bahay para saluhan mo si Kaylie o baka ipahatid ko na lang dito ang pagkain," paliwanag niya habang sinusuot ang sandals niya.

"Salamat po," tugon ko naman at tumango siya. Hinatid ko siya palabas ng gate at nakita naman namin si Dillan na papunta sa direksyon naming dalawa.

"Magandang umaga ate Nhing," bati niya at kumaway 'to pabalik.

"Magandang umaga rin Dillan, aalis ka na?" Tanong ninto at doon ko na pansin na nakasuot ng formal na damit si Dillan ngayon. Mukhang papasok na siya sa trabaho at dumaan lang para kamustahin ako.

"Opo, daanan ko muna si kuya para magpaalam," sagot ninto.

"Ingat ka, una na rin ako sa inyo Darrel, Dillan," paalam niya sa amin at tumango lang ako habang si Dillan naman ay kumaway sa kaniya.

"Ano kuya? Kamusta?" Tanong niya sabay tapik sa balikat ko. Nakita ko 'yung dalawang makapal niyang kilay na panay ang taas-baba na para bang mang-aasar na naman tungkol sa multo.

"Ayos lang," maikli kong sagot sabay iwas ng tingin sa kaniya dahil ngayon na naalala ko na 'yung mga pinag gagagawa ko kahapon ay hindi ko maiwasan mahiya.

"Hahaha, mukhang wala na 'yung multo. Edi, pwede na kitang iwan no?" Tanong niya at napatingin naman ako sa kaniya.

"Bakit saan ka pupunta?" Usisa ko at nilagay niya lang ang dalawang kamay niya sa likod ng kaniyang ulo.

"Sa Manila, hirap kasi magpabalik-balik sa probinsya mahal ang gas," sagot niya sa akin at tumango naman ako.

"May condo ako roon at doon ako nag is-stay in para malapit lang sa working place ko. Pero kaya naman kung uwian din, lalo na ngayon na hindi ganong nakakadalaw sila mama sa 'yo," sagot niya at pansin ko nga na hindi ako pinupuntahan ng magulang namin dito pero ayos lang, malaki na naman ako para dalawin nila.

"Ayos lang, andito naman sina ate Nhing at marunong naman ako magluto," sagot ko sa kaniya dahil ayokong maging pabigat sa kanila lalo na't alam kong may kaniya-kaniya na kaming buhay.

"Basta pagkailangan mo kami mag chat ka lang, and sa saturday pupunta tayo sa hospital para sa follow up check-up mo."

Babalik na naman ako sa lugar na 'yun? Ayoko na pumunta sa hospital, pero wala naman akong magagawa dahil kailangan.

"Okay," maikli kong sagot pero bigla kong naalala 'yung ginagamit kong account pang message sa kanila.

"Ah, tanong ko lang Darrel. Bakit walang laman 'yung facebook ko?" Usisa ko sa kaniya dahil iyon ang ginagamit ko pang chat pero wala itong kalaman-laman tungkol sa akin.

"Ah haha, nakalimutan ko sabihin. Hindi ko kasi alam 'yung password mo kaya gumawa na lang ako ng bago," sagot niya at nang hinayang naman ako.

Kagabi kasi bago matulog ay kinalkal ko 'yung phone na binigay sa akin ni Dillan at naghanap ng mga bagay na pwedeng magbigay sa 'kin ng idea sa nakaraan ko. Kaso nung tignan ko 'yung gamit kong account wala naman 'tong laman at mukhang kakagawa lang, sinubukan ko rin tignan 'yung dati kong account pero naka private 'to kaya hindi ko makita kahit friends o newsfeed nito.

Tanging picture lang ng sunset na cover photo ko at isang picture ko na stolen bilang profile picture ko.

"Wala ba kayong photo album? Gusto ko sana makita 'yung nakaraan ko?" Tanong ko sa kaniya at nakita ko sa mukha niya ang pagkailap.

"Ah, hindi ko alam eh. Tatanong ko kala mama sa susunod," sagot niya pero parang iwas naman siya sa tanong kong iyon.

"Sige, ako na ang magtatanong sa kanila pagkauwi nila. Ingat ka sa byhae mo," sagot ko sa kaniya at tumango naman siya.

"Kuya, pasensya na kung hindi kita matulungan na ibalik ang memorya mo. Wag ka mamadali, mas makakabuti na hinay-hinay lang ang pag-iisip mo," sagot niya na hindi ko inaasahan kaya tumango na lang ako at ngumiti sa kaniya.

Minsan napapaisip ako kung ako ba talaga ang panganay sa aming dalawa. Pakiramdam ko tuloy wala akong kwentang kuya o kapatid sa kaniya.

"Sige, hindi na ko maghahanap ng mga bagay na ikakaisip ko lang," sagot ko sa kaniya at ngumiti naman siya sa 'kin.

Nagpaalam na siya at naglakad pabalik sa bahay nila, nakita ko siyang sumakay sa sasakyan at nagmaneho na palayo.

Kaya bumalik na rin ako sa loob ng bahay at umupo sa harap ng mesa para kumain ng umagahan.

"Ano sabi ni Dillan?" Rinig kong tanong ng multong nasa gilid ko.

"Wala," maikli kong sagot sa kaniya sabay subo ng sopas at kuha ng pandesal.

"Sungit," sagot niya naman sa akin kaya napatingin ako sa kaniya at nakita ko siyang umupo sa harap ng malaking sliding door sa harap ng kusina.

Napatitig ako sa kaniya, hindi ko alam bakit parang biglang may sumaging imahe sa isip ko.

"Aalis ka mamaya? Sama ako!" Hindi ba ko tatantanan ng isang 'to?

"Hindi ka nakakaalis sa bahay 'di ba? Kasi poltergeist ghost ka," tanong ko sa kaniya at nahahalata ko nat unti-unti na akong nasasanay makipag-usap sa kaniya.

"Eh, pano ko matatandaan kung sino ako kung andito lang ako? Anong gagawin ko rito!" Reklamo niya na akala mo naman ay alam ko ang sagot.

Napabuntong hininga ako at bumalik na lang sa kinakain ko. "Hindi ko rin alam," sagot ko sabay subo ng sopas at agad siyang lumapit sa akin saka ko nakita kung gano ka-kyut 'yung mukha niya pag napipikon.

Teka, sinong cute?

"Isama mo na kasi ako! Tinatamad na ko sa loob ng bahay na 'to!" Pagmamaktol niya pero para namang alam ko kung pano gagawin 'yun.

Siya na nga ang nagsabi na ilang buwan na siyang nasa bahay na 'to pero hindi siya makalabas-labas dito. Eh kung ganon? Anong pinagkaiba sa pagdating ko sa bahay na 'to?

"Bahala ka d'yan, hindi ko alam pano ka isasama kaya magtatanong-tanong na lang ako sa lugar kung may nakakakilala sa 'yo," sagot ko sa kaniya at napanguso naman siya saka biglang naglaho sa paningin ko na kinagulat ko.

Napatayo ako sa pagkabigla, hinanap ko siya sa paligid pero wala na siya sa paningin ko at mukhang nainis na nga siya ng tuluyan sa akin.

Napailing na lang ako, hindi ko na alam anong gagawin sa multong 'yun.

"Hays, gusto ko na lang magpahinga," reklamo ko sabay buntong hininga at kuha ng gamot sa lalagyan ninto.

"Sino kinakausap mo kuya Darrel?"

"Ay pusang gala!" Halos tumalon ang puso ko sa gulat nang makita ko si Kaylie sa labas ng sliding door nang nakatitig sa 'kin.

Halata sa mukha niyang nagtataka siya, sino ba naman hindi mawiwirduhan kung makita mo ang isang taong nagsasalita mag-isa?

"A-and'yan ka pala?" awkward kong tanong dahil hindi ako sigurado kung nakita niya ba ang pagsasalita ko mag-isa.

"Ngayon-ngayon lang kuya, sasabihin ko sana na hindi na pala kita masasamahan mamaya dahil sasamahan ko si mama sa hospital tapos dinala ko rin 'yung ulam mo," sagot niya sabay abot sa akin ng ulam at napataas naman ang kilay ko sabay lapit sa kaniya at bukas ng sliding door.

"Bakit? May nangyari ba kay ate Nhing?" Tanong ko sa kaniya sbay abot ng ulam at umiling naman siya.

"Gusto ko lang siya samahan," maikli niyang sagot kaya napangiti ako sabay gulo sa buhok niya.

"Sige ayos lang, sa susunod na lang tayo umalis," sagot ko at tumango naman siya saka ko inalis ang kamay ko sa ulo niya.

"Kuya Darrel, ikaw pa rin naman 'yan 'di ba?" Inosente niyang tanong sa harapan ko na nagbigay sa 'kin ng pagtataka.

Napaikling ang ulo ko, hindi ko rin kasi alam ang sagot.

"Hindi ko alam, hindi ko kasi kilala kung sino ako," sagot ko sa kaniya at pilit na lang ngumiti sa harap ng batang 'to.

"Ganun ba?" Tanong niya at nakita ko ang pagsimangot niya.

"Sana bumalik na ang alaala mo." Sa totoo lang iyon din ang hinihiling at hinahangad ko.

"Sana nga," maikli kong sagot at tinapik na lang ang balikat niya.

"Sige na, samahan mo na si ate Nhing baka ma-late pa kayo," dagdag ko at tumango naman siya saka naglakad papalayo sa 'kin. Tinanaw ko lang siya na lumabas sa gate at nung isara niya 'to ay bumalik na rin ako sa loob ng bahay.

"Bakit kay Kaylie ang bait-bait mo? Tapos sa 'kin hindi? Nakakatampo ka ah."

"Sh—" muntikan na ko mapamura dahil lagi na lang ako nagugulat. Hindi ba marunong kumatok o magparamdam man lang ang mga tao o multo sa paligid ko?

"May galit ka ba sa 'kin Darrel? Hindi naman kita ina-ano ah," reklamo niya at nakita ko siyang nakahalukipkip at lumulutang sa harapan ko.

"Kasi minumulto mo ko, hindi mo ko binibigyan ng peace of mind at privacy," sagot ko sa kaniya at naglakad na papunta sa kwarto ko.

"Malamang ikaw lang nakakakita sa akin eh, alangan naman kulitin ko sila eh, 'di naman nila ako nakikita," paliwanag niya na may point pero wala pa rin akong pake.

Pero bago ako tuluyan makapasok sa kwarto ko ay nakita ko 'yung dalawang kwarto na magkatabi. Katapat lang 'to ng kwarto ko pero hindi ko pa 'to natitignan o nasisilip man lang.

Una kong pinuntahan 'yung isang kwarto sa unahan, nilapitan ko 'to at agad na pinihit 'yung seredula ng pinto saka tumambad sa 'kin ang laman ng kwarto.

Puno ng mga kahon ang kwarto na 'to, parang tambakan o budega pero ang nakakapagtaka, parang bago at malinis pa ang mga kahon, walang bahid ng kahit anong alikabok.

Sinubukan kong buksan ang isa pero nakita ko na lahat sila ay naka secured ng tape at balot na balot.

"Ano naman kaya ang nakalagay dito?" Tanong ko at nakita ko si Kristal na dare-daretsyong tumatagos sa mga kahon.

"Gusto mong tignan ko 'yung laman?" Tanong niya at na pinagtaka ko.

"Ha?" Ulit ko ng tanong at bigla niya na lang niyuko ang ulo niya sa isa sa mga kahon at tumagos 'to sa loob.

"Working files, sabi sa nakasulat sa isang folder," sagot niya at napanganga na lang ako. Kung ganun, kaya niyang makita 'yung laman kasi tumatagos siya sa bagay na 'yun.

"Puro tungkol sa office lang ang laman ng mga 'to," sagot niya habang isa-isang tinitignan ang mga kahon.

Nasapo ko na lang ang ulo ko at iiling-iling. Ano pa nga bang aasahan ko sa isang multo?

"Tara na nga, subukan na 'tin tignan 'yung kwarto sa dulo," pag-aaya ko sa kaniya at masaya naman siyang sumunod sa akin.

Pero ako hind masaya, kinakabahan kasi ako sa kung anong pwede kong makita sa dulong kwarto ng bahay na 'to.

Nung nasa harapan na ko ng pinto ay napalunok ako, nangangatog 'yung kamay ko habang papalapit 'to sa door knob.

*gulp*

Napalunok ako, kailangan ko ba talaga buksan 'to? Pwedeng bukas na lang? Pwedeng next week or next month?

Pano kung may makita akong patay sa loob ng kwarto na 'to? Pano kung may mahanap akong hint sa pagkamatay niya tapos sa 'kin isisi ng mga pulis 'yung krimen?

Natatakot ako, ito na naman 'yung kahinaan ako, nilalamon ako.

"Matagal pa ba?" Reklamo niya sa likuran ko kaya sumama ang tingin ko sa kaniya saka muling bumalik ng tingin sa harap ng pinto sabay hawak sa door knob at pihit nito.

TO BE CONTINUED