DARREL
*✧♡*♡✧*
Nakatingin lang ako sa door knob at hindi alam pano ko sisimulan igalaw ang mga kamay ko para pihitin iyon, kinakabahan ako at hindi ko alam kung ano ang nag-iintay sa akin sa pagbukas ko ng pinto na nasa harapan ko.
Kabado at nangangatog ang mga kamay ko, halatang takot na takot at hindi ko matago iyon sa harap niya.
"Ako na nga, aabutin tayo ng siyam-siyam dito," rinig kong sabi niya pero pano kung may makita siya roon na hindi maganda? Pano kung mahanap niya 'yung sarili niya sa sitwasyon na ikakatakot niya.
Kaso wala naman akong magawa, masyado akong duwag pagdating sa mga bagay na ganito.
Napayuko ako, habang buhay na lang ba ko magiging duwag? Magpapakain na lang ba ko sa takot? Kumakausap na nga ako ng patay tapos maduduwag pa rin ako?
"Ako na," maikli kong awat sa kaniya at muling napalunok, hinawakan ko ang door knob ng pinto at sinubukan pihitin ito. Pero sa pagtataka ko, ayaw nito mabuksan at kahit ilang beses kong 'tong pihitin ay wala talaga.
"Naka-lock 'yung pinto," sagot ko sa kaniya at tumango na lang siya sa akin at ngumiti.
"Ako na ang papasok," sagot niya at hindi ko alam bakit parang gusto ko siyang pigilan at wag na lang siya papasukin sa loob ng kwartong 'to.
Ewan ko ba sa sarili ko, parang ako pa 'yung mas natatakot para sa kaniya.
"Hahahha, halata kamo sa mukha mo na nag-aalala ka, wag kang kabahan." Pano ako hindi kakabahan? Kung ako 'yung nasa sitwasyon niya ngayon at malaman ko kung ano 'yung kinamatay ko o kung makita ko 'yung kalansay ko sa isang lugar na hindi man lang maayos ang pagkakahimlay ay matatakot talaga ako at magagalit sa kung sino man ang gumawa sa akin nu'n.
"Pano kung mahanap mo 'yung katawan mo sa loob?" Tanong ko at nabigla siya sabay tawa sa harapan ko nang pagkalakas-lakas.
"Hahaha! Bakit kasi ang wild ng imagination mo? Malay mo naman may importanteng bagay lang sa loob na dahilan kaya ako andito, hindi naman porque dito ako nagmumulto ay dito na rin ako namatay," sagot niya at hindi na ako nakapagsalita. May punto naman siya, ako lang naman 'tong paranoid.
"Papasok na ko ah, sandali lang," sagot niya pero nakita ko siyang hindi makahakbang papasok ng kwarto. Nakatigil lang siya sa harap ng pinto.
"Anong problema?" Tanong ko at napalingon siya sa akin sabay kamot ng ulo niya.
"Hindi rin ako makapasok eh hahah," tatawa-tawa niyang sabi at napabuntong hininga na lang ako.
Siguro kaya hindi siya makapasok sa loob ay dahil deep inside kinakabahan din siya? O baka may iba pang mas malalim na dahilan kaya hindi siya makabalik sa loob ng kwarto kung saan siya unang nang galing.
"Hayaan na natin, hihiram na lang ako ng susi kay Dillan at baka siya lang ang nagsara ng kwarto na 'to," tugon ko at tumango naman siya nang nakangiti.
Pansin ko sa multong 'to lagi siyang nakangiti sa harap ko, minsan tuloy hindi ko naiisip na mabigat ang pinagdadaanan naming dalawa.
"Magpapahinga na lang muna ako," sagot ko sa kaniya sabay iwas ng tingin at lakad papasok sa loob ng kwarto ko.
Humilata ako sa kama at tumingin sa kisame kaso bigla siyang sumulpot sa harapan ko at muling nangulit sa akin. "Hindi tayo aalis? Hindi ka ba maggagala sa bayan?" Dirediretsyo niyang tanong sa akin kaya umiwas ako ng tingin sa kaniya at tumagilid ng pagkakahiga.
"Ayoko tinatamad ako," sagot ko sa kaniya at muli siyang sumulpot sa mukha ko nang sobrang lapit kaya pakiramdam ko magdidikit ang mga labi naming dalawa.
Sandali akong natameme, parang bumilis ang tibok ng puso ko at sobra akong kinabahan.
"Ano ba! Lumayo-layo ka nga sa 'kin, tinatakot mo ko eh," sagot ko sabay harap sa kabilang pwesto ng kama at hawak sa kanang dibdib ko dahil pakiramdam ko ay aatakihin ako sa pagsulpot-sulpot niya sa harapan ko.
"Nakakatamad ka naman kasi eh, hindi ka ba kikilos d'yan? Maganda na ang sikat ng araw sa labas oh, dapat maging productive tayo," sagot niya at umeeko ang maliit niyang boses sa loob ng kwarto at tenga ko.
Tinakpan ko ang tenga ko at hindi siya pinansin, gusto ko lang matulog buong araw at kung pwede nga ayaw ko na lang magising. Hindi ko alam ang gagawin sa buhay ko at kung saan ako mag-uumpisa maghanap ng memorya ko.
"Darrel naman eh, akala ko ba tutulungan mo ko mahanap ang memorya ko? Bakit hindi natin subukan magtanong sa isa't isa ng mga bagay-bagay na baka makapagbigay satin ng hint sa nakaraan natin? Hindi ba magandang idea 'yun?" Tanong at pangungulit niya pero hindi ko siya pinansin.
Para namang may magbabago? Kahit naman tanungin namin ang isa't isa ay wala pa rin kaming naalala tungkol sa mga sarili namin.
"Ayaw mo? Sige may iku-kwento na lang ako sa 'yo," dagdag niya at naramdaman ko 'yung malumanay na hampas ng hangin sa balikat at braso ko na nakakapagtaka dahil sarado naman ang mga bintana sa kwartong 'to, kaya binuksan ko ang mga mata ko at nakita kong nasaharapan ko na naman siya pero this time malayo-layo na sa mukha ko ang mukha niya.
"Ano 'yun?" Tanong ko na lang para matapos na ang pangungulit niya sa akin at nang makatulog na ako.
"Kagabi, habang pinagmamasdan kita matulog may naalala ako," sagot niya at hindi ko alam kung kakabahan ba ko sa ideya na tinitignan niya ko sa pagtulog ko o ano. Napabangon na lang ako at umupo sa kama habang nakatingin sa kaniya nang seryoso,
"Bakit mo ko tinitignan sa pagtulog ko? May balak ka bang sanabin ako?" Takot kong tanong sa kaniya pero syempre hindi ko 'to pinapahalata sa harap niya.
"Hindi no, wala lang ako magawa habang iniintay kong magising ka," sagot niya at mukhang hindi na natutulog ang mga multo na katulad niya kaya wala siyang magawa. Hindi na lang ako sumagot at inintay na lang ang pagkukwento niya.
"Ganito kasi 'yan, kukwento ko na sa 'yo 'yung pumasok sa utak ko kagabi," sagot niya sabay halukipkip at upo sa dulong parte ng kama ko para bigyan ako ng distansya na hinihiling ko sa kaniya.
"May naalala akong lalaki, nasa loob daw kami ng class room at natutulog siya sa desk niya na nakaharap sa desk ko. Habang natutulog siya ay tinititigan ko raw siya at nung buksan niya 'yung mga mata niya ay tinitigan niya rin daw ako," sagot niya at mukhang high school crush niya 'yung kinukwento niya o baka naman boyfriend niya noon?
"Tapos?" Tanong ko at nakita ko siyang hinawakan ulit ang baba niya na lagi niyang ginagawa tuwing nag-iisip siya.
"Hmmm... tapos ano pa ba? Hmm.. ang gwapo niya?" sagot niya sa akin at nakita ko siyang napangiti na parang kinikilig. Nairita ako, ilang taon n aba siya para kiligin tsk.
"Oh, tapos anong nangyari? Kilala mo ba 'yung lalaki o ano?" Tanong ko sa kaniya at umiling naman siya sabay buntong hininga.
"Hindi ko alam 'yung pangalan niya eh, wala na kong matandaan pagtapos nun," paliwanag niya. Sayang lang at hindi niya alam 'yung pangalan nung lalaki o kung kaano-ano niya ba'to, ayos sana kung kahit pangalan man lang nung lalaki ay alam niya para mahanap namin 'to sa internet at makapagtanong ng tungkol sa kaniya.
Kaso mas naalala niya pa kung gwapo o hindi 'yung lalaki sa isip niya.
"Next time subukan mo alamin ang pangalan nila," utos ko sa kaniya at tumango naman siya. Kung makapag-utos ako akala mo sobrang dali para gawin iyon, hirap pilitin ng utak mong maalala ang mga bagay na hindi mo na maalala sa sitwasyon na 'to.
"Kung tapos ka na magkwento pwede na ba ko matulog?" Tanong ko sa kaniya at bigla siyang sumimangot.
"Kakagising mo lang eh, matutulog ka na naman?" Tanong at reklamo niya pero anong magagawa ko? Pag depress at stress ka talaga wala ka nang ibang gustong gawin kung hindi matulog at kalimutan na lang lahat ng problema mo.
"Sayang ang ganda ng panahon oh, mamasyal ka sa dalampasigan o hindi kaya mag bike-bike sa labas," sagot niya at umiling lang ako sabay yakap sa unan ko.
"Darrel kailangan mo maarawan, mag exercise ka para hindi maumok 'yang katawan mo!" Ano ba 'tong multo na 'to? Daig pa nanay ko sa panenermon niya.
"Ang ganda kaya ng langit, tignan mo bughaw na bughaw," sagot niya at napasilip naman ako sa bintana at nakitang maganda nga ang langit at maaliwalas ang panahon sa labas.
"Gusto mo kahit tumambay ka lang sa bakuran at magpaaraw, nakakawala ng lungkot ang sikat ng araw alam mo ba 'yun?" Tanong niya at bigla akong napatigil.
Bigla-biglang sumagi ang salitang iyon sa isip ko, saan ko ba narinig 'yun o kanino ko narinig ang salitang 'yun?
"Darrel? Ayos ka lang?" Tanong niya at doon lang ulit ako nabalik sa ulirat, napakamot ako sa ulo sabay buntong hininga at tumayo na sa kama.
Nakita kong lumapad ang mga ngiti niya sa lab at masayang tumingin sa akin. "Lalabas na tayo? Magpapaaraw ka na?" Tanong niya at kakamot-kamot ako ng ulo na tumango at naglakad palabas ng kwarto.
Masaya siyang kumakanta habang nakasunod sa pagbaba ko ng hagdan, nang makarating sa kusina ay kumuha ako ng tatlong piraso ng pakwan na hiwa na at nilagay 'to sa plato saka kumuha ng upuan at nagtungo sa labas para magpaaraw at kumain ng doon.
Ano ba 'tong ginagawa ko, bakit ako nagpapauto sa multong 'to?
Kumagat ako ng pakwan at tumingin sa magandang langit sa harapan ko, bakante ang harapan ng bahay at makikita ang malawak na taniman ng palay, presko ang hangin at maririnig mo ang huni ng mga ibon sa puno.
Nakaramdam ako ng katahimikan sa sarili ko, malayo sa magulong pag-iisip ko tungkol sa sarili ko nitong mga nakaraang linggo. Hindi naman pala masama na mag-relax sa ganitong paraan kasama ang kalikasan.
"Kamusta? Ang saya 'di ba?" Tanong niya at tumango na lang ako dahil hindi ko maitatangi na magandang idea nga ang lumabas ng bahay para makahinga-hinga sa nakakalungkot na sitwasyon ko ngayon.
"Oo sige na aminado na kong nakakawala ng lungkot ang sikat ng araw," sagot ko sa kaniya at ngumiti naman siya habang lumulutang lang sa tabi ko at pareho namin dinadama ang maligamgam na sikat ng araw na hindi pa masakit sa balat.
Mga alas diyes ng tanghali ay pumasok na ko sa loob ng bahay at pakiramdam ko ay puno ako ng energy para maglinis at gumawa ng mga bagay na productive ngayong araw. Simimulan ko sa pag-aayos ng mga gamit ko na ginamit sa pagpunta sa hospital, naglaba ng ilang maduming damit at nagwalis-walis sa loob ng bahay.
Nabigla ako nung tumunog 'yung speaker at pinatugotg ang isang hiphop song na ang lakas makadisco ng tunog, napatingin ako kay Kristal at nakita ko siyang nag peace sign sa akin sabay tawa.
Napailing na lang ako, ang trendy ng multong 'to. Mukhang bagong music pa ang pinapatugtog niya ngayon at panay ang sayaw niya habang lumulutang ang mga paa niya. Sandali kong naibaba 'yung hawak kong walis at napatingin sa kaniya.
"Tara sayaw tayo Darrel!" Pag-aaya niya sa akin at mabilis akong tumanggi rito kaya ngumuso lang siya pero napangiti ako nung patuloy lang siyang sumasayaw sa musika.
Napatitig ako sa kaniya at hindi maiwasan magandahan sa mga ngiti niya, kung pano sumasabay ang buhok niya sa pag-ikot niya at kung pano hanginin 'yung mahaba niyang bisitadang puti na akala mo sumasayaw rin sa hangin kasabay niya.
Sa ilang araw na kasama ko ang multong 'to, pansin kong walang araw na boring habang kasama ko siya. Wala na kong oras para ma-depress sa sarili kong problema o mag-isip ng mga bagay na ikakalungkot ko.
Minsan nakakaligtaan ko na kailangan ko nga palang hanapin ang memorya ko at pagkatao ko. Pero habang nasa tabi ko siya, hindi ko maramdaman na mag-isa ako, lalo na't pareho kami ng sitwasyon at alam kong naiintindihan niya ang pinagdadaanan ko.
Hindi ko tuloy maiwasan na hilingan na sana mahanap na namin ang pagkatao niya at dahilan ng kinamatay niya para makapagpahinga na siya at mapunta sa lugar kung saan siya nararapat.
Hindi rin pala masamang magkaroon ng kasamang multo sa bahay no? Lalo na kung katulad niya ang multong sasama sa 'yo para hindi mo maramdaman na mag-isa ka.
"Darrel! Natulala ka na d'yan hahaha!" sabi niya nang matapos ang musika at lumapit sa akin.
"May problema ba?" Tanong niya sa harapan ko at umiling ako sabay kuha ng walis na hawak ko kanina saka tumalikod na sa kaniya.
"Wala," maikli kong sagot at nahihiyang tignan siya sa mata.
TO BE CONTINUED