Chereads / Kiss The Wind / Chapter 12 - CHAPTER 11

Chapter 12 - CHAPTER 11

DARREL

*✧♡*♡✧*

Ano nga ba ang mga ginagawa ng magkasintahan? Holding hands? Date? Cuddle? Watching movies while chillin?

Ito lang 'yung mga alam ko tungkol sa bagay na 'yan, pero karamihan naman sa mga gawain na 'to ay kailangan ng physical touch na mahirap gawin lalo na kung ang nagkukunwaring girl friend ko ngayon ay isang multo.

Hindi ko alam pano ipaparamdam sa kaniya 'yung mga ginagawa nila ng nobyo niya sa memorya niya. Hindi ko alam dahil miske naman ako walang alam sa sarili ko.

Hindi ko alam kung nagkanobya na ba ako noon o kung may girl friend at ex ako ngayon.

"Darrel, gusto ko ipagluto mo ko ng pabortio kong ulam," sabi niya sa akin habang naghuhugas ako ng pinagkapehan ko.

"Ano ba ang paborito mong ulam?" Usisa ko naman sabay lingon sa kaniya.

"Sinigang, 'yung maasim haha," sagot niya at nagtaka naman ako.

"Sinigang? Buti na tandaan mo kung ano ang paborito mong ulam," sagot ko sa kaniya at ngumiti lang siya nang abot tenga.

"S'yempre sino ba makakalimot sa masarap na sinigang?" Biro niya at iiling-iling na lang akong napangiti at bumalik sa paghuhugas ng baso.

"Osige, sasabihin ko kay ate Nhing na huwag na ko ipagluto at ako na ang magluluto ng tanghalian natin," sagot ko sa kaniya at mabilis naman siyang lumapit.

"Talaga? Yes!" Masaya niyang sabi at ako naman ay pinunas ang mga kamay ko sa shorts ko at lumabas sandali para pumunta kala ate Nhing at magpasama na rin sa pamilihan ng mga sahog sa ulam.

Sakto na hindi pa nakakaluto si ate Nhing at balak niya na rin sana umalis mamaya para muling bumalik sa hospital kaya agad niya kong sinamahan at namili kami ng sahog ng ulam.

Nang makauwi ay dumaretsyo na ko sa kusina at inilatag ang mga gulay sa lababo para hugasan ang mga 'to. Pagtapos mahugasan ay isa-isa ko 'tong ginayat at habang naghihiwa ay napasilip ako kay Kristal na humuhuni ng isang kanta na parang pamilyar sa akin.

Masaya siyang nakasalumbaba sa sofa habang nakaharap sa akin at pinapanood ako magluto.

"Buti solo mo ang pagluluto ng sinigang," sabi niya kaya napatigil ako sandali sa paggagayat at napaisip din.

Oo nga no? Bakit alam ko ang mga bagay na 'to pero ang ibang bagay tungkol sa akin ay burado?

"Alam mo ang sexy mong tignan habang nagluluto, lakas talaga makagwapo sa lalaki 'yung marunong magluto at pinagluluto 'yung babae," dagdag niya kaya napailing na lang ako at tatawa-tawa.

"May naalala ka ba? Pinagluluto ka rin ba ng boy friend mo katulad nito?" Tanong ko sa kaniya at narining ko naman siyang sumagot.

"Hmmm... parang oo, pero this time feeling ko malaki na kami? Parang college student?" Kwento niya at ako naman, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.

Ewan ko ba bakit minsan naiinis akong marinig 'yung mga kwento niya tungkol sa boy friend niya. Siguro dahil mas nauuna siya sa 'kin makaalala? Tama! Siguro iyon nga ang dahilan, alangan naman na nagseselos ako!

"Tanda ko na pinagluluto niya rin ako ng sinigang lalo na tuwing may dalaw ako at sumasakit ang puson ko. Hilig ko kasi 'yung maasim na pagkain," kwento niya.

Ngayon na may naalala na siya paunti-unti ay parang mas nakikilala niya na ulit ang sarili niya at ganu'n din ako sa kaniya.

Tuwing may ikukwento siya na bagay tungkol sa sarili niya ay mas lalo ko siyang nakikilala.

Ako kaya? Kailan ko kaya makikilala ang sarili ko? Kailan ko kaya makikilala si Darrel noon?

Pagtapos ko magluto ay naghanda ako ng pagkain naming dalawa, inilapag ko ang plato sa harap niya at pinagsandok siya kahit na alam naming dalawa na hindi niya naman matitikman ang ulam na niluto ko.

Sabay lang namin pinagsaluhan ang hapagkainan, sinamahan niya ko roon at nagkwentuhan kami ng mga bagay na nais naming gawin pag nabalik na namin ang mga alaala namin.

"Pag naalala mo 'yung pagkatao mo, babalikan mo ba ang pamilya mo?" Tanong ko sa kaniya sabay subo ng pagkain.

"Oo, babalikan ko sila kahit na ano pa man ang malaman ko tungkol sa nakaraan ko. Dahil alam kong naging mabuting magulang ang nanay at tatay ko, kasi hello pinalaki nila ako ng ganito," sagot niya at hindi na lang ako sumabat dahil sang-ayon naman ako sa kaniya.

Siguro nga ay lumaki si Kristal sa masayahing pamilya, siguro ay mahal na mahal siya ng mga magulang niya kaya ganito siya kasiyahing tao o sabihin na nating multo.

"Eh, 'yung boy friend mo babalikan mo?" Tanong ko sa kaniya at aminado ako na gusto ko malaman ang sagot sa tanong na 'yun.

"Hmm... depende, baka kasi hindi ko na naman siya nobyo nung panahong namatay ako? May pakiramdam kasi ako na dapat ko na siya iwan at dapat na rin siyang mag move on," sagot niya.

Naisip ko rin na pano na lang kung may iba ng girl friend 'yung boy friend niya simula nung namatay siya.

Parang ayokong makita si Kristal na malungkot pag nakita niya 'yung taong mahal niya na may mahal ng iba.

"Basta pag nalaman mo kung ano 'yung dahilan ng pagkamatay mo, siguraduhin mo na hindi ka mapupuno ng galit ah. May nabasa kasi ako na pwede raw maging bad spirit ang isang ispiritu dahil sa galit," paliwanag ko sa kaniya at natawa naman siya sabay tango.

"Pangako hindi ako magiging bad spirit," sagot niya at napangiti na lang ako saka bumalik sa pagkain ko.

Pagtapos kumain ng tanghalian ay nagligpit na ko ng mga hugasin at na pagpasyahan namin manood ng movie habang magkatabi sa sofa.

Sabi niya ang paborito niya raw movie ay 'yung mga romance comedy kaya pumili ako ng isa at iyon ang pinanood namin.

Kahit hindi ako mahilig sa mga ganitong palabas, hindi ko alam bakit tumatawa ako kasabay niya at kinikilig sa ibang eksena pagkinikilig siya. Natapos namin ang movie at na enjoy ko ito.

Nakakapanibago, na simula nung magising ako sa hospital ay alam ko isang akong blangkong papel na walang kalaman-laman.

Walang kaalam-alam sa sarili niya at sa kung sino siya, pero matapos kong makilala si Kristal— nagbago ang lahat. 'Yung blangkong papel ay unti-unti ng nalalagyan ng iba't ibang kulay na parang emosyon ko na unti-unting bumabalik sa pagkatao ko.

Alam ko na hindi ko pa nahahanap ang sagot sa kung sino ako, alam ko na hindi ko pa natatandaan ang mga bagay na tungkol sa akin noon.

Pero ngayon, pakiramdam ko kontento ako.

"Hahaha nakakatuwa 'yung story, akala ko mamatay 'yung babae eh." Pinatay ko na 'yung TV at tumayo sa sofa saka nag-unat.

"Romance comedy nga eh, bakit mamamatay?" Tanong ko sa kaniya at humilata naman siya sa sofa.

"May ganun kayang ending," sagot niya at napakamot na lang ako sa ulo at tumingin sa bintana.

"Mukhang uulan, maghahango lang ako ng mga sinampay," sagot ko sa kaniya at sinundan niya naman ako papunta sa labas at sinamahan akong kuhain ang mga tuyong damit.

Pumasok na ako sa loob at nilatag ang mga damit sa sala para roon ako magtitiklop. Umupo ako sa sahig at tiniklop isa-isa 'yung mga damit ko, pinanood niya lang ako magtiklop habang ako naman nakakaramdam na ng antok.

*yawn*

Napahikab ako sabay punas ng luha sa mata ko dahil sa antok, tapos ko na ang mga tiklupin ko pero tinatamad akong iakyat ang mga ito sa taas.

"Gusto mo mahiga sa binti ko?" Tanong ni Kristal saka tumabi sa akin habang may bitbit na unan.

Minsan nagugulat pa rin talaga ako pag nakikita kong kaya niyang igalaw ang mga gamit sa bahay ko. Nilapag niya 'to sa sahig at parang ito 'yung nagmimistulang binti niya kung saan ko idadantay ang ulo ko.

"Seryoso ka?" Tanong ko sa kaniya at nakita ko lang siyang tinapik-tapik 'yung unan na tumatagos sa binti niya. Kinakabahan ako, pero sa tagal naming magkasama ay hindi na naman ako natatakot na hawakan siya.

"Dali na," sagot niya at wala na kong nagawa kung hindi humiga sa binti niya o sa unan. Tumagilid ako para hindi ko makita ang mukha niya dahil ewan ko ba, bumibilis ang tibok ng puso ko.

Siguro natatakot pa rin ako? Tama, iyon ang sagot. Hindi ako kinakabahan dahil sa malapit siya sa 'kin ngayon at kitang-kita ko ang maganda niyang mukha.

"Alam mo Darrel, pagtinitignan kita para kang langit," sabi niya saka ako marahan na lumingon sa kaniya at unti-unti pumipikit ang mga mata ko dahil hinahaplos niya ang mga hibla ng buhok ko na parang hinahaplos ng hangin.

Unti-unting nawala ang kaba sa dibdib ko at napalitan ito ng komportableng pakiramdam.

"Huh?" Tanong ko dahil inaantok talaga ako sa ginagawa niyang paghaplos sa buhok ko.

"Para kang langit na ang sarap pagmasdan," sagot niya pero hindi ko na ito ganu'ng naintindihan dahil sa antok at sa komportableng pakiramdam na ginagawa niya sa buhok ko.

Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaan na tangayin ng antok habang nakadantay ang ulo ko sa binti niya.

Tingin ko pamilyar ang pakiramdam na 'to. Na para bang ilang beses ko na 'to ginagawa at ito ang paborito kong pwesto sa bahay na 'to, kung saan natutulog ako na nakadantay ang ulo ko sa binti ng isang babaeng hindi ko maalala.

*✧♡*♡✧*

"Darrel anak?"

"Darrel, gising anak. Malalamigan ang likod mo pag natulog ka sa sahig," rinig kong sabi ng isang boses at sumunod dito ang pag-alog sa balikat ko kaya naalimpungatan ako at nagising.

Agad na bumungad sa akin si Mama, mukha siyang alalang-alala kaya napabangon ako at kinusot ang aking mga mata.

"Gabi na anak, kanina pa ko chat nang chat sa 'yo pero hindi ka sumasagot kaya pinuntahan na kita," sagot niya at bumangon naman ako saka nilibot ang paningin ko para hanapin si Kristal.

"Si Kristal?" Tanong ko at lalong kumunot ang noo ni Mama sa harapan ko. Halatang nagulat siya at hindi alam kung ano ang sinasabi ko.

Doon ko lang na pagtanto kung ano ang lumabas sa bibig ko, mukhang inaantok pa ata ako kaya hindi ko agad naisip ang bagay na 'yun. Baka magtaka si Mama kung sino si Kristal at isipin pang nababaliw na talaga ako.

"Ah, inaantok pa ata ako Ma," sagot ko sa kaniya at tumayo naman siya sa pagkakaluhod saka kinuha ang mga tinupi kong damit na para bang walang narinig.

"Bumangon ka na r'yan, dito kami kakain lahat at uuwi ang dalawa mong kapatid," sagot niya at tumango naman ako saka siya tinulungan sa pagbubuhat.

Habang nasa kwarto ay patuloy kong hinahanap si Kristal, pero hindi ko siya mahanap sa buong kwarto. Saan na naman kaya nagpunta ang isang 'yun?

Sa paghahanap ko, hindi ko na pansin na tahimik lang si Mama habang inaayos ang mga damit ko sa loob ng cabinet. Halata ang malungkot na ekspresyon sa mukha niya pero wala naman akong lakas ng loob para tanungin siya.

"Ayos ka lang ba talaga nak? Wala ka namang problema o nararamdaman sa katawan mo?" Tanong niya at umiling naman ako.

"Wala naman na po, ayos na rin po 'yung mga sugat ko sa likod," paliwanag ko sa kaniya at tumingin siya sa akin at lumapit.

Matanda na siya, dahil sa katandaan ay nakaumbok na ng kaunti ang kaniyang likod na dahilan bakit siya lumiit at nakatingala ngayon sa akin.

"Anak, patawarin mo ko kung hindi kita nasasamahan sa bahay na 'to," tugon niya at bigla akong niyakap.

Ramdam kong kumapit siya sa aking damit sa likuran ko, unti-unti ring tumataas-baba ang dalawa niyang balikat na para bang nagpipigil ng iyak.

"Patawarin mo ang nanay mo anak, nag kulang ako sa 'yo kaya 'to nangyari sa 'yo ngayon," dagdag niya.

Ramdam kong nasasaktan siya ngayon, hindi ko alam kung tatapikin ko ba ang balikat niya o yayakapin din siya.

Sa totoo lang, sa kaniya ako pinaka naiilang. Hindi ko siya ganong ka-close at masyado siyang istrikto pagdating sa pagbibigay ng impormasyon sa nakaraan ko hindi katulad nila Dillan at Dexter pati ni Papa.

Pero alam ko na siya ang pinaka nasasaktan sa nangyari sa akin. Alam ko na siya 'yung mas nakakaramdam ng sakit na dinadanas ko ngayon.

"Ma, wag mong sisihin ang sarili mo. Aksidente ang lahat ng nangyari sa akin at kung hindi niyo man ako maalagaan ngayon ay ayos lang, alam ko naman na nagtatrabaho kayo para rin sa amin," sagot ko at sa katotohanan niyan ay nakukunsensya pa nga ako.

Dahil naturingan akong pangay at anak niya pero hanggang ngayon ay pakiramdam ko pabigat ako sa kanila.

"Maliit na bagay lang ang ginagawa ko, dahil ina niyo ako at gampanin ko na alagaan kayo. Kaya kung nagkukulang man ako sa 'yo anak, sana huwag kang magtampo sa akin lalo na kung nagiging mahigpit ako sa 'yo. Gusto ko na sabihin mo sa 'kin lahat ng problema mo at tutulungan kita anak," sagot niya sa akin at tinignan ako sa mata.

Halatang may pangamba sa mukha niya. Siguro may gumugulo rin sa isip niya, o baka naman iniisip niya na nahihibang na ako? Dahil kahit hindi nila sabihin, alam kong sinabi ng doktor ko sa kanila ang mga kinuwento ko tungkol kay Kristal at sa multong nakikita ko sa bahay na 'to.

"Huwag po kayo mag-alala, ayos lang po ako," sagot ko sa kaniya at ngumiti na lang sa harapan niya saka siya niyakap nang mahigpit.

Alam kong nagulat siya sa tugon ko, pero alam kong kahit papano ay na kampante siya sa sagot ko.

"Ma! Kuya Darrel! Andito na kami!" Malakas na sigaw ni Dexter sa baba kaya nagulat kaming dalawa ni Mama at nagkatinginan sabay tawa.

"Napaka ingay talaga ng bunganga ng kapatid mong 'yan," sagot ni Mama habang pinupunasan ang mga luha niya at napangiti na lang ako.

"Paminsan-minsan masaya rin pong may maingay sa bahay," sagot ko at napangiti na lang siya saka ako inaya pababa para kumain kasama nila.

Pero bago namin lisanin ang silid, muli akong sumulyap sa buong paligid at nagtataka kung saan na naman pumunta si Kristal.

Wala na naman siyang paalam na umalis sa tabi ko. Hindi tuloy ako mapakali sa hindi ko malaman na dahilan.

TO BE CONTINUED