Chereads / Kiss The Wind / Chapter 4 - CHAPTER 3

Chapter 4 - CHAPTER 3

DARREL

*✧♡*♡✧*

Sabay kaming kumain ni Dillan ng umagahan, mainit na sabaw ang pinagsaluhan namin sa malamig at umuulan na panahon ngayon.

Tahimik lang akong nakaupo sa harap ng mesa habang kumakain at nagpapatuyo ng damit ko. Samantala, siya naman ay panay ang pindot sa phone niya habang humihigop ng mainit na sabaw.

"So kuya, anong nangyari?" Pagputol niya sa katahimik na namamagitan sa naming dalawa kaya napaangat ako ng ulo sa sabay tingin sa paligid para makita kung andito ba ang multong babae na 'yung ngayon.

Baka kasi mamaya ay nagmamatiyag lang siya at nakikinig sa usapan namin dito sa loob ng bahay. Katulad na lang ng ginawa niya kahapon kaya niya nalaman ang pangalan at nangyari sa akin.

"May multo nga akong nakita," seryoso kong sagot sa kaniya pero tinawanan niya lang ako at halatang hindi naniniwala.

"Matagal ka nang nakatira sa bahay na 'to, tapos ngayon ka lang nakakita ng multo?" Tanong niya sa akin at hindi ko naman alam na nakatira na pala ako sa bahay na 'to noon pa.

"Matagal na ko rito? Ano 'to bili ko mag-isa?" Tanong ko sa kaniya dahil wala naman akong alam tungkol sa sarili ko o kung maganda ba ang trabaho na mayroon ako para makabili ng sarili kong bahay sa edad na 'to.

"Hindi naman, siguro mag iisang taon pa lang at oo, nabili mo 'to ng sarili mong pera kasi maganda naman ang trabaho mo at malaki ang sahod mo," sagot niya kaya lalo akong na curious kung ano ba ang trabaho ko noon.

"Ano bang trabaho ko?" Usisa ko sa kaniya habang humihigop siya ng mainit na sabaw.

"Programmer, alam ko TL ka na sa company niyo kaya malaki talaga sahod mo, kaso simula nga nung maaksidente ka sa sasakyan ay hindi ka na nakapasok sa work mo. Bali isang buwan na rin siguro," sagot niya sa akin at sa pagkaka-alam ko rin ay mahigit tatlong linggo akong na coma sa hospital at nung magising nga ako wala na kong maalala.

"Oh kuya, gamitin mo pag may kailangan ka," sagot niya sabay abot sa akin ng cellphone na kanina niya pa hawak.

"Akin ba 'to?" Tanong ko sabay kuha naman at tingin dito.

"Hindi, akin 'yan. 'Yung lumang cellphone mo kasi na kay Dexter at nakalimutan niya pa atang kunin sa pagawaan, nasira kasi 'yung screen nung na aksidente ka," sagot niya at tumango naman ako.

Kung cellphone ko 'to, balak ko sana maghanap ng iba pang impormasyon tungkol sa akin o kahit mga picture man lang ng mga kaibigan at iba pang taong kakilala ko noon. Kaso mukhang malabo, lahat ng gamit at bagay na maaaring sumagot sa katanungan ko ay wala ako.

"Hindi mo na 'to kailangan?" Tanong ko kay Dillan at tumango naman siya sabay subo ng pagkain niya.

"Hindi na kuya kaya gamitin mo 'yan pag may kailangan ka ah, lalo na kapag kailangan mo sila Mama. I-chat mo lang sila para makapunta sila dito sa bahay," dagdag niya at tumango naman ako.

Pansin ko na busy silang lahat, siguro pare-pareho silang may trabaho kaya hindi rin nila ako maalagaan o masamahan sa bahay na 'to.

"Akin na ang plato mo at ako na maghuhugas kuya, mauna na rin ako at may pasok pa ko mamayang tanghali kaya si ate Nhing muna ang bahala sa 'yo ah," sagot niya at kinuha ang plato ko na walang laman at tumango naman ako sa kaniya.

Tinulungan ko siya magligpit at maghugas ng plato at bago siya umalis ng bahay ay muli siyang tumingin sa akin sabay tanong, "wala na ba 'yung multo kuya?" ngumiti siya sa harap ko kaya muli akong nakaramdam ng takot nung bumalik sa alaala ko 'yung encounter ko sa multo na 'yun.

"Pinaalala mo pa sa 'kin," sagot ko sabay lingat at hanap sa paligid ko kung andito na naman ba 'yung multo pero wala naman akong nakita kaya napapaisip din tuloy ako sa sarili ko kung imagination lang ba 'yung nangyari kanina.

"Hahaha, wag ka tatakbo ulit sa ulanan ng walang tyinelas saka payong, patay ako kay Mama pag nagkasakit ka," sagot niya kaya tumango na lang ako at kumaway na sa kaniya.

"Sige una na ko kuya, maligo ka na at mainit na 'yung tubig sa banyo," pahabol niya at tumango na lang ako habang pinagmamasdan siyang maglakad palabas ng bakuran.

Nang tuluyan siyang makaalis ay kabado naman akong tumingin sa buong bahay, bukas naman 'yung mga ilaw at mukhang hindi naman nakakatakot 'yung bahay kaso 'yung panahon at malakas na pagkulong sa labas 'yung nakakadagdag sa takot ko ngayon.

Pero nakakapagtaka, hindi ko nga siya nakita nung andito si Dillan. Hindi siya lumabas sa paningin ko, kaya para tuloy imagination ko lang ang lahat ng nangyari sa 'kin.

"Baka nga imagination ko lang siya? Ano 'yun kinakausap ko lang sarili ko kanina?" Tanong ko pero alam kong hindi imagination 'yun, pinipilit ko lang din ang utak ko na isiping imahinasyon ko lang ang multong 'yun para hindi ako matakot sa malaking bahay na 'to ng mag-isa.

Napalunok ako habang nakatingin sa hagdan, sinilip ko muna ang second floor at tinignan kung andoon 'yung multo pero ilang minuto ang lumipas, wala naman akong nakita. Binuksan ko na lang lahat ng ilaw sa sala at kusina saka ako umakyat sa second floor ng bahay, pumasok ako sa kwarto ko at binuksan din ang ilaw sa loob nito para hindi ako matakot.

Kumuha ako ng panibagong damit at nilapag 'to sa ibabaw ng kama, hinila 'yung tuwalya at pumasok na sa loob ng banyo na nasa loob ng kwarto ko. Pagpasok ko roon ay hindi ko siya nakita sa bawat sulok ng banyo kaya nakahinga ako nang maluwag, sinampay ko ang tuwalya sa sabitan at tumingin sa salamin.

Napatigil ako nang malinaw kong nakita ang repleksyon ko sa salamin, may kahabaan ang itim kong buhok, matangos na ilong, makapal na kilay at mahabang mga pilik mata. May katangkaran din ako at hindi naman ganoong kalakihan ang pangangatawan ko. Pero ang tumawag ng pansin ko ay ang mga peklat at ilang marka ng tahi sa braso at balikat ko. May mahaba rin akong pilat sa likod at binti na paniguradong nakuha ko sa aksidenteng 'yun.

Pero bakit ganun? Kahit anong titig at tingin ko sa sarili ko, wala kong matandaan kahit kakaunting bahay tungkol sa akin. Kahit sinabihan ako ng doctor na pwedeng bumalik ang mga alaala ko nang paunti-unti ay wala pa rin akong matandaan hanggang ngayon.

"Hays, wag ka mamadali Darrel. Babalik ka rin sa normal na buhay mo," iyon na lang ang naibulong ko sa sarili ko sabay kamot ng ulo at pasok sa loob ng shower area. Binuksan ko 'to at sakto lang ang temperatura ng tubig na binubuga nito, inabot ko ang sabon at kinuskos ang buong katawan ko saka ko kinuha ang shampoo at mukhang naparami ang lagay ko sa ulo dahil sa dami ng bula na nagagawa nito.

"Aray," reklamo ko dahil hindi ko na maibukas ang mga mata ko dahil sa sabon na humaharang sa mukha ko. "Awww! Ang sakit!" Reklamo ko at panay ang kapa sa gripo para mabuksan ang tubig sa shower kaso hindi ko alam kung na saan na 'to.

Pero laking gulat ko nang biglang bumukas ang shower nang mag-isa at naalis ng tubig ang mga bula sa mukha ko. Kaso imbes na makahinga ako nang maluwag dahil nawala na 'yung sakit sa mga mata ko, lalo akong natakot ibukas ang mga 'to dahil sa ideya na baka bigla siyang sumulpot sa paningin ko.

"Ano pa kailangan mo? Gusto mo bang kuskosin ko ang likuran mo?" Tanong niya mula sa likuran ko kaya agad na umakyat ang kilabot sa buong katawan ko.

"Aaaaaah!!!" Malakas akong napahiyaw at tinakpak ang butiti ko, hindi ko alam saan tatakbo kaya napaupo na lang ako sa sulok ng banyo habang tinatakpan ang katawan ko.

"Ay ang OA, para namang virgin pa," sagot niya at tinakpan ko na lang ang mga tenga ko.

"Ayoko, ayokong marinig!" Bulong ko sa sarili ko at malakas lang siyang tumawa na kinaangat ng ulo ko.

"Tuwalya gusto mo?" Tanong niya at nakita ko kung pano niya palutangin 'yung tuwalya sa ere. Napayuko ako, lalo akong natakot sa kaniya.

"Magkakasakit ka niyan Darrel, dalian mo at magbanlaw ka na. Sige na aalis na ko promise," sagot niya pero hindi ko pa rin inangat ang ulo ko hanggang sa tumahimik na ang loob ng banyo at hindi ko na naririnig ang boses niya.

Unti-unti kong inangat ang ulo ko at nakitang wala na nga siya sa harapan ko kaya naman mabilis akong nagbanlaw at binalot ang sarili ko ng tuwalya.

Nang makatapos ay marahan kong sinilip ang labas ng banyo at nakitang wala siya sa loob ng kwarto ko, kumaripas ako ng takbo at sinuot ang mga damit ko saka kinuha ang cellphone na bigay ni Dillan sa akin kanina.

"Pano makapagpaalis ng multo sa bahay?" bulong ko habang nag se-search sa internet ng mga paraan para palayasin ang multo sa loob ng bahay na 'to.

Agad lumabas ang sang katutak na result at agad kong pinindot ang kauna-unahan dito. Sobrang daming paraan na ibinigay sa akin ng internet pero halos lahat doon ay may kailangan bagay katulad na lang ng holy water, bible o talisman.

Ang meron lang ako sa listahan ay asin, kaya kumaripas ako ng takbo pababa ng hagdan at dali-daling hinanap sa kusina ang asin.

"Asin-asin na saan ka na ba?" Bulong ko habang hinahanap sa bawat drawer ang asin.

*eeeerrrkkkk*

Napalunok ako, marahan na lumingon sa tunog ng pagbukas ng isang tokador sa taas ng lutuan.

Nakakapagtaka na kahit walang ano mang hangin sa loob ng bahay ay kusang bumukas iyon at bigla na lang nahulog 'yung bag ng asin mula roon.

"Ito ba 'yung hinahanap mo?" Tanong niya kaya lalo akong nanlambot, pakiramdam ko nawawalan na ko ng pag-asa na magiging tahimik ang buhay ko pagtapos kong lumabas sa hospital.

Nangangatog ang mga tuhod ko, hindi ko magawang tumayo sa pagkakaluhod ko sa harap ng mga drawer sa kusina. Hindi ko rin naman maalis 'yung tingin ko sa kaniya lalo na sa lumulutang niyang paa.

"Ano ba? Hindi pa rin nawawala 'yung takot mo? Hindi naman ako masamang ispiritu no! May ganito ba kagandang bad spirit?" Reklamo niya at mukhang nauubos na rin ang pasensya niya sa 'kin.

"Alam kong gusto mo kong mawala sa bahay na 'to at maniwala ka man sa hindi, gusto ko na rin maka-alis sa mundo kaya imbes na matakot ka sa 'kin, tulungan mo na lang ako makapunta ng after life!" Sermon niya sa akin at halatang pikon na pikon na sa pagiging duwag ko.

"Magtulungan tayo Darrel, ikaw lang ang taong nakakakita sa akin please," dagdag niya kaya napatingin ako sa kaniya nang diretsyo.

Nakita ko kung gano kalungkot 'yung mukha niya at mukhang totoo naman ang mga sinabi niya sa akin ngaayon.

"Hi-hindi ka sa-sanib sa akin?" Tanong ko dahil baka mamaya niloloko niya lang ako sa mga pinagsasabi niya.

"Hindi nga ko evil spirit, isa akong poltergeist spirit. Hindi ako makaalis sa lugar na 'to sa hindi ko matandaan na dahilan. Baka siguro dito ako namatay o baka may importanteng bagay ako na hindi ko nagawa nung namatay ako na andito sa bahay na 'to kaya hindi ako makaalis at makapunta sa after life," paliwanag niya pero ni isa roon walang pumasok sa utak ko.

"Hay naku! Ano ba 'to, akala ko pa naman matatahimik na ang kaluluwa ko kasi sawakas may nakakakita na sa akin kaso duwag naman, tsk." Aba, para namang kasalanan kong namatay siya?

"A-ano bang ga-gawin ko?" Nauutal kong tanong at nakita ko ang pagtaas ng dalawang dulo ng labi niya sabay harap sa akin.

"Simple lang naman, tulungan mo lang akong maalala 'yung buhay ko bago ako mamatay para malaman ko kung ano ang regrets ko nung nabubuhay ako," sagot niya at napalunok naman ako.

"Alam mo naman siguro na hinahanap ko rin 'yung memorya ko hindi ba?" Tanong ko sa kaniya at pilit na kinakalma ang sarili ko.

"Iyon na nga ang point eh, tara sabay na 'ting hanapin. Tutulungan kita at tutulungan mo rin ako," sagot niya habang ngiting-ngiti sa harapan ko.

"Pero..." Nagdadalawang isip pa rin ako, pano ako mag a-adjust sa buhay ko ng wala akong memorya tapos dadagdag pa ang isang 'to?

Kakayanin ko bang tumira sa iisang bahay ng may kasamang multo araw-araw?

"Wala ng pero-pero! Gawin na natin ang deal na 'to at promise hindi na ko papasok sa banyo pag naliligo ka hehe!" Para namang mapipigilan ko siya kung tumatagos siya sa pader.

Ano ba naman buhay 'to! Anong gagawin ko! Ni hindi ko nga kilala sarili ko tapos dadagdag pa 'to!

TO BE CONTINUED