Chereads / Kiss The Wind / Chapter 3 - CHAPTER 2

Chapter 3 - CHAPTER 2

DARREL

*✧♡*♡✧*

Malakas na ulan ang gumising sa 'kin ngayon umaga, sobrang lakas ng hampas ng hangin sa beranda dahil galing 'to sa dagat.

Agad kong minulat ang mga mata ko sabay bangon. Kabado na baka may multo sa harapan ko pero wala naman akong nakitang kakaiba sa kwarto.

"Panaginip lang siguro 'yun kagabi," bulong ko sabay kamot sa ulo at bangon na sa higaan. Naghikab ako sabay kamot sa pwetan ko habang naglalakad papunta sa beranda para isarado ang malaking bintana.

Pero bago ako tuluyan makalapit sa bukas na bintana ay napansin ako ang puting kurina na tinatangay ng hangin. Madilim ang buong paligid at sobrang lakas ng hangin sa labas, pero hindi 'yun dahilan para makabuo ng isang hulmang katawan sa aking harapan.

Napalunok ako.

May babaeng nakatayo sa bintana habang nakasuot ng puting bistida, may itim siyang buhok na hanggang balikat at maputlang balat.

Natatakpan siya ng mahabang puting kurina na nililipad ng hangin mula sa labas kasabay ng pagtangay ng iilang hibla ng buhok niyang itim.

Napalunok ako, kinusot ko ang mga mata ko dahil baka na aalimpungatan lang ako pero ilang beses kong pinikit at binuksan ang mga 'to, ngunit andoon pa rin siya nakatayo.

"Sh*t," bulalas ko sa takot at mukhang narinig niya ko kaya bahagya siyang napalingon.

Sobrang lakas na ng tibok ng puso ko, para akong nasa loob ng horror movie kung saan makikita ko ang duguang mukha ng multo sa bahay na 'to.

Kahit kabado ay nagawa kong ihakbang ang mga paa ko paurong papunta sa pinto. Dahan-dahan habang hindi ko inaalis ang mga mata ko sa kaniya, pero bigla siyang binalot ng makapal na kurtina at nawala sa paningin ko.

"Ma-ma..." nangangatog kong tawag sa nanay ko kahit hindi ko siya kilala.

"Good morning Darrel!"

"Aaaaaah!!!" Sigaw ko nang maramdaman ko ang malamig na hangin sa leeg ko at marinig ang boses niya sa tabi ng tainga ko.

"Mama!!!" Mabilis akong tumakbo palabas ng kwarto pababa ng hagdan. Sa sobrang takot ko, kahit madilim ang daan ay matulin akong nakapunta sa kusina at binuksan lahat ng ilaw sa buong first floor ng bahay.

Agad kong hinawakan ang unang bagay na nadampot ng kamay ko bilang proteksyon.

"Anong gagawin mo sa remote control? Ibabato mo sa 'kin? Hahahah!" Rinig kong tawa niya mula sa taas ng hagdan kaya naghanda na kong ibato sa kaniya ang hawak kong remote.

Teka Darrel, masasaktan mo ba ang multo gamit ang remote?

"Sino ka! Anong ginagawa mo sa bahay na 'to!?" Tanong ko sa kaniya habang naririnig ko ang malalakas na kulog mula sa labas.

"Hehehe," tawa niya na nagbigay kilabot sa buong sistema ko at unti-unti kong nakita ang mga paa niya pababa ng hagdan.

Sobrang putla ng mga 'to at makikita mong transparent ang imahe niya dahil kitang-kita ko ang kulay ng hagdan na tinatapakan niya.

Napalunok ako, mahigpit na hinawakan ang remote nung hanggang tuhod na ang nakikita ko sa pagbaba niya.

"Ikaw, anong ginagawa mo rito?" Tanong niya nung tuluyan siyang makababa at nakita ko ang mukha niya.

Tumingin siya sa akin at nagtama ang mga tingin naming dalawa. Sandali akong napatigil at pakiramdam ko nakalimutan kong huminga.

"Hahaha, bakit akala mo duguan ako? O kaya kulang ako ng isang mata?" Tanong niya na nagbalik sa akin sa ulirat at na pagtantong tama siya— hindi ko inaasahan na ganito pala kaganda ang isang multo.

"Oh hep hep! Bawal ma-inlove," biro niya na nagpakunot lalo sa noo ko. May multo bang mapang-asar?

Parang umurong ang dila ko sa pagkabigla, sa tanang buhay ko hindi ko inaasahan na may makakausap akong multo. Ni hindi pumasok sa kokote ko na mangyayari ang bagay na 'to.

"Alam kong maganda ako pero multo na ko kaya bawal kang ma-inlove sa 'kin, okay?" Dagdag niya pa at napanganga na lang ako. Hindi ko alam kung ibabato ko ba 'tong remote sa kaniya o tatakbo palabas ng bahay papunta sa pamilya ko.

Marahan siyang lumapit sa akin at nakita ko na para siyang lumulutang sa hangin, nakalagay ang dalawa niyang kamay sa likuran niya at nakangiting lumapit sa harapan ko.

Inikutan niya ko, parang inaaral buong katawan at istura ko, habang ako naman ay hindi mapakali at hindi makagalaw sa kinatatayuan ko.

"Anong nangyari sa 'yo? Narinig ko mula sa pamilya mo na nawalan ka raw ng memorya, totoo ba 'yun?" Tanong niya sa akin at kumunot naman ang noo ko.

"Ka-kahapon ka pa andito? Di-dito ka ba nakatira?" Kabado kong tanong dahil kung narinig niya ang usapan namin kahapon ay paniguradong andito na siya— o baka naman mas nauna pa siyang nakatira rito kesa sa akin.

"Hindi ko alam, katulad mo wala rin akong memorya sa sarili ko," sagot niya na kinabigla ko.

Nakita kong marahang nawala ang saya sa mga mata niya kaya kahit nakangiti ang mga labi niya ay halatang hindi 'to totoong masaya.

Hindi ko na mamalayan na unti-unti na rin palang nawawala ang tensyon sa mga kamay ko, huminahon na at binitawan ang remote na hawak ko.

"Pareho lang tayo hehe," sabi niya at nakita ko siyang ngumiti sa harap ko.

Umiling ako, hindi ko alam bakit nakakaramdam ako ng awa sa babaeng 'to kahit na sobrang laking kahibangan na kinakausap ko ang isang multo na katulad niya.

"Multo ka ba talaga?" Iyon na lang ang natanong ko dahil hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na nakikipag-usap ako sa multo.

Iniisip ko na baka nahihibang lang ako, o hindi kaya malakas na naumpog ang ulo ko noong na aksidente ako kaya ako nakakakita ng kung anu-anong bagay na hindi ko naman dapat nakikita.

"Oo nga, gusto mo hawakan mo pa ang kamay ko?" Tanong niya sa akin at napalunok ako sa kaba.

Papatulan ko ba ang sinasabi niya? Pano kung mapatunayan kong multo siya? Mapapaalis ko ba siya sa bahay na 'to?

Pero pano kung magalit siya at saniban ako o hindi kaya saktan ako? Hindi ba't ganoon ang mga multo?

Nakakatawa na naalala ko ang parteng iyon tungkol sa mga multo, pero tungkol sa sarili ko hindi.

"Huy Darrel, hawakan mo kamay ko!" Pagmamaktol niya at inilahad pa ang kamay niya sa harapan ko.

"Oo na naniniwala na kong multo ka," sagot ko na lang dahil ayokong hawakan ang kamay niya na sobrang putla na para bang tatagos ang kamay ko paghinawakan ko 'to.

"Hawakan mo lang, hindi mo rin naman ako mararamdaman eh. Gusto ko lang may humawak sa kamay ko," sagot niya at ramdam ko ang lungkot sa boses niyang 'yun.

Matagal na ba siyang mag isa sa lugar na 'to? Ilang taon na ba siya patay at ilang taon na rin siyang nakatira sa bahay na 'to mag-isa.

Para akong baliw, nung maisip ko na nakatira siya mag isa rito ay naawa ako sa kaniya. Para namang kailangan kong maawa sa isang multo na matagal ng patay.

"Pag hinawakan mo 'yung kamay ko sasabihin ko sa 'yo pano mo ko mapapalis sa bahay mo," sagot niya na nakatawag ng atensyon ko.

"Pwede kang umalis sa bahay na 'to?" Tanong ko sa kaniya at tumango naman siya.

"Oo, kailangan ko lang malaman ang totoong pagkatao ko tapos pwede na kong makapagpahinga. Sabi nga nila makakapunta lang daw ang mga multo sa afterlife pag wala na silang regrets nung nabubuhay pa sila," paliwanag niya na medyo kinatawa ko.

Bakit ko pa kailangan hawakan ang kamay mo kung pinaliwanag mo na sa akin? Sira ba ang ulo ng isang 'to?

Pero ang tanong, maniniwlaa ba talaga ako sa kaniya? O baka nahihibang lang ako at kinakusap ang sarili ko?

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako makapaniwala na may kausap akong multo, nanginginig pa rin ang mga kamay ko sa takot at kabado na gusto nang tumakbo palabas ng bahay na 'to.

Pero aminado ako na unti-unting gumagaan ang pakiramdam ko sa kakulitan at kadaldalan niya. Parang nakikipag-usap lang ako sa normal na tao kaso nga lang transparent ang katawan niya.

"Dali na, hawakan mo na ang kamay ko!" Utos niya na kinatakot ko, napalunok ako at tinitigan ang maputi niyang kamay sa harapan ko. Marahan kong inangat ang kanang kamay ko para abutin ang kaniya, dahan-dahan hanggang sa unting pagitan na lang ang mayroon kami sa isa't isa.

Malalim akong huminga, hindi maitatangi na nanginginig ako sa takot ngayon habang nakatingin sa nalalapit naming paghahawak kamay.

Darrel, isipin mo maige ang desisyon mo sa buhay. Kakagaling mo lang sa hospital at wala ka na ngang memorya tapos baka saniban ka pa ng multong 'to.

Pero anong gagawin ko? Wala naman akong ibang pagpipilian kung hindi sundin ang gusto niya.

Napalunok ako, mariin na pinikit ang mga mata ko sabay wasiwas ng kamay ko sa harapan niya saka binirahan ng takbo palabas ng bahay. "Ahhhh!! Multo!!" Hiyaw ko at hindi ko na inisip anong iisipin sa 'kin ng kung sino man ang makakita sa pinaggagawa ko.

Isang twenty-seven years old na lalaki, walang memorya, matangkad at nababaliw ang mabilis na tumakbo palabas ng pintuan ng kaniyang bahay. Panigurado ganiyan ang iisipin nila pero wala na iyon sa akin dahil mas importante sa akin ngayon ang maka-alis sa sitwasyon na 'yun.

"Kuya Darrel? Anong ginagawa mo? Bakit ka tumatakbo sa ulanan?" Gulat na gulat si Dillan nang makita niya ako palabas ng gate at makasalubong habang may hawak na lalagyan ng ulam sa kamay niya.

"Dillan! Ma-may multo! May ba-babaeng multo sa bahay!" Nararatanta ako, hindi ko alam kung na iintindihan niya ba ang mga pinagsasabi ko ngayon sa harap niya. Mahigpit akong humawak sa braso niya at nagtago sa likuran niya na parang bata.

Hindi ko na alam kung sino ang matanda sa 'ming dalawa ngayon dahil sa pinag gagawa ko pero bakit ba?! Natatakot ako eh. Isang bagay na natutunan ko sa sarili ko ngayon ay matatakutin ako at duwag pagdating sa mga ganitong bagay.

"Kuya, ano bang pinagsasabi mo? Basang-basa ka sa ulan, ni wala ka pang tsinelas," sagot sa akin ni Dillan at pinakalma ako, "sabihin mo sa akin ng dahan-dahan kung ano ang nangyari," utos niya kaya tumango ako sabay turo sa bahay at doon nakita ko siyang nakatayo sa pinto.

"Ahh!! Dillan! Iyon oh! Nakatayo siya sa pinto! Isang babaeng nakasuot ng bistidang puti, itim ang buhok na hanggang balikat!" Hiyaw ko habang tinuturo ang multo na nakatayo sa pintuan ng bahay ko, samantalang 'yung babaeng multo ay nakahalukipkip sa harapan naming dalawa.

"Kuya," mahinang tawag sa akin ni Dillan na kinalingon ko.

Nagtaka ako sa reaksyon na binibigay niya sa akin ngayon, imbes na matakot o magulat siya, parang mas nangingibabaw ang lungkot sa mukha niya na pinagtaka ko.

"Babae kamo?" Tanong niya at tumango ako, malalim siyang nagbuntong hininga at ngumiti lang sa harapan ko na lalo kong pinagtaka.

"Kuya, ikaw lang ang nakatira sa bahay na 'yan. Baka kulang ka lang sa tulog o hindi naman kaya ay gutom ka na kasi tanghali na rin eh. Tara sa loob sasamahan kita at papakita ko sa 'yo na walang multo sa bahay na 'to," pag-aaya niya sa akin at naglakad na papasok ng gate.

Naiwan ako roon na nagtataka, tumingin ako sa pinto ng bahay para tignan kung andoon pa rin 'yung multo kanina pero wala na 'to ngayon.

"Kuya, tara na! Mababasa ka pa ng ulan d'yan at baka lumamig ang dala kong ulam," muling tawag sa akin ni Dillan kaya wala na kong nagawa kung hindi ihakbang ang mga paa ko papasok ulit sa bahay na 'to.

Napalunok ako sa kaba, palingat-lingat sa ano mang direksyon dahil baka nasa tabi ko na naman ang multong 'yun.

"Sandali at ihahanda ko 'yung water heater sa banyo mo, magpatuyo ka muna r'yan saka natin pag-usapan ang mga nakikita mo," utos niya sa akin at para bang ako itong bunso niyang kapatid kung alagaan niya ako.

Kabado lang akong umupo sa harap ng lamesa, tinitignan ang buong paligid kung na saan siya.

"Mayroon talagag multo Dillan, mag-iingat ka baka nasa taas siya ngayon!" Paalala ko sa kaniya dahil nasa kwarto siya ngayon at naghahanap ng tuwalya.

"Hahahaha, wala naman akong nakita kuya. baka imagination mo lang 'yun dahil madilim ngayon at umuulan," sagot niya sabay abot sa akin ng tuwalya at umiling naman ako.

"Hindi, gusto niya pa nga makipagkamay eh, kagabi pa siya nagpapakita sa akin at feeling ko nga nahimatay ako sa takot kagabi," paliwanag ko sa kaniya at nakita ko siyang nagpipigil ng tawa.

"Hahaha, seryoso kuya? Nawalan ka lang talaga ng memorya pero ikaw pa rin 'yan, matatakutin hahaha," biro niya pero hindi ako nagloloko o nagbibiro sa mga oras 'to.

Napayuko na lang ako at tumingin sa dalawang kamay kong nakapatong sa mga binti ko. Tototo naman 'yung mga nakita ko hindi ba? Hindi naman ako nahihibang lang o nag i-imagine lang 'di ba?

Totoong may multo, alam kong totoo 'yung nakita ko at papatunayan ko 'yun sa kanila.

TO BE CONTINUED