DARREL
*✧♡*♡✧*
"Ayon sa mga results na dumating ngayon, wala namang abnormalities na nakita sa katawan o ulo ng pasyente. Maaring bantayan at gawin na lang natin ang mga hakbang na sinabi ko sa inyo nitong umaga, tawagan niyo ko kung may tanong kayo at bumalik para sa follow up check ups niya."
Inikot ko ang paningin ko sa buong lugar, andito na naman ako sa loob ng kwartong 'to. Halos isang linggo na rin siguro ako nasa loob ng hospital at sabi nila ngayong araw daw ang labas ko.
"Maraming salamat Doc. Babantayan ko po ang behavior niya at sasabihin sa inyo ang resulta," tugon ng isang babae na may katandaan na. Kasama niya ulit ang kaniyang asawa at pabalik-balik sa loob ng kwarto ko para alagaan ako.
"Walang anuman po, mauna na ako sa inyo." Tumango silang dalawa ng kaniyang asawa at nakita ko namang kumaway ang doctor sa akin bago lumabas ng kwarto.
Nilingat ko na lang ang ulo ko at tumingin sa labas ng bintana. Tag-ulan na pala ngayon, makulimlim ang langit sa labas at mukhang nagbabadya na ang pagbuhos ng ulan.
"Darrel, anak? May gusto ka bang kainin bago tayo lumabas sa hospital?" Tanong ng matandang babae at tumingin ako sa kaniya. Umiling lang ako at muling bumalik ng tingin sa bintana.
"Niluto ng mama mo ang paborito mong ulam anak, kumain ka muna para may lakas ka sa byahe natin mamaya," saad naman nung lalaki pero hindi ako umimik.
Ano ba ang paborito kong ulam? Sarili ko nga hindi ko matandaan, paborito ko pa kayang pagkain?
Ang hirap mabuhay sa araw-araw ng wala kang kilala, wala kang kahit anong alam sa sarili mo o sa mga taong nasa paligid mo.
Para kang isang blankong papel na walang kahit anong bagay na nakasulat dito.
"Denise, hayaan mo na muna ang anak mo, hindi makakabuti kung pipilitin natin siya ngayon," rinig kong tugon ng babae sa kaniyang asawa kaya tumahimik na silang dalawa at narinig kong lumayo na sila sa higaan ko para mag-ayos ng mga damit at gamit na dala namin sa hospital.
Hindi ko gustong saktan sila, hindi ko gustong mabastos o hindi sila pansinin. Dahil kung totoong mga magulang ko sila ay paniguradong nasasaktan ko na sila ngayon dahil sa ginagawa ko.
Pero hindi ko alam pano mag-uumpisa, matapos kong magising sa coma at mawalan ng memorya dahil sa isang aksidente.
Hindi ko alam kung sino ako, hindi ko kilala ang mga taong sumalubong sa unang pagdilat ng mga mata ko o kung ano ba ang koneksyon ko sa kanila.
Wala akong matandaan, wala akong maalala ni isang bagay tungkol sa akin.
Pangalan, kaarawan, kung ilang taon na ba ako o kung saan ako nakatira. Hindi ko alam kung maayos ba ang buhay ko noon, kung may pangarap ba ko o sariling pamilya.
Wala akong matandaan, at tuwing ipapaalala sa akin ng mga tao sa paligid ko ang nakaraan ko. Nakakaramdam ako ng matinding sakit sa ulo na para bang mabibiyak 'to at mahahati sa gitna.
Sobrang hirap, ni hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko bago ang aksidente o bakit nangyari sa 'kin ang bagay na 'to.
Wala akong mabalikan na alaala para masabi kong nabuhay ako sa mundong 'to.
"Anak, dumating na ang kapatid mo. Kailangan na natin maghanda sa pag-uwi," sabi sa akin ng matandang babae at tumango na lang ako saka niya ko inalalayan sa pagtayo ko at tinulungan din ako mag-ayos at bihis ng damit panlabas.
Nang matapos ayusin ang mga gamit at makapaghanda ay bumaba na kami sa parking lot. Hindi ko alam bakit na patigil ako sa paglalakad at nakaramdam ng takot nang makita ang sasakyan sa aking harapan. Bigla na lang na nginig ang mga kamay ko pero wala naman akong maisip na dahilan kung bakit ako nagkakaganito.
"Ma, mukhang hindi ayos si kuya na sumakay sa sasakyan," sabi ng isang lalaki na nagpapakilala bilang kapatid ko.
Nakita ko silang nagkatinginang tatlo at agad naman tumango ang matandang lalaki saka inilagay ang mga gamit sa loob ng kotse. "Mauna na kayo ng mama mo Dillan, mag ko-commute na lang kami ng kuya Darrel mo," saad nito at umiling naman ako dahil matanda na siya para alalayan pa ako sa pagbyahe.
"Hindi na po, ayos lang po ako." Iyon na lang ang nasagot ko at naramdaman ko ang mahigpit na hawak ng matandang babae sa kamay ko.
"Huwag mong pilitin ang sarili mo anak, sabihin mo sa amin kung hindi maganda ang pakiramdam mo," tugon niya at tumango na lang ako sabay pilit na ngumiti sa kanila.
"Ayos lang po ako," iyon na lang ang nasabi ko at sumakay sa loob ng sasakyan, pilit kong kinampante ang sarili ko habang nakaupo sa likod ng driver seat.
Nakita ko ang pagtingin sa akin ni Dillan mula sa rear mirror ng sasakyan at iniwas ko na lang ang tingin ko kaniya saka tumingin sa labas ng bintana.
Umupo sa tabi ko ang matandang babae at halatang-halata sa mukha niya ang pag-aalala sa kalagayan ko, habang katabi naman ni Dillian ang kaniyang ama o ayos lang ba na tawagin ko na rin sila bilang ama't ina ko? Hindi ko alam, tuwing susubukan ko kasi ay may kirot sa puso ko at hindi mapanatag.
Nagsimula na ang makina ng sasakyan, byumahe kami mula sa hospital papunta sa isang maliit na barangay. Papasok rito ay madadaanan mo ang isang zigzag na daan pababa ng bundok kung saan makikita ang dagat.
Ang ganda ng lugar, sobrang presko ng hangin at mukhang wala pa ganong nakatira sa lugar na ito kaya tahimik. Pilit ko na lang inilalayag ang isip ko sa magandang lugar na ito para hindi ko maramdaman ang takot ko habang nasa loob ng sasakyan.
Hanggang sa makarating kami sa isang simpleng bahay, bumaba silang tatlo sa loob ng sasakyan kaya bumaba na rin ako at tinignan ang paligid. Magkakalayo ang mga bahay sa lugar na ito na pinapalibutan ng mga pananim at sakahan.
"Tara pasok na nak, kumain muna tayo bago ka namin ihatid sa tutuluyan mo," pag-aaya sa akin nung matandang lalaki at nagtaka naman ako. Hindi ako titira sa bahay na 'to kasama nila?
"Pa, okay lang ba na iwan natin si kuya mag isa? Baka naman lalo siyang ma-trigger pag gan'un?" Napalingon ako sa kanilang dalawa at nahuli silang nagbubulungan.
"Sa loob na natin pag-usapan Dillan, tara na Darrel at kumain na ng tanghalian," sagot ng matanda at inaya na ko papasok sa simpleng bahay na mayroon sila.
Pagpasok ko sa loob nito ay inaasahan ko na may matatandaan ako tungkol sa sarili ko kahit maliit na detalye lang sa pagkatao ko, pero wala akong maalala.
Blangko, parang unang beses lang ako nakapunta sa lugar na 'to.
"Kuya Darrel! Welcome back!" Napapitlag ako nang may biglang bumati sa akin pababa ng hagdan, nakita ko siyang kumakaripas ng takbo papunta sa kinatatayuan ko sabay yakap sa akin.
"Dexter! Wag ka nga padalos-dalos, bawal ma-stress ang kuya mo!" Rinig naming sigaw mula sa kusina galing sa matandang babae at tatawa-tawa naman 'yung lalaki sa harap ko.
"Ako 'to si Dexter, kapatid mong bunso na cute, okay lang na hindi mo ko matandaan ngayon kuya. Wag ka ma-stress 'di kita minamadaling maalala ako haha," biro niya na nakapagpangiti sa akin.
Pansin ko naman sa pamilya na mayroon ako ay suportado nila ako at mukhang nagmamahalan talaga sila. Buo at simple lang, nagtutulungan at hindi iniiwan ang isa't isa.
Kumain kami at nagsalo-salo ng simpleng tanghalian, panay din ang kwentuhan nila at para bang nagbibigay sila ng kakaunting hint sa kung ano ako at kung anong klaseng anak at kapatid ako sa kanila.
Pero sa mga bagay na iyon, wala akong matandaan. Sa mga kwento na iyon, wala akong maalala na pangyayari o kung ginawa ko ba talaga 'yon.
Para tuloy bawat kwento nila ay papasok lang sa kaliwang tenga ko at lalabas lang sa kanan. Walang pumapasok sa isip ko, blangko lang talaga ang utak ko at tahimik na kumakain sa harap nilang apat.
"Sabi ng doktor maghinay-hinay daw tayo sa pagbibigay ng impormasyon sa kuya niyo, kaya titira muna siya malayo sa atin para 'di siya gaanong mabigla," sabi ng matandang babae kaya napatingin ako sa kaniya.
"Pero—" nakita kong tumingin sa 'kin si Dillan bago niya ituloy ang sasabihin niya, napabuntong hininga siya matapos magtama ang mga tingin namin at hindi na lang tinuloy ang sasabihin niya.
"Kakausapin ko kayo mamaya," sagot ng matandang babae sabay tingin sa akin. "Darrel anak, magpahinga ka muna sa kwarto mo at mamaya-maya lang ay ihahatid ka na namin ng papa mo sa titirahan mo," saad niya kaya tumango na lang ako at sinunod ang mga gusto nila.
Wala rin naman ako ibang alam na pwedeng gawin, wala akong kakilala sa lugar na 'to, wala akong kaalam-alam sa mga bagay dito kaya ano pa nga bang gagawin ko? Matutulog na lang ako at hihilingin na sana hindi na lang bumukas ang mga mata ko.
Pero hindi pala ganoon kadali ang bagay na 'yun.
Pagtapos ko magpahinga at pagsapit ng hapon ay inihatid na nga nila ako sa isang up and down na bahay malapit sa dagat. Nasa tapat 'to ng kalsada at may katabing iilang bahay, unting lakad mo lang ay pwede ka ng maligo sa dagat at makita ang magandang tanawin dito.
"Ate Nhing, ikaw na ang bahalang tumingin-tingin kay Darrel, lagi naman kami bibisita at tawagan mo na lang kami kung may kailangan ka, ikaw rin anak wag ka magdadalawang isip na humingi ng tulong sa kanila, siya ang nag alaga sa 'yo nung bata ka pa kaya kilala na namin siya at malapit sa pamilya," paliwanag nung matandang babae at napatingin naman ako roon sa tinutukoy niyang si ate Nhing.
Tumango na lang ako sa harap nila pero pansin ko sa mga mukha nila na sobra silang nag-aalala. Parang ayaw nila akong iwan sa bahay na 'to pero bakit iyon ang ginagawa nila ngayon?
"Lagi kang dadalhan ng pagkain ni ate Nhing mo, at dadalaw-dalaw naman kami sa 'yo. Malapit lang ang bahay natin sa isa't isa, may bike ka rin r'yan para pag gusto mong mag-ikot-ikot sa lugar ay may magamit ka pero magpapasama ka kay Kaylie," saad niya sabay turo sa anak ni ate Nhing, binata pa 'to at mukhang high school pa lang.
"Ano pa ba? Ano pa bang kailangan ng anak ko?" Panay isip nung matanda at hindi mapakali sa pag-iwan na gagawin nila sa akin.
"Ma, malaki na si kuya. Kahit nawalan ng memorya 'yan hindi na 'yan baby," biro ni Dexter na kinatawa ko pero hindi nagustuhan nung matandang babae kaya agad niyang piningot ang anak niya.
"Kahit na no! Hindi pa magaling ang kuya mo at hindi natin alam ang pwede niyang gawin lalo na't wala na—"
"Ma!" Napatingin kaming lahat kay Dillan at mukhang ayaw niyang ituloy ng kaniyang ina ang sasabihin nito. Doon napagtanto ng matandang babae ang muntikan nang lumabas sa bibig niya kaya siya nabigla sabay takip sa bibig.
"Ah pasensya na, hindi ko lang talaga maiwasan," sagot niya sabay yuko.
Tahimik lang ako at pinagmamasdan sila. Alam kong nag-aalala sila para sa akin pero hindi ko alam bakit sila ganito kaapektado at kaingat sa bawat salitang sasabihin nila sa harap ko.
"Basta anak, nakasulat na sa phone book ang mga number namin at number sa bahay, matatanaw mo mismo ang bahay namin dito kaya kung may kailangan ka ay puntahan mo lang kami doon ng mama mo," sagot naman ng matandang lalaki sabay yakap sa 'kin.
"Kuya dadalaw na lang ako pag off ko ah, papasalubungan kita," sabi ni Dexter at tumango ako at ganoon din si Dillan.
"Mag chat ka sa 'kin kung may tanong ka kuya," saad niya at kitang-kita sa mga mata nila ang pag-aalala kaya tumango na lang ako at ngumiti sa harap nila.
"Osiya, mauna na kami. Magpahinga ka na r'yan Darrel," paalala nung matandang babae at inihatid ko sila sa gate ng bahay sabay kaway sa pag-alis nila.
Tumahimik ang buong lugar nung tuluyan na silang mawala sa paningin ko, pumasok ako sa loob ng bahay at nakita kong nakasalansan na ang mga gamit ko sa kwarto.
Linibot ko ang paningin ko at miske sa bahay na 'to, wala akong alaala na makuha sa nakaraan ko.
Napatingin ako sa malaking sliding window sa kusina, nakita ko na nagsisimula na ang pagpatak ng ulan sa labas at madilim na rin.
"Iinum pa pala ako ng gamot." Napabuntong hininga ako at kinuha ang schedule na iniwan sa akin ni Dillan kasama ng lalagyan ng mga gamot ko.
Uminum ako ng isa rito at binaba ang baso sa lababo, pinatay ko na ang ilaw sa kusina at umakyat sa second floor ng bahay kung na saan ang kwarto ko pero bago ako pumasok sa pinto ay parang may nahagip ang mata kong dumaan sa peripheral vision ko.
Agad akong napalingon, takang-taka nang wala akong makita roon. Bigla tuloy ako nakaramdam ng takot, mag-isa lang ako sa malaking bahay na 'to tapos ang dilim pa. Sinabayan pa ng malakas na ulan at kulog sa labas kaya tuloy lalo akong nakaramdam ng takot.
"Ano ba naman Darrel, ilang taon ka na ba para matakot ng ganito?" Tanong ko sa sarili ko sabay iling.
Siguro duwag ako noon? Baka takot ako sa multo kaya ako ganito? Pero teka, multo ba 'yung nakita ko? O baka naman imagination ko lang or hallucination dahil sa gamot na ininum ko?
Teka? Kinakabahan ba ko? Ano ba 'tong pinag-iisip ko?
Nasapo ko ang noo ko saka pumasok sa kwarto, pinatay ang ilaw at diretsyo ng higa sa kama.
Malalim akong napabuntong hininga, pinikit ko na lang ang mga mata ko dahil hindi ko alam kung ano ba ang tumatakbo sa isip ko.
"Makakayanan ko kaya magsimula ng panibagong buhay kahit wala akong matandaan?" Tanong ko habang nag iintay na dalawin ng antok.
"Kaya mo 'yan s'yempre, ikaw pa ba?"
Kakayanin ko nga ba? Anong gagawin ko pagtapos ko magpahinga?
"Pano naman ako mag uumpisa sa sitwasyon ko ngayon?" Tanong ko sabay patong ng braso ko sa noo.
"Chill ka lang Darrel, one step at a time."
Hu? Teka...
Napalunok ako, hindi ko alam saan nang gagaling ang boses ng babaeng sumasagot sa mga tanong ko. Kabado akong imulat ang mga mata ko at tignan ang madilim na kwarto, baka kasi biglang may sumulpot sa harapan ko.
*gulp*
Marahan kong binuksan ang isa kong mata at naaninag ang isang puting sando na natatakpan ng itim na buhok. Sa gulat ko, mabilis ko ulit sinara ang mga mata ko.
Lalong gumapang ang takot ko at hindi makagalaw sa pagkakahiga ko.
Anong gagawin ko? Magtulog-tulugan kaya ako? Multo ba 'tong nasa harap ko? Bakit may multo! Sa hospital nga wala akong nakikita eh, bakit dito meron!
"Darrel? Okay, ka lang?"
Nagulat ako sa tanong na 'yun kaya bigla kong naimulat ang mga mata ko at nasindak nang makita ko siyang nakasilip sa mukha ko nang sobrang lapit.
Kitang-kita ko kung pano tumagos ang imahe niya sa kisame at sa iba pang gamit sa loob ng kwarto.
"Da-darrel?" Tawag niya sa akin habang unti-unting umiikot ang paningin ko.
"Hays naku, ano pa bang aasahan ko? Eh, multo ako." Huling salitang narinig ko sa kaniya bago ako tuluyang mahimatay sa takot.
TO BE CONTINUED