"THANK you for coming, Miss Monserrat, we'll give you a call for the result," saad ng sekretarya kay Alexa. Ganoon na ganoon ang linya ng mga transaksiyong malabo ang nagiging resulta or worst, negative.
"Sige po, ma'am. Salamat din po." Laglag ang balikat niya na lumabas ng gusali. Mukhang bigo na naman ang araw niya. Mababawasan na naman ang listahan niya ng job hirings nang walang napala.
Limang buwan na siyang naghahanap ng malilipatang trabaho at sa limang buwan na iyon ay puro paasang linya lang ang kanyang natatanggap. Halos dumugo na ang tainga niya sa paulit-ulit na dialogue ng mga ito. Hindi ba naiisip ng mga taong iyon na masyado nang gasgas ang salitang iyon? Hindi man lang sila nag-isip ng ibang masasabi.
Naisipan niyang mag-iba ng career dahil nagsawa na siya sa kakakayod sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Five years, pero isang beses lang nadagdagan ang kakarampot niyang sahod.
"Boarding house, load, pangkain. . . padala kay nanay. Kulang pa, wala na ngang pang-savings." Napabuntong-hininga siyang tiningala ang forty storeys building. "Impossible ba talaga sa akin ang makapasok sa ganitong kompanya?"
Noong natapos niya ang una niyang kontrata, dapat ay nakatanggap na siya ng annual increase pero sa halip puro lamang pangako ang narinig niya samantalang ang workload niya ay lalong nadadagdagan sa paglipas ng panahon. Tumaas na lahat ng bilihin sa bansa, ganoon din ang singil sa kuryente at tubig, pati nga sibuyas nag-shoot-up na ang presyo pero ang sahod niya, kinalawang na at hindi nakausad.
Kumalam ang sikmura ni Alexa. Alas tres na pala at tanging isang mamon lang ang kinain niya para sa tanghali. Kaya pala nakaramdam siya ng bahagyang pagkirot ng ulo kanina sa interview. Nagpunta siya sa isang kainang nangangamoy mantika, nasa ground floor iyon ng isang lumang building na gawa sa kahoy, dalawang palapag na hula niya ay ginawang tirahan ng may-ari ng karenderya ang itaas, nakikita kasi niya ang nakatayong double deck bed mula sa nakabukas na bintana. Dinampot niya ang tong na nakalatag sa itaas ng plato at namili ng malaki-laking hiwa ng fried chicken.
"Manang, ba't ang liliit?" nakangiwi niyang tanong.
"Mahal na'ng kilo ng manok ngayon, Neng, wampipti na," walang kalatuy-latoy na sagot ng matabang tindera. Hindi man lang siya sinulyapan, patuloy lang sa pagsandok ng kanin. Napaismid siya, hindi tuloy niya mapigilan ang sariling suriin ang hitsura ng babae. Nagmamakaawa ang puti nitong t-shirt sa higpit, nabibilang na niya kung ilan ang layers ng bilbil nito sa kataawan, pati na iyong sa ilalim ng dibdib. Ang buhok nitong kulot ay basta nalang tinalian ng green na lastiko na feeling niya ay galing pa sa biniling bugkot ng gulay. Ang ilang hiblang nakatakas ay dumikit pa sa noo nitong nangingintab sa pawis.
"Ang pangit nga ng pagka-chop, o," she murmured na narinig ng tindera.
"Kung ayaw mong bumili, Miss, marami pa sa unahan," sabi nito na parang nainis na.
Napaismid siya, kinuha ang breast part at nilagay sa plato. "Ito na po sa akin, Manang. Pakilagyan po ng dalawang kanin." Abot niya sa platong pinaglagyan ng manok, tumalima naman ang tindera.
Pinili ni Alexa ang maliit na lamesang kulay pula sa sulok, malapit sa backdoor. Kahit maalinsangan dahil hindi natatamaan ng electric fan ang gawi na iyon, nagkasya na lang siya kaysa makipag-share ng mesa sa ibang customer, medyo napuno kasi ang karenderya. Pumikit siya. "Thank you for the food," at sinimulang tikman ang pagkain.
'Buti nalang breast ang pinili ko, at least makapal-kapal ang laman.' Tinanggal ni Alexa ang nakausling buto saka nginatngat ang manok. 'Ang laki naman ng butong 'to...hmmn?' Tinitigan niya nang mabuti ang butong hugis letrang Y at inikut-ikot sa daliri. 'Wish bone? Ganito ba ang wish bone?' Sumilay ang ngiti sa mga labi niya. 'Wish! Let's see. . .mmm, wish bone, una sa lahat sana makahanap na ako ng trabaho. Sana at least man lang guminhawa ang buhay ko at ng pamilya ko.' Ibababa na sana niya ang buto pero may gusto pang humirit sa utak kaya, 'At sana. . .magka-boyfriend na ako!' Lihim siyang napatawa at napailing. 'Mukhang matindi ang gutom mo, Alexa, ikain mo nalang iyan.'
Nahinto ang pagnguya niya nang makita ang puting paruparo na dumapo sa handle ng kanyang bag na nakapatong sa lamesa, may dalawa din na naghahabulan palapit sa kanya. Sinundan niya ng tanaw ang mga iyon hanggang sa umabot ang tingin niya sa kisame ng kainan. Namangha siya dahil lampas bente ang nakikita niyang lumilipad na paruparo. Napapalibutan nito ang buong sulok ng kisame at lahat ay maliksing kinakampay ang mga pakpak.
'Paanong nagkaroon ng ganito karaming paruparo sa loob?' Tiningnan niya ang mga tao sa paligid ngunit base sa kilos at kawalan ng reaksiyon ng mga ito ay mukhang hindi napapansin ng mga ito ang nakikita niya.
Nawiwirdohan man, pinili na lang niyang balewalain ang nasaksihan at muling hinarap ang plato ngunit napakapit siya sa mesa nang biglang yumanig nang malakas ang buong paligid. Dahil doon ay nagkagulo ang mga tao, pati ang mga sasakyang dumadaan sa labas ng karenderya ay naghintuan din.
"Lindol! Lindol! Humawak kayo!" Sigaw ng lalaking customer. Ang konkretong poste na nasa harap lang ng karenderia ay natumba. Sa lakas niyon ay hindi na nila nagawang tumakbo pa palabas ng gusali dahil kahit isang hakbang ay hindi nila magawa kaya nagkasya na lang sila sa paghawak sa anumang matitigas na bagay para hindi mabuwal. Ang tindera ay pinipigilang bumagsak ang estante nitong pinaglagyan ng plato at baso.
Napatingala si Alexa nang lumangitngit ang kisame, pagkagimbal ang sunod na bumalot sa kanyang mukha. By instinct, agad siyang yumuko at itinabon ang mga braso sa ulo. Dahil tuluy-tuloy ang pagguho niyon, wala nang nagawa ang lahat nang tuluyan na silang matabunan ng parte ng gusali.