"SOFIA, lilinisin natin ang garden ngayon." Inabot ni Alexa ang gulok na hiniram sa matandang kasambahay na si Carmen.
"Masyado yata kayong na-engganyo sa hardin na iyon, Señorita."
"S-siyempre, sa mama ko iyon. Gusto kong buhayin ang mga halaman na nandoon, gusto kong buhayin ang alaala ni Doña Felistine," saad niya na binuksan ang pintuan ng kuwarto at lumabas.
"Señorita, noong isang araw ay hinanap ko kayo sa buong mansion pero hindi kita matagpuan, maging sa hardin ay wala ka, may pinagkakaabalahan ba kayo na hindi ko nalalaman? Maaari mong sabihin sa akin nang makatulong ako."
"Actually Sofia. . ." pabulong na mas inilapit ni Alexa ang sarili dito. "Nagkikita kami ni Diego."
Marahas ang paghugot ng hangin ni Sofia sa narinig at inaasahan na niya iyon. "Señorita, ano ang inyong iniisip?! Bakit ninyo nagawa ang bagay na iyan? Sa pagkakaalala ko ay pinagsabihan na kita na delikado ang makipag-usap sa mga Velez!"
"Shhh. . .huwag kang maingay! Napakabait niya sa akin, Sofia, hindi niya ako pinakitaan ng kahit na anong masamang pagtrato. In fact, gustung-gusto ko siya."
"Kung makakarating ito sa kaalaman ng pamilya mo ay hindi ko alam kung ano ang maaari nilang gawin."
"Kaya sinasabi ko sa iyo ito dahil pinagkakatiwaan kit--" Naputol ang pagsasalita ni Alexa dahil lumangitngit ang pintuan sa likuran niya. Isa iyon sa mga guest rooms at wala namang umuokupa kaya kumpiyansa siya na walang makakarinig ngunit mukhang malaki ang pagkakamali niya.
"Maya? Anong ginagawa mo sa silid na iyan?" tanong ni Sofia sa kinse anyos na dalaga, anak ito ni manang Carmen na tumutulong-tulong sa mansyon kapag walang eskuwela.
"M-magandang umaga po, Señorita," nakayukong bati nito dala ang supot ng basura. "Kinolekta ko po ang mga basura sa mga silid."
Puno ng pagkabahalang napatingin si Alexa kay Sofia saka binalingan ang batang hindi pa rin umaalis sa harap nila, for some reason hindi rin ito makatingin nang diretso sa kanila.
"Sige, Maya, ipagpatuloy mo na ang ginagawa mo," saad ni Alexa at sa malalaking hakbang ay bumaba ang bata sa hagdan.
Nang hapong iyon, muli ay maingat na tinahak ni Alexa ang daan ng hardin palabas sa lupa ng Velez dala ang mabigat na loob dahil nag-aalala pa rin siya na baka narinig ni Maya ang sekreto niya. Malaki ang posibilidad na sasabihin ng bata ang natuklasan sa ina.
'Kilalang matabil ang bibig ni Manang Carmen dito sa hacienda, Seniorita, kaya mag-iingat ka. Siya ang isa sa hindi mo gugustuhing makakaalam ng isang sekreto. Ang sabi-sabi ay masyadong sensitibo ang tainga at bibig niya pagdating sa mga usap-usapan,' Nakakapanlumo ang sinabi ni Sofia.
Napaaga ng ilang minuto ang pagdating ni Alexa sa batis kaya nagpahinga muna siya sa malaking bato. Napalingon siya nang makarinig ng kaluskos ng halaman sa hindi kalayuan.
"Diego? Nandito na ako." Dumaan ang ilang sandali pero walang kahit na anino ni Diego ang kanyang nakita sa halip ay isang payat na lalaki ang lumabas sa malabon na damuhan.
"S-sino ka?" Nakakaloko ang ngisi na nakaguhit sa mukha ng bagong dating.
"May dagang Monserrat ang naligaw sa kaharian ng lion." Kilala siya ng lalaki? Sigurado siyang isa ito sa tauhan ng mga Velez! "Siguradong malaki ang magiging pabuya na mapapasa-akin sa oras na maibigay kita sa mga Velez." Hindi niya mapigilang kabahan nang makita ang malaking itak na nakasabit sa tagiliran ng lalaki.
"I-inaasahan ako ni Juan Diego Velez dito."
"Nakakatawang biro iyan, Señorita." Pailalim ang tinging ipinukol ng mukhang manyakis na lalaki habang humahakbang palapit sa kanya. Nagmukha itong demonyo na handang kumain ng kaluluwa sa paningin niya.
"Huwag kang lalapit! Sisigaw ako."
Humalakhak ito. "Sisigaw? Sa palagay mo ay may ibang tao sa lugar na ito? Nasa dulo tayo ng lupain, Señorita, masukal ang daan patungo dito kaya walang ibang nagtutungo dito. Malaya akong gawin sa iyo ang nais ko, bago kita isuko sa mga amo ko."
Agad na tumakbo si Alexa sa bilis na kanyang makakakaya ngunit hadlang ang mga halaman na nagkalat sa paligid kaya hindi pa man siya nakakalayo ay naabutan na siya ng lalaki.
"Diego!"
Saklot nito ang braso niya at pilit siyang niyayapos pero nagawa niyang humarap dito at tadyakan ang gitna ng mga hita nito. Namilipit sa sakit ang lalaki at pahigang bumagsak sa damuhan. Sinamantala niya ang pagkakataon para bumalik sa pinanggalingan. Siguradong hindi na siya hahabulin nito sa loob ng lupain nila.
Lakad-takbo ang ginagawa ni Alexa habang hinahawi ang mga halamang nasasagasaan niya, panaka-nakang nililingon ang humahabol. Napatili ang dalaga nang sa pagharap ay bumunggo ang maliit niyang katawan sa matigas na dibdib, agad pumaikot ang mga braso nito sa katawan niya.
"Bitiwan mo 'ko! Bitiwan mo 'ko!" Buong lakas siyang kumawala sa hawak nito.
"Alessandra! Huminahon ka, si Diego ito!" yugyog sa kanya ni Diego.
". . .Diego?" Tuluyan na siyang yumakap at humagulhol sa dibdib nito. Rinig pa rin niya ang sariling tibok ng dibdib na puno ng hilakbot.
"Ano ang nangyari? Bakit ka tumatakbo?" puno ng pag-aalala nitong tanong.
"M-may tao. May tao, Diego. Gusto niya akong. . .hinahabol niya ako. May dala siyang itak!"
"Saan mo nakita ang lalaking humabol sa iyo, Alessandra?"
"Ano'ng gagawin mo? Huwag mong puntahan!"
"Huwag kang matakot, Alessandra, teritoryo ko ito. Hindi ko hahayaang may sinumang manakit sa iyo habang nasa lupain kita."
Hindi magawang bumitaw ni Alexa sa yakap ni Diego kahit habang binabagtas nila ang pinagmulan.
"Sino ang nandiyan?!" sigaw ni Diego sa maawtoritadong tono. Maya-maya lang ay lumabas ang lalaking may ngiwi pa sa mukha, paika-ika itong naglakad palapit sa amo. "Aurelio?"
"Señor Diego, patawarin po ninyo ako. Hindi ko po alam na nasa pangangalaga ninyo ang dalagang Monserrat. Ang plano ko po talaga ay isuko siya sainyo kapag nadakip ko siya."
"Alam mo bang maaari kitang parusahan sa pananakit mo sa aking panauhin?"
"H-huwag po, Señor! Huwag ninyo po akong parusahan, Maawa po kayo sa aking pamilya. May maliliit pa po akong supling."
Niyuko ni Diego ang babae na nasa mga bisig. Hindi alam ni Hana kung paano tutugunin ang lalaki kaya umiwas na lamang siya ng tingin.
"Hahayaan kitang makauwi ng walang natatanggap na parusa, Aurelio. Ngunit hindi ko palalampasin kung maulit ang bagay na ito. Walang sino mang maaring manakit sa babeng ito, naiintindihan mo?"
"O-opo, Señor. Salamat po. Patawarin po ninyo ako, Señorita."
"Maaari ka nang umalis, Aurelio," utos ni Diego sa tauhan. Tumalikod naman agad ito para makaalis na pero hindi nakaligtas sa kanya ang kagyat na pag-iba ng ekspresyon ng mukha ng tao, nagbalik ang angas sa mga mata nito.
"Nasaktan ka ba? May masakit ba sa iyo?"
"Ayos lang ako. Salamat, Diego, salamat at dumating ka. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Takot na takot ako."
Pinaramdam ulit ng binata sa kanya ang mainit nitong yapos. "Patawarin mo ang huli kong pagdating. Wala sanang masamang nangyari sa iyo kung maaga akong nagpunta sa batis."
"No. Wala kang kasalanan, Diego."
"Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung nasaktan ka, Alessandra."
Inihilig ni Alexa ang ulo sa katawan ng lalaki at sinamyo ang nakakaliyong natural nitong amoy. Being with him is heaven, the greatest part of her insane dream na hindi niya alam kung kailan magtatapos. Sana huwag muna, ngayong malapit na sila ni Diego, sana maranasan pa niya kung paano mahalin ng taong ito. She could hear his heart rigidly thumping against her ears, para iyong musika na nagpapakalma sa loob niya.
"I love you, Diego. . ." she whispered thinking it wasn't audible enough pero napatunayan niyang mali ang akala niya nang ikulong ng lalaki ang mukha niya sa makalyo nitong palad at siilin siya ng mapusok na halik.