BAKAS sa mukha ni Julia ang lubos na kasiyahan nang imulat ang mga mata. Nilingon niya ang relo sa dingding para tingnan kung ano'ng oras na.
5:10 pa ng umaga.
Iniwan niya ang relo at tinitigan ang lalaking katabi. Mukhang napasarap ang tulog nito matapos ang sensuwal na sinaluhan nila kagabi. Rinig niya ang mabining hilik ng binata. Nakadapa si Ali sa malapad na kama at nakabaling sa kanya ang mukha. Pagkatapos ng unang bahagi kagabi ay nasundan pa ng isa sa bandang hating-gabi pero kagaya ng unang sinabi nito, hindi pa rin siya nito tuluyang kinuha. Sa pagkakataong iyon, lumipat na sila sa malaking silid.
Totoo ba ang lahat ng nangyari? Baka nanaginip na naman siya.
Inangat niya ang kumot at sinilip ang nakatago sa ilalim niyon. Napakagat siya ng labi nang makita ang pareho nilang hubad na katawan.
Totoo nga!
Tumagilid siya paharap dito at hinagkan ang ulo ng lalaki. Nilaru-laro ang may kapusyawang buhok gamit ang mga daliri.
"I love you. . ."
Dahil mabigat pa ang talukap, muling ipinikit ni Julia ang mga mata at hinanda ang sarili sa isang magandang panaginip.
6:08 AM
Nakatukod ang kaliwang braso ni Ali sa dingding habang hinahayaang bumagsak sa katawan ang maligamgam na tubig na nagmula sa shower. Sumilip ang dugo sa mga buko ng kamay niya. Sanhi iyon ng pagkakatama ng kamao sa puting tiles na nasa dingding. Ilang beses pa niyang pinatamaan iyon ng kanyang suntok hanggang sa magmanhid na ang buo niyang kamay. Ang dugo na nagmula roon ay humalo sa tubig papunta ng sahig.
Lubos na sakit at paghihirap ang makikita sa anyo ng lalaki. Ang kung sinuman na nakatanaw ay malalamang labis ang pagbagsak ng kanyang luha kahit na nga ba natatakpan iyon ng tubig--dahil sa namumulang mga mata. Pati ang kanyang balikat ay walang tigil sa pagyugyog.
Inihilamos niya ang kamay sa mukha at sa pagbabakasakaling mapahinto niyon ang paglikha ng mainit na likido sa mga mata.
***
"Manang?" tawag ni Julia sa kasambahay.
"O, Julia. Mukhang tinanghali ka na ng gising, a. Napuyat ka siguro sa eskuwela kahapon."
Napangiti lang siya at napakagat ng itaas na labi. Kung alam lang nito kung ano ang nangyari kagabi. Gusto niyang mamula sa naalala. Nabalot na naman ng kaligayahan ang puso.
"Si Ali po, nakaalis na ba? Hindi po kasi ako ginising."
"Oo, kanina pa, maaga. Mga alas siyete siguro. Hindi nga nakapag almusal 'yon, e."
"Hmmn, sige po. Maliligo na rin ako."
Kinagabihan, puno ng galak ang loob na umuwi nang maaga si Julia. Pero wala pa sa bahay si Ali pagkarating niya.
Marahil ay pauwi na. Na-traffic lang. Kaninang umaga, habang nasa eskuwela siya ay ilang beses niya itong pinadalhan ng text message pero kahit seen ay hindi ginawa. Kahit ang sinabi nito noon ay huwag siyang tatawag basta-basta sa oras ng trabaho, sinubukan niya pa rin ng isang beses. Pero nakalimang ring na siya ay hindi pa rin sumagot.
Baka may surprise. Napangiti siya.
Hindi muna siya kumain ng hapunan dahil plano niyang magsabay na sila nito ngunit naghatinggabi na ay hindi pa ito nakakauwi.
Nagsimula na siyang mag-alala. Baka kung ano na ang nangyari sa lalaki.
"Manang, nag-text ba sa iyo si Ali tonight?" tanong niya nang dumungaw ito mula sa sariling kuwarto pagkatapos niyang katukin.
"Oo, tumawag kaninang hapon. Ang sabi male-late siya ng uwi."
"Bakit daw po?" nagsimula na siyang makaramdam ng tampo. Bakit naman nagawa nitong tawagan si Manang pero siya ay hindi. Kung may surpresa ito, ganoon ba talaga ka-confidential?
Habang nakaupo sa sala at hinihintay ang pagdating ng lalaki ay inaalala ni Julia ang mga pinagsaluhan nila noong isang gabi. Muli napakagat-labi siya sa nararamdamang kiliti sa puso.
Mahal na mahal niya talaga si Ali. At ngayon ay napatunayan na niyang mahal din siya nito.
Naputol ang pag-iisip ni Julia nang marinig ang tunog ng napakapamilyar na makina ng kotse sa labas ng bahay.
Ali!
Sinulyapan niya ang orasan sa dingding ng kusina bago tinungo ang main door. Ala-una bente singko.
Ilang hakbang pa lang ang nagawa niya nang tumunog ang lock ng pinto at bumukas iyon.
Paano niya ba sasalubungin ito ngayong iba na ang relasyon nila? Paano ba kumikilos ang isang girlfriend o. . . asawa? Yayakapin niya ba? O hahalikan at sasabihan ng 'welcome home'? Iyon kasi ang nakikita niya sa movies.
Why not?
Mas lumapad ang pagkakangiti ni Julia nang sumungaw ang kaliwang braso ni Ali dala ang isang kumpol ng pulang roses. Sa laki niyon ay kailangan pang buksan ng lalaki ang pinto nang maigi.
'Sabi ko na nga ba. Humanda ka sa 'kin mamaya.'
Pero kung gaano kasaya ng ngiti niya buong araw ay ganoon naman kadali iyong nabura nang sumabay sa pagpasok sa pinto ang isang matangkad na babaeng nakapula ng damit.
"Hi Julia!" Matamis ang ngiti nitong lumapit sa kanya at nakipagbeso-beso. "Ang tagal na nating hindi nagkita."
Mula sa mukha ng babae ay lumipat ang tingin niya kay Ali na madilim ang mukhang lumiko sa kaliwa patungong kuwarto. Hindi siya kinausap o tinapunan man lang ng tingin.
"Ang laki mo na, ang ganda pa."
Nilingon nito ang lalaki saka ibinalik ang mga mata sa kanya.
"Teka lang ha, we'll talk again tomorrow. Nice seeing you again, Julia. Goodnight!" anito na sumunod sa kuwarto ni Ali at isinara ang pinto. She could hear the clicking sound of the door lock.
'Anong nangyayari?'
Hindi kayang gumana ng utak ni Julia. Tila iyon nasa kadiliman na kahit silip ng isang napakaliit na ilaw ay wala. Naiwang siyang tila madiing ipinako sa kinatatayuan. Ni paggalaw ng ulo para sundan ang mga ito ng tingin ay hindi niya magawa.
Nang sa wakas ay unti-unting nabuo ang imahe at mga salita sa kanyang isip ay lumukob ang matinding lamig sa kanyang katawan. Na wari ay nakatapat siya sa bunganga ng nakabukas na aircon. May kuryenteng dumaloy sa kanyang likod paitaas hanggang sa kanyang batok. Nangangatog ang buo niyang katawan lalo na ang mga kamay na nakababa lang sa gilid.
'Ali?'
Ang sunod na naramdaman ni Julia ay ang pag-init ng kanyang mga mata at pagsakit ng kanyang dibdib.
Anong ginagawa ni Phoebe sa bahay nila? At sa kuwarto nila ni Ali?
Kahit na nagbabadya ang mga tuhod niyang mabuwal ay humakbang pa rin siya palapit sa pintuan ng kuwarto. Nang mapatapat ay napapitlag siya nang marinig ang pagkalabog ng kung anong bagay sa loob niyon. Kasunod ang boses ng babae.
"Ali. . . Oh, Ali. . . fuck me hard!"
At humalo doon ang ungol ng isang lalaki.
Napaatras si Julia. Nanlaki ang hilam sa luhang mga mata at tinakpan ang bibig ng kamay. Tila nakakita ng karumaldumal na tanawin.
Nang bumangga ang likuran niya sa pintuan ng sariling kuwarto ay kaagad niyang pinihit ang siradura niyon at pumasok. Isinara at diniinan ang lock.
Kahit na nasa loob siya ay abot pa rin ng kanyang pandinig ang nang-aakit na boses ng babae. Wari ay gusto nitong ipaalam sa buong mundo ang tamis ng isang pagniniig.
Sa matinding sakit na nadama ay napahilig siya sa pader ng silid. Sa tuwing dumadaing ang babae ay mas lalong binibiyak ang kanyang puso. Kakaiba ang sakit na ipinabatid ng dalawa sa kanya ngayon. Naidasal na niya na sana ay bumiyak ang lupa at lamunin siya nang buo, o mahimatay na lang siya at paggising ay wala nang alaala pa. Sa nanghihinang tuhod, padausdos ang dalaga na naupo sa sahig. Hawak parin ng palad ang bibig at nakalamukos ang isang kamay sa dibdib. Ang luhang walang tigil sa pagdaloy ay naghalo na sa tubig na inilikha ng ilong at binasa na ang buo niyang kamay. Hindi na niya ininda ang panlalagkit ng gitna ng mga daliri.
Muling napakislot si Julia nang bigla ay may lumagabog na naman mula sa kabilang kuwarto. Mas lalo niyong pinalakas ang hikbi sa kanyang mga labi.
Sa madilim na sulok ng kanyang kuwarto, naghalo ang tunog ng impit na iyak at sensuwal na daing ng dalawang babae.