Chapter 21 - Epilogue

AFTER nine months

Larawan ng purong kaligayahan ang paligid. Ang tila puno ng mahikang pagkalat ng sikat ng araw ay nagbibigay buhay sa sinuman madampian nito. Ang mga punong kahoy na umiindayog sa saliw ng malamig na hangin ay tila mga mananayaw na masayang pinagdiriwang ang ganda ng buong tanawin. Ang sabay na pag-awit ng mga ibon at kulisap na nakakalat sa kakahuyan ay nagdulot ng ligaya sa dalawang pusong naroroon. Pati ang galaw ng tubig sa tuwing humahalik at yumayakap sa mga bato ay nang-iimbita para tikman ang lamig na hatid niyon sa katawan. Lahat ng iyon ay isang kayamanang hindi matatawaran ng kahit anong salapi o ginto.

"Masaya ka ba?" tanong ni Alvaro na hinagod ang pisngi ni Alexa gamit ang likod ng palad. Ang lamlam sa mga mata niya ay nagpapahiwatig ng pagmamahal na mas makapangyarihan sa anumang bagay.

Ngumiti ang babae.

"Masayang-masaya. Ang ganda naman dito. Paano mo nahanap ang lugar na ito, e, masyadong tago." Muli binusog ni Alexa ang paningin sa kaakit-akit na paligid. Nakaupo ito sa malaking bato na nakatayo sa gilid ng batis. Ang dulo ng dilaw na damit ay dumadampi na sa lupa.

"Nagpunta na tayo dito, Alessandra."

"Huh? Kailan? Wala akong maalala."

"Sa panaginip. Sa panaginip kung saan tayo unang nagkakilala. Dito kita unang nalapitan, nakausap, nahawakan at minahal. Dito ako nangako sa iyong mamahalin ka magpahanggang kailan. . . At dito ko ulit gagawin iyon. Alessandra, Alexa, o kung ano man ang magiging pangalan mo sa mga susunod na buhay. Mamahalin at hahanapin kita. Ikaw lang. Gagawa tayo ng panibagong alaala na purong masaya.

"Hmn. . . Mahal din kita, Alvaro. Kahit na anong pangalan pa ang itawag mo sa akin," anang babae na napangiti."

Hinugot ni Alvaro ang bagay na kanina pa nakaumbok sa maong niyang pantalon at humakbang paatras saka tiniklop ang dalawang tuhod sa harap.

"Will you please. . . accept me as your husband? Marry me, Alexa."

Napahigpit ang hawak ni Alvaro sa kahetang asul na naglalaman ng isang singsing na may malaking sukat ng diyamante sa gitna. May namumuo pa ring agam-agam sa dibdib niya na baka hihindian ulit siya ng babae. Pero gaya ng sinabi niya, kahit na umiling pa rin ito ngayon, handa siyang maghintay at mantiling magmamahal dito.

Tahimik na nakatitig si Alexa sa kumikislap na bato na nasa harapan. Tila pinag-iisipan nito kung ano ang magiging pinakamagandang sagot. Pareho silang natigilan at napasinghap si Alexa nang mula sa kung saan ay may dumapong puting paruparo sa ibabaw ng kaheta at nanatili iyon ng ilang sandali. Kasabay ng paglipad ng paruparo ay nagbitiw si Alexa ng kanyang sagot.

"Yes, Alvaro. I will marry you."

Sa sobrang galak ay nanlupaypay na ibinaba ni Alvaro ang kamay. Tila nawalan siya ng nubenta porsiyento lakas sa katawan sa ilang segundong paghugot ng hininga habang hinihintay ang sagot nito. Natatawang inabot siya ng babae at tinulungang makatayo.

"I love you, Alvaro," ang sabi nito na dinampian siya ng halik sa labi.

"I love you more, Alexa. Te quiero mucho."

Wakas