KINABUKASAN, mag-aalas kuwatro na ng hapon ngunit hindi parin nakakahanap ng tiyempo si Alexa para pumuslit ng bahay. Hindi niya inakala na magiging abala pala ang karaniwang araw ni Alessandra. Kailangan pa siyang gisingin ni Sofia nang maagang-maaga para simulan na ang mahabang araw.
Sa umaga ay nagpunta sa masyon nila ang maestro ng piano. Namangha siya sapagkat nang makaharap niya ang malaking piano ay kusa na lamang gumalaw ang kanyang mga daliri para tumugtog ng musika. Para bang kabisadung-kabisado kung saan ang wastong notang tipain. Ang tanging piano na nahawakan niya ay ang laruan niya noong gradeschool kaya imposibleng makatugtog siya ng buong kanta. Pagkatapos ba ng panaginip na ito, maaalala pa niya ang tumugtog ng piano?
Nang matapos ang tatlong oras na piano lesson ay nananghalian siya kasama ang Doña. Ang Don at si Joselito ay maagang umalis ng bahay para asikasuhin ang ilang parte ng hacienda at hapon na ang balik. Iyon ang nalaman niya kay Sofia.
Pagkahapon naman ay bumisita ang isang mananahi ng damit para sukatan silang magpamilya. Dahil kukuhanan daw sila ng family photo.
Pagkatapos na pagkatapos ng picture taking ay kaagad na tinalunton ni Alexa ang pasilyo ng bahay papunta sa likod. Dumaan na ang sampung minuto matapos ang alas kuwatro kaya kailangan niyang magmadali dahil baka hindi na niya maaabutan si Diego sa tagpuan. Kapag nagkataon, baka iyon na ang una at huli nilang pagkikita. Iyon ang hindi niya gugustuhin. He's just too delightful in the eyes for a one time encounter.
"Alessandra." Literal siyang napatalon sa gulat nang marinig ang sambit ni Joselito. "Lalabas ka ng bahay?" Nakangiti man pero bakas sa mga mata nitong sumusuri sa kanyang suot na bestida ang pagtataka. Sa palagay naman niya ay hindi masama ang relasyon ng dalawa dahil sa paraan ng pagtrato ng lalaki sa kanya sa dalawang beses na pagkikita. Wala siyang nahihimigang pagkukunwari. Warm and genuine din ang mga ngiting binabato nito, hindi kagaya ng sa ina nito.
"S-sa labas lang. Maglalakad-lakad, gusto kong makasagap naman ng preskong hangin at"--inilabas niya ang papel mula sa dalang handbag--"umandar ang gana kong gumuhit." Iyon ang naisipan niyang props in case mahuli nga siya.
"Pagguhit? Natutunan mo ba iyan sa Amerika?"
"Kamakailan lang, Joselito. A month before I returned from the States, nag-enrol ako ng short course class for drawings."
"That's quite a hobby. Lalo ngayong nandito ka na sa probinsiya, maraming magagandang tanawin sa paligid. I can't wait to take a glimpse at your masterpiece, Alessandra."
"Hmm, iyon din ang naisip ko."
"Siya, sana ay mahanap mo ang iyong inspirasyon dito sa hacienda. Sana ako ang unang makasilip sa iyong mga obra."
"Siyempre naman. Sige, aalis na ako," aniyang tumalikod agad para makaalis na sa harap nito.
"Alessandra. . ." Napigil ni Alexa ang hininga bago nilingon ulit ang lalaki.
"Wild beasts are everywhere, take care." Isang tango lang ang sinagot niya bago muling tumalikod at lumabas ng bahay.
Bago pumasok sa lumang garden ay pinagala muna ni Alexa sa paligid ang tingin para siguraduhin na hindi siya nasundan ni Joselito o walang nakakita sa kanya.
'Malapit ang Señor Joselito sa iyong ama, Señorita, dahil maliban sa ito ang katulong nito sa pagpapatakbo ng hacienda ay parang anak na rin kung ituring siya ng Don. Lalo na noong nasa Amerika ka pa. Kaya kung ano man ang bagay na umabot sa pandinig ni Señor ay siguradong hindi makakaligtas sa kaalaman ng Don,' naalala niyang sabi ni Sofia.
Mula sa hardin ay tinahak ulit ni Alessandra ang daan patungo sa batis. Makalipas ang kulang-kulang kinse minutos ay narating niya ang sadya. Agad niyang natanaw si Diego na tahimik na nakaupo sa malaking ugat ng puno katabi ang kabayo nito. Nang marinig nito ang kalukos ng mga halaman ay napatayo itong tumanaw sa gawi niya.
"Buenas tardes, Señorita," nakangiting bati ng lalaki, mukhang masaya sa muli nilang pagkikita.
"Magandang hapon."
Lumapit ito at inalalayan siya palapit sa gilid ng batis. "Ang buong akala ko ay hindi kana makakarating."
Pinaupo siya ni Diego sa ugat ng punong-kahoy na inukopa nito kanina at kumuha ng malaking bato para doon lumipat.
"Bakit mo naman nasabi 'yan?"
Nagkibit-balikat ang binata. "Wala ka bang naririnig tungkol sa akin?"
Napatungo si Alexa. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong nito. Hindi ba masyadong sentitive ang bagay na iyon? Baka kung saan pa hahantong ang topic nila. Pero mukhang seryoso itong naghihintay ng kasagutan niya kaya wala siyang choice kundi tanggapin ang usapan.
"Diego, t-totoo ba ang pinaratang nila sa iyo?"
"Depende kung ano ang mga narinig mo."
Pumitas si Alexa ng dahon sa halamang nasa paanan niya at nilaru-laro iyon sa kamay. She has to somehow divert the tension rumbling inside her chest.
"Pinag. . . bantaan mo raw ang pamilya namin. . ." She intentionally stared at his deep seated eyes para basahin kung ano ang magiging reaksiyon nito. Tuloy natuklasan niya na mahahaba ang makurba nitong pilik-mata.
Ilang segundong katahimikan ang dumaan bago nagsalita ang lalaki. Hindi puna ni Alexa na pigil niya ang kanyang hininga habang hinihintay ang sagot nito.
"Totoo iyon."
Parang binagsakan ng malaking tipak ng bato ang dibdib ng dalaga sa narinig. She can't stop her heart from thumping. Pero kung totoong masama ang layunin ng taong ito sa kanya ay dapat hindi na siya pinalaya pa noong una palang nilang pagkikita.
"Kung gayon. . . dapat ba akong matakot sa 'yo? Sasaktan mo ba ako?" Napahigpit ang paghawak niya sa dahon kaya napunit iyon.
"Nunca, Alessandra," mabilis nitong iling na parang alam na nito noon pa kung ano ang isasagot. Aaminin ni Alexa sa sasarili na gumaan ang kaninang naninikip niyang loob sa deklarasyon nito. "Hinding-hindi ko magagawa sa iyo iyon." Malamlam ang mga tingin na ipinukol nito sa kanya kaya napangiti siya sa kaginhawaan. "Malalim ang hindi pagkakaunawaan ng ating pamilya. Maging ako ay hindi maipapangakong hindi gagawa ng hindi maganda sa oras na mayurakan ang aming dangal. Pero hindi iyon sapat na rason para idamay ang isang walang kamuwang-muwang na kagaya mo, para lang mapanindigan ang karangalan. . . Natatakot ka ba sa akin?"
Umiling siya.
"Sa totoo niyan, nagpapasalamat ako dahil kahit pumasok ako sa lupain ninyo nang walang pahintulot, hindi mo ako sinaktan at tinulungan mo pa akong makauwi. Actually, hindi ko alam na hindi na pala ito parte ng hacienda Monserrat. Basta ko lang sinundan ang tunog ng batis."
Tumango lamang ito. "Huwag mo nang alalahanin iyon, simula ngayon ay malaya ka nang magtungo sa kahit saang parte ng lupaing ito. A, may dala akong kaunting pagkain," anitong tumayo at pinuntahan ang nakataling kabayo. May kinalikot sa sako ng harina na nakatali sa gilid niyon at pagkabalik ay may bitbit nang supot. "Nagluto ang ina ng suman. Kumakain ka ba ng ganito?"
"Siyempre naman! Paborito ko iyan lalo na 'pag may mainit na tsokolate. "
"Sa kasamaang palad ay tubig lang ang dala ko ngayon," ngisi nito. Inilatag ang supot at plastik na botelya sa bato at kumuha ng isa, binalatan at inabot sa kanya.
"Salamat. Okay lang naman kahit walang tsokolate, masarap pa rin ito."
"Kumusta na ang iyong sugat?"
"A, nagamot na, may kaunting kirot pero medyo okay na."
"Alessandra, sa susunod, mag-iingat ka sa paglalakad-lakad mo. Iwasan mo ang sumuong sa masukal na kagubatan lalo kapag nag-iisa. Mabuti at ako ang nadatnan mo rito dahil kung nagkataon na ibang tauhan namin iyon ay hindi ko masisiguro ang iyong kaligtasan. Malaki ang hidwaan ng mga Monserrat at Velez, kaya pati mga tauhan ng dalawang lupain ay hindi rin maayos ang pakikitungo sa isa't-isa."
"Okay. . . tatandaan ko."
Napag-alaman ni Alexa na bente sais na ang edad ni Diego. Nagtapos ng business course sa Maynila at ito ang kasalukuyang namamahala sa lupain ng pamilya dahil hindi na kaya ng ama nito. Ang isa sa magandang balitang nakalap niya sa mahigit isang oras nilang pagsasama ay wala pa itong asawa o nobya.
Unlike the first encounter, mas natutukan ni Alexa nang maigi ang hitsura ni Diego sa ilalim ng panghapong sinag ng araw.
Parang mas naging darker ang moreno na nitong kutis dahil sa pagkakabilad sa init ng araw. Hindi malayong mangyari iyon sa nature ng trabaho nito. Ang buhok nitong mas maitim pa sa gabi ay tila kay sarap haplusin at laru-laruin sa gitna ng mga daliri. Kung kahapon ay malaya iyong nakalugay, ngayon ay maayos na nakatali sa likod ng ulo ng binata. Matangos ang ilong at prominente ang mga labi, mukhang may lahing foreigner. Ang tanging kapintasan na nakita niya dito ay ang maliit na peklat sa kaliwang kilay na kung tutuusin ay nakadagdag ng appeal sa hitsura ng lalaki.
"May problem ba sa anyo ko, Alessandra?" Nahuli pala ang pasimple niyang pag-assess sa hitsura nito kaya agad siyang napayuko at hinarap ang suman para itago ang pagkapahiya niya.
"A-ah, w-wala. Wala naman."
Yumugyog ang mga balikat ng kaharap sa pigil na tawa. Gusto na ni Alexa na maglaho nalang bigla sa harap nito na parang bula kaya tumayo siya para sa pag-alis.
"S-sandali. . ." ang init ng mga palad nito na ngayon ay nakahawak sa kamay niya ay gustong magpatunaw sa kanyang puso. Kailanman ay hindi niya nabibigyan ng pansin ang temperature ng kamay ng mga kakilala niya noon. "Nagbibiro lamang ako, huwag kang umalis. Hindi mo pa natatapos ang iyong suman, ubusin mo muna iyan at ihahatid kita pauwi sa mansyon."
Nasundan pa ng ilang beses ang lihim na pagtatagpo ng dalawa. Masaya si Alexa sa tuwing magkikita sila ni Diego. Ang kabaitan, ang pagiging natural na gentleman, ang mga banat nitong biro paminsan-minsan, hinahangad niya iyon araw-araw. Kung magtuluy-tuloy ang ganoong pagsasama nila ng lalaki ay sigurado siya na mahuhulog ang kanyang puso dito.