Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Love and Switch (Tagalog)

πŸ‡΅πŸ‡­Mai_Chii
21
Completed
--
NOT RATINGS
149k
Views
Synopsis
Panganay si Carmen, maganda at sexy ang problema lang, masama ang ugali. Si Charlotte naman ay isang average teenager girl na mahiyain. Dahil sa kasamaan ni Carmen isang sumpa ang pinataw sa kanila ng Dark Witch na si Switch. Sa alternate nilang pagpapalit ng katawan magugulo ang takbo ng buhay nila. Mahanap nga kaya nila ang lunas sa ginawang sumpa ng mangkukulam na si Switch? Mabago nga kaya ng sumpa ang masamang pag-uugali ni Carmen? Matagpuan kaya nilang magkapatid ang tunay at wagas na pag-ibig? Ang dalawang lalaki na nga kaya sa buhay nila ang magiging susi upang makawala sa sumpa? Ang Act of true love and a true love’s kiss ang makakatanggal sa sumpang? Ito ang kwentong may β€˜Love and Magic’
VIEW MORE

Chapter 1 - Kabanata – I : Carmen and Charlotte

ILANG araw na akong ganito, pumapasok sa opisina ni Ate Carmen. Office staff si ate sa isang pribadong kompanya sa Makati.

"Magandang umaga, Ms. Carmen!" bati ni Kuya Erning.

Siya ang masipag na janitor ng kompanya. "G-Good morning po, Kuya Erning," nakangiti kong sagot.

Ang lahat ay masayang nagbabatian, sinasalubong ang umagang kay ganda. Lahat sila ay tinatawag akong 'Carmen' ang totoo niyan hindi talaga ako si Ate Carmen. Habang nasa loob ng elevator, hindi ako mapakali. Bakit kasi kailangan pang mangyari ang bagay na ito sa aming dalawa ni ate.

Last month pagkatapos namin magsimba ni ate sa Baclaran may lumapit na matanda. Nanghihingi siya ng limos, pangkain lang daw sabi niya. Ang kaso itong si ate nagtaray, sinungitan ang matanda! Tapos itinulak ito nang malakas. Muntik nang humandusay sa sahig ang matanda sa ginawa ni ate. Hindi namin alam naβ€”

"Pare, pinakulam yata ako ni misis, ang sakit ng katawan ko!" biglang nagsalita 'yung katabi kong lalaki.

Kaharap niya 'yung lalaking office staff din tulad ni ate. Sumagot 'yung lalaki. "Hindi totoo ang mangkukulam! Ang sabihin mo, may hang over ka na naman!" malokong sagot nang kausap niya.

Akala nila hindi totoo ang mangkukulam? Nagkakamali sila. Totoo ang mangkukulam. Kaya nga kami ni ate nagkaganito dahilβ€” sinumpa kami ng mangkukulam!

Hindi namin alam ang matandang iyon pala ay isang mangkukulam. Noong araw na iyon, may nilabas na dalawang manika ang matanda. May orasyon siyang binanggit pagkatapos bigla niya kaming hinablutan ng buhok ni ate.

Nagulat kami ni ate nang biglang kumaripas nang takbo 'yung matanda. Nang hinabol namin ni ate biglang naglaho ang matanda. Kinabukasan pagkagising namin, napasigaw kami sa gulat. Nagkapalit ang aming katawan!

Bumalik kami sa dati nang sumunod na araw. Akala namin isang araw lang 'yung pagpapalit ng katawan namin, hindi pala. Alternate kaming nagpapalit ng katawan ni ate.

At dahil dito hinanap namin muli ang matanda. Makailang beses na kaming bumalik sa Baclaran. Pinagtanong pa nga namin ang matandang iyon subalit… wala, bigo kami.

Kaya habang hindi pa namin alam ang gagawin, pansamantala muna kaming magpapanggap at hindi ipapaalam sa iba ang katayuan namin ni Ate Carmen.

Bumukas ang elevator. Pumasok ako sa loob ng opisina. Nakarating din ako sa cubicle ni ate may: personal computer at tambak na papeles na nakapatong sa mesa.

"Carmen, tapos na ba ang pinapagawa ko sa 'yo?" tanong sa akin ni Sir Henry.

Siya ang supervisor ni ate sa HR department. Mabuti na lang at tinuruan ako ni ate sa bahay kung ano ang dapat kong gawin dito.

"O-Opo Sir Henry tapos na po," magalang kong sagot.

"Very good! Siya nga pala, pinapatawag ka ni President Valdez."

Si Mr. Valdez? Hala! Bigla akong kinabahan. Ano na naman ang kailangan sa akin ni Mr. Valdez? Pangatlong beses na niya akong pinatawag at kinausap sa opisina niya. Siya ang presidente ng kompanya. Sabi ni ate nag-iisang anak daw siya ni Mr. Chairman ang may-ari nitong 'Victory Corporation'. Sa tuwing nasa katawan ako ni ate, pinapatawag niya ako. Iniisip ko tuloy kung ano'ng namamagitan kay Ate Carmen at Mr. Valdez?

Agad kong tinungo ang opisina ni Mr. Valdez, huminga muna ako nang malalim saka kumatok. Binuksan ko ang pinto saka pumasok sa loob.

"G-Good morning po, Mr. President?" Ginala ko ang tingin sa paligid. Parang wala yata siya. Humakbang ako pasulong nang biglangβ€”

"Ikaw pala! Halika!"

"P-President!" sigaw ko.

Nagulat ako nang tapikin niya ako sa balikat mula sa likod. Nasa labas pala siya kaya walang tao sa opisina. Kinakabahan ako sa tuwing kausap ko siya, dahil siguro sa agwat ng edad namin sa isa't isa. Boss siya ni ate kaya hindi ako maaaring gumawa ng kahit ano'ng ikakapahamak niya. Relax ka lang dapat Charlotte!

Ang kaso, para akong malulusaw tuwing napapatingin ako sa maamo niyang mukha. Mahinahon siya kung magsalita, pumapasok sa isip ko ang bughaw na langit sa tuwing magkausap kaming dalawa. Hay! Ang gwapo ni Mr. Valdez, siguro may girlfriend na siya.

"Excuse me? Okay ka lang?" taka niyang tanong.

"H-ho?" Nagulat ako sa pag-finger snap niya.

Grabe nakakahiya, sandali ko lang siyang nasilayan natulala na agad ako. Paano ba naman ang kisig niya at mukhang kagalang-galang ang dating. Sa tuwing nasa katawan ako ni ate, nakikita ko siyang malinis at hmm… ang bango-bango niya.

"Kanina pa ako nagsasalita rito mukhang hindi ka naman nakikinig, Ms Carmen Montreal?" seryoso niyang tanong.

Naupo siya sa swilve chair tapos sumandal. Pinatong ang dalawang kamay sa mesa saka pinaikot-ikot ang hawak na ballpen sa daliri.

"Sorry po Sir," paumanhin ko.

"Never mind! May ipapagawa lang ako sa 'yo kaya kita pinatawag. Tutal ayaw mo naman makinig sa akin, ipapadala ko na lang ang mga ito kay Mr. Choi."

"O-Okay po, paumanhin po ulit," nahihiya kong sagot.

Napailing si Mr. Valdez ng ulo. Senenyasan niya akong makakaalis na ako ng opisina. Grabe, kinabahan talaga ako nakakahiya! Hindi naman siguro ako sesermonan ni Sir Henry Choi kapagbinigay na niya ang mga papeles sa table ko.

***

NATAPOS ang araw ko sa trabaho ni ate, umuwi ako ng bahay pagod na pagod. Gusto ko nang humilata sa kama ko. Nang datnan ko sa kuwarto si Ate Carmen. Bigla akong nainis sa nakita ko.

"A-Ate? Ano'ng ginawa mo sa kuwarto ko?!" Laking gulat ko nang makita ko ang hitsura ng kuwarto ko.

Nagkalat ang mga damit ko kung saan-saan. Nakahiga siya sa kama ko. Samantalang may sarili naman siyang kuwarto! Pinakaayaw ko pa naman sa lahat ay 'yung nagugulo ang ayos ng mga gamit ko.

Sa inis ko kay ate nasigawan ko siya. "Ate!!" Tumingin lang sa akin saka ngumiti.

Napansin ko ang nakasalpak sa tainga niya. Kaya pala ayaw sumagot, nakikinig pala ng music sa cellphone niya. Nilapitan ko siya at inagaw ang cellphone sa kamay.

"Hoy!!" sigaw ni ate.

"Kanina pa kita kinakausap. Ang sabi ko ano'ng nangyari sa kwarto ko? Mukhang dinaanan ng bagyo?" inis na tanong ko.

"Sus, para 'yan lang? Eh, di linisin mo! Akin na nga 'yan!" pagsusungit ni ate.

"Ayan, dahil sa masama mong pag-uugali kaya isinumpa tayo ng mangkukulam!" pabalang kong sagot kay Ate Carmen.

Minsan hindi na talaga matiis ang masamang ugali ng nakatatanda kong kapatid. Dalawa na nga lang kaming magkapatid at magkasama dito sa bahay, ganyan pa siya. May tatlong taon na ang nakakaraan nang mamatay sa aksidente ang mga magulang namin. Si Ate Carmen ang nagsumikap upang mabuhay kami at makaraos sa araw-araw.

Siguro, dahil na rin sa nangyari sa mga magulang namin kaya naging masungit si ate. Kailangan niyang maging matapang para sa aming dalawa. Pero, kahit na! Hindi pa rin rason 'yun para gumawa siya ng masama sa kapwa! Nangingilid tuloy ang luha ko. Kagat-labi at napapasinghot. Bigla niya akong tinapik sa ulo.

"S-Sorry na! huwag ka nang umiyak, alam mo namang ayaw na ayaw kong makita kang umiiyak." Kinuskos niya ang ulo ko at nag-sorry siya sa akin.

Agad akong napangiti. "Sabi ko na, hindi mo ako matitiis." Napangisi ako.

Kung mayroon mang maganda sa karakter ng ate ko? Iyon ang pagiging ate niya sa akin. Ramdam ko na inaalagaan niya talaga ako. Nawala tuloy ang pagod ko mula sa mahabang trabaho sa opisina.

"Tara ate, tulungan mo na akong linisin itong mga ikinalat mo."

"Magaling ka rin talaga umarte, noh?"

"Teh-heh!" Ngiti ko.

Wala siyang nagawa kundi tulungan akong magligpit. Pinagmamasdan ko si ate habang siya ay nasa katawan ko. Kitang-kita ko ang katawan ko na burara kumilos. Hay! Pero, nakakainggit din itong katawan ni ate.

Si Ate Carmen, may: mahaba, tuwid, makintab at blonde hair. Nagpakulay siya ng buhok kasi uso raw sa trabaho. Ang katawan niya: sexy, malaki ang dibdib, matangkad pang-model ang tindig, maputi at makinis ang kutis.

Sinalo na niya ang kagandahan sa mundo. Kinukuha nga siya ng talent agency para mag-artista, kaso ayaw niya. Okay na raw sa kanya ang trabaho niya. Ang mahalaga nakakaraos kami at napapag-aral niya ako. Ito ang isang bagay na maipagmamalaki ko sa kanya. Masipag siyang magtrabaho.

Ang katawan ko naman ay katawan ng isang grade 10 student. Mala-kawayan sa payat at flat chested. Pareho naman kaming maputi ni ate. Itim na itim ang buhok ko, mahaba at medyo kulot. Palagi kasing naka-pony tail ang buhok ko.

Ngayon ko lang lalo napagmasdan ang katawan ko. Masasabi kong cute naman ako pero, hindi kasing ganda ni ate. May mga pekas pa ang mukha ko samantalang makinis kay ate.

Hay! Miss ko na pumasok sa school nang tuloy-tuloy. Gusto ko na makasama ang best friend kong si Aleyah at makita ang crush kong si Luke. Gusto ko nang bumalik sa dati kong katawan!

Napapasigaw tuloy ako sa isip ko. Nang biglang bumukas ang pinto. Tuloy-tuloy sa pagpasok si ate at naupo sa kama ko.

"Hoy! Ano'ng nangyayari sa 'yo?"

"Ate, libre ang pagkatok bago pumasok!" pilosopo kong sagot.

"Sira! Gusto ko lang malaman kung iniingatan mo ang katawan ko. Sinasabi ko sa 'yo huwag kang kakain ng junkfoods!" paalala niya.

"Iniingatan ko naman 'tong katawan mo, Ate. Ako nga itong kinakabahan baka kung ano-ano nang ginagawa mo sa school ko?!"

Hindi niya ako sinagot. Tumayo siya saka sumilip sa pinto saka ngumisi bago tuluyang isinara ang pinto. Napakamot tuloy ako sa ulo ko. Nakakahinala si ate. Naku po! Wala sana siyang ginawang kalokohan. Hindi tulad sa mga napapanuod kong pelikula. Nagkakapalit ang katawan ng mga bida. Ang mahirap kasi sa amin ni ate, alternate ang pagpapalit namin!

Nalalaman ko kaagad kapag may ginawa siyang kalokohan sa school. Tulad kahapon pagpasok ko, nalaman ko na lang na nakipagtarayan pala siya sa senior ko. Hay! Hiyang-hiya talaga ako.

Kakaisip sa mga kalokohan ni ate sa school, bigla akong napahikab. Inaantok na ako, mabuti pa matulog na ako! Bukas babalik ulit kami sa dati naming katawan.