Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 20 - Kabanata - XX : Bound by Love

Chapter 20 - Kabanata - XX : Bound by Love

NAGTUNGO ako sa Bundok Banahaw kung saan nakatira ang kaibigan ni Switch, isa ring mangkukulam, isa sa pitong makapangyarihang witch ng Alemeth. Hindi ko pa siya personal na nakikita pero matalik daw niya itong kaibigan, medyo sugapa lang daw sa alak.

Pagdating ko pa lang sa paanan ng bundok sinalubong na ako agad ni Ervine, umakyat kami patungo sa liblib na kagubatan sa loob ng bundok. Namangha ang mga mata ko sa natuklasan, isang apartment sa gitna ng bundok? Mahiwagang apartment daw ito at hindi nakikita ng mga ordinaryong tao.

May magic barrier na nakapalibot sa apartment kaya hindi ito nakikita ng mga taong dumarayo sa Bundok Banahaw. Ang pangalan ng apartment na ito ay 'Ozai's Secret Apartment' ipinangalan sa anak ng kaibigan ni Switch.

Dumaan daw sila sa lugar na ito upang sunduin ang kaibigan ni Switch, ang pangalan niya'y Helldigart. Kung si Switch ang dark witch si Helldigart naman daw ang white witch.

"Sabay silang babalik sa Alemeth, may importante silang gagawin doon, matatagalan pa raw ang pagbabalik nila sa mundo ng mga tao, Charlotte… sasama ako kay mamita! Sasama ako sa kanila!" pagdidiin ni Ervine.

"Alam ko, sinabi mo na sa akin ito noon pa, alam kong hindi na kita mapipigilan dahil ito ang pinili mong landas." Nginitian ko siya para hindi siya mag-alala.

"Siya na ba ang girlfriend mo, Ervine? Binatang-binata ka na talaga, hahaha!" Tawa nang babaeng kasama ni Switch.

"Hoy, huwag mo ngang asarin 'tong alaga ko! Marami pa silang pagdaraanan upang mapagtagumpayan ang relasyon nila."

"Seryoso mo naman, Switch! May anak-anakan din naman ako, 'iyon nga lang sumalangit na siya. Pero may bago naman akong anak-anakan ang bagong tagapamahala ng apartment!"

"Oh, siya tama na, may sariling kuwento ang buhay ng anak-anakan mong 'yan, hindi nila ito story okay?"

"Ikaw talaga! Oh siya tara na! Abangan na lang nila ang kuwento ni Catalina!"

"Ah, siya ba 'yung bago mong anak-anakan? Mukhang may makakasabay itong si Ervine sa pag-aaral sa Alemeth, ah!"

Nagpaalam nga sa akin si Ervine na sasama siya upang ipagpatuloy ang pag-aaral ng witch craft sa ilalim ni Switch. Ngayon ko lang din napag-alaman na mayroon pitong makapangyarihang witch sa Alemeth sila ang tinatawag na "The Seven Deadly Witch" kung bakit? hindi ko alam. Basta ang alam ko ngayon ay magtutungo sila roon upang ipasok sa witch academy ang mga napili nilang apprentice. Iyon ang target ni Ervine ang makapasa at maging isang makapangyarihang witch gaya ni Switch.

Sabay nilang dalawa binanggit ang magic spell, lumiwanag ang paligid gumuhit sa hangin ang bilog na portal, nag-uumapaw ang lakas ng mahika nilang dalawa. Ganito ka lakas ang kapangyarihan ng dalawang ito, ano pa kaya ang natitirang limang witch?

"Charlotte, paumanhin kung sinumpa ko kayo ng ate mo dahil sa akin kaya nagkagulo ang buhay ninyong magkapatid—"

"Hindi! Wala po akong nakikitang mali sa ginawa n'yo po! Dahil sa sumpa natutunan ni ate ang magmahal, naging mabuting tao siya salamat po!"

"Mabuti kang bata, Charlotte maswerte si Ervine sa 'yo, pasensya ka na kung kailangan ko munang ilayo sa 'yo ang mahal mo. Hayan mo, bantay sarado ang binatang 'to sa akin!"

"M-Mamita!" saway ni Ervine kay Switch. "Babalik ako, hindi ko lang alam kung hanggang kailan basta babalikan kita, huwag mo kalimutang mag-aaral nang mabuti at huwag kang magpapaligaw sa… ibang lalaki."

"Opo, tatay!"

"Sira!" Pinitik niya ang noo ko saka ngumuso.

"Pangako, hihintayin ko ang pagbabalik mo, Ervine."

"Paalam muna sa ngayon, Charlotte. Mag-iingat ka, ingatan mo ang sarili mo at huwag magpapakapagod. Sa 'yo muna ito, ikaw na muna ang humawak n'yan."

Ibinigay niya sa akin ang pocket watch na may picture ng mga magulang niya. Alam kong mahalaga sa kanya ito.

"Pangako, iingatan ko 'to, hanggang sa muli mong pagbabalik… mahal kong Ervine…"

Umihip ang malakas na hangin, banayad na dumadampi sa aking balat. Dama ko ang lungkot sa paligid, ayaw papigil ng mga luha ko sa mga mata. Kahit pigilan ko kusa silang umaagos sa pisngi ko. Nauna nang pumasok ang dalawa sa portal, bago tuluyang umalis pinahiran ni Ervine ang mga luha ko sa magkabilang pisngi. Damang-dama ko ang init ng palad niya na nakadampi sa mukha ko. Ma-mi-miss ko ang lahat sa kanya.

At sa huli, dinama namin ang parehong labi ng isa't isa. Isang halik ng pamamaalam pero, hindi rito nagtatapos ang lahat. Maghihintay ako hanggang sa bumalik siya, kahit na magkalayo kami ang mga puso namin ay magkaugnay. Unti-unti ko siyang pinagmasdan hanggang sa tuluyan na siyang lamunin ng liwanag ng portal.

"Hanggang sa muli mahal ko… nandito lang ako, maghihintay sa 'yo!" sigaw ko. Naniniwala akong magkakaroon din kami sa hinaharap ng isang 'Happily ever after!'.

Sa ngayon gagawin muna namin ang lahat ng mga bagay na dapat naming gawin. Ang tunay na pag-ibig, nakapaghihintay sa tamang panahon.

***WAKAS***