NAKAUPO ako sa silya, hinainan ng meryenda ni Ervine. Nandito ako sa mahiwagang tahanan nila, tahanan na walang nakakapasok kundi silang may taglay na mahika. Nasa katawan ako ni Ate Carmen, mabuti at day off niya ngayon habang wala naman kaming pasok sa school dahil may meeting ang mga teacher.
"Mabuti at hindi ka naiirita d'yan sa katawan ng ate mo," mahinahong sabi ni Ervine habang nililigpit ang platitong pinaglagyan ng meryenda.
"Sanay na ako, ilang buwan na kaming ganito ni Ate Carmen," sagot ko.
Napatango siya saka sinubsob ang mukha sa ibabaw ng lamesa. Mukhang inaantok pa si Ervine, nagpaiwan kasi ako rito sa bahay nila habang nagso-shopping si ate sa mall.
"Charlotte, sama ka?" tinatamad niyang tanong.
Umakyat si Misha sa lamesa, malambing na inamo-amo si Ervine. Magiliw namang hinimas ni Ervine si Misha sa ulo, halatang mahal na mahal niya ang alaga nilang pusa.
"Saan ka ba pupunta?"
Excited kong tanong habang pinagmamasdan ang paglalaro nilang dalawa ni Misha. Dinidilaan ni Misha ang kamay ni Ervine, ang sweet nilang mag-amo.
"Sa tindahan ni mamita diyan sa kanto ng simbahan, may maliit kaming tindahan. Nagtitinda si mamita ng mga kakaibang bagay, magic potion, charm, pangontra sa evil spirits at kung anu-ano pa," paliwanag ni Ervine.
"Ah, sige! Mukhang interesante ang tindahan n'yong iyan. Ano nga palang pangalan ng shop n'yo?" usisa ko.
"Switch Craft!" tipid niyang sagot.
Agad kaming nagtungo sa 'Switch Craft' ang tindahan nila ng mga samot-saring magic item. Nakakailang dahil nasa katawan ako ni ate, ang tangkad ko tingnan. Ipapamili raw ako ni ate ng bagong damit, ayaw kasi niya sa damit kong pangmanang at wala sa uso. Hanggang ngayon ayaw pa rin sabihin sa akin ni ate ang tungkol sa kanila ni Mr. Valdez, ano nga kaya ang namamagitan sa kanilang dalawa? Kaya siguro palagi akong pinapatawag sa opisina ni Mr. Valdez dahil gusto niyang makasama at makita si Ate.
"Okay ka lang? Mukhang malalim ang iniisip mo?" biglang tanong ni Ervine.
"O-Okay lang ako, naalala ko lang bigla si Ate." Nginitian ko siya't naglakad kaming muli.
Hanggang sa makarating kami sa magic shop nila, namangha ako sa kakaibang ayos ng mga paninda sa loob. Palinga-linga ako sa paligid, inuusisa ang mga bagay na tinitinda nila sa loob ng Switch Craft.
"Oh Ervine, kasama mo pala ang babaeng nakalunok ng pakwan," mapang-asar na tawa ni Switch.
Bigla lang siyang sumulpot kung saan, mabuti at walang nakakita sa kanya. Kaya niyang magpalit anyo, pero ngayon nakapagtatakang nasa tunay siyang anyo. Isang maganda, sexy at matangkad na babae. Nakausot siya ng itim na balabal, bumabalot sa buong katawan. Ang buhok niya'y kulay ginto, kumikinang kapag tinatamaan ng liwanag.
"Madam Switch, si Charlotte po ito," pakilala ko na nasa katawan ni Ate.
"Alam ko, niloloko lang kita! Nakita ko na naman kasi 'yang boobs ng Ate mo, hindi ka ba nabibigatan diyan?"
Lumapit siya saka hinawakan ang dibdib ko sa gulat ko'y napahiyaw ako. "Kyaah! M-Madam huwag po!" mahalay kong sigaw.
"Hoy! Manyak na mangkukulam itigil mo nga 'yang ginagawa mo kay Charlotte!"
"Heh, ba't namumula ka? Gusto mo ikaw ang gumawa?" tukso ni Switch sa namumulang si Ervine.
"Tsk, baliw!" Isnab niya sabay talikod.
"Oh? Mas gusto mo ang tunay na katawan ni Charlotte, ano?" Malokong ngisi ni Switch kay Ervine.
"Ewan ko sa 'yo, manyakis na mangkukulam!" Lumapit si Ervine sa mga paninda nila at kanya itong inayos.
Sa wakas tinanggal ni Switch ang kamay niya sa dibdib ni Ate. Ano ba 'tong naramdaman ko, kakaibang kiliti para tuloy akong naiihi. Ba't kasi ang laki ng dibdib ni Ate, kung nandito lang si Ate sigurado—
"Ano'ng ginagawa mo sa katawan ko?!" sigaw ng isang babae.
Nagulat kami nang makarinig nang malakas na sigaw, kapapasok lang sa loob ng dalagitang umuusok ang ulo sa galit.
"A-Ate?!" gulat ko nang makita ko si Ate Carmen.
"Kanina pa kita tinatawagan hindi ka sumasagot, nandito ka lang pala sa tindahan ng manyak na mangkukulam na 'yan!!"
Nanggagalaiti sa galit si Ate, mukhang nakita niya ang ginawa ni Switch sa katawan niya. Napapangisi na lang ako dahil alam kong hindi rin kasundo ni ate itong si Switch. Parang wala naman atang kasundo itong si ate, lahat 'ata kaaway niya.
"Oh? Nandito na pala ang may ari ng bouncy boobs!" Ayan na naman ang malokong tawa ni Switch.
Napagitnaan nila akong dalawa, sasabog 'ata ang tainga ko sa boses ng dalawang 'to. Dahan-dahan akong lumayo sa kanilang dalawa, tuloy pa rin ang bangayan nila.
"Manyakis na mangkukulam, ibalik mo na kami sa dati!!" sigaw ni ate.
Lumapit ako kay Ervine, abala siya sa pag-aayos ng mga paninda nila sa estante. Nang marinig ko siyang magsalita. "Hindi importante kung malaki man o maliit, hindi iyon big deal, mas gusto ko pa rin ang babaeng… may kabutihang taglay sa puso."
Nang banggitin niya ang mga katagang iyon, biglang kumilos ang kamay ko't mahinhin kong hinawi ang buhok ko sa likod ng tainga. Inayos ko ang aking sarili sabay napatakip sa mukha. Bigla akong kinilig sa mga sinabi niyang iyon, may mga lalaki pa rin talagang hindi tumitingin sa pisikal na anyo ng babae kundi sa kalooban nito.
"Hoy, ano'ng nangyayari sa 'yo?"
"Ha? W-Wala naman… may sumagi lang sa isip ko."
Napansin ko ang hawak niyang maliit na bote, ang cute! May pulang likido sa loob. Nang ilagay ni Ervine iyon sa estante, napansin ko ang iba pang mga boteng may laman, iba-iba ang kulay ng likido sa loob.
"A-Ano 'yan?" tipid kong tanong.
Kinuhang muli ni Ervine ang boteng may pulang likido sa loob, kinuha rin niya ang isa pang bote may berdeng likido.
"Ang pulang likidong ito ay love potion at ang berde ay luck potion," aniya.
Napansin kong mas kakaonti na ang love potion kaysa luck potion, siguro mas marami ang bumibili ng love potion. Marami tagala ang gustong magkaroon ng forever.
"Teka, paano gumagana ang mga iyan?" usisa ko.
"Itong love potion ihahalo mo lang sa inumin o pagkain ng taong gusto mong mainlab sa 'yo, itong luck potion, iinumin ito ng taong gustong tumaas ang swerte sa buhay. Pero binabalaan namin lahat ng bumibili nito, hindi kasi 100% gumagana ang potion." Muli niyang binalik ang dalawang potion sa estante saka muling nagpaliwanag, "Gagana lang ang mahika sa kabutihan, kung mabuti ang hangarin mo gagana ito, kung gagamitin mo ito sa kasamaan at panlalamang sa kapwa balewala ang mahika maaaring kaparusahan pa ang makamit mo kaysa sa katuparan ng kagustuhan mo."
Napatitig ako sa mukha ni Ervine, napangiti ako nang hindi ko namamalayan. Kanya itong napansin. "Ba't nangingiti ka diyan?"
"Wala naman, naisip ko lang… mabuting tao ka, Ervine."
May kung ano sa kilos ko na hindi ko maipaliwanag. Agad niyang inilihis ang tingin sa ibang derekyon, natutuwa talaga ako tuwing nilalabas niya ang pagiging mahiyain niya. Suplado man ang hitsura niya, may tinatago pa rin siyang karisma. Ang kakatuwang reaksyon niya sa tuwing namumula siya sa hiya, sadyang nakakatuwa.
"Siya nga pala, lilinawin ko lang sa 'yo ang isang bagay…"
Sandali siyang nahinto, malalim niya akong tinitigan. Naging seryoso ang tinig niya nang muli siyang magsalita.
"Huwag kang maiinlab sa akin! Maliwanag?!"
Isang kutsilyo ang sumaksak sa puso ko nang marinig ko ang sinabi niya. Deretsahan niyang sinabi na huwag akong maiinlab sa kanya? Napaatras ako saka tumalikod sa kanya.
"A-Ano bang sinasabi mo? A-Ako maiinlab sa 'yo? M-malabo, h-hindi ikaw ang tipo ko!" nauutal kong sagot sa kanya.
"Mabuti't nagkakaintindihan tayo, ayokong umasa ka—masasaktan ka lang!" mariin niyang litanya.
Para akong tinutusok ng karayom, ang sakit-sakit. Nanginginig ang labi ko't hindi ko magawang magsalita. Napansin ko ang suot kong kwintas, ang Crystal of Truth. Sinasabi nito ang katotohanan sa tunay kong nararamdaman. May bahid ng itim na kulay ang ilalim nito, hinawakan ko ito saka tinakpan upang hindi niya mapansin.
"Charlotte, ayos ka la—"
"Oo! Ayos lang ako, huwag kang mag-alala!" Pigil ang emosyon ko sa harap ni Ervine.
Pakiramdam ko'y nadudurog ang puso ko sa mga sandaling ito. Kailangan ko nang umalis ano mang oras siguradong iiyak na ako! Kinalabit ko si Ate Carmen, senensyasang umuwi na kami. Nauna akong lumabas ng magic shop nang malungkot.
"Lottie! A-ano'ng nangyari sa 'yo?!" nag-aalalang tanong ni Ate habang naglalakad kami.