Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 7 - Kabanata - VII : Carmen's Love

Chapter 7 - Kabanata - VII : Carmen's Love

HINDI ako umimik hanggang sa makauwi kami ng bahay, nakahawak pa rin ako sa kwintas at tahimik na nagtungo sa aking kuwarto. Nakakapanghina, ba't ko nararamdaman ang ganito? Walang laman ang isip ko kundi si Ervine. Umasa yata ako sa pinapakitang kabutihan ni Ervine. Hay!

"Lottie, ano bang nangyayari sa 'yo?" Pumasok sa loob ng kuwarto si Ate.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ni ate. Hindi ko naman magawang masabi sa kanya na broken hearted ang kapatid niya.

"Lottie…"

Bigla niya akong niyakap nang mahigpit. Ramdam ko ang init na bumabalot sa yakap ni Ate. Tahimik lang ako't pinapakiramdaman siya.

"Pasensya ka na kung hindi ko nasabi sa 'yo ang tungkol sa amin ni Alejendro," malumanay niyang sabi.

Tinutukoy niya si Mr. Valdez? Napaka-casual naman niyang banggitin ang pangalan ni Mr. Valdez. Ngayong gabi pinagtapat sa akin ni ate kung sino si Alejandro Valdez sa buhay niya tahimik ko siyang pinakinggan.

"Naging kaklase ko si Alejandro simula first year hanggang fourth year high school. Matalino siya at gwapo natural lang na maraming magkagusto sa kanya. Samantalang ako, hinahabol ng palakol ang grades! Kaya ni minsan hindi sumagi sa isip ko na magkakagusto siya sa akin. Well, alam ko naman na maganda talaga ako at marami ring nanliligaw sa akin noon. Pero isang araw, nagulat ako nang bigla siyang magtapat sa akin sa rooftop ng school. No'ng mga panahong iyon, napag-tripa-an ko lang talaga siya. Hanggang sa maka-graduate kami wala akong paramdam sa kanya. Inisip ko na lang na break na kami kahit wala kaming formal break up. Ang kaso, tadhana nga naman nagkita kaming muli sa in-apply-an kong trabaho at anak pa siya mismo ng may-ari ng kompanya!"

Napabuntong-hininga nang malalim si Ate saka muling nagsalita, "Alam mo, hindi na sana ako tutuloy sa trabaho kaso, iniisip kita. Dahil wala na sina mommy at daddy paano tayong dalawa? At isa pa, mataas ang sweldo at maraming benefits na binibigay ang kompanya. Kaya tumuloy pa rin ako at hayun nga… hindi ako nakaiwas sa mga tanong ni Alejandro kung bakit bigla kaming nawalan ng komunikasyon. Hindi ko masabi sa kanya na niloloko ko lang siya noon. Hanggang sa, nagtapat siyang muli at sinabi na… gusto niyang iayos ang lahat sa amin. Pumayag ako kasi mukhang seryoso talaga siya pero, nahuli ko siya! May kasamang babae sa mall, magkaholding hands pa at ang ngiti ng babae? Abot tenga!"

"Sigurado ka bang, may relasyon sila no'ng babae? Baka naman kapatid?"

"Ano ka ba, nag-iisa siyang anak wala siyang kapatid! At saka, may babae bang kakapit sa braso ng lalaki kung walang namamagitan sa kanila?"

"Kaya galit ka kay Mr. Valdez? Ni hindi mo man lang inalam kung sino 'yung babae?"

"Hindi na kailangan! Women's intuition!"

"Kaya simula noon, wala na. Tapos na! Kahit kailan hinding-hindi na ako maniniwala sa kanya! Kung kailan handa na akong maging seryoso saka siya..."

"Ate, ikaw itong nan-trip sa kanya no'ng high school, hindi ba't ang tawag d'yan ay karma?"

"Hindi noh! At saka, high school pa ako no'n!"

"Kahit na, palaging sinasabi nina mommy na kapaggumawa tayo ng kasamaan sa kapwa babalik din ito sa atin, maaaring doble pa! Tulad ngayon, isinumpa tayo!"

Matapos namin mag-usap ni Ate, bumalik siya sa kanyang kuwarto. Napansin ko kanina may kulay itim ang kwintas ni ate ganoon din ang kwintas ko, hindi ko masabi sa kanya kinakabahan ako sa maaaring mangyari sa amin. Hindi na yata matatanggal ang sumpa sa amin ni Ate Carmen.

***

TAMBAK na naman ang gawain ko rito sa opisina ni ate, kinakabahan ako sa school, ano na naman kaya ang gagawin ng mabait kong ate. Kalat na kalat sa school ang pagkakaroon ko ng dual personality. Baka sa susunod i-request na nilang dalhin ako sa mental, hay!

"Guys, ayusin n'yo ang mga sarili n'yo may bisita si President Valdez!" utos ni Sir Henry.

Pinalakpak niya ang kamay saka kami pinatayo lahat, tiningnan isa-isa kung malinis at maayos ang pananamit, pati ang cubicle inusisa kung malinis ang mga ito. Sino kayang bisita ni Mr. Valdez? Baka isa sa mga client, ba't naman dadaan pa rito? Pwede naman dumeretso sila sa opisina niya.

"Carmen! Ayusin mo 'yang buhok mo, ano ba 'yang head band mo sa ulo? Ano ka grade school? Tanggalin mo nga 'yan, paki ayos 'yang lipstick mo lampas sa labi mo, naku! Wala ka na naman sa sarili mo, sino ka bang sumasapi sa katawan ni Carmen!" napapailing na sermon ni Sir Henry.

Palibhasa wala akong kaalam-alam sa pag-papaganda kaya heto, nagmumukha akong nene sa harap nila. Kinuha ko 'yung salamin sa bag saka inayos ang lipstick sa labi ko, tinanggal ko ang head band sa ulo, sayang paborito ko pa naman ito. Mayamaya'y bumukas ang pinto sinalubong ni Sir Henry si Mr. Valdez kasama ang isang magandang babae.

Nakakapit sa braso ni Mr. Valdez, maganda at sosyal ang dating, class at elegante ang suot, natutulala ako sa ganda niya. Miztesa at matangkad, halatang may banyagang dugo dahil sa tangos ng ilong at natural na kulay ng buhok.

"Argenta ito ang HR department, siya si Mr. Henry Choi ang supervisor."

Pinakilala ni Mr. Valdez si Sir Henry sa babaeng tinawag niyang Argenta.

Inabot ni Sir Henry ang kanyang kamay upang makipagkamay kaso, inisnab lang ito ng babae saka kumapit sa braso ni Mr. Valdez. Bago lumabas ng pinto napansin ko ang pagsulyap sa akin ni Mr. Valdez. Napapaisip tuloy ako kung si Ms Argenta ang babaeng nakita noon ni ate na kasama niya. Kung sa bagay, napakaganda at class ang dating nitong si Ms Argenta kumpara kay ate. Maganda rin naman si ate, kaso magaslaw kumilos.

"Hmp! Hindi ko gusto ang pinsan ni Mr President, akala mo kung sinong kagandahan!" Pagsusungit ni Sir Henry. Nakapamewang na iniiling ni sir ang ulo niya.

Nabanggit nga pala sa akin ni ate na itong si Sir Henry, allergic sa mga babaeng sosyal at matapobre. Nasabi sa akin ni ate na, kasapi sa ikatlong henerasyon itong si Sir Henry, in short bading.

"Uhm, pinsan pala siya ni Mr. Valdez? Pero bakit kung makakapit siya parang more than cousin sila?" usisa ko, habang maiinit pa ang dila ni Sir Henry.

"Hay naku! Kalat na sa opisina ang habol ng babaeng iyon kay Mr President, palibhasa kapit na kapit kay Mr Chairman ang babaeng 'yun!" pagmamataray ni Sir Henry.

Lumalabas ang tunay na pagkatao ni Sir Henry sa pinapakita niyang inis kay Ms Argenta. Kinuha niya ang tambak na papeles saka tumingin sa akin, muling nagsalita.

"Adopted cousin ni President Valdez si Ms Argenta, inampon ang babaeng iyon ng kapatid ni Mr Chairman, siya ang gustong maging asawa ni Mr Chairman para sa nag-iisang anak niya. Syempre para hindi lumabas ang grasya, sila-silang magkakamag-anak na lang ang makikinabang 'di ba?" chika ni sir.

"Oh siya, balik sa trabaho, tapos na ang palabas!" Pinalakpak ni Sir Henry ang kamay niya't sinenyasan kaming bumalik sa kanya-kanya naming trabaho.

Bumalik ako sa upuan ko, habang nagtitipa sa computer nasaisip ko si ate, ano kaya ang magiging reaksyon niya kung siya mismo ang nasa kalagayan ko ngayon. Mukhang malabo nga silang magkaroon ng relasyon ni ate, malayong-malayo ang mundong ginagawalan nila ni Mr. Valdez.